Tuesday, September 28, 2010

Mga panukalang excise tax sa alak at segarilyo, rerepasuhin

Ipinahayag ni Batangas Rep Hermilando Mandanas, chair ng committee on ways and means na rerepasuhin ng technical working group (TWG) na kinabibilangan ng mga kinatawan ng Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR), National Tax Research Center (NTRC), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), National Tobacco Administration (NTA), producers at manufacturers, consumers’ groups, mga magsasaka ng tabako, mga lokal na pamahalaan lalo na ang mga lalawigang may produkto ng tabako, ang apat na panukala sa excise tax upang pag-isahin ang mga ito bago ito pagbotohan.

Sinabi ni Mandanas na binigyan niya ng dalawang linggo ang TWG na pag-aralan at pagsamahin ang apat na panukala at isumite sa komite ang kanilang pinal na rekomendasyon.

Ang apat na panukala ay kinabibilangan ng HB02484, HB02485, HB02687 at HB03059 na may mga layuning dagdagan ang mga buwis sa tabako at segarilyo upang gamitin para sa information and communication technology programs, pondo ng PhilHeath, pagrepaso ng buwis sa alak at segarilyo at pagsulong ng pantay na gastusin, kita at mga benepisyo sa lahat ng may ugnayan sa industriya ng alak at segarilyo.

Ipinahayag naman ni Finance Assistant Secretary Teresa Habitan sa komite na noong taong 2009 ay nakakolekta ang BIR ng P20.6 bilyon sa excise taxes mula sa alak at P24.4 bilyon naman mula sa segarilyo na nagkakahalaga ng kabuuang P44.8 bilyon.

Ayon naman kay DOH Undersecretary Alexander Padilla, walang intensyon ang kanilang tanggapan na ideklarang iligal ang pagsisegarilyo ngunit desisyon ito ng mga nakatatanda.

Ipinahayag niya na ang kasalukuyang buwis sa segarilyo ay kumplikado kaya isinusulong ng kanilang kagawaran na magkaroon lamang ng iisang taripa na madaling pamahalaan.
Free Counters
Free Counters