Thursday, November 25, 2021

-PAGKAMATAY NI PMMA CADET JONASH BONDOC, SINIYASAT NG KAMARA

Sinimulan noong Martes ng Committe on Higher at Technical Education sa Kamara, na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go, ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Philippine Merchant Marine Academy Cadet 4th Class Jonash Bondoc noong ika-6 ng Hulyo 2021, sa ilalim ng mga kuwestiyonableng pangyayari sa lugar mismo ng PMMA.


Layon din ng imbestigasyon na iharap ang mga kinakailangang hakbang sa lehislasyon, upang wakasan ang anumang kultura ng karahasan, hindi lamang sa PMMA kungdi sa lahat ng iba pang institusyon ng pag-aaral at pagsasanay sa bansa.


Ang imbestigasyon ay batay sa House Resolution 1953 na inihain ni Agusan del Norte Rep. Lawrence ‘Law’ Fortun.


Sinabi ni Fortun sa kanyang resolusyon na habang ang diumanong salarin na si Cadet Third Class Jomel Gloria ay natukoy, naaresto, at kinasuhan, ang kanyang hindi kumpleto at tanging pag-ako ay lumabas na hindi naaayon sa autopisya ng Zambales City Crime Laboratory. 


Nagpasya ang Komite na magkaroon ng isang executive session sa pagdinig nito na nakatakda sa susunod na linggo, upang harapin ang mga karagdagang usapin na may kaugnayan sa pangyayari.




Sa kanyang pahayag sa Komite, sinabi ni Glaiza Bondoc na kritikal ang araw na ito para sa kanyang pamilya, habang naghahanap sila ng hustisya para sa kanyang kapatid na si Jonash.


“He was only 20 years old and died inside the PMMA. He lost his life inside his dream school. The academy was supposed to be a beacon of hope, a place conducive to learning and a safe place for someone who is miles away from home and his loved ones. But instead, it was a place that ended his dreams,” aniya.


Sa pagdinig, isang screenshot ng mensahe para kay Glaiza mula sa isang anonymous sender na may petsang ika-11 ng Hulyo 2021, ay nakasaad na hindi lang si Gloria ang tumira kay Bondoc.


Samantala, tiniyak naman ni Go, na gagawin lahat ng Komite ang kanilang makakaya upang maabot ang puno’t dulo ng kaso. 


Bukod sa paghahanap ng katarungan para kay Bondoc, sinabi ni Go na titiyakin ng Komite ang wastong pagpapatupad ng mga probisyon ng RA 11053, o ang "Anti-Hazing Act of 2018." 


Ipinahayag ni KABATAAN Rep. Sara Jane Elago ang kanyang kahilingan sa CHED at sa PMMA Board of Trustees, na magsumite ng kopya ng Minutes of the Meeting na kanilang ginawa matapos na masawi si Bondoc, gayundin ang mga pamamaraan na ginamit nila sa pagtutukoy na ang nangyari kay Bondoc ay isang isolated case.


“Malinaw po sa mga naging pahayag na narinig natin ngayong umaga na malayo ito sa isolated case,” ani Elago.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV



Free Counters
Free Counters