Monday, September 20, 2010

Ugnayang Pilipinas at North Korea, patatatagin

Nakatutok ngayon ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng relasyon ng ating bansa sa bansang North Korea, ito ang sinabi ni Zambales Rep. Antonio Diaz, chairman ng Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy (IPRD) committee matapos na maglatag ang IPRD ng mga pamamaraan upang patatagin ang ugnayan sa Democratic People’s Republic of Korea.

Sinabi ni Diaz na ang kinatawan ng embahada ng Pilipinas sa bansang Tsina na nakabase sa Beijing ang siya ring nagsisilbing embahador sa North Korea sa Pyongyang.

Dapat umanong tibayan ng bansang Pilipinas ang ugnayan sa North Korea na may libo-libong Pilipinong manggagawa na nagta-trabaho sa ibat-ibang multi-national companies doon at sa ganitong paraan umano ay magkakaroon ng matibay na pag-uunawaan ang ating mga bansa at mapapangalagaan din ang kapakanan ng mga Pilipino sa naturang bansa.

Sa pagpupulong sa pagitan ng Pilipinas, East Timor at Amerika, pinasalamatan ng Pilipinas ang Estados Unidos sa pantay na pagtrato ng mga ito sa mga beterano.

Kaugnay nito ay pinagtibay na rin ang mga ugnayang Venezuela-RP, Latvia-RP, Philippines-Kuwait at RP-Portugal na aniya ay mga natamong tagumpay ng IPRD.

Ipinagmalaki ng mambabatas ang nakatakdang pagbisita ng delegasyon mula Europa sa buwan ng Nobyembre at Russian delegation na bibisita sa bansa bilang tugon nila sa pagbisita ng mga Pilipinong Senador sa kanilang bansa.

Nauna nang inorganisa ang delagasyon ng bansang Turkey noong Setyembre ng nakaraang taon at mga ugnayang parliyamentaryo sa pagitan ng mga bansang Saudi Arabia, Democratic Republic of Congo, Egypt, Ethiopia, Kenya, Libya, Morocco, Nigeria, South Africa at Zambia, sa kontinente ng Africa.

Ayon pa kay Diaz, aktibo rin umano ang Pilipinas sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) at ASEAN-Canada Parliamentary Friendship Group, at pinaplano na rin ngayon ang Association of Asian Political Parties, International Conference of Asian Political Parties (ICAPP), at Inter-Parliamentary Union (IPU) assembly, na huling ginanap sa Bangkok.
Free Counters
Free Counters