Monday, March 22, 2021

-SPEAKER VELASCO HINIMOK ANG PUBLIKO NA SUNDIN ANG PAYO NG PAMAHALAAN NA MANATILI SA KANILANG MGA TAHANAN HANGGA’T MAAARI

Hinihimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang publiko na sundin ang payo ng pamahalaan na manatili sa kani-kanilang mga tahanan, sa harap ng tumitinding paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa, upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit, sanhi ng virus.


Sa pagtala ng matinding pagtaas ng mga kaso nitong mga nakalipas na araw, sinabi ni Velasco na dapat iwasan ng mga mamamayan ang mga hindi kinakailangang pagbyahe, at mahigpit na sumunod sa mga pag-iingat sa kalusugan maging sa loob ng kanilang mga tahanan.


Ayon sa kanya, dahil sa mga bagong kaso ng COVID-19 na labis ang pagdami, dapat tayong tumalima sa payo ng ating mga awtoridad sa kalusugan, na manatili tayo sa ating mga tahanan. Sa ganitong pamamaraan lamang tayo makakatulong para makaiwas sa pagkalat ng virus, at ang mas mahalaga ay makapagligtas ng buhay. 


Nag-abiso ang Department of Health sa publiko na manatili sa kanilang mga tahanan, at iwasan muna ang mga hindi kinakailangang pagbyahe matapos na magtala ang Pilipinas nang 7,999 na mga bagong impeksyon – ang pinakamataas na tala sa isang araw. Simula nang ika-13 ng Marso, ay napagmasdan ng mga mamamayan ang halos araw-araw na pagtaas ng mga kaso, tulad ng antas na naitala noong buwan ng Agosto nang nakaraang taon.


Idinagdag pa ni Velasco na ang abiso na ‘stay-at-home’ ay ipinalabas upang maprotektahan ang ating mga sarili, ang ating mga pamilya, at ang sambayanang Pilipino.

Free Counters
Free Counters