NAGSUSUSTINING KAUNLARAN SA AGRI-FORESTRY SA LAHAT NG UPLAND COMMUNITIES, ISINUSULONG NG MAMBABATAS
Matapos masaksihan ang tagumpay sa kanya mismong lalawigan, isinusulong ngayon ni Rep. Eddiebong Plaza (2nd District, Agusan del Sur) ang Upland Sustainable Agri-Forestry Development (USAD) Program sa lahat ng mga lalawigan, lungsod, at mga munisipalidad na may upland communities.
Sa privilege hour sa sesyon ngayong Miyerkules, ibinahagi ni Plaza kung papaano ang USAD ay nakatulong sa sektor ng agrikultura sa Agusan del Sur na lumipat sa, “from planting crops to growing people” sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan at kapangyarihan sa mga magsasaka, imbes na paasahjin sila sa mga ayuda.
Ipinaliwanag niya na ang programang USAD ay isang komprehensibong balangkas na naglalayong iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap sa upland communities sa pamamagitan ng mga probisyon ng mga maaasahang pakikialam sa kabuhayan, imprastraktura, kalusugan, at serbisyong suporta sa lipunan, at iba pa.
Ang programa ay magbibigay-daan sa mga mahihirap na upland communities na mabilis na makaahon mula sa mga kalamidad, makalahok sa pangangalaga sa kalikasan at malabanan ang kahirapan. Binanggit ng mambabatas ang na kasalukuyan nitong inaalalayan ang may 5,000 farmer-enrollees, at siyang naging dahilan sa pagbabawas ng kahirapan sa Agusan del Sur mula sa 45 porsyento noong 2016 sa 32.4 porsyento noong 2018.
Dahil dito, sinabi ni Plaza na siya, kasama si Rep. Alfelito “Alfel” Bascug (1st District, Agusan del Sur), kamakailan ay naghain ng panukala na magtatatag ng upland sustainable agri-forestry development sa lahat ng upland agricultural lands sa buong kapuluan.
Pinagunahan nina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan at Camille Villar ang sesyon sa plenaryo ngayong araw.
<< Home