Monday, September 13, 2010

Pag-aalaga ng sanggol sa mga buntis, ituturo sa ospital

Kapag tuluyan nang naisabatas ang panukalang naglalayong itatag ang literacy program sa mga ospital at mga klinikang nagpapaanak hinggil sa pagbibigay ng kaalaman sa pag-aalaga ng bata ng mga baguhan pa lamang na maging nanay, maaayos na ang kalusugan ng mga bagong silang na mga bata.

Sa HB00277 na inihain ni Aurora Rep Juan Edgardo Angara, layunin nitong bigyang kalutasan ang kadalasang pinoproblema ng mga baguhang nanay kung papaano ang tamang pag-aalaga ng sanggol.

Sa panukala ni Angara, lahat ng ospital, maging ito man ay pribado o pampubliko, health center, at maternity clinic ay aatasang magtatag at magbigay ng maternity service kung saan magbibigay ito ng kaalaman at parental skills para sa mga malapit nang maging ina.

Sinabi ni Angara na layunin umano ng kanyang panukala na alalayan ang mga malapit nang maging ina sa kanilang paghahanda upang maging isang mabuting magulang kung saan nakaatang sa ina ang paghuhubog, pagtuturo at pagpapalusog ng mga bagong henerasyon ng ating bansa.

Mahaharap sa multang P100, 000 at kanselasyon ng lisensiya na magpatuloy ng operasyon ng ospital, klinika at kahalintulad na tanggapan, ang sinumang mapapatunayang lumabag sa batas na ito.
Free Counters
Free Counters