Thursday, November 25, 2021

-PANUKALANG BATAS NA MULING BUBUHAY SA TRADISYUNAL NA PAGSUSULAT SA BANSA, APRUBADO NA SA KAMARA

Inaprubahan noong Huwebes sa isang online hearing ng Committee on Basic Education and Culture, sa Kamara, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, ang House Bill 10469, o ang “Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act.” 


Ang panukala ay pangunahing iniakda nina Speaker Lord Allan Velasco at Manila Rep. Marvin Nieto, na naglalayong isulong, protektahan at pangalagaan ang mga katutubo at tradisyunal na sistema sa pagsusulat. 


Layon din ng panukala na imandato sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED), na isama ang sistema sa pagsusulat, sa mga kaugnay na paksa sa kurikula ng basic at higher education. 


SInabi ni Nieto sa kanyang sponsorship na sa pagkakaroon ng “Baybayin” bilang elective subject sa kolehiyo at panibagong asignatura sa elementarya at high school, lalo na natin umano maitatanim ang pagmamahal sa sariling bayan at wika, ang pagiging makabayan at (ang) nasyonalismo sa ating mga kabataan.






Isinulong ng Komite upang gawing pangunahing panukala ang HB 10469, sa pagsasama nito sa HBs 490 at 5984. Ang dalawang huling panukala ay naaprubahan na ng Komite at nasa proseso na ito para pagsamahin. 


Binanggit ni Romulo na ang HB 10469 ay isa nang inklusibong panukala, na nagsusulong ng iba’t ibang sistema ng pagsusulat sa kultura ng bansa. 


Bukod pa rito, binanggit niya rin na ang HB 10469 ay isa nang dating panukala na muling isinumite, na inaprubahan na rin sa ikatlong pagbasa noong ika-17 Kongreso. 


Samantala, nagmosyon ang Komite para pagsamahin ang HBs 10119 at 10299, sa inaprubahang HB 9157, na kasalukuyang naghihintay ng aksyon sa plenaryo. Layon ng dalawang panukala na palitan ang pangalan ang Literacy Coordinating Council sa National Literacy Council. 


Ang mga panukala ay inihain nina Deputy Speaker Wes Gatchalian at Parañaque City Rep. Joy Maria Tambunting. 


Aprubado rin ang HB 3984, na naglalayong gawing isang integrated Hibao-an Integrated School ang Hibao-an Elementary School sa Lungsod ng Iloilo. 


Ang panukala ay inihain ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda. 


At panghuli, inaprubahan ng Komite ang HB 10250, na nagmumungkahi na itatag ang Mabca National High School sa Sagñay, Camarines Sur. 


Ang panukala ay inihain ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella.   


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters