“NO CONTACT APPREHENSION POLICY,” PINASUSUSPINDI AT PINAREREBISA NG MAMBABATAS
Tinalakay ni Rep. Robert Ace Barbers (2nd District, Surigao del Norte) sa kanyang privilege speech ngayong Martes, ang 'No Contact Apprehension Policy' (NCAP), at nanawagan sa Kapulungan na agad itong suspindihin upang rebisahin ang pagpapairal nito.
Binanggit niya na bagama’t kapuri-puri ang bagong polisiya, ay mas marami pang katanungan kesa kasagutan ang nararanasan sa implementasyon ng NCAP.
Sinabi ni Barbers na maraming dapat linawin sa implementasyon ng NCAP, tulad ng kung saang ahensya ang dapat na namamahala ng mga regulasyon sa trapiko ng National Capital Region (NCR).
Kinuwestyon rin niya kung may sapat bang karatula at mga babala sa lansangan, at kung may kakayahan ba ang mga camera nito na makunan ang mga umano’y lumalabag, ang kanilang mga numero ng plaka sa gabi o sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Bukod pa rito, tinanong niya rin kung ang violation citations ba ay iniisyu sa mga sasakyan ng gobyerno.
"With these questions, I ask the leadership (to) initiate actions to immediately effect the suspension of this NCAP until we have answered the questions to the satisfaction of the public," ani Barbers.
Samantala, sinabi ni Rep. Franz Pumaren (3rd District, Quezon City), dating Konsehal at pangunahing may-akda ng NCAP sa Lungsod ng Quezon, na ang polisiya ay sumailalim sa masusing konsultasyon sa mga nagsusulong sa lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon.
Naniniwala rin siya na madidisiplina ng NCAP ang mga motorista, at hindi aniya dapat na mag-alala ang mga motorista kung susunod lamang sila sa mga pangunahing batas sa pagmamaneho.
Subali’t sang-ayon rin siya kay Barbers na dapat rebisahin ang pagpapatupad ng NCAP bago ito ipatupad sa buong kapuluan.
"The Honorable Barbers is right, we really have to fine-tune everything especially if we are going to adopt it on a national level. So konting polishing na lang Mr. Speaker," ani Pumaren.
<< Home