Sentro ng palahian ng mga kambing at tupa, itatatag
Ito ay makaraang maaprubahan ng komite ang HB01809 na inihain nina Pampanga Reps Gloria Macapagal-Arroyo at Camarines Sur Rep Diosdado Arroyo na naglalayong itatag ang Philippine Small Ruminants Center sa ibat-ibang bahagi ng bansa na kung saan ang pinakasentro ay matatagpuan sa CLSU o Central Luzon State University sa Nueva Ecija at magtatayo rin ng mga satellite center sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Macapagal-Arroyo na malaki umano ang maitutulong ng batas na ito sa magsasaka, higit sa lahat sa maliliit na magsasaka, na magkaroon ng de-kalidad na lahi ng kambing at tupa sa murang halaga dahil layon nito na magkaroon ng programa at tamang sistema kung papaanong mapapaunlad ang industriyang ito.
Layunin din umanong hikayatin ng panukalang ito ang mga maliliit na magsasaka na palaganapin at paunlarin ang kanilang negosyo upang dumami ang napagkukunan ng karne, gatas, at fiber na mula sa kambing, tupa at iba pang maliliit na hayop, upang matugunan ang pangangailangan kahit sa kani-kanilang probinsiya lamang.
Ayon sa kanya, mahalaga umano ang mga hayop na ito sa maliliit na magsasaka at malaking tulong din daw ang nagagawa nito sa pagpapaunlad sa sektor ng pangsakahan ng bansa at kung maisasaayos lamang ang programa hinggil dito ay maaari na itong mapagkunan ng kabuhayan ng mga mgasasaka.
Nakakalungkot lamang umano na sa kabila ng mga kahalagahan ng maliliit na hayop na ito at ang malaking silbi nila sa aspeto ng agrikultura ay hindi ito nabibigyan ng sapat na atensiyon ng pamahalaan tulad ng importansiyang naibibigay sa baka at kalabaw.