MATIBAY NA ISTRATEHIYANG UGNAYAN SA JAPAN, MULING TINIYAK NI SPEAKER ROMUALDEZ
Tiniyak ngayong Martes ni Speaker Martin G. Romualdez sa Embahador ng Japan sa Pilipinas na si Koshikawa Kazuhiko, at ng kanyang mga kasama, na ang Pilipinas ay patuloy na magiging kaakibat ng Japan sa usapin ng istratehiyang pang-ekonomiya.
“It’s really great that Japan remains and has been one of the country’s foremost trade, investment and development partner for a very long time. Through strategic policy reforms, we will improve the business climate in the Philippines to attract more direct investments from Japan,” ani Romualdez.
Nag courtesy call si Ambassador Koshikawa kay Romualdez sa Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong hapon.
Kasama ng Embahador sina Kuronuma Kenji, Senior Representative ng Japan International Cooperation Agency (JICA); Akihiko Hitomi, First Secretary; at Yukari Koike,
Political Officer.
Tinalakay nina Romualdez at Embahador Koshikawa ang mahabang bilateral at relasyong inter-parliamentaryo sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at nangakong mas lalo pang paiigtingin ang kanilang ugnayan, at palalawigin ng dalawang bansa ang kooperasyon.
Noong 2021, ang kabuuang kalakalan ng bansa sa Japan ay umabot sa US$21.83-bilyon, na tumaas ng 17.1 porsyento, mula sa halaga noong 2020 na US$18.65-bilyon, upang maging ikalawang pinakamalaking trading partner ng Japan ang Pilipinas noong 2021.
Ang export at import ay nagkakahalaga ng US$10.73-bilyon at US$18.65-bilyon, ayon sa pagkakasunod. Kumpara sa antas ng 2020, ang export ay tumaas ng 7 porsyento, at ang import ay tumaas ng 28.9 porsyento.
Pinasalamatan din ni Romualdez ang pamahalaan ng Japan sa pamamagitan ng JICA para sa "immediate response in providing humanitarian assistance” sa Pilipinas, matapos na manalanta ang nakaraang lindol sa Hilagang Luzon.
“We deeply appreciate the aid provided and acknowledge the strong cooperation with Japan on humanitarian assistance and disaster response,” aniya.
Ipinaabot rin ni Speaker ang taos-pusong pakikiramay sa pagpanaw ni dating Japan Prime Minister Shinzo Abe.
Pumanaw si Abe noong ika-8 ng Hulyo. Siya ay 67 taong gulang.
Nauna nang pinagtibay ng Kapulungan ang House Resolution (HR) No. 121 na pangunahing iniakda nina Speaker Romualdez, House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose "Mannix" M. Dalipe, House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, at senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos, na nagpapaabot ng taimtim na pakikidalamhati sa maybahay ni dating Prime Minister Abe na si Akie Abe, kay Prime Minister Fumio Kishida at sa mamamayan ng Japan. #
<< Home