MGA PANUKALA NA BUBUO SA SPORTS ACADEMY AT SPORTS INSTITUTE, TATALAKAYIN SA KAMARA
Binuo kahapon ng Committee on Youth and Sports Development sa Kamara, na pinamunuan ni Isabela Rep. Faustino Dy III, ang isang technical working group (TWG), upang aksyunan ang panukala na bubuo sa sports academy at sports institute.
Inihain nina Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo At Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang mga panukalang naglalayong itatag ang Philippine Institute of Sports (PIS).
Ilan sa mga layunin ng PIS ay: 1) magbalangkas ng komprehensibong programa para sa mga atleta, 2) palawigin ang partisipasyon ng lahat ng sektor sa pagpapaunlad ng mga atleta simula sa antas ng katutubo, at 3) pangunahan ang pagpapaunlad at pagpapalaki ng kultura ng palakasan.
Sa kabilang dako, kasama sa tatalakayin ng TWG ang mga panukalang naglalayong itatag ang Philippine Sports Academy (PSA).
Ang PSA ay magsisilbi bilang sentro ng pagsasanay at edukasyon ng Philippine Sports Commission (PSC), para sa pagpapaunlad ng mga atleta na may kakayahang magwagi ng mga ginto at iba pang medalya, kasama na ang mga manlalaro sa palakasan.
<< Home