PANUKALANG PROGRAMA PARA SA NATIONAL UNEMPLOYMENT INSURANCE, INIHAIN
Inihain ni Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) ang House Bill 490, o ang “PhilJobs Act of 2020,” na naglalayong protektahan ang ekonomiya at mga manggagawa na natanggal sa trabaho, sa pamamagitan ng pagtatatag ng National Unemployment Insurance Program (NUIP).
Layunin rin ng panukalang NUIP na magbahagi ng ayuda sa mga manggagawa sa panahon na wala silang trabaho, upang maiwasan ang malakihang pagkawala ng kita, at tiyakin na ang antas ng konsumo ay hindi gaanong nababawasan.
Sa paliwanag na nakasaad sa panukala, sinabi ni Rep. Quimbo na may pangangailangan na itaas ang katatagan sa ekonomiya ng bansa, bilang paghahalintulad sa pandemyang dulot ng COVID-19, na katibayan na ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan ay hindi epektibo sa pamamahagi ng malawakang proteksyon sa lipunan.
Ipinaliwanag rin niya na ang pangangailangan ng NUIP ay malinaw dahil ang kasalukuyang mga programa sa pamamahagi ng unemployment assistance ay maaaring ilarawan na magulo, hindi inklusibo at limitado.
Layon ng HB 490 na limitahan ang mga benepisyo ng basic unemployment insurance ng hindi lalagpas sa tatlong buwang kabayaran, na katumbas ng 80 porsyento ng sahod ng isang manggagawa.
Layon rin nitong magbahagi ng mga karagdagang benepisyo sa pamamagitan ng pagsasanay, training allowances at job counselling.
Isinusulong rin ng panukala na lumikha ng Philippine Job Insurance Corporation (PhilJobs) na siyang mamamahala at magpapatupad ng NUIP.
Ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ay otomatikong sakop ng programa. Samantala, ang mga manggagawa na hindi miyembro ng SSS o GSIS, kabilang na ang mga nasa informal sector ay hihimukin na sumapi sa NUIP, sa pamamagitan ng mga insentibo at makabagong diskarte.