Wednesday, March 17, 2021

-LALUNG PINABIGAT NA KAPARUSAHAN SA NAGMAMANEHO NA NASA ILALIM NG IMPLUWENSYA NG ALAK, PASADO NA

Upang ganap na maisulong ang kaligtasan ng mga mamamayang Pilipino sa lansangan, inaprubahan kahapon ng Kamara de Representantes ang House Bill 8914, na nagsusulong ng mabigat na parusa sa mga nagmamaneho na nasa ilalim ng impluwensya ng alak, bawal na droga, at iba pang katulad nito.

Aamyendahan ng panukala ang Republic Act 10586 o ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013,” batay sa ulat ng House Committee on Transportation na pinamunuan ni Rep. Edgar Mary Sarmiento.


Ipinasa sa boto na 203 ang panukala at kapag naisabatas ito, ang sinumang magiging dahilan ng mga sakuna sa lansangan, subalit hindi naman nagresulta sa pananakit o pagkasawi, ay mapaparusahan ng pagkabilanggo ng anim na buwan at magmumulta ng P50,000 hanggang P100,000, mula sa kasalukuyang parusa na tatlong buwang pagkabilanggo lamang at multang P20,000 hanggang P80,000 lamang.


Ang mga lumabag na nagresulta sa pagkasawi ay paparusahan ng pinakamabigat na pagkakakulong na nakasaad sa Artikulo 246 ng Revised Penal Code at multang nagkakahalaga ng P350,000 hanggang P550,000.


Isinasaad din sa panukala na ang non-professional driver’s license ng hinatulang salarin ay kukumpiskahin at isususpindi ng 18 buwan para sa pangunang hatol at ipapawalang bisa na sa ikalawang hatol.


Sa kabilang dako, ang professional driver’s license ng isang lumabag ay ganap na pawawalang bisa sa unang hatol.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters