Wednesday, September 29, 2010

Resulta ng US trip ni PNoy, pinapurihan sa Kamara

Dalawa punto limang bilyong dolyar o tumataginting na 123.2 bilyon piso, katumbas ng paglago ng ekonomiya at trabaho sa bansa, ang iniuwi ni Pangulong Aquino buhat sa kanyang kauna-uanahang biyahe sa Estados Unidos.

Dahil dito, pinuri ng mga mambabatas ang administrasyong Aquino.

Sinabi ni Marikina Rep Marcelino Teodoro, tiyak na malaking tulong sa paglago ng ekonomiya ang dalang puhunan ni Pangulong Aquino, bukod sa ecocomic returns mula sa buwis, ang puhunan ay tiyak na makapagbibigay ng trabaho sa bawat Filipino.

Sinabi naman ni Campostela Valley Rep Maria Carmen Apsay, ang puhunang dinala ni PNoy sa bansa ay isang magandang palatandaan para sa banyagang bansa na mamuhunan sa Pilipinas.

Ayon pa sa kanya, malayo umano ang mararating ng bansa tungo sa isang matatag na ekonomiya

Suportado ng mambabatas ang administrasyong Aquino para magbigay ng magandang oportunidad upang umusad ang ekonomiya ng bansa.

Samantala, sinabi ni Gabriela partylist Rep Luzviminda Ilagan na kailangan munang maghintay ang buong bansa na maging makatotohanan ang uwing puhunan. “Ang sarap nito kapag kinakain mo na.

Hindi pa dapat umanong magsaya sa kahanga-hangang gawa ni Pangulong Aquino dahil ito ay isang pangako pa lamang.

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep Raymund Palatino na maaring pa umanong magbago ang isipan ng mga US investor na hindi mamuhunan sa ating bansa.

Tuesday, September 28, 2010

Mga panukalang excise tax sa alak at segarilyo, rerepasuhin

Ipinahayag ni Batangas Rep Hermilando Mandanas, chair ng committee on ways and means na rerepasuhin ng technical working group (TWG) na kinabibilangan ng mga kinatawan ng Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR), National Tax Research Center (NTRC), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), National Tobacco Administration (NTA), producers at manufacturers, consumers’ groups, mga magsasaka ng tabako, mga lokal na pamahalaan lalo na ang mga lalawigang may produkto ng tabako, ang apat na panukala sa excise tax upang pag-isahin ang mga ito bago ito pagbotohan.

Sinabi ni Mandanas na binigyan niya ng dalawang linggo ang TWG na pag-aralan at pagsamahin ang apat na panukala at isumite sa komite ang kanilang pinal na rekomendasyon.

Ang apat na panukala ay kinabibilangan ng HB02484, HB02485, HB02687 at HB03059 na may mga layuning dagdagan ang mga buwis sa tabako at segarilyo upang gamitin para sa information and communication technology programs, pondo ng PhilHeath, pagrepaso ng buwis sa alak at segarilyo at pagsulong ng pantay na gastusin, kita at mga benepisyo sa lahat ng may ugnayan sa industriya ng alak at segarilyo.

Ipinahayag naman ni Finance Assistant Secretary Teresa Habitan sa komite na noong taong 2009 ay nakakolekta ang BIR ng P20.6 bilyon sa excise taxes mula sa alak at P24.4 bilyon naman mula sa segarilyo na nagkakahalaga ng kabuuang P44.8 bilyon.

Ayon naman kay DOH Undersecretary Alexander Padilla, walang intensyon ang kanilang tanggapan na ideklarang iligal ang pagsisegarilyo ngunit desisyon ito ng mga nakatatanda.

Ipinahayag niya na ang kasalukuyang buwis sa segarilyo ay kumplikado kaya isinusulong ng kanilang kagawaran na magkaroon lamang ng iisang taripa na madaling pamahalaan.

Pagwawasto ng legal na pag-ampon, dadagdagan ng limang taon

Isiniwalat ni Isabela Rep Giorgidi Aggabao na laganap umano ang pamemeke o huwad na deklarasyon sa panganganak upang makaiwas sa mahabang proseso ng legal na pag-ampon ng mga mag-asawang walang anak.

Dahil dito ay inihain ni Aggabao ang HB01822 na naglalayong amiyendahan ang Section 22 ng RA08552 o “Domestic Adoption Act of 1988.”

Sinabi ng mambabatas na ang huwad na deklarasyon ng panganganak ay isang krimen sa ilalim ng Article 347 at Article 172 ng Revised Penal Code.

Ayon sa kanya, batay sa Section 3 subparagraph (j) ng RA 8552, ang pamemeke sa civil registry upang palabasing naipanganak ang isang sanggol sa isang hindi niya tunay na ina ay nagreresulta sa pagkawala ng pagkakakilanlan at tunay na katauhan ng isang bata.

Sa kasalukuyan, binibigyang pagkakataon ang pagwawasto sa legal na pag-aampon sa ilalim ng Section 22 ng RA 8552, subali’t ang probisyong ito sa batas ay nagtapos na.

Layunin ng panukala ni Aggabao na pahabain pa ng limang taon ang palugit para sa mga magulang upang maiwasto ang legal na pag-aampon sa isang sanggol, at ganap na mahinto ang pamemeke para na rin sa kapakanan ng mga bata at relasyon sa pagitan ng mga magulang at batang inaampon.

Idinagdag pa ng solon na maiiwasan na rin umano ang blackmail, pangongotong at anumang demanda mula sa mga taong nanggugulo lamang ng pamilya, na lubhang nakakaapekto sa isang walang malay na bata.

Ayon naman kay San Jose del Monte City Rep Arturo Robes, chairman ng House Committee on Social Services na dumidinig sa panukala, mabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-asawang walang swerte na magkaanak na maging legal ang pag-aampon nila sa napupusuang sanggol ng hindi lumalabag sa batas na may kaakibat na parusa.

Mahaba na umano ang palugit na limang taon upang iwasto ang pagsasalegal ng pag-aampon.

Wednesday, September 22, 2010

Industriya ng turismo, pai-igtingin

Umaasa si Department of Tourism (DOT) Secretary Alberto Lim na lalago pa ang industriya ng turismo sa bansa sa kabila ng negatibong epekto na idinulot kamakailan ng hostage-taking sa Lungsod ng Maynila.

Ito ang kanyang inihayag matapos na humarap siya sa pagdinig ng House committee on appropriations sa pagtalakay ng budget ng naturang tanggapan.

Sinabi ni Lim na sa kabila ng pagbabawal ng pamahalaan ng Hong Kong sa kanilang mga residente na bumisita sa bansa ay maraming naitalang turista na kinabibilangan ng mga Tsino sa ibat-ibang bahagi ng bansa tulad ng Cagayan at patunay umano ito na humuhupa na ang galit ng mga Tsino sa nabigong pagresolba sa hostage taking sa pamamagitan ng matahimik na diplomasya.

Isusulong ng DOT ang mga estratehiya upang patatagin pa ang turismo sa bansa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Kailangang daw mapalitan ng iba pang merkado sa turismo ang mga nawalang Hong Kong tourists at hindi dapat umano tayo titigil hanggang sa makamit natin ang 10% paglago sa industriya ng turismo bago matapos ang taon.

Sinuportahan namn ni Camarines Sur Rep Luis R. Villafuerte ang mungkahi ng DOT at kanyang sinabi na kung nais umano nating makamit ang ating layunin ay dapat itaas ng Kongreso sa P10 bilyon ang hinihiling na pondo sa proyekto para sa imprastraktura ng tanggapan bilang ayuda sa hangaring ito.

Elektresidad muna bago MRT

Labis-labis ang P7.2 bilyon na pantustos ng gobyerno sa Metro Rail Transit, ayon kay Occidental Mindoro Rep Ma. Amelita Villarosa.

Sinabi ni Villarosa na dapat umanong unahing tustusan ng pamahalaan ang 30,000 sitios sa bansa na walang elektrisidad.

Ayon kay Villarosa, wala umanong electrification projects sa 30,000 sitios sa buong bansa at heto ang MRT subsidy na nagbibigay lamang ng serbisyo sa 11% ng kabuuang populasyon sa National Capital Region.

Sinabi pa ng mambabatas na walang nakuhang alokasyon ang National Electrification Administration para sa rural electrification ng mga baryo na walang elektrisidad.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Appropriations sa P32.35 bilyon panukalang pondo ng Department of Transportation and Communications, nanawagan si Villarosa na dapat magkaroon ng re-alignment sa P7.2 bilyon na subsidy ng MRT.

Plano ng MRT na magtaas ng pamasahe sa kasalukuyang fare level nito dahil hindi kayang matakpan ang equity rental payment.

Ayon kay DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus handang mag-adjust ng fare structure ang MRT para ito ay maging resonable subalit hindi dapat mawala ang kabuuang subsidiya.

Tuesday, September 21, 2010

Libreng matrikula sa mahihirap na mag-aaral, isinusulong

Nanawagan si Aurora Rep Juan Edgardo Angara ng agarang aksiyon ng Mababang Kapulungan sa panukalang kanyang inihain na magbibigay ng scholarship grants sa mga mag-aaral na mahirap ngunit matalino naman.

Ayon sa HB00405 ng mambabatas, aatasan nito ang bawat kolehiyo at unibersidad na magbigay ng libreng matrikula sa kahit na 5% lamang ng populasyon ng kanilang mag-aaral lalo na yaong mga mahihirap ngunit matalino naman.

Sinabi ni Angara na kapag nabigyan ng kaalaman at edukasyon ang naghihirap na mga mamamayan at natulungan silang makapagtapos ng kurso at maging propesyunal, nakakatulong din umano ang Kongreso sa ikabubuti at sa kapakanan ng ating bansa.

Ayon sa kanya, kikilalanin ang panukala bilang Scholarship for the Poor Act of 2010 na siyang magiging daan upang mabigyan ng edukasyon ang mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong matapos nila ang kolehiyo.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng kolehiyo, unibersidad ay magbibigay suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang epektibong scholarship program kung saan lahat ng suporta at pag-agapay ay dapat ibigay ng paaralan sa estudyanteng nasasakop ng programa.

Monday, September 20, 2010

Ugnayang Pilipinas at North Korea, patatatagin

Nakatutok ngayon ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng relasyon ng ating bansa sa bansang North Korea, ito ang sinabi ni Zambales Rep. Antonio Diaz, chairman ng Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy (IPRD) committee matapos na maglatag ang IPRD ng mga pamamaraan upang patatagin ang ugnayan sa Democratic People’s Republic of Korea.

Sinabi ni Diaz na ang kinatawan ng embahada ng Pilipinas sa bansang Tsina na nakabase sa Beijing ang siya ring nagsisilbing embahador sa North Korea sa Pyongyang.

Dapat umanong tibayan ng bansang Pilipinas ang ugnayan sa North Korea na may libo-libong Pilipinong manggagawa na nagta-trabaho sa ibat-ibang multi-national companies doon at sa ganitong paraan umano ay magkakaroon ng matibay na pag-uunawaan ang ating mga bansa at mapapangalagaan din ang kapakanan ng mga Pilipino sa naturang bansa.

Sa pagpupulong sa pagitan ng Pilipinas, East Timor at Amerika, pinasalamatan ng Pilipinas ang Estados Unidos sa pantay na pagtrato ng mga ito sa mga beterano.

Kaugnay nito ay pinagtibay na rin ang mga ugnayang Venezuela-RP, Latvia-RP, Philippines-Kuwait at RP-Portugal na aniya ay mga natamong tagumpay ng IPRD.

Ipinagmalaki ng mambabatas ang nakatakdang pagbisita ng delegasyon mula Europa sa buwan ng Nobyembre at Russian delegation na bibisita sa bansa bilang tugon nila sa pagbisita ng mga Pilipinong Senador sa kanilang bansa.

Nauna nang inorganisa ang delagasyon ng bansang Turkey noong Setyembre ng nakaraang taon at mga ugnayang parliyamentaryo sa pagitan ng mga bansang Saudi Arabia, Democratic Republic of Congo, Egypt, Ethiopia, Kenya, Libya, Morocco, Nigeria, South Africa at Zambia, sa kontinente ng Africa.

Ayon pa kay Diaz, aktibo rin umano ang Pilipinas sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) at ASEAN-Canada Parliamentary Friendship Group, at pinaplano na rin ngayon ang Association of Asian Political Parties, International Conference of Asian Political Parties (ICAPP), at Inter-Parliamentary Union (IPU) assembly, na huling ginanap sa Bangkok.

Buwanang benepisyo ng guro, aabot na sa P9,000.00

Naghain si Tarlac Rep Susan Yap ng isang panukala na ang layunin ay madagdagan ng benepisyo na aabot sa P9,000.00 ang mga guro sa pampublikong paaralan bukod pa sa kanilang buwanang sahod.

Kasalukuyan, ang pinakamababang buwanang sahod ng guro ay umaabot sa P12,026.00

Ito ang nakapaloob sa HB00350 ni Yap na ang layunin ay matulungan ang mga guro sa kindergarten, elementarya, sekondarya, alternative learning system at special levels.

Sinabi ni Yap na ang P9,000.00 ay hahatiin sa tatlong bahagi sa loob ng tatlong taon at isasama ito sa kanilang buwanang sahod.

Sakop ng panukala ang mga guro sa Philippine Science High School (PSHS) System teaching at non-teaching personnel, at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd), maliban sa may mga posisyon na ang sahod ay grade level 30 pataas.

Tatangggap din ang mga guro ng karagdagang P1,000.00 para sa kanilang medical allowance, dagdag pa ni Yap sa kanyang panukala.

Ayon pa kay Yap, alituntunin at prayoridad ng estado na maglaan ng pinakamalaking pondo para sa edukasyon at tiyakin na ang patuturo ay natatanging isang talento na makapagbibigay ng kagandang kinabukasan at katuparan ng mithiin sa buhay.

Wednesday, September 15, 2010

Land Bank at DBP, magsasanib

Isinusulong ni Quezon Rep Danilo Suarez ang pagsasanib-pwersa ng dalawang bangko ng gobyerno upang mapalago at mapalawak ang paglilingkod nito sa industriya ng pagbabangko.

Inihain ni Suarez ang HB00135, na naglalayong pag-isahin ang Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP), upang mapalago ang katayuang pampinansya at pag-aari ng mga ito.

Sinabi ni Suarez na ang pagsasanib-pwersa ng dalawang bangko ay magpapakita ng katatagan sa usaping pang-ekonomiya, sapagka’t patuloy nilang ginagampanan ang kanilang huwarang tungkulin sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa mga pamayanan sa larangan ng pananalapi.

Ang Land Bank of the Philippines ang pinakamalaking bangko na pagmamay-ari ng gobyerno at ang Development Bank of the Philippines ay isa sa pinakamatatag na bangko ng pamahalaan na sumusuporta sa maka-mamamayang pag-unlad ng bawat Pilipino.

Ang kanilang pag-iisang dibdib ay magdudulot pa ng ibayong katatagan, dagdag pa ni Suarez

Ayon kay Suarez, ang krisis na naranasan ng industriya sa pagbabangko sa rehiyon ng Asia ang nagtulak sa kanya upang isulong ang panukala. Nauna ng nagsanib-pwersa ang ilang mga bangko sa bansa para mahikayat ang ibayo pang katatagan.

Ang mga bangko ng gobyerno ay hindi ligtas sa ganitong krisis kaya’t ang tanging paraan lamang upang tapatan ang naglalakihang pribadong commercial at universal banks sa bansa ay palaguin ang katayuang pampinansya at pag-aari nito, ayon pa sa kanya.

Sa ilalim ng panukala, ang LBP ang siyang magiging pangunahing kabalikat sa pagsasanib, nguni’t hindi aniya maaapektuhan ang mandato ng bawa’t bangko sa paglilingkod at pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka, mangingisda, at mga maliliit na negosyante.

Tuesday, September 14, 2010

Edukasyon, pangkalusugan at pagbawas sa kahirapan, prayoridad ni SB

Ipinahayag ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na hindi mawawala sa prayoridad ng Kamara ang layunin nitong mabawasan kung hindi man tuluyang mawala, ang kahirapan, makapagbigay ng edukasyon at mabigyan ang publiko ng tulong pangkalusugan sa pagbusisi nito ng isinusulong ni P-Noy na P1.645 trillion budget 2011.

Sinabi ni Belmonte na ang mga buwis na ginagamit sa taunang pambansang gastusin ay ang nagbibigay buhay sa gobyerno upang ito ay patuloy na mabuhay.

Idinagdag pa ng Speaker na ang bawat sentimong ginagastos umano nito ay dapat na mapunta sa dapat nitong mapuntahan.

Ayon pa sa kanya, ang laban umano sa kahirapan, sapat at de-kalidad na edukasyon at pangkalusugan ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng Kamara.

Ikinadismaya rin ni Belmonte ang naiulat ng UN kung saan isa umano ang Pilipinas sa underperforming na bansa kung hinggil sa paglaban sa kahirapan, edukasyon at pangkalusugan ang pag-uusapan.

Ayon kay Belmonte ang underperformance na sinasabi ay naganap nang mga panahong mayroon umano ang bansa ng mataas na GNP at GDP growths, kung saan patunay umano ito na ang growth ng walang tamang political leadership ay pabor lamang sa iilan at nakakalimutan naman ang mas nakararami na kadalasan ay ang mahihirap at ang mga walang boses.

Dapat umano nating gamitin sa tama ang kung anumang pondo at resources mayroon ang pamahalaan at iwasan ang pagbubukas ng oportunidad para magkaroon ng korapsiyon sa pondo ng bansa at dapat lamang umano tayong maging responsable, praktikal at maingat sa paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon pa kay Belmonte, sa kasalukuyang political leadership ang pangako nitong tapusin na ang korapsiyon, at kahirapan ay naaayon sa pangako ng bansa na maabot ang at matupad ang MDG.

Ikinatutuwa naman ni Belmonte ang kasipagan at pagiging masigasig ng mga kasamahan nito sa Mababang Kapulungan na laging pumasok sa bulwagan at busisihing mabuti ang anumang usaping nakalatag dito, partikular na ang hinggil sa 2011 national budget.

Monday, September 13, 2010

Pag-aalaga ng sanggol sa mga buntis, ituturo sa ospital

Kapag tuluyan nang naisabatas ang panukalang naglalayong itatag ang literacy program sa mga ospital at mga klinikang nagpapaanak hinggil sa pagbibigay ng kaalaman sa pag-aalaga ng bata ng mga baguhan pa lamang na maging nanay, maaayos na ang kalusugan ng mga bagong silang na mga bata.

Sa HB00277 na inihain ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara, layunin nitong bigyang kalutasan ang kadalasang pinoproblema ng mga baguhang nanay kung papaano ang tamang pag-aalaga ng sanggol.

Sa panukala ni Angara, lahat ng ospital, maging ito man ay pribado o pampubliko, health center, at maternity clinic ay aatasang magtatag at magbigay ng maternity service kung saan magbibigay ito ng kaalaman at parental skills para sa mga malapit nang maging ina.

Sinabi ni Angara na layunin umano ng kanyang panukala na alalayan ang mga malapit nang maging ina sa kanilang paghahanda upang maging isang mabuting magulang kung saan nakaatang sa ina ang paghuhubog, pagtuturo at pagpapalusog ng mga bagong henerasyon ng ating bansa.

Mahaharap sa multang P100, 000 at kanselasyon ng lisensiya na magpatuloy ng operasyon ng ospital, klinika at kahalintulad na tanggapan, ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas na ito.

Seat belt para sa bata sa mga sasakyan, kailangang gamitin

Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang panukalang naglalayong gawing batas ang paglalagay seat belt at children restraints sa bawat sasakyan upang masigurong ligtas ang bawat batang nasa sasakyan,

Sa HB00319 na inihain ni Tarlac Rep Susan Yap, layunin din nito na magpataw ng parusang pagkakakulong ng anim na buwan at multang di bababa sa P5, 000.00 sa mga lalabag sa panukalang ito.

Sinabi ni Yap na layunin ng panukalang ito na mailigtas ang daan-daang kabataang Pilipino na nasasangkot sa sakuna at madalas na siyang nagiging biktima dahil sa wala silang kalaban-laban kapag nasasangkot na ang kanilang sasakyan sa sakuna.

Kadalasan umanong nagiging biktima ay nasa idad 5 hanggang 14 dahil sa walang seat belt at children’s restraint ang sasakyan at ito ay dahil umano sa walang batas sa buong mundo na tumutukoy sa paggamit ng children’s restraint.

Sa ilalim din ng batas, mahigpit na ipagbabawal ang pagpapaupo sa mga batang may idad 12 pababa, sa harapan o sa tabi ng driver.

Hindi rin dapat iwan ng nag-iisa ang isang bata sa loob ng sasakyan na umaandar ang motor kahit na isang saglit. Kung maiiwan man ang bata, dapat ay may kasama itong bantay na ang idad ay hindi bababa sa 18 taon.

Hindi naman kasama sa masasakop ng batas na ito ang mga school service vehicles at public utility tulad ng jeepney, bus at taxi.

Thursday, September 09, 2010

Pagtatatag ng mga floating medical center, isinusulong

Gusto ni Surigao del Sur Rep. Philip Pichay na magtatag ang estado ng isang floating medical center upang matugunan ang kakulangan ng ospital sa bansa.

Sinabi ni Pichay na sa kasalukuyan ay mayroon lamang 1,738 ospital sa buong bansa na naglilingkod sa mahigit 90 milyong Pilipino at 275 bayan o 18% ng 1,525 munisipyo ay wala man lamang kahit isang manggagamot mula sa pamahalaan.

Sa HB01091 na kanyang inihain, layunin nitong magtatag ng Philippine Floating Medical Center na imamantine ng Philippine Navy at ng Department of Health na siyang magsisilbi sa mga mahihirap na mamamayan lalo na sa malalayong lugar na hindi nararating ng serbisyong medikal mula sa pamahalaan.

Ayon kay Pichay, anim umano sa sampung mamamayan sa buong bansa na nasasawi dahil sa karamdaman ay hindi man lamang nakakaranas ng atensyon mula sa mga dalubhasang manggagamot, dahil na rin sa sobrang kahirapan at kakulangan ng mga ospital.

Ang Floating Medical Center na itatagag ng pamahalaan ay magtatalaga ng mga dalubhasang manggagamot, nurses at mga kawani na maglilibot sa lahat ng lalawigan, bayan at mga lungsod sa buong bansa upang manggamot ng libre at mamigay ng libreng gamot sa mga mamamayan na walang kakayahang magbayad. Ang mga may kakayahang magbayad sa kanilang serbisyo ay pagbabayarin sa abot-kayang halaga.

Layunin din ng kanyang panukala ang pagbibigay ng insentibo sa mga manggagamot na nagbabakasyon mula sa ibang bansa, kapalit ng kanilang paglilingkod sa Philippine Floating Medical Center ng ilang araw.

Nanawagan si Pichay sa mga kapwa mambabatas sa agarang pagpapasa ng panukala bilang tugon na rin sa tumataas na bilang ng mga kumakalat na sakit tulad ng dengue, malaria, tuberculosis sa ating bansa, na may 4.5 milyong nagugutom na kabataan.

Wednesday, September 08, 2010

Demolisyon ng mga bahay o tindahan sa pampublikong lugar, hiniling

Iminungkahi ngayon sa Mababang Kapulungan na gawing krimen ang pagtatayo ng pansamantalang tirahan, tindahan at iba pang katulad nito, sa mga pampublikong lugar tulad ng sidewalk, tulay at kalsada.

Sinabi ni Tarlac Rep Susan Yap na layunin ng HB00356 na ideklara biulang isang krimen na may katumbas na multang P1,000 at 30-araw na pagkakakulong ang lalabag sa probisyon nito.

Ayon kay Yap napapanahon na upang harapin at lutasin ng pamahalaan ang matagal nang problema hinggil sa mga eskwater.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal na sa mga tao na gamitin ang mga sidewalk, kalsada, tulay, parke, at iba pang pampublikong lugar na gamitin bilang kanilang mga pansamantalang tirahan, tindahan at pwesto na kadalasan ay gawain ito ng mga nagtitinda ng pagkain, diyaryo at magazines,mga walis, sigarilyo, mga pandekorasyong alahas at relos, sapatos at iba pa.

Maging ang mga pwesto ng shoe-shine, paggamit sa kalsada bilang garahe, repair shops, basketball court, tambakan ng basura, imbakan ng mga kahon-kahong inumin o softdrinks, inuman at iba pang kahalintulad nito, ay ipagbabawal na rin, batay sa panukala ni Yap.

Ayon sa kanya, ang panukalang Clear Sidewalks Act of 2010 ay magbibigay mandato sa mga kinauukulan at sa otoridad na magsagawa ng pagsira o demolisyon ng mga strakturang itona ituturing na iligal na itinayo upang masiguro magkakaroon ng kaginhawahan para sa mamamayan.

Nakasaad din sa panukala na maging ang pagdudugtong o pagpapalawak ng sakop ng isang bahay o bubong nito, paglalagay ng halaman, pagtatanim ng puno at halaman, at paglalagay ng bakod sa mga pampublikong lugar ay mahigpit na ring ipagbabawal

Kung sakaling may magnanais na gumamit ng sidewalks o kalsada, maging ito man ay pang-charity, mga promotional sales at community-wide na espesyal na okasyon, ay kailangan munang kumuha ng permiso para sa pansamantalang paggamit at dapat ay hindi ito magtatagal.

Tuesday, September 07, 2010

Pag-aalis sa limitasyon sa edad sa pagtatrabaho, pinursige

Idideklarang isang krimen na ang nakasanayan ng paglalagay ng arbitrary age range sa pagtanggap ng aplikante sa trabaho, kung saan kadalasang nagiging sanhi upang mawalan ng laban ang isang may idad na ngunit may kakayahan pang aplikante laban sa mga mas nakababatang aplikante.

Kaya’t kung ikaw ay medyo may edad na ngunit may kakayahan pa upang maging progresibo at magtrabaho, huwag mawalan ng pag-asa.

Sa ilalim ng HB00156 na isinumite ni Paranaque Rep Edwin Olivares, ipagbabawal na sa lahat ng employer na maging basehan ang pagiging may edad ng isang aplikante upang siya ay matanggap sa trabaho, bigyan ng mas mababang suweldo o limitahan ang oportunidad nito at maging ang pagpapatanggal sa isang manggagawa dahil sa siya ay may edad na ay idedeklara ring isang krimen.

Ang sinumang mapapatunayang nagkasala sa anumang probisyon sa panukalang ito ay mahaharap sa isang taong pagkakabilanggo o di kaya’y multang di hihigit sa PhP5,000.00 o pareho.

Dagdag kaparusahan pa ang suspensyon ng rehistro nang 10 taon sa unang pagkakasala at tuluyang pagkakansela naman sa ikalawang pagkakasala sa alinmang labor organization sa mga mapapatunayang lumabag sa mga probisyon sa panukalang ito.

Panukalang pagdadagdag sa sahod ng mga guro, babalangkasin na

Nanawagan si Aurora Rep Juan Edgardo Angara ng suporta mula sa mga kapwa niyang mambabatas sa Kamara at Senado upang madagdagan ang sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa kanyang inihaing HB00397 na naglalayong ilibre ang mga guro sa pagpapairal ng RA06758 o Salary Standardization Law.

Sinabi ni Angara na dapat na umanong madagdagan ang sahod ng mga guro sa isang antas na magbibigay ng ginhawa sa kanilang pamilya sa kabila ng napakamahal na halaga ng mga pangunahing bilihin.

Napakarami umanong guro ang nangingibang bansa na lamang dahil sa baba ng suweldo dito at ito lang ang nakikita nilang paraan upang maiangat ang kanilang kabuhayan.

Malaki na daw ang nabawas sa bilang ng ating magagaling na guro at lubhang naaapektuhan ang edukasyon ng ating mga kabataan kung patuloy na mananatili ang ganitong sitwasyon.
Dapat umano nating patatagin ang Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng antas ng pasahod sa mga guro upang mahimok sila na maglingkod sa sariling bayan, kaysa mangibang bansa para sa mas mataas na sahod.

Sinabi ni Angara na naging patakaran na ng estado na maglaan ng pinakamalaking bahagi ng taunang budget sa Kagawaran ng Edukasyon kaya’t dapat na matiyak na mapaglalaanan ang pasahod.

Monday, September 06, 2010

Pagpapalawig ng batas hinggil sa diskriminasyon laban sa kababaihan, inihain

Ipinanukala nina Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Party-list Rep Maximo Rodriguez Jr. ang panukala na naglalayong palawigin ang sakop ng batas sa diskriminasyon laban sa kababaihan upang tugunan ang mga di napagkakaunawan sa mga kaso ng diskrinasyon na hanggang ngayon ay pinagdadaanan ng mga babae.

Sa kanilang panukala, ang HB00051, layunin nito na amiyendahan ang PD 442 o mas kilala bilang Labor Code of the Philippines at palawakin ang nasasakop nito partikular na ang hinggil sa kasarian.

Ipinaalala ni nina Rodriguez na nakasaad sa Saligang Batas ang pagkilala ng mga kontribusyon ng babae sa pagpapaunlad at paghubog ng bansa at kunga kayat nararapat lamang na magkaroon ng totoong pantay na pagturing sa mga babae sa ating batas.

Ngunit sinabi rin nila na sa kabila ng mga batas ay patuloy pa ring nakakaranas ang kababaihan ng di pantay na pagturing batay na rin sa pagtatala at pag-aarala na ginawa ng Bureau of Women and Young Workers at ng National Statistics Office, kung saan sinasabing mas malaki pa rin ang kinikita ng mga lalaki kumpara sa kinikita ng babae.

Karamihan umano sa mga manggagawang babae ay nasa mas mababang posisyon lamang at iilan lamang ang nakakarating sa mas matataas na posisyon dahil na rin sa diskriminasyon.

Sa ilalim ng panukala ng dalawang Rodriguez, ituturing na isang diskriminasyon ang pagbibigay ng mas mababang pasahod, benepisyo at iba pang urio ng pagbibigay kompensasyon, kung ito ay mas mababa kapag ikinumpaera sa tinatanggap ng lalaking empleyado.

Mahaharap sa P200,000 multa at pagkakakulong ng apat na taon ang sinumang mapapatunayang lalabag sa panukalang ito sa sandaling tuluyan na itong maisabatas.

Pinaiimbestigahan ang diumanong huwad na pera mula sa ATM

Pinaiimbestigahan ni Iloilo Rep Janette Garin sa Kamara, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang napaulat na isang automated teller machine (ATM) ng PSBank sa Cainta, Rizal ang naglabas ng huwad na P1,000 salaping papel.

Sinabi ni Garin na labis umanong nakababahala kung totoo man ang ulat na ito dahil apektado ang buong institusyon sa pagbabangko sa bansa na posibleng napasok na rin ng mga sindikato at wala daw ibang maaaring sisihin dito kungdi ang mga opisyales at kawani na nagtatrabaho sa bangko dahil sila lamang daw ang maaaring maglagay ng pera sa mga ATM kunga kayat dapat na maisiwalat kung papaano nakarating sa ATM ang mga huwad na pera at saan napunta ang tunay na pera, upang matukoy kung sino ang mga gumagawa nito.

Ayon naman kay Buhay Party-list Rep William Irwin Tieng, dapat umano na agarang kumilos ang BSP at maibestigahan ito para maiwasan ang negatibong epekto sa sistema ng pagbabangko sa bansa.

Ayon sa kanya, nakakaawa umano ang mga taong nagsisikap na kumita sa maayos na paraan, pagkatapos ay huwad na salapi lamang ang kanilang makukuha sa ATM

Ang mga ATM ay walang kakayahan na malaman kung huwad ang mga salaping nakakarga rito kayat malamang na may kinalaman ang naglagay ng pera sa ATM.”

Matatandaang nag-withdraw sa PS Bank sa isang mall sa Cainta noong ika-10 ng Agosto si Giovani Manio, isang call center agent, ng P3,700 katumbas ng kanyang sahod. Habang nagbabayad siya sa inorder na pagkain sa Jollibee ay napag-alaman sa pamamagitan ng isang light sensor na isang huwad na P1,000 na salapi na galing aniya sa ATM ang kanyang naibayad. Hindi makapaniwalang nagreklamo si Manio sa bangko at sa pulis matapos ang insidente.

Ayon pa rin sa ulat, nang araw ding iyon ay nabiktima ang LBC, isang courier company, matapos makatanggap ng huwad na salapi na ipinadala ng isang babae, na matapos mag-withdraw sa naturang bangko ay nagbayad sa LBC.

Sinabi ni Grace Malic ng BSP na ang dalawang insidente ay batayan na upang imbestigahan ang bangko. Dapat umano silang magpaliwanag dahil hindi umano ito bago at hindi na ito dapat na maulit pa.

Friday, September 03, 2010

Pagtatatag ng legislative academy, isinusulong

Isang panukalang batas na naglalayong magtatag ng legislative academy para sa mga baguhang mambabatas ang isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan.

Sa HB00108 at HB00227 na ininihain nina Majority Leader Neptali Gonzales II ng Mandaluyong City at Manila Rep Amado Bagatsing, layunin ng mga ito na itatag ang Philippine Legislative Academy na siyang magiging daan upang magbigay kaalaman sa mga baguhang senador at kongresista hinggil sa paggawa ng batas.

Sinabi ng dalawang mambabatas na ang itatatag na akademiya ay ang magsisilbing sanayan at pagkukunan ng kaalaman ng mga baguhang mambabatas hinggil sa pasikot-sikot sa Kamara at Senado at kung papaanong maging magaling, episiyente, at mabuting mambabatas sila.

Ayon pa kay Bagatsing, maging ang mga baguhang kawani na magsisilbi sa Kongreso ay kinakailangan ding dumaan sa pagsasanay at pag-aaral sa itatatag na legislative academy.

Idinagdag pa ni Bagatsing na ang akademiya ang magbibigay kaalaman at pagsasanay sa bawat mambabatas kung papaano silang maninilbihan at kasamang huhubog sa ating bansa sa pamamagitan ng paggawa ng batas.

Dagdag pa ng dalawang mambabatas na ang panukalang batas na ito ay naaayon at inihahalintulad sa dalawang sangay din ng pamahalaan, ang executive at judicial na may sarili ng training institutions.

Panahon na rin umano upang magkaroon ng sariling training institution ang Kongreso para sa mga bagong mambabatas at maging mga kawaning nagnanais manilbihan sa mga mambabatas.
Free Counters
Free Counters