Wednesday, March 30, 2011

Panukalang magtatatag ng PTHA lusot na sa komite

Bubusisihin ng mga kongresista sa bulawagan ng Kamara ang panukalang magtatatag ng Philippine Thoroughbred Horseracing Authority (PTHA) bilang kapalit sa kasalukuyang Philippine Racing Commission (Philracom).

Ito ay makaraang maaprubahan sa committee level ang HB000224 na mas kikilalanin bilang Charter of the Philippine Thoroughbred Horseracing Authority na siyang mamamahala upang patuloy na umunlad at mapalawak ang de-kalidad na kabayo na magagamit sa pagpapalaganap ng industriya ng pangangabayo sa bansa.

Sinabi ni Manila Rep Amado Bagatsing, pangunahing may akda ng panukala na ang PTHA na ang pangunahing ahensiyang may responsibilidad at kontrol sa lahat ng aspetong may kinalaman sa industriya ng pangangabayo, kabilang na ang pagpaparami at pagpapaunlad ng mga ito.

Kasama pa sa pangangasiwaan ng PTHA ay ang importasyon at eksportasyon ng kabayo, breeding stock, framing at maging ang pagtatakda kung kailan ang mga isasagawang karera, kung sino ang may karapatang mag-alaga ng kabayo, pagpapagawa ng mga ligtas na karerahan, pagdidesisyon kung ano at magkano ang magiging papremyo sa mga karera ng kabayo at ang seguridad sa horseracing.

Ayon kay Bagatsing, hindi pa nagmamaliw ang importansiya ng karera ng kabayo bilang pinakamatanda at pinakatanyag na libangan ng mga kalalakihan sa bansa at kahit na sa buong mundo.

Idinagdap pa niya na kung tutuusin daw, naging mas de-kalidad at sopistikado na ang larong ito kaya mas kinakailangang bigyan ito ng pansin ng pamahalaan upang hindi ito mawalang saysay.
Free Counters
Free Counters