Tuesday, November 30, 2021

-PAGPAPALAWIG NG 2021 PONDO HANGGANG DISYEMBRE 2022, APRUBADO SA IKATLO AT PINAL NA PAGBASA

Inaprubahan na noong nakaraang Lunes ng Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 10373, na naglalayong palawigin ang pambansang badyet para sa kasalukuyang taon hanggang ika-31 ng Disyembre 2022.


Aamyendahan ng panukala ang Seksyon 62 ng General Provisions ng Republic Act 11518, o ang 2021 General Appropriations Act.


Sa pag-apruba ng panukala, pahihintulutan nito ang mga ahensya ng pamahalaan na ganap na magamit ang inaprubahang pondo para sa taong 2021, para sa implementasyon ng mga prayoridad na programa at proyekto.


Nasa Senado na ang pagpapasya kung kanila ring ipasa ang panukala upang ito ay maging ganap na na batas matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.





Ang panukala ay nakakuha ng 168 pabor na boto, anim na negatibo at walang abstensyon.


Ipinasa rin sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 3255, na nakakuha ng 175 pabor na boto, na naglalayong magtatag ng mga Timbangan ng Bayan Center sa lahat ng palengke sa buong kapuluan. Layon ng batas na mabigyan ang publikong mamimili ng epektibong paraan na masuri ang kawastuan ng timbang at bilang ng kanilang mga binibili. Layon din nitong sugpuin ang pandaraya at iregularidad na ginagawa ng ilang nagtitinda. Ang ilan pang panukala na inaprubahan sa huling pagbasa ay: 1) HB 10296, na nagpapasidhi sa pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng pagtataas ng share ng mga lokal na pamahalaan sa pambansang buwis; 2) HB 10303, na magbibigay ng mas malakas na pamamaraan upang mapangalagaan ang mga lupaing pangsakahan at regulasyon sa conversion nito sa layuning hindi pang-agrikultura; at 3) HB 10305, na nagmamandato sa pagpapatugtog ng mga musikang Pilipino sa mga hotel, resort, restoran, mga bus na pang-turista, at lahat ng mga lumalapag na pandaigdigang eroplano papasok sa ating bansa. Ang hybrid na sesyon ay pinangunahan ngayong araw nina Deputy Speakers Juan Pablo Bondoc at Kristine Singson-Meehan. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Monday, November 29, 2021

-PAMBANSANG MGA ARAW NG PAGBABAKUNA, MAKATUTULONG SA DARATING NA KAPASKUHAN — VELASCO

Hinihikayat ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga karapat-dapat na mga Pilipinong hindi pa nababakunahan, na magpabakuna na, sa isasagawang pambansang pagbabakuna para sa COVID-19 na itinakda simula ngayong Lunes, ika-29 hanggang ika-1 ng Disyembre, at sa ika-15 hanggang ika-17 ng Disyembre, upang makatulong na maiwasan ang isa na namang daluyong ng pamdemya, habang ang mga pamilya ay naghahanda sa mga pagtitipon sa panahon ng kapaskuhan.


Sinabi rin ni Velasco na inaalala niya ang posibleng epekto ng bagong COVID-19 variant na tinawag na Omicron, na maudyukan ang mga hindi pa nababakunahang mga Pilipino na magpabakuna na.


Dahil dito, nananawagan ang lider ng Kamara sa mga vaccine-eligible na mga mamamayang hindi pa nagkaroon ng first dose na magpabakuna na para maprotektahan sila at ang kanilang mga pamilya laban sa mapanganib na coronavirus lalu na ngayong mayroong bagong variant. 


Pinuri ni Speaker Velasco bilang “brilliant strategy” ng administrasyong Duterte ang programang “Bayanihan, Bakunahan”, na naglalayong mabakunahan ang karagdagang 9 na milyong karapat-dapat na mga Pilipino, mula sa ika-29 ng Nobyembre hanggang ika-1 ng Disyembre.






[(“We call on vaccine-eligible Filipinos who have not had a first dose to come forward and get one, so they can protect themselves and their families against the deadly coronavirus, especially with the emergence of a new variant that adds new peril to the holiday season,” ani Velasco.)


(“Our best hope for avoiding a holiday spike of COVID-19 infections and deaths lies in large part in people who have not been vaccinated getting a jab during the three-day national vaccination drives,” dagdag niya.)]


Magdaraos muli ang pamahalaan ng isa pang tatlong araw na pambansang pagbabakuna sa ika-15 hanggang ika-17 ng Disyembre, upang matamo ang layunin nang ganap na pagbabakuna sa 54 na milyong Pilipino, laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng taon.


Batay sa datos ng National Vaccination Center hanggang ika-26 ng Nobyembre, ay mahigit na 35 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan, at 45 na milyon naman ang nabakunahan na ng kanilang unang dosis, sa dalawang dosis ng bakuna.


Ayon pa kay Velasco, ang pinakamagandang paraan para sa pinakaligtas na pagtitipon-tipon ngayong kapaskuhan ay mabakunahan ang lahat ng mamamayan, kung karapat-dapat.


“Having a jab will protect you and your loved ones, especially unvaccinated children and immunocompromised family members, from COVID-19 exposure,” punto niya.


Pinaalalahanan din ni Velasco ang publiko na manatiling mapagmatyag at laging sumunod sa mga ipinaiiral na protocol sa kaligtasan ng kalusugan, tulad ng pagsusuot ng face masks at pagmamantine ng agwat sa pisikal na distansya, at ang palagiang pagsunod sa kalinisan, sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay at alcohol.    


Samantala, umapela si Velasco sa mga Pilipinong nag-aalangan na magpabakuna na isaisip ang kanilang kalagayan, at magpasiya na pakinabangan ang mga bakuna para sa COVID-19 na binili ng pamahalaan.


Ginawa niya ang panawagan sa gitna ng mga katibayan na ang mga hindi nabakunahan ay mas doble na mahawahan ng matinding COVID-19, at tatlong beses na mas maaaring mamatay mula sa sakit.


Sa kabilang dako, sinabi ni Velasco na ang mga bakuna ay napatunayang ligtas at epektibo sa pagsupo sa matinding sakit, o kamatayan dulot ng COVID-19.


Matagal nang isinusulong ni Velasco ang pagbabakuna sa COVID-19, bago pa man nagpatupad ng malawakang pagbabakuna ang pamahalaan noong Marso, dahil naniniwala siyang ito ang isa sa pinakamahalagang paraan para wakasan ang pandemya.


Si Speaker ang pangunahing may-akda ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na naglalayong pabilisin ang pagbili ng mga bakuna ng pamahalaan, at maglagay ng pondo para sa kabayaran sa mga indibiduwal na makakaranas ng masamang epekto matapos na mabakunahan.


“Vaccines are unquestionably our best hope for getting past the COVID-19 pandemic,” ayon sa pinuno ng Kapulungan. #

Thursday, November 25, 2021

-PANUKALANG BATAS NA MULING BUBUHAY SA TRADISYUNAL NA PAGSUSULAT SA BANSA, APRUBADO NA SA KAMARA

Inaprubahan noong Huwebes sa isang online hearing ng Committee on Basic Education and Culture, sa Kamara, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, ang House Bill 10469, o ang “Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act.” 


Ang panukala ay pangunahing iniakda nina Speaker Lord Allan Velasco at Manila Rep. Marvin Nieto, na naglalayong isulong, protektahan at pangalagaan ang mga katutubo at tradisyunal na sistema sa pagsusulat. 


Layon din ng panukala na imandato sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED), na isama ang sistema sa pagsusulat, sa mga kaugnay na paksa sa kurikula ng basic at higher education. 


SInabi ni Nieto sa kanyang sponsorship na sa pagkakaroon ng “Baybayin” bilang elective subject sa kolehiyo at panibagong asignatura sa elementarya at high school, lalo na natin umano maitatanim ang pagmamahal sa sariling bayan at wika, ang pagiging makabayan at (ang) nasyonalismo sa ating mga kabataan.






Isinulong ng Komite upang gawing pangunahing panukala ang HB 10469, sa pagsasama nito sa HBs 490 at 5984. Ang dalawang huling panukala ay naaprubahan na ng Komite at nasa proseso na ito para pagsamahin. 


Binanggit ni Romulo na ang HB 10469 ay isa nang inklusibong panukala, na nagsusulong ng iba’t ibang sistema ng pagsusulat sa kultura ng bansa. 


Bukod pa rito, binanggit niya rin na ang HB 10469 ay isa nang dating panukala na muling isinumite, na inaprubahan na rin sa ikatlong pagbasa noong ika-17 Kongreso. 


Samantala, nagmosyon ang Komite para pagsamahin ang HBs 10119 at 10299, sa inaprubahang HB 9157, na kasalukuyang naghihintay ng aksyon sa plenaryo. Layon ng dalawang panukala na palitan ang pangalan ang Literacy Coordinating Council sa National Literacy Council. 


Ang mga panukala ay inihain nina Deputy Speaker Wes Gatchalian at Parañaque City Rep. Joy Maria Tambunting. 


Aprubado rin ang HB 3984, na naglalayong gawing isang integrated Hibao-an Integrated School ang Hibao-an Elementary School sa Lungsod ng Iloilo. 


Ang panukala ay inihain ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda. 


At panghuli, inaprubahan ng Komite ang HB 10250, na nagmumungkahi na itatag ang Mabca National High School sa Sagñay, Camarines Sur. 


Ang panukala ay inihain ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella.   


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

-PAGKAMATAY NI PMMA CADET JONASH BONDOC, SINIYASAT NG KAMARA

Sinimulan noong Martes ng Committe on Higher at Technical Education sa Kamara, na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go, ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Philippine Merchant Marine Academy Cadet 4th Class Jonash Bondoc noong ika-6 ng Hulyo 2021, sa ilalim ng mga kuwestiyonableng pangyayari sa lugar mismo ng PMMA.


Layon din ng imbestigasyon na iharap ang mga kinakailangang hakbang sa lehislasyon, upang wakasan ang anumang kultura ng karahasan, hindi lamang sa PMMA kungdi sa lahat ng iba pang institusyon ng pag-aaral at pagsasanay sa bansa.


Ang imbestigasyon ay batay sa House Resolution 1953 na inihain ni Agusan del Norte Rep. Lawrence ‘Law’ Fortun.


Sinabi ni Fortun sa kanyang resolusyon na habang ang diumanong salarin na si Cadet Third Class Jomel Gloria ay natukoy, naaresto, at kinasuhan, ang kanyang hindi kumpleto at tanging pag-ako ay lumabas na hindi naaayon sa autopisya ng Zambales City Crime Laboratory. 


Nagpasya ang Komite na magkaroon ng isang executive session sa pagdinig nito na nakatakda sa susunod na linggo, upang harapin ang mga karagdagang usapin na may kaugnayan sa pangyayari.




Sa kanyang pahayag sa Komite, sinabi ni Glaiza Bondoc na kritikal ang araw na ito para sa kanyang pamilya, habang naghahanap sila ng hustisya para sa kanyang kapatid na si Jonash.


“He was only 20 years old and died inside the PMMA. He lost his life inside his dream school. The academy was supposed to be a beacon of hope, a place conducive to learning and a safe place for someone who is miles away from home and his loved ones. But instead, it was a place that ended his dreams,” aniya.


Sa pagdinig, isang screenshot ng mensahe para kay Glaiza mula sa isang anonymous sender na may petsang ika-11 ng Hulyo 2021, ay nakasaad na hindi lang si Gloria ang tumira kay Bondoc.


Samantala, tiniyak naman ni Go, na gagawin lahat ng Komite ang kanilang makakaya upang maabot ang puno’t dulo ng kaso. 


Bukod sa paghahanap ng katarungan para kay Bondoc, sinabi ni Go na titiyakin ng Komite ang wastong pagpapatupad ng mga probisyon ng RA 11053, o ang "Anti-Hazing Act of 2018." 


Ipinahayag ni KABATAAN Rep. Sara Jane Elago ang kanyang kahilingan sa CHED at sa PMMA Board of Trustees, na magsumite ng kopya ng Minutes of the Meeting na kanilang ginawa matapos na masawi si Bondoc, gayundin ang mga pamamaraan na ginamit nila sa pagtutukoy na ang nangyari kay Bondoc ay isang isolated case.


“Malinaw po sa mga naging pahayag na narinig natin ngayong umaga na malayo ito sa isolated case,” ani Elago.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV



Wednesday, November 24, 2021

-KOLEKSYON SA BUWIS NG BOC BAGO AT SA PANAHON NG PANDEMYA, SINIYASAT NG KOMITE

Nagsagawa ng pagsisiyasat noong nakaraang Lunes sa isang online meeting ang Committee on Public Accounts sa Kamara, sa pamumuno ni Rep. Jose Singson Jr., hinggil sa katayuan sa koleksyon ng buwis ng Bureau of Customs (BOC), bago at sa panahon ng pandemyang dulot ng COVID-19, batay sa House Resolution 2135 na inihain ni Singson. 


Ipinaalam ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa Komite na ang koleksyon ng kita ng ahensiya mula Enero hanggang Oktubre 2021, ay nasa ₱525.36-bilyon na, lampas sa target na koleksyon na ₱513.19-bilyon para sa taong ito.


Bukod dito, sinabi ni Guerrero na bago ang pandemya, nakuha ng BOC ang pinakamataas nitong koleksyon na ₱630.31-bilyon noong Enero hanggang Disyembre 2019.


Para sa Enero hanggang Disyembre 2020, ang kabuuang koleksyon ng BOC ay ₱537.68-bilyon na mas mababa ng 14.7 porsiyento kaysa sa nakaraang taon, dahil sa mga epekto ng pandemya sa kalakalan at komersyo.


Gayunpaman, lumampas pa rin ang koleksyon ng kita noong nakaraang taon sa puntirya nitong ₱506.15-bilyon.

Tuesday, November 23, 2021

-USAPIN HINGGIL SA ILIGAL NA KALAKALAN NG MGA PRODUKTONG TABAKO, TINALAKAY NG KOMITE SA KAMARA

Doble oras na trinabaho kahapon, Lunes, ng Committee on Ways and Means sa Kamara na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda upang tumuon sa pagpapabuti ng mga sistema ng pamahalaan at mapahusay ang koleksyon sa buwis ng bansa.


Tinutukan ng Komite ang iligal na kalakalan ng mga sigarilyo at mga produktong tabako, kabilang ang mga aktibidad sa pagpapatupad laban sa iligal na negosyong ito.


Iniulat ni Bureau of Customs (BoC) Assistant Commissioner Vincent Maronilla na agad na sinuspinde ng BoC ang akreditasyon o lisensya sa pag-aangkat ng mga rehistradong produkto ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at iba pang ecozone locators, na ginagamit bilang conduits para sa pagpupuslit.


Dagdag pa ni Maronilla na ang mga paglabag na ito ay napapailalim na sa imbestigasyon ng Intelligence and Investigation Service at audit ng BoC-Post Clearance Audit Group (PCAG).


Binanggit din ni Maronilla na  ito ay nagsimulang makipagtulungan sa mga dalubhasa sa pagbili para sa pagpapatupad ng bagong sistema sa proseso ng aduana at remote image analysis centers.

Monday, November 22, 2021

-MAGNA CARTA PARA SA MGA DI-UNIPORMADONG KAWANI, INAPRUBAHAN NG KOMITE

Inaprubahan ng Committee on Civil Service and Professional Regulation sa Kamara, na pinamumunuan ni Iligan City Rep. Frederick Siao, ang Committee Report at ang inamyendahang substitute bill kamakailan sa mga panukalang naglalayong itatag ang Magna Carta for Non-Uniformed Personnel sa militar at iba pang unipormadong ahensya.


Sa isang pagpupulong, inaprubahan ng Komite ang substitute bill sa mga panukalang may kahalintulad na mga layunin upang maging basehan sa deliberasyon sa bulwagan.


Layunin ng panukalang batas na isulong at mapabuti ang panlipunan at pang-ekonomiyang kapakanan ng lahat ng di-unipormadong kawani sa militar at iba pang unipormadong ahensya ng pamahalaan.


Sa layuning ito, titiyakin ng Estado na ang kanilang mga karapatan ay protektado sa isang kapaligiran, na kung saan ay makakatulong sa kahusayan at pagiging epektibo nila sa pagtatrabaho.






Ang panukalang batas ay tumutukoy sa "uniformed personnel" bilang lahat ng mga sibilyang kawani sa Armed Forces of the Philippines (AFP), at lahat ng iba pang unipormadong ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of National Defense (DND), Bureau of Fire Prevention (BFP), Bureau of Corrections (BuCor), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).


Sa loob ng anim na buwan mula sa pag-apruba ng Batas, ang militar at iba pang unipormadong ahensya, sa pagsangguni sa iba pang naaangkop na ahensya at organisasyon ng NUP, rehistrado man o akreditado, ay bubuo at maghahanda ng Code of Conduct para sa NUP, na ipapalaganap ng malawakan hangga’t maaari.


Ang Magna Carta ay maglalaan para sa NUP ng: 1) katayuan sa trabaho, seguridad sa panunungkulan, suweldo, allowance, at sistema ng promosyon; 2) karapatan sa sariling organisasyon; 3) leaves at iba pang benepisyo, 5) normal na oras ng trabaho, 6) mga proteksyon sa mga pamamaraan ng pagdidisiplina, 7) pagpapaunlad ng pangangalap at yamang-tao at mga polisiya, pati na rin mga hakbangin at programa sa kalusugan, at iba pa.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Thursday, November 18, 2021

-PAGPAPALAWIG SA PAGKAKAROON NG 2021 GAA HANGGANG DISYEMBRE 2022, APRUBADO NG KAMARA

Inaprubahan kahapon ng Komite ng Appropriations sa Kamara na pinamunuan ni Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe, sa online na pagpupulong, ang House Bill 10373 na magpapalawig sa pagkakarooon ng 2021 appropriations hanggang ika-31 ng Disyembre 2022.


Ang panukala na inihain ng Chairman ng Komite at ACT-CIS Rep. Eric Go Yap, ay mag- aamyenda sa Seksyon 62 ng General Provisions ng Republic Act 11518, o ang General Appropriations Act for Fiscal Year 2021.


Sa talakayan, nagpahayag ng kanyang pagkabahala si Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza sa wika ng panukalang batas.


Inirerekomenda niya na ang HB 10373 ay dapat magkaroon ng isang tiyak na probisyon na mag-iingat sa mga patuloy na proyekto ng pamahalaan, na ang pondo ay obligated na ngunit hindi pa naibigay.







“The various provisions in the GAA severely punishes certain areas like my area, because of typhoons and pandemic issues. So now, whether obligated or not, if funds are undisbursed, it reverts back to the treasury,” ani Daza.


Inaprubahan din ng Komite ang mga probisyon ng pagpopondo ng dalawang priority measures ni Speaker Lord Allan Velasco. Ang mga ito ay: 1) substitute bill sa HB 3031, na naglalayong itatag ang Philippine Downstream Natural Gas Industry at, 2) substitute bill sa iba't ibang House bill na naglalayong itatag ang National Center for Geriatric Health and Research Institute at regional geriatric specialty centers sa lahat ng pangunahing pasilidad ng kalusugan ng pamahalaan. Inaprubahan din ng Komite ang mga sumusunod na hakbang na may mga pag-amyenda: 1) substitute bill sa HBs 269 at 6857, na naglalayong magtatag ng mga karaniwang modernong apex na ospital sa bawat rehiyon; 2) substitute bill sa HB 9157, na naglalayong palitan ang pangalan ng Literacy Coordinating Council (LCC) sa National Literacy Council; 3) substitute bill sa HB 8210, na nag-aatas sa Commission on Higher Education (CHED) na magtatag ng isang tri-partite council, na tutugon sa hindi pagkakatugma ng mga kasanayan sa trabaho sa bansa; 4) substitute bills sa mga panukalang naglalayong gawing institusyon ang paggamit ng bisikleta, pagtukoy sa mga karapatan ng mga sakay ng bisikleta, pati na rin ang pagtatatag ng naaangkop na imprastraktura at pasilidad; 5) substitute bill sa mga hakbang na naglalayong magbigay ng mga benepisyo sa octogenarian at nonagenarian na mga Pilipino; 6) substitute bill sa mga hakbang na naglalayong magbigay ng honoraria, allowances, at iba pang pribilehiyo sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK); 7) substitute bill sa mga hakbang na naglalayong itatag ang Magna Carta ng Barangay Health Workers; at 8 ) substitute bills sa HBs 5687 at 7778, na naglalayong itatag ang Cordillera Autonomous Region. Samantala, ang substitute bill sa HB 8137, na naglalayong palawakin ang saklaw ng tertiary education subsidy, ay inaprubahan nang walang pagbabago sa mga probisyon sa pagpopondo nito. Panghuli, inaprubahan ng Komite batay sa istilo, ang substitute bill sa iba't ibang panukalang batas na naglalayong palakasin ang mga patakaran sa anti-trafficking in persons, at amyendahan ang RA 9028, o ang "Anti-trafficking Act of 2003," na sinususugan ng RA 10364, o ng "Expanded Anti-trafficking Act of 2012."


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Tuesday, November 16, 2021

-HAKBANG NA PAHINTILUTANG MAGING TAGAPAG-BAKUNA ANG MGA MEDICAL AT NURSING STUDENTS, PINURI NI SPEAKER VELASCO

Pinuri ni Speaker Lord Allan Velasco ang hakbang na pahintulutan ang mga mag-aaral ng medisina at nursing na magbolutaryo bilang tagapag bakuna sa ilalim ng National COVID-19 Vaccine Deployment and Vaccination Program ng pamahalaan.


Sinabi ni Velasco kahapon na ang kaganapang ito ay magbibigay ng malaking pagpapa-angat sa kritikal na public health mission ng pamahalaan na mabakunahan ang 90% ng mga mamamayan laban sa mapanganib na coronavirus.


Ayon sa kanya, by tapping medical and nursing students in the vaccination program, the government will rapidly expand access to COVID-19 vaccines, which is crucial to reaching the herd immunity threshold we need to return to normal life.


Matagal nang isinusulong ni Speaker Velasco ang pagbabakuna para sa COVID-19, kahit bago pa man ang bansa ay sinimulan ang kauna-unahang bakuna noong Marso nang nakaraang taon, dahil sa paniniwalang ito ay isa sa pinakamahalagang paraan upang masugpo ang pandemya.









Dahil sa dahilang ito, ay kanyang pinangunahan ang pag-akda sa COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 sa Kapulungan ng mga Kinatawan, at nagtatag ng pondo para sa kabayaran ng mga indibiduwal na makararanas ng masamang epekto matapos mabakunahan.


Sinabi ni Velasco na ang layunin ay “to make sure that every Filipino will have access to safe and effective vaccines, which is currently the best way for us to beat the virus and move forward.”


Gayundin, noong mas maaga pa sa buwan ng Mayo ngayong taon, ay hinihikayat na ni Velasco ang pamahalaan na gamitin ang mga nagtapos sa narsing na kukuha pa lamang ng pagsusulit sa board, bilang mga karagdagang tauhan sa gitna ng kakulangan ng mga manggagawa sa kalusugan sa bansa.


Sinabi niya na ang mga “underboard” na mga nars ay maaaring magtrabaho sa ilalim ng superbisyon ng mga rehistradong nars o manggagamot, sa pamamagitan ng espesyal na kasunduan sa Professional Regulatory Commission.


Noong Sabado, inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na ang mga post-graduate/undergraduate interns, mga clinical clerks at mga mag-aaral sa medisina at nursing na nasa ikaapat na taon na sa kanilang pag-aaral ay maaari nang maging tagapag bakuna, at lumahok sa programa ng pamahalaan sa pagbabakuna para sa COVID-19.


Sa ilalim ng kasunduang nilagdaan ng CHED at Kagawaran ng Kalusugan (DOH), ang mga mag-aaral ng medisina at nursing ay maaari nang magboluntaryo bilang mga health screeners, tagapag bakuna, at mga taga monitor sa pre/post vaccination, sa ilalim ng superbisyon ng mga lisensyadong doktor at narses. #

Friday, November 12, 2021

-DABATE NG MGA NAIS MAHALAL SA NASYUNAL NA MGA POSISYON, DAPAT UMPISAHAN NA NG COMELEC


Iminungkahi ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na umpisahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagganap ng presidential debates bago magtapos ang taong 2021.


Sa resolusyong inihain ni Cayetano, kasama ang kanyang mga kaalyado, ipinursige ng dating speaker ang maagang pagsagawa ng mga debate upang mai-uphold ang karapatan sa impormasyon ng mga mamamayan at mabigyan ng pantay-pantay na pagkakataon din ang mga kandidato na marinig sila at ang kanilang mga kasagutan sa mga katanungan ng sambayanan.


Sinabi ni Cayetano na ang pagkakaroon ng debate at ang pag-uumpisa nito ng maaga ang maging susi sa informed choices at ang mga debateng ito ang makapa-bibigay sa mga botante ng sapat na oportunidad upang masuri ang mga kuwalipikasyon, track record, plataporma, mga programa at ang kanilang mga panindigan sa ibat ibang mga isyu na may national corcern.





"Holding debates and starting them earlier is key to informed choices as these debates will give the electorate ample opportunity to examine the candidates' qualifications, track record, platforms, programs, and stand on issues of national concern," the resolution reads.


Cayetano, who is running for Senate as an independent candidate, has been advocating for presidential, vice presidentia,l and senatorial debates since the period for filing of candidacies in October.


His aim is for various institutions to hold the debates from December 2021 until April 2022, as these events are the best way for Filipino voters to make fully informed choices.


In October alone, 400,000 new voters registered for the upcoming election, adding to the 5 million voters who registered since the last election. This brings the total number of registered voters to 62 million. 


The former House Speaker had suggested that the debates be hosted by the country's media networks, major universities, and faith-based and business groups.


Proposed topics for the debates include COVID-19 response, health, economy, wages and employment, poverty and hunger, corruption, stimulus measures for displaced workers, law enforcement, values in government, peace and order, environmental sustainability, and foreign relations. 


"We keep telling people, let's be objective, facts tayo, huwag tayo emosyon, but we're not giving them the venue to do that. So ang nangyayari ngayon, kanya-kanyang kampanya, kanya-kanyang kampihan, but we're not giving the public the venue na mai-side-to-side ang mga kandidato," Cayetano previously said during a press briefing in Taguig City on November 5.


(We keep telling people, let’s be objective, let’s stick to the facts, let’s not be emotional, but we’re not giving them the venue to do that. So what happens is the candidates all do their own thing, but we’re not giving the public the venue to compare the candidates side-by-side.)


The aim is to have 15 weekly one-on-one debates among the six leading presidential candidates on a round-robin basis, compared to three presidential debates held during the 2016 presidential elections.


This will give the aspirants ample time to hash out their views on a broad range of topics and voters to familiarize with track records, qualifications, platforms, and programs. 


The former Speaker hopes that these topics can be covered without the candidates using the platform to attack each other. 


“Masyado nang malaki ang problema ng COVID, hindi naman natin gustong magpalabas ng debate na wala lang ginawa kundi lang mag-disagree for the sake of disagreeing,” Cayetano stated.


(We already have a huge problem with COVID around, we don’t want to come out with debates that do nothing but make candidates disagree for the sake of disagreeing.)


The debates will also serve as a basis for accountability of elected officials. 


Cayetano believes that candidates do not need to be the best debater but they should be good communicators as their roles require communicating with the international community, the Cabinet, the military, the police, and the people.


The 2022 National and Local Elections will be held in six (6) months time on May 9, 2022. ####

Wednesday, November 10, 2021

-PAGBABAGO SA KLIMA NG PANAHON, ISANG USAPIN SA HALALAN — LEGARDA


Malakas ang paniniwala ni Deputy Speaker Loren Legarda na ang pagbabago sa klima ng panahon ay isang usapin sa halalan sa May 2022 elections, habang ang bansa ay nagsisikap na makabawi mula sa krisis dulot ng COVID-19.


Sa kanyang pagdalo sa pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan kahapon, araw ng Miyerkules, hinimok ni Legarda ang mga kandidato sa halalan sa susunod na taon, na isama ang kanilang mga hakbang sa klima sa kanilang mga plano upang makabawi sa COVID-19.


Sinabi ni Legarda na nais niyang makita ang isang kandidato na tunay nagsusulong ng climate agenda na ayon sa kanya ay hindi man lamang napapag-usapan sa nasyunal na antas.


Idinagdag pa niya sa pamamagitan nga tanong na kung ano ang ihahain ng mga ito sa taumbayan para hindi na magkasakit at hindi na lumala ang ating mga nararanasan ngayon sa panahon ng tag-init, tag-tuyot at ‘yong paghihirap ng ating mga magsasaka?





Idinagdag niya na: “I am certain that every Filipino sees the impacts of climate baka hindi lang naa-attribute na ‘yan ay klima. So, I ask all of our national candidates to lay out their climate agenda and what they’ve done in their lives for the environment or what they intend to do and can do. That would be ideal.”


Ayon sa mambabatas mula sa nag-iisang distrito ng lalawigan ng Antique, anumang pag-ahon mula sa pandemya ay magiging epektibo lamang kung ito ay kaakibat ng landas sa klima.


“Let us bring the issue of climate and environment in the national pandemic recovery,” ani Legarda.


“There is no recovery from COVID-19 unless we attack it on the issue of environment and climate. A pandemic recovery is essential to our survival if we align it to the climate pathway.”


Binigyang-diin ni Legarda na ang bansa ay hindi nagsimula sa wala, sa usapin ng pagtugon sa usapin ng klima dahil siya mismo ang nag “authored, co-authored and sponsored and funded laws on environment and climate” sa tatlong taon niyang termino sa Senado.


Hinimok niya rin ang mga Pilipino na yakapin ang usapin ng klima, at binanggit na “we cannot go back to the business as usual before the pandemic.”


“The pandemic has given us the opportunity for a better lens – a new lens on how we look at life and live it,” punto pa niya.


Sinabi ni Legarda na ang usapin sa klima ay nakasentro sa buhay ng mga mamamayan, at ang pagtugon dito ay mangangailangan ng pagharap rito ng buong pamahalaan. 


“The issue of climate is connected to sustainable livelihoods; the issue of climate is related to rural livelihoods; the issue of climate is related to our health care systems; the issue of climate is connected to the issue of education, agriculture and fisheries,” aniya.


“It (climate change) is an issue of the here and now for our sheer survival,” dagdag pa ni Legarda. #

-PANUKALANG MAGSUSUSPINDE SA MAS MATAAS NA EXCISE TAX NG MGA PRODUKTONG PETROLYO, INIHANDA NA SA KAMARA


Bumuo noong Lunes ng isang technical working group (TWG) ang Committee on Ways and Means sa Kamara, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, upang makagawa ng substitute bill sa mga panukalang suspindihin ang pagtaas ng excise tax para sa mga produktong petrolyo at langis, gaya ng isinasaad sa ilalim ng Batas Republika (RA) 10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. 


[Ang mga ito ay ang House Bill 10438 na iniakda ni Salceda, HB 10426 ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, HB 10411 ni ANAKALUSUGAN Rep. Michael Defensor, HB 243 ni BAYAN MUNA Rep. Carlos Isagani Zarate, House Resolution 2318 ni Quezon City Rep. Jesus Suntay, at HR 2320 ni Baguio City Rep. Mark Go.]


Iminungkahi ni Salceda bago magbuo ng grupo, na ang TWG ay dapat binubuo nina Senior Committee Vice Chairperson at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, PBA Rep. Jericho Jonas Nograles, at AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin. 


Inatasan ni Salceda ang TWG, gamit ang HB 10438 bilang panukalang batayan, na isama at bumuo ng substitute bill ayon sa mga sumusunod na probisyon, at iba pa: 1) anim na buwang suspensiyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo at langis; 2) paggamit sa pagkakaiba-iba ng unleaded, leaded, at premium na gasolina; 3) pagbibigay sa Department of Energy (DOE) at sa Department of Finance (DOF) ng motu proprio na kapangyarihan, hindi lamang upang subaybayan kundi pati na rin ang imbestigahan ang mga aktibidad sa pagpepresyo ng mga namimili ng petrolyo; 4) pagmumungkahi na ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) ay mabigyan ng kapangyarihan kung sakaling ang presyo ay lumampas balang araw tulad ngayon, na $80 ang Mean of Platts Singapore (MOPS), maaari nilang suspindihin ang pagtaas nito; 5) ang bahagi ng mga yunit ng lokal na pamahalaan (LGUs) mula sa national tax allotment (NTA), na nagmumula sa excise tax, ay magamit para mabigyan ng subsidiya ang mga traysikel.





Sa kanilang pagpupulong, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na isa sa mga nangingibabaw na dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang agresibong pangangailangan sa ikaapat na bahagi na nakikitang aabot ng hanggang 102.61 milyong mga barilies ng krudo kada araw, habang ang suplay ay halos 100.1 milyong bariles bawat araw, na nagpapakita ng kakulangan sa suplay na humigit-kumulang 2.60 milyong bariles bawat araw.


Aniya, ang pangunahing usapin ay ang pagkontrol ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa suplay.


Ipinahayag ni Abad na hindi sapat ang pagkontrol na ito sa suplay para punan ang kasapatan ng 2 milyong bariles ng krudo sa pandaigdigang merkado kada araw.


Sinabi rin niya na ang parusa ng Estados Unidos laban sa Iran at Venezuela ay nakabawas ng humigit-kumulang limang milyong bariles ng krudo sa merkado ng mundo.


Ayon pa kay Abad, ang mga bagong kaganapan ay nagpakita ng paghina ng pangangailangan na nagresulta sa paglipat sa mas mababang presyo ng langis.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Tuesday, November 09, 2021

-ISTRATEHIYA SA AGRESIBONG PAGBABAKUNA NG PAMAHALAAN, RAMDAM NA — SPEAKER VELASCO


Ipinahayag kahapon ni Speaker Lord Allan Velasco, na ang istratehiya sa agresibong pagbabakuna ng pamahalaan ay nararamdaman na, dahil sa malinaw na bumababang bilang ng impeksyon, hindi lamang sa Metro Manila kungdi sa buong sa buong kapuluan.


Sa kanyang talumpati sa unang flag-raising ceremony na idinaos sa Kapulungan matapos ang walong buwan, sinabi ni Velasco na ang kasalukuyang kalagayan ng COVID-19 sa bansa ay kapansin-pansing gumaganda na, kumpara sa mga nakalipas na buwan, at salamat sa agresibong pagbabakuna ng pamahalaan sa mga mamamayan.


[“The skies are bluer after the storm. The light brighter after going through a dark tunnel. And even if we are not officially ‘out of the woods’ yet and may have to live with COVID-19 for quite a while, it would seem that the government strategy of aggressive mass vaccination has dramatically brought down the number of mortalities and severe and critical cases of COVID in the country,” ani Velasco.]


At dahil dito, sinabi ni Velasco na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, o IATF ang pagbababa sa Alert Level 2 mula sa Alert Level 3 simula ika-5 ng Nobyembre, sa National Capital Region.


Subali’t sinabi rin ni Velasco na hindi dapat magpaka kumpyansa ang lahat, kahit pa bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 at ang mga naoospital.





“Parang nabunutan tayo ng tinik sa lalamunan at tila nakahinga tayo ng maluwag matapos ang matagal na panahon ng pagpigil ng hininga. Subalit hindi ito ang panahon ng pagiging kampante. Let us not put our guards down,” ani Velasco.


Pinayuhan ng pinuno ng Kapulungan ang lahat na patuloy na sumunod sa mga health protocols na itinakda ng mga dalubhasa sa kalusugan, lalo na at marami nang establisimyento ang muling nagbubukas, at marami nang mamamayan ang pinahihintulutan na lumabas.


“We want to ensure that we can all work in a safe and healthy environment,” ani Velasco.


Samantala, ang HousePass system aniya, ay bahagi lamang ng malawak na repormang teknolohikal ng Kapulungan.


“As Speaker of the House at this time of this great change in our lives, it is my dream to bequeath these reforms to our House Members, Secretariat officials, and staff so that we all better adapt to the new normal working conditions,” ani Velasco.


Ipinunto ni Velasco na ang Kapulungan ay nagsimula ng mga pagbabagong ito sa pamamagitan ng pagbusisi sa kanilang organisasyon sa teknolohiyang pang-impormasyon at ang pagpapatupad ng programa sa Congvax, na naging ligtas para sa Kapulungan na makapagbakuna sa ligtas at maayos na paraan.


Sinabi niya na isa sa pangunahing pagsasaayos sa makabagong teknolohiya ay ang bagong HRep ID, na maggagawad ng pahintulot sa mga mambabatas at kawani ng akses sa mga tarangkahan, at magkakaroon din ng built-in e-wallet sa pamamagitan ng Paymaya.


“It remains an Identification Card but with advanced security features that opens the speedgates found in our building lobbies and it also symbolizes how the House of Representatives is also leading the way in embracing the new digital economy,” ani Velasco.


Binanggit din ng pinuno ng Kapulungan ang pinaunlad na Security Operations Center at ang paggamit ng RFID gates, at mga high-tech cameras sa pangunahing pasukan ng Kapulungan.


Sinabi niya na ang mga turnstile sa mga tarangkahan at lobbies ay nakakapagtala ng mga temperatura ng katawan ng tao, kaya’t ang may mga lagnat ay kagyat na hindi pahihintulutan na makapasok.


Bukod pa sa mga nabanggit na mga repormang pangkalusugan at seguridad, sinabi ni Velasco na sinimulan na ng Kapulungan ang pagpapatupad ng proyekto sa Solar Power para sa mas matipid na paggamit ng nasusustining enerhiya, gayundin ang pasilidad sa water catchment para sa mas nasusustini at makakalikasang paggamit ng tubig.


Sinabi ni Speaker na lubos na pakikinabangan ng Kapulungan, at mga kawani ang mga makabuluhang programa at proyektong ito, sa mga darating pa na maraming taon.


Pinapurihan niya rin ang mga kalalakihan at kababaihan ng bulwagan ng Kapulungan sa kanilang “unity and commitment to keep the legislative mill working despite the present public health crisis.”


Dahil sa mga inilatag na health at security protocols, hinimok ni Velasco ang mga mambabatas at mga kawani na ipagpatuloy ang pagganap sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad, sa abot ng kanilang makakaya.


“Let us work; and work better regardless of dark or clear skies. The leadership of the House values your diligence and sacrifice and has engaged these technological reforms, systems improvement, and streamlining process to ensure your safety and continuous productivity," ani Velasco.


“All we ask now is for all of us to work well and to continue to work hard, so we can deliver the kind of public service the Filipino people deserve from the House of Representatives,” dagdag pa niya. #

Sunday, November 07, 2021

-2022 BUDGET, PANGUNAHING PRAYORIDAD SA PAGBABALIK-SESYON NG KAMARA NGAYONG HAPON

Handa na ang Kamara de Representantes para sa isang ligtas na pagbabalik-sesyon ngayong araw, Lunes, ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, upang kagyat na ratipikahan ang P5.024-trilyong 2022 pambansang pondo – gayundin ang mga mungkahing pagsusupindi o pag-aalis ng excise taxes sa mga produktong petrolyo – na nasa pangunahing adyenda.


Iginiit ni Velasco ang kanyang pangako na tiyakin ang napapanahong pagsasabatas ng planong paggasta ng pamahalaan, at pagtanggap niya sa pagtitiyak naman ng liderato ng Senado, na hindi nila hahayaan na magkaroon ng reenacted budget sa susunod na taon.


[“Our commitment is to ensure that the budget bill, which is focused on getting the Philippines back on the road towards full recovery from the COVID-19 crisis, reaches President Duterte’s desk before the yearend,” ani Speaker.]


Nauna nang pinabulaanan ng liderato ng Senado ang posibilidad ng reenacted budget para sa 2022, kahit pa halos kalahati ng kanilang mga miyembro ay abala na ngayon sa maagang pangangampanya para sa kanilang reelection, o mahalal sa mas mataas na posisyon.


[“We are glad that the Senate is on the same page as the House insofar as the national budget is concerned,” ani Velasco.]


Iginiit ni Velasco na ang pagsasabatas ng 2022 badyet ay lubos na napakahalaga sa pagsisikap ng pamahalaan na itayong muli ang mas maayos at makapaghatid ng kinakailangang paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa gitna ng pandemya.





Ipinasa ng Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang kanilang bersyon ng 2022 General Appropriations Bill noong ika-30 ng Setyembre, at naipadala ito sa Senado noong ika-25 ng Oktubre, o dalawang araw bago ang deadline noong ika-27 ng Oktubre na nauna nang itinakda ng Kapulungan.


“As soon as the Senate is done with its own version of the budget, the House will be selecting the contingent to the bicameral conference committee to help reconcile the two versions,” punto ni Velasco. “With such assurance from the Senate leadership, we do not see any major stumbling block in having a ratified and enacted 2022 national budget by December.”


Sa pagbabalik-sesyon ng Kapulungan, sinabi ni Velasco na tatalakayin nila ang iba’t ibang mungkahi na naglalayong suspindihin, o alisin ang excise taxes sa mga produktong petrolyo sa gitna ng tumataas na halaga ng gasolina.


“As we prepare for the wider reopening of businesses, we must ensure that our economic recovery will not be hampered by unwelcome disruptions, such as the unimpeded sharp rise in the cost of fuel,” ani Velasco.


“Congress would like to be informed of how fuel prices have shot up so fast in a matter of weeks, so that we can possibly come up with measures that will help mitigate this emerging obstacle towards our recuperation,” dagdag pa niya.


Gayundin, sinabi ni Velasco na handa ang Kapulungan na magtrabaho sa nakalatag na mahigpit na health protocols sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19.


Simula sa Lunes, sinabi ni Velasco na ang Kapulungan ay ganap na magpapatupad ng online HousePass System, bilang bahagi ng regular na seguridad at health protocols.


Sa ilalim ng sistema, itatalaga ng bawat departamento at tanggapan ang isang health officer, na siyang magnonomina kung sino sino ang mga staff na maaaring pumasok sa opisina kada araw. Ang mga itinalagang kawani ay magsusumite ng kanilang digital copy sa online ng health declaration form, at bibigyan ng kaakibat na QR code.


Ang ibinigay na code ay isasailalim sa scan bago pumasok ang kawani sa kani-kanilang tanggapan. Ang mga inotorisang kawani lamang, na ninomona ng health safety officers ang pahihintulutang makapasok sa tanggapan.


Magsasagawa rin ang Kapulungan ng Antigen test sa lahat ng papasok na pisikal sa trabaho sa pagsisimula ng linggo.


Tiniyak ni Velasco na kahit pa bumababa ang mga kaso sa kalakhang Maynila, patuloy na ipapatupad ng Kapulungan ang mga patakaran, upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga mambabatas at mga kawani.


“With the help of our hardworking staff in the Secretariat under the able leadership of our Secretary General, Mark Llandro ‘Dong’ Mendoza, House members and their respective staff can continue doing legislative work through a more convenient, but by no means less stringent process,” ani Velasco. #

Free Counters
Free Counters