Wednesday, March 31, 2021

-PAGTATATAG NG MEDICAL RESERVE CORPS, APRUBADO NA SA KAMARA

Aprubado sa pangatlo pinal na pagbasa sa Kamara de Representantes sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velscao ang panukalang “Medical Reserve Corps (MRC) Act” bago ito magbakasyon para sa isang congressional recess.


Layon ng panukala na mag-organisa ng grupo ng mga sinanay at binigyan ng mga kagamitan na mga tauhan sa medikal at may kaugnayan sa kalusugan para sa mabilis na mobilisasyon sa panahon ng pambansa at lokal na kagipitan sa pampublikong kalusugan, na nangangailangan ng mga suportang tauhan bilang pandagdag sa mga kakayahan ng mga pambansang ahensya at mga LGUs.


Ang MRC, sa ilalim ng Department of Health (DOH) na siyang minandato para suportahan ang sistemang pangkalusugan ng bansa, ay kabibilangan ng mga lisensyadong manggagamot, mga mag-aaral ng medisina na nakakumpleto na ng apat na taon sa kursong medikal, mga nagtapos sa medisina at mga rehistradong nars, kabilang na ang iba’t ibang dalubhasa at lisensyadong propesyunal sa kalusugan.

Tuesday, March 30, 2021

-PAGDINIG HINGGIL SA REGULASYON NG FDA SA INIEKSPERIMENTONG GAMOT SA COVID-19, IDARAOS

Pinahintulutan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Committee on Health  na magdaos ng pagsisiyasat, in aid of legislation, sa pasya ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagbabawal nito ng paggamit ng gamot na anti-parasitic na tinawag na Ivermectin, para sa paghadlang at lunas sa impeksyong sanhi ng COVID-19.

Itinakda ni Quezon Rep. Angelina Tan, Chairperson ng Komite ang pagdinig mamayang hapon ngayong ika-30 ng Marso, Martes, upang talakayin, higit sa lahat, ang aksyon ng FDA na ipagbawal ang paggamit ng Ivermectin, sa kabila nang potensyal at kakayahan nito na lunasan ang virus sa ibang bansa.


Sinabi ni Tan na magdaraos sila ng pagdinig, online dahil nais nilang malaman ang dahilan ng mabilis na pagtaas ng mga nagka-covid, malaman ang kalagayan ng pagsisikap ng pamahalaan sa contact tracing, at kung anu-anong mga lunas ang mayroon, upang mailigtas, hangga’t maaari, ang mas maraming pasyente mula sa mapanganib na sakit na ito.

Monday, March 29, 2021

-OFWs, TINIYAK NA PRAYORIDAD SA PROGRAMA NG PAMAHALAAN SA BAKUNA

Tinalakay sa Committee on Overseas Workers Affairs sa Kamara de Representantes kamakailan ang pagsasaprayoridad ng mga manggagawa sa ibayong dagat (OFWs), sa programa ng pamahalaan sa bakuna para sa COVID-19.


Ayon kay TUCP Rep. Raymond Democrito Mendoza, Chairman ng Komite, dinedeklara ng mga ahensyang nagri-recruit na ang bakuna ay isa na ngayong rekisitos para sa OFWs.


Idinagdag pa niya na umaapela sa pamahalaan ang sektor, na ituring sila bilang mga essential workers.


Sa kasalukuyan, ang mga OFWs ay nabibilang sa Group B5, o pang-sampu sa bilang ng mga grupong nasa prayoridad.

Wednesday, March 24, 2021

MGA PANUKALA NA BUBUO SA SPORTS ACADEMY AT SPORTS INSTITUTE, TATALAKAYIN SA KAMARA

Binuo kahapon ng Committee on Youth and Sports Development sa Kamara, na pinamunuan ni Isabela Rep. Faustino Dy III, ang isang technical working group (TWG), upang aksyunan ang panukala na bubuo sa sports academy at sports institute.


Inihain nina Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo At Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang mga panukalang naglalayong itatag ang Philippine Institute of Sports (PIS).


Ilan sa mga layunin ng PIS ay: 1) magbalangkas ng komprehensibong programa para sa mga atleta, 2) palawigin ang partisipasyon ng lahat ng sektor sa pagpapaunlad ng mga atleta simula sa antas ng katutubo, at 3) pangunahan ang pagpapaunlad at pagpapalaki ng kultura ng palakasan.


Sa kabilang dako, kasama sa tatalakayin ng TWG ang mga panukalang naglalayong itatag ang Philippine Sports Academy (PSA).


Ang PSA ay magsisilbi bilang sentro ng pagsasanay at edukasyon ng Philippine Sports Commission (PSC), para sa pagpapaunlad ng mga atleta na may kakayahang magwagi ng mga ginto at iba pang medalya, kasama na ang mga manlalaro sa palakasan.

Tuesday, March 23, 2021

-MOTU PROPRIO INVESTIGATION SA PAPUPUSLIT NG MGA PRODUKTONG AGRIKULTURA, IPINAGPATULOY

Ipinagpatuloy ng Committee on Ways and Means ang imbestigayon motu proprio o ang pag-aksiyon na hindi na kailangan pag-uutos, sa pagpupuslit ng mga produktong agrikultura papasok sa ating bansa 


Sinabi ni Chairman at Albay Rep. Joey Salceda na ang pagpupuslit sa agrikultura ay nakakadagdag sa pagdurusa ng sektor ng mga prodyuser ng mga pagkain na kinabibilangan ng 23 porsyento ng mga manggagawa sa bansa.


Idinagdag ng mambabatas na ang pagpupuslit sa agrikultura ay nagpapahirap sa naturang sektor sa kumpitensyang panggigipit at maaari ring magpalaganap ng mga nakakahawang sakit sa hayupan at industriya ng karne tulad ng African Swine Flu (ASF).


Ang Komite ay patuloy na makikipag-ugnayan sa Kagawaran ng Agrikultura, upang matugunan ang problema sa pagpupuslit.


Binigyang-diin ni Salceda na ang halagang nalulugi sa buwis mula sa naturang sektor ay maaari sanang magamit sa pagtugon ng bansa sa COVID-19.

Monday, March 22, 2021

-SPEAKER VELASCO HINIMOK ANG PUBLIKO NA SUNDIN ANG PAYO NG PAMAHALAAN NA MANATILI SA KANILANG MGA TAHANAN HANGGA’T MAAARI

Hinihimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang publiko na sundin ang payo ng pamahalaan na manatili sa kani-kanilang mga tahanan, sa harap ng tumitinding paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa, upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit, sanhi ng virus.


Sa pagtala ng matinding pagtaas ng mga kaso nitong mga nakalipas na araw, sinabi ni Velasco na dapat iwasan ng mga mamamayan ang mga hindi kinakailangang pagbyahe, at mahigpit na sumunod sa mga pag-iingat sa kalusugan maging sa loob ng kanilang mga tahanan.


Ayon sa kanya, dahil sa mga bagong kaso ng COVID-19 na labis ang pagdami, dapat tayong tumalima sa payo ng ating mga awtoridad sa kalusugan, na manatili tayo sa ating mga tahanan. Sa ganitong pamamaraan lamang tayo makakatulong para makaiwas sa pagkalat ng virus, at ang mas mahalaga ay makapagligtas ng buhay. 


Nag-abiso ang Department of Health sa publiko na manatili sa kanilang mga tahanan, at iwasan muna ang mga hindi kinakailangang pagbyahe matapos na magtala ang Pilipinas nang 7,999 na mga bagong impeksyon – ang pinakamataas na tala sa isang araw. Simula nang ika-13 ng Marso, ay napagmasdan ng mga mamamayan ang halos araw-araw na pagtaas ng mga kaso, tulad ng antas na naitala noong buwan ng Agosto nang nakaraang taon.


Idinagdag pa ni Velasco na ang abiso na ‘stay-at-home’ ay ipinalabas upang maprotektahan ang ating mga sarili, ang ating mga pamilya, at ang sambayanang Pilipino.

Thursday, March 18, 2021

-RENTAL SUBSIDY PROGRAM PARA SA MGA INFORMAL SETTLERS, APRUBADO SA KAMARA

Lusot na sa ikalawang pagbasa sa kamara ang House Bill 8736 o ang panukala na magbibigay ng subsidya para sa mga umuupang informal Settler Families o (ISF) sa bansa. 


Sa ilalim ng panukala isinusulong  na mabigyan  ang mga karapatdapat na mga (ISF) sa Metro Manila ng rental subsidy na nagkakahalaga ng P3,500. 


Bukod sa mga ISF sa kalakhang Maynila ay pinabibigyan  din ng rental subsidy sa ilalim ng panukala ang mga ISF na nakatira sa mga rehiyon.


Kapag naisabatas ito, aatasan nito  ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Economic Development Authority (NEDA) na tukuyin kung magkano ang halaga ng ipamamahaging subsidiya  sa mga ISF na nakatira sa mga probinsya.

HOUSE MAJORITY LEADER MARTIN ROMUALDEZ NAGPOSITIBO SA COVID-19

Kinumpirma ni House Majority floor Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez na nagpositibo siya sa COVID 19. 


Sa isang statement sinabi ni Romualdez na kahapon (March 17) ay natanggap niya ang resulta ng kanyang RT-PCR test na nagsasabing siya ay positibo sa virus. 


Kaugnay nito ay  hinimok din  ng kongresista ang kanyang mga nakaclose contact o nakasalamuha na magpatest. 


Sa ngayon ay naka-isolate na ang mambabatas. 


Matatandaang kamakailan ay inanunsyo rin Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na nagpositibo siya sa COVID 19. 


Sa kasalukuyan ay umakyat na sa 33 ang  active cases ng impeksyon sa kamara.

KOLEKSYON NG PCSO, NIREPASO NG KOMITE

Nagdaos kahapon ng online hearing ang Committee on Ways and Means sa Kamara, na pinamunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, upang talakayin ang pagganap ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang koleksyon ng buwis.


Sa presentasyon ni PCSO Legislative Liaison Officer Atty. Gay Alvar, binanggit niya na ang ahensya ay nakapaglaan ng P8.32-bilyong pondo sa charity noong 2020, sa kabila ng mga epekto ng COVID-19.


Umaabot sa 788,995 indibiduwal, 516,099 pamilya, 126 ospital, kabilang na ang 748 LGUs at mga institusyon ang nakinabang sa charity fund.


Dagdag pa rito, ang PCSO ay nakapagbigay ng 357,817 trabaho sa parehong taon.


Binanggit din ni Alvar na ang halaga ng mga tiket ay tumaas sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Wednesday, March 17, 2021

-LALUNG PINABIGAT NA KAPARUSAHAN SA NAGMAMANEHO NA NASA ILALIM NG IMPLUWENSYA NG ALAK, PASADO NA

Upang ganap na maisulong ang kaligtasan ng mga mamamayang Pilipino sa lansangan, inaprubahan kahapon ng Kamara de Representantes ang House Bill 8914, na nagsusulong ng mabigat na parusa sa mga nagmamaneho na nasa ilalim ng impluwensya ng alak, bawal na droga, at iba pang katulad nito.

Aamyendahan ng panukala ang Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013,” batay sa ulat ng House Committee on Transportation na pinamunuan ni Rep. Edgar Mary Sarmiento.


Ipinasa sa boto na 203 ang panukala at kapag naisabatas ito, ang sinumang magiging dahilan ng mga sakuna sa lansangan, subalit hindi naman nagresulta sa pananakit o pagkasawi, ay mapaparusahan ng pagkabilanggo ng anim na buwan at magmumulta ng P50,000 hanggang P100,000, mula sa kasalukuyang parusa na tatlong buwang pagkabilanggo lamang at multang P20,000 hanggang P80,000 lamang.


Ang mga lumabag na nagresulta sa pagkasawi ay paparusahan ng pinakamabigat na pagkakakulong na nakasaad sa Artikulo 246 ng Revised Penal Code at multang nagkakahalaga ng P350,000 hanggang P550,000.


Isinasaad din sa panukala na ang non-professional driver’s license ng hinatulang salarin ay kukumpiskahin at isususpindi ng 18 buwan para sa pangunang hatol at ipapawalang bisa na sa ikalawang hatol.


Sa kabilang dako, ang professional driver’s license ng isang lumabag ay ganap na pawawalang bisa sa unang hatol.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

-MIKEY ARROYO, TINANGGAL BILANG VICE-CHAIMAN NG COMMITTEE ON APPROPRIATIONS

Isa na namang miyembro ng Lakas-CMD o Lakas-Christian Muslim Democrats ang tinanggalan ng posisyon sa isa sa mga makapangyarihang komite sa Kamara.


Tinanggal bilang vice-chairman ng House Committee on Appropriations si Pampanga Rep. Juan Miguel ‘Mikey’ Arroyo na Executive Vice-President ng nabanggit na partido.


Ngunit sa kabila nito, nananatili pa rin si Arroyo bilang Deputy Majority Leader at chairman ng House Committee on Energy.


Bago kay Arroyo, naunang tinanggal bilang House Assistant Majority Leader ang mga kasama niya sa Lakas-CMD na sina Zamboanga Sibugay Rep. Wilter ‘Sharky’ Palma at Quezon City Rep. Anthony Peter ‘Onyx’ Crisologo.


Ang pagtanggal sa mga nabanggit na kongresista ay nauugnay naman sa umano’y ouster plot ng kampo ni House Speaker Lord Allan Velasco laban kay Lakas-CMD National President at House Majority Leader Martin Romualdez.

Tuesday, March 16, 2021

-AMNESTIYA SA MGA MIYEMBRO NG MGA REBELDENG GRUPO, TINALAKAY SA MAGKASANIB NA KOMITE

Sinimulan nang talakayin kagapon ng joint Committee on Justice na pinamunuan ni Leyte Rep. Vicente Veloso III, at Committee on National Defense and Security sa Kamara na pinamunuan naman ni Iloilo Rep. Raul Tupas, ang House Concurrent Resolutions 12, 13, 14 at 15.


Tinalakay ng mga komite ang panukala na inihain ni House Speaker Lord Allan Velaco na may layuning sumasang-ayon sa Proclamation Nos. 1090, 1091, 1092, at 1093 ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na maggagawad ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at mga dating rebeldeng Communist Terrorist Group (CTG).


Ito ang mga grupo na mga nagsagawa ng mga krimen na may kaakibat na kaparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 3815 o ang Revised Penal Code, at mga espesyal na batas sa kanilang paniniwalang politikal.


Sinabi ni National Security Council Director Atty. Reynaldo Ola-a sa magkasanib na pagdinig, na ang inisyatiba ni Pangulong Duterte ay isulong ang kapayapaan at demokrasya sa bansa.


Nilinaw naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Assistant Secretary Agripino Javier, na dapat ay mayroon lamang isang Amnesty Commission na magpapatupad ng lahat na apat na proklamasyon.


Idinagdag pa niya na dapat ding bumuo ng Local Amnesty Boards para sa mahusay na pagrerepaso at pag-apruba ng mga aplikasyon.

-REPS MIKE DEFENSOR AT LIMKAICHONG, KINUMPIRMANG TINAMAAN SILA NG COVID-19 VIRUS

Kinumpirma nina Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at Negros Oriental Rep. Jocely Sy Limkaichong na tinamaan sila ng COVID-19.

Sinabi ni Defensor na dalawang linggo ang nakakaraan nang na-diagnose siya na may covid virus siya at recovering na ang kanyang lagay sa kasalukuyan.


Maayos na rin ngayon ang kanyang lagay at naghihintay na lamang siya na maisalang sa RT-PCR test upang makumpirma ang kanyang paggaling.


Samantala, kinumpirma rin ni Rep. Limkaichong na nagpositibo rin siya sa COVID-19 bilang asymptomatic patient.


Sa ngayon ay naka-quarantine ang mambabatas dito sa Maynila at nanawagan sa kanyang pamilya at mga nakasalamuha na magpa-covid test din upang matiyak ang kanilang health condition.


Nanawagan din ito ng dasal sa lahat ng mga lumalaban ngayon sa virus.

-PANUKALANG MAGTATATAG NG PHILIPPINE ENERGY RESEARCH AND POLICY INSTITUTE, PASADO NA SA KAMARA

Pinuri ni House Speaker Lord Allan Velasco kahapon ang kanyang mga kapwa mambabatas sa pagkakapasa ng panukala na magtatatag sa Philippine Energy Research and Policy Institute na kanyang isinulong noong siya pa ang Chairman ng Committe on Energy.


Sa botong 208-0, at walang abstensyon, nagkakaisang ipinasa ng mga mambabatas sa ikatlo at huling pagbasa kahapon ang House Bill 8928 na tatawaging “Philippine Energy Research and Policy Institute Act.”


Sinabi ni Velasco na ang mungkahing institusyon ay tutulong upang pagdugtungin ang puwang sa pagitan ng pagsasaliksik at polisiya sa sektor ng enerhiya.


Panahon na daw para sa bansa na paunlarin ang pagpapatatag, pagpapanatili, abot-kaya at maaasahang suplay ng enerhiya sa pamamagitan ng paggamit ng pinakabagong pagsasaliksik at teknolohiya na mayroon upang matugunan ang lumalagong pangangailangan ng bansa sa enerhiya at ang matagalang hangarin sa pagpapaunlad ng administrasyong Duterte.


Bukod kay Velasco, mahigit 80 mambabatas ang lumagda bilang mga pangunahing may-akda ng panukala na nauna nang inaprubahan ng mga Komite.

Monday, March 15, 2021

-MGA KATAGANG “UNLESS OTHERWISE PROVIDED BY LAW” SA SALIGANG BATAS, IPINALIWANAG

Magbibigay kapangyarihan sa Kongreso ang mga mungkahi na ilagay ang mga katagang “unless otherwise provided by law” sa mga mahihigpit na probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon, na masuri at tayain ang mga kasalukuyang kadahilanan, bago matukoy ang mga kaalaman na mabuksan ang ilang sektor ng ekonomiya.


Sinabi ni AKO BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr., Chairman ng Komite ng Constitutional Amendments, sa mga deliberasyon sa plenaryo, na sa kasalukuyan, kung papaano isinasaad sa Konstitusyon ang mga probisyong pang-ekonomiya, ay walang paraan lalo na sa usapin ng paghihigpit sa mga paglahok ng mga dayuhan.


Ipinaliwanag ng mambabatas na ngayon ay walang mangyayaring debate hinggil dito dahil ang mga paghihigpit ay minamandato ng ating batas at wala itong dadaanan kahit pag-usapan pa.


Sa Resolution of Both Houses Number 2 o RBH 2, maglalagay ang Kongreso ng pintuan, ngunit  hindi ito awtomatikong bubuksan sa mga dayuhang mamumuhunan at hahayaan na silang kumatok – at nasa sa Kongreso ang pasya kung atin silang patutuluyin, kung naniniwala tayo na tayo ay makikinabang sa kanila.


Nagpasalamat si Garbin sa kanyang mga kapwa mambabatas, sa paglalahad nila ng usapin sa kaalaman, na magpapagaan sa mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon, lalo na ang mga pumapabor at mga kumokontra sa pagpapaluwag ng ekonomiya.

Friday, March 12, 2021

-MGA ESTABLISEMIYENTO, OBLIGADONG MAGLAAN NG STANDBY WHEELCHAIR PARA SA MGA PWDS

Ipinanukala sa Kamara de Representantes ang pag-oobliga sa lahat na mga pribado at pampublikong establisyemento na maglagay ng standby wheelchair na nakalaan para sa Persons with Disability (PWDs) at iba pang mamamayan na nangangailangan ng mga gamit na ito.


Nakasaad sa HB08436 ni Quezon City Rep. Anthony Peter "Onyx" Crisologo na ang proteksiyon sa karapatan at pangangalaga sa mga PWDs ay patuloy na nagiging pangunahing tungkulin ng estado.


Sinabi ni Crisologo na ipinanukala niya ito para mapangalagaan ang hanay ng mga PWDs sa pamamagitan ng pag-aatas sa lahat na mga pribado at pampublikong establisyemento na maghanda ng wheelchair para sa nabanggit na layunin.


Bukod sa mga PWDs, maaari ring gamitin ang wheelchair ng mga Senior Citizen at mga buntis kung sakaling magkaroon sila ng aberya. 


Binigyang diin ng mambabatas na ang kaniyang panukala ay pagtalima lamang sa ginagawang pagsisikap ng pamahalaan para magkaroon ng accessibility of services and mobility para sa lahat ng PWDs at iba pang indibiduwal na nangangailangan ng kahalintulad na tulong.

Thursday, March 11, 2021

-BAGONG AITF STANDARD PROTOCOL SA PAGBYAHE, IPAPATUPAD

Sa pagdinig ng Committee on Transportation sa Kamara de Representantes kahapon sa pamumuno ni Chairman at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, tinalakay ng mga mambabatas ang Inter-Agency Task Force o IATF Resolution No. 101 o ang standard protocol sa pagbyahe.


Sinabi ni Department of Interior and Local Government o DILG Undersecretary Epimaco Densing III na ang kagawaran ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa League of Governors, League of City Mayors at Municipal Mayors, upang matiyak ang ganap na pagpapasunod sa naturang IATF Resolution.


Sa kasalukuyan, aabot sa 80 hanggang 90 porsyento ng LGUs mula sa mga munisipyo, lungsod at mga lalalwigan ay tumatalima sa tatlong probisyon, lalo na ang walang pangangailangan sa mga biyahero na magdala ng mga travel authority mula sa PNP; ang hindi na kinakailangang medical certificate o clearance mula sa pinanggalingang lokal na pamahalaan; at ang hindi na kailangang quarantine sa kanilang pagdating sa patutunguhan, maliban na lamang kapag ang byahero ay magkaroon ng sintomas na tanging namumukod sa probisyon ng “No Quarantine.”


Sinabi niya na ang pangkalahatang patakaran ay hindi na sapilitan ang pagsusuri, maliban na lamang kung pahihintulutan ito o ipipilit ng lokal na pamahalaan na ipatupad kung kinakailangan.


Umaasa ang Civil Aviation Authority of the Philippines CAAP representative na si Atty. Joseph Ray Gumabon para sa nagkakaisang pagbyahe, nagkakaisang talaan ng mga rekisitos na dapat na ipinatutupad ng lahat ng lokal na pamahalaan, upang maiwasan ang pagkalito sa operasyon ng CAAP, gayundin sa operasyon ng mga airline operators.

Tuesday, March 09, 2021

-MGA DATING OPISYALES NG DBP, INIMBITAHAN NG KAMARA HINGGIL SA USAPING PAGPAPATAWAD NG MGA UTANG NG PAMILYANG LOPEZ

Ipinagpatuloy ang pagdinig kahapon ng Committee on Good Government and Public Accountability sa Kamara na pinamunuan ni DIWA Rep. Michael Edgar Aglipay batay sa House Resolution 1040 na nananawagan ng imbestigasyon sa umano’y pagpapatawad ng utang ng Development Bank of the Philippines (DBP) na pumabor sa mga kompanyang kontrolado at may kaugnayan sa pamilyang Lopez.


Pormal na inimbitahan ng Komite ang mga dating opisyales ng DBP, na siyang nag-apruba sa pag-urong ng ilang sinisingil na butaw sa mga utang ng Lopez Holdings Corporation.


Dumalo si dating DBP President at CEO Remedios Macalincag at kanyang iginiit na walang naganap na pagpapatawad sa utang noong panahong siya ang namumuno sa bangko, mula 1998 hanggang 2002.


Idinagdag pa ni Macalincag na nanatili siyang propesyunal bilang pinuno ng DBP at tiniyak na ang mga pasya na kanyang ginawa ay walang impluwensya ninuman.


Binigyang-diin pa niya na inaaprubahan lamang ng bangko sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang mga pautang sa mga may magandang katayuan.


Nang tinanong siya ni Aglipay kung bakit ang mga utang ng Lopez ay pinagkalooban ng ilang ekstensyon sa pagbabayad, sinabi ni Macalincag na “hindi ito kakaiba sa mga bangko.”


Samantala, tiniyak ni dating DBP Chairman Vitaliano Nañagas II, na ang lahat ng usapin na tinalakay at inaprubahan ng board ay may kaakibat na memoranda.


Nang lumaon ay nagdaos ng executive meeting ang Komite upang imbestigahan pa ang ilang nangungunang may utang sa DBP na nakinabang sa Special Purpose Vehicle Act.       


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Monday, March 08, 2021

-IMBESTIGASYON HINGGIL SA PAGPUPUSLIT NG MGA PRODUKTONG AGRIKULTURA SA BANSA, IPINAGPATULOY SA KAMARA

Ipinagpatuloy ng Committee on Ways and Means sa Kamara de Representantes, sa pamumuno ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang imbestigayon sa diumano’y pagpupuslit ng mga produktong agrikultura sa bansa.

Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Secretary of Agriculture William Dar sa Komite na bilang isang bansang napapalibutan ng maraming isla ay may kahinaan ang Pilipinas sa mga aktibidad ng pagpupuslit ng mga kontrabando.


Ayon sa kanya, ang 17 pangunahing daungan sa bansa, 39 na subports at kalat kalat na hangganan sa Timog ay nagiging hamon upang ganap na isara ang bansa sa mga iligal na pag-aangkat.


Itinuturing na isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya, sinabi ni Dar na ang pagpupuslit ng mga prutas, gulay, at maging mga produktong karne ay tinitingnan na simpleng paglabag lamang, subalit tunay itong mas malala pa sa pandarambong.


Ang matagal nang suliranin sa pagpupuslit ay naging sanhi ng matinding pagkalugi na nagkakahalaga ng bilyong piso sa ekonomiya dahil sa nawawalang kita sa buwis at labis na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Sunday, March 07, 2021

-SPEAKER VELASCO, PINARANGALAN ANG MGA KABABAIHAN SA PAGDIRIWANG NG NATIONAL WOWEN’S MONTH

Sa pagdiriwang ng National Women’s Month at International Women’s Day ngayong araw na ito, ika-8 ng Marso, pinarangalan ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga kababaihan ng Pilipinas sa kanilang natatanging papel na ginagampanan sa pagpapatatag ng bansa sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Sinabi ni Speaker Velasco na sa nakalipas na taon, binago ng COVID-19 ang takbo ng mundo na nakaapekto sa ating lahat, ngunit ang epekto ng krisis ay mas lalong naging makabuluhan sa mga kababaihan.


Ayon sa kanya, habang patuloy nating hinaharap ang pinakamalalang krisis pangkalusugan sa henerasyong ito, sandali po tayong huminto, at ating parangalan ang lahat ng mga kababaihan dito sa ating bansa, sa kanilang katatagan at natatanging kontribusyon sa ating lipunan at sa buong bansa.


Sa ginanap na flag raising ceremony sa Batasang Pambansa noong ika-1 ng Marso, partikular na pinuri ni Velasco ang mga kababaihang namumuno, at mga kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na malaki ang naging papel sa pagpapatakbo ng lehislatura, upang ang Kongreso ay patuloy na makapagpasa ng mga batas, na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya.

Friday, March 05, 2021

-PANUKALANG AUDIOVISUAL TOURISM, APRUBADO NA SS KAMARA

Inaprubahan kahapon ng special committee on Creative Industry and Performing Arts sa Kamara, sa pamumuno ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, ang substitute bill na magsusulong sa Pilipinas bilang pangunahing lokasyon sa paggawa ng mga pelikula.


Layon ng panukala na isulong ang audiovisual tourism sa bansa at magtatag ng Film Philippines Office (FPO)


Tinalakay din ng Komite ang kapasyahang nananawagan ng imbestigasyon sa mga naiulat na kaso ng online na pamimirata noong nakalipas na 2020 Metro Manila Film Festival.


Ayon sa resolusyon, dahil sa pandemya, ang taunang MMFF ay inorganisa bilang isang digital event para sa taong 2020 ngnit dahil sa online na pamimirata, ang kinita sa bentahan ng ticket sa 10 pelikunag lumahok sa MMFF ay umabot lamang ng P19-milyon na katumbas ng 1.9 porsyento ng kinita noong 2019, o mahigit na P995-milyon.

Wednesday, March 03, 2021

-DAPAT MATUKOY KUNG SINO ANG MAY KASALALAN SA PAGSISIYASAT SA PNP-PEDEA SHOOTOUT

“Sino ang may kasalanan?”


Ito, ayon kay Deputy Speaker Bienvenido Abante Jr., ang dapat na sagutin sa pagsisiyasat na isinasagawa ng National Bureau of Investigation (NBI), sa barilang kinasasangkutan ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP).


Sinabi ni Abante na kinakailangan lang naman sa imbestigasyon ay makita nila, sino ba ang nauna o sino ang may kasalanan? ‘Yun ang gustong malaman ng taumbayan.


Sa kanyang pahayag sa pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan kahapon, hinikayat ng dating Minority Leader ang liderato ng PNP at PDEA, na tingnan nang “mabusisi” ang paraan ng kanilang mga operasyon at tukuyin ang mga pagkakamali at iba pang usapin na maaaring mangyari sa kanilang anti-drug operations.


Tinanggihan ni Abante ang posibilidad na may nangyaring “friendly fire” sa naganap na insidente, na kung saan dalawang pulis, isang ahente ng PDEA at isang informant ng PDEA ang nasawi.


TERENCE MORDENO GRANA NAGBABALITA SA DWDD ARMED FORCES RADIO, ANG BOSES NG KAWAL PILIPINO

-MGA MAMBABATAS, HINIMOK NA MAGING BUKAS SA MGA ISINISULONG NA AMYEMDA SA KONSTITUSYON

Nanawagan si House committee on Constitutional amendments chairman at AKO BICOL Rep. Alfredo Garbin Jr. sa mga kapwa nito kongresista at senador na buksan ang kanilang mga isipan hinggil sa mga pagbabagong hinahangad upang gawing kaakit-akit ang ekonomiya ng bansa sa mga foreign investors. 


Ginawa ni Garbin ang panawagan sa gitna ng pagpapalawig ng deliberasyon ng Kamara de Representantes sa mungkahing pag-amyenda sa mga restrictive ecomomic provisions ng 1987 constitution hanggang sa buwan ng Mayo ngayong taon.  


Ayon kay Garbin dapat suriin ng kanyang mga kapwa  mambabatas ang isinagawang diskusyon sa Komite hinggil sa Resolution of Both Houses No.2 o RBH2. 


Sinabi pa ng kongresista na suportado rin niya ang naging pasya ni House Speaker Lord Allan Velasco na huwag madaliin ang deliberasyon ng RBH2 sa plenaryo upang mas lalo aniya  maipaliwanag at mapalawig ang mga benepisyo ng isinusulong na economic Cha-Cha. 


Matatandaang nakatatlong pagdinig na ang komite na pinamumunoan ni Gabin hinggil sa RBH 2 bago nagdaos ng botohan na nagresulta sa botong 64-3-3 upang maipasa ang panukala sa committee level.

Monday, March 01, 2021

-SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON NG PHYSICAL FLAG-RAISING CEREMONY NG KONGRESO SIMULA NG MANALASA ANG PANDEMYA, TINIYAK NI VELASCO NA LIGTAS ANG KAMARA SA GITNA NG KRISIS SA PANGKALUSUGAN

Tiniyak kahapon ni House Speaker Lord Allan Velasco na ang liderato ng Kamara ay nagpapatupad ng mga pamamaraan upang matiyak na patuloy ang kaligtasan ng lahat ng indibiduwal na pumapasok sa HREP Complex.


Ito ay kanyang ipinahayag sa kauna-unahang pagkakataon ng pagdaraos ng Secretariat ng pisikal o face-to-face flag raising ceremony, simula ng manalasa ang pandemyang dulot ng COVID-19 sa bansa.


Bukod sa regular na pagsusuri ng Antigen sa mga mambabatas, mga kawani at mga bisita, ipinahayag ni Velasco na hindi lamang para sa mga kawani ang isasagawang programa sa bakuna sa Kamara, kungdi kabilang na dito ang kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanya, batid umano niya ang mga alalahanin ng mga tao kung kaya’t sinisiguro daw niya na gagawin ng leadership ang lahat para mapanatag ang loob ng mga mamamayan sa pagpapabakuna.


Pinasalamatan ni Speaker Velasco ang kapwa niyang mga mambabatas sa pagpasa ng mga panukalang tumutugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, kabilang na ang mga staff upang tiyakin na nagagampanan ng mga mambabatas ang tunay at tapat na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

-PAGLIKHA NG MARAMING TRABAHO, PANGUNAHING LAYUNIN NG AMYENDA SA KONSTITUSYON

Amyendahan ang mga mahihigpit na probisyon ng Konstitusyon, para makahikayat ng dayuhang pamuhunan sa Pilipinas, at nang makauwi na ang ating mga manggagawa mula sa ibang bansa.


Ito ang isa sa mga pangunahing argumento ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo sa kanyang sponsorship speech sa Resolution of Both Houses Number 2 (RBH 2), na kanyang iginiit na ipasa ng Kamara upang mapagtibay ang mga mungkahi na magpapahintulot sa ating bansa, na tingnan at repasuhin ang mga probisyon ng Konstitusyon na naging sagabal sa pagdaloy ng mga kinakailangang kapital sa negosyo.


Sinabi ni Quimbo, isa sa mga iginagalang na ekonomista at propesor sa Unibersidad ng Pilipinas School of Economics bago siya lumahok sa larangan para maging isang lingkod bayan, na kailangang buksan ng bansa ang ekonomiya sa dayuhang pamuhunan dahil kulang umano ang kapital ng mga negosyanteng Pilipino.


Ayon kay Quimbo, kapag kulang ang lokal na puhunan, kailangan daw nating humanap ng mas maraming kaakibat na dayuhang mamumuhunan ngunit napakahigpit ng ating mga batas para pahintulutan ang mga dayuhang puhunan na ito.

Free Counters
Free Counters