MGA LOKAL NA OPISYAL NG LUNGSOD NG SAKAI, JAPAN BUMISITA SA KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN
Tinanggap ngayong Lunes ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga lokal na opisyal ng Lungsod ng Sakai, Japan, na pinamumunuan ni Mayor Masahiro Hashimoto.
Ang mga Japanese local officials ay mga bisita ni Rep. Marjorie Ann Teodoro (1st District, Marikina City), kung saan ang lungsod ay kasalukuyang nakikipag partner sa ilalim ng isang Memorandum of Agreement (MOA).
Malugod na tinanggap nina House Inter-Parliamentary and Public Affairs Department (IPAD) Deputy Secretary General (DSG) Atty. Gracelda Andres at House Inter-Parliamentary Relations and Special Affairs Bureau (IPRSAB) Executive Director Lourdes Rajini Rye ang 16 na delegado sa House North Wing Lobby patungo sa Bulwagan ng Kapulungan, na kung saan ay kanilang sinaksihan ang aktuwal na sesyon sa plenaryo.
Nagbigay din ng mainit na pagbati si Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos sa kanila sa sesyon.
Samantala, naghandog naman ang mga delegadong Hapon ng regalo bilang alaala ng pasasalamat kina Speaker Romualdez at Majority Leader Manuel Jose Dalipe.
Bilang kapalit ay naghandog naman si Rep. Teodoro ng mga lokal na produkto, bilang regalo sa mga opisyal ng Lungsod ng Sakai. Noong 2019, ang Lungsod ng Sakai ay naghandog ng ambulansya na may Advance Life Support (ALS) system sa Lungsod ng Marikina bilang donasyon.
<< Home