Tuesday, March 01, 2011

Pagdadagdag sa sweldo ng mga guro, sinusuportahan

Marami na ang mga mambabatas na nagnanais maitaas ang sweldo ng mga gurong nagtuturo sa pampublikong paaralan sa bansa.

Inihain ngayon ni ACT Teachers partylist Rep Antonio Tinio ang HB02142 na may layuning maitaas ang tinatanggap na suweldo ng mga guro mula sa Salary Grade (SG) 11 at gawin itong SG 15 para mahikayat ang mga guro na manatili sa bansa at ipagpatuloy ang kanilang pagsiserbisyo sa mga kabataang Pilipino.

Nais ni Tinio na makasabay ang karamihan sa mga guro sa bansa sa pagkakaroon ng maayos na buhay kasama na ang kanilang pamilya at pantay na pagpapahalaga tulad ng ibang kawani ng gobyerno na may kaparehong kaalaman, kakayahan at kasanayan.

Ayon kay Tinio sa kasalukuyang sistema, napag-iiwanan ang sweldo ng mga guro kumpara sa ibang posisyon sa ibang sangay ng pamahalaan.

Ang isang lisensiyado at propesyunal na guro na may posisyong entry-level o Teacher I na tumatanggap ng buwanang sweldong P15,645 ay di hamak na mas mababa kaysa sa tinatanggap ng isang high school graduate na pumasok sa Philippine Military Academy o PMA bilang kadete na tumatanggap ng buwanang suweldo na P21,709.

Ang isang pamilya umano na naninirahan sa Maynila ay tinatayang gumagastos ng di bababa sa P957 kada araw o humigit-kumulang sa P21,054 kada buwan, isang malaking kakulangan sa tinatanggap ng mga guro sa kasalukuyan na tumatanggap lamang ng P15, 649 buwanang sahod.

Idinagdag pa ni Tinio ni hindi magiging matagumpay ang layunin ng pamahalaan na mapabuti at mapaunlad ang edukasyon sa bansa kung maiiwanang naghihirap ang mga guro nito.

Dapat lamang daw na bigyan ng pantay na pagpapahalaga ang mga pasilidad, kagamitan at ang mga taong nagpapagalaw at nagpapatakbo ng mga ito tulad ng mga guro.

Ilan pa sa nagsusulong ng katulad na adhikain ay sina Aurora Rep Edgardo Angara at Pampanga Carmelo Lazatin.
Free Counters
Free Counters