Saturday, July 30, 2022

LIBRENG DIALYSIS SA MGA MAHIHIRAP NA PASYENTE, ISINUSULONG NG MAMBABATAS

Upang matugunan ang pangangailangan sa mabilisang pasilidad sa pagbibigay lunas sa mga may sakit na Pilipino, partikular na sa mga nagdurusa sa problema sa bato, inihain ni House Deputy Speaker Vincent Franco Frasco ang House Bill 100, o ang panukalang “Dialysis Center Act.” 


Layon ng panukala na paunlarin ang paghahatid lunas sa pamamagitan ng pagtatayo ng pasilidad ng ospital na madaling ma-akses at sa abot-kayang halaga ng mga mahihirap na pasyente. Sa paliwanag na kasama ng panukala, sinabi ni Frasco na ang sakit sa bato ang nananatili sa listahan ng 10 dahilan ng mga morbidity sa bansa, na nangangailangan ng agaran at karagdagang suporta mula sa pamahalaan. 


Bukod rito, ang halagang P2,500 kada sesyon ng dialysis treatment ay labis na napakamahal para sa mga Pilipinong mabababa ang kita. 


Layunin ng “Dialysis Center Act” na gawing rekisitos ang pagtatayo ng mga dialysis clinic sa lahat ng pambansa, regional at mga ospital sa lalawigan, kasama na ang libreng dialysis treatment sa mga mahihirap na pasyente. 


Kapag naisabatas, ang pagtatatag, operasyon, at pamamantine ng mga dialysis ward sa mga nabanggit na healthcare facilities ay imamandato sa loob ng dalawang taon matapos na maging epektibo ang batas. 


Bukod pa rito, iminumungkahi rin sa panukala ang libreng dialysis treatment sa mga mahihirap na pasyente na kumikita lamang ang pamilya nang hindi lalagpas sa P30,000. Kada buwan.

MAAYOS NA MGA KARATULA AT PALATANDAAN NG MGA PANGTURISMONG LUGAR, NAIS NA MATIYAK NG ISANG MAMBABATAS

Naghain ng panukala ang isang miyembro ng Kapulungan na humihiling na magtatag at magkaroon ng maayos na mga standard tourism signs at symbols sa bansa, upang mapabuti ang kaalaman sa kinaroroonan ng iba't ibang tourist sites. Inihain ni Rep. Kristine Alexie Tutor (3rd Dist. Bohol) ang House Bill 2048, o ang “Tourism Signs and Symbols Act of 2022.” 


Aniya ang industriya ng turismo ay matagal nang naging pangunahing tagapag-ambag sa paglago at pag-unlad ng bansa, kaya noong 2018 ay lumago ang halaga nito sa P2.2 trilyon, mula sa P1.9 trilyon sa kinita noong 2017. 


Dahil sa kontribusyon ng industriya ng turismo sa ekonomiya, sinabi niya na kailangan ng pamahalaan na gamitin ang turismo bilang tagapagsulong ng sosyo-ekonomikong paglago, upang makabuo ng pamumuhunan, foreign exchange, at trabaho. Nabanggit niya na sa pag-unlad ng pandaigdigang teknolohiya sa internet, parami nang parami ang mga tao na nakakabatid sa iba't ibang destinasyon ng turismo sa iba't ibang bahagi ng mundo. 


“Thus, the country needs to capitalize on the movement of persons through tourism, and one way of making the Philippines a viable choice is to ensure the safety, security, and comfort of the tourists,” ani Tutor. 


Ito ay maaaring makamit, aniya sa pamamagitan ng paggamit ng mga karaniwang palatandaan at simbolo na humahantong sa mga destinasyon ng turista, establisyimento, at serbisyo. 


Sa ilalim ng HB 2048 ang Kagawaran ng Turismo (DOT), at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tutukuyin at magtatakda ng mga wastong pamantayan na dapat sundin hinggil sa mga palatandaan at simbolo ng turismo, kabilang ang kanilang mga titik, laki ng letra, kulay, at materyales. 


Gayundin, aalisin at papalitan ng dalawang ahensya ang mga palatandaan at simbolo na hindi umaayon sa kanilang natukoy na mga pamantayan. 


Ang panukalang batas ay naglalayong magpataw ng multa na P100,000 sa sinumang lalabag sa mga probisyon ng iminungkahing batas, partikular sa mga detalye at sukat na itinakda dito ng mga palatandaan at simbolo ng turismo, o naging sanhi ng pagtanggal o pagsira sa mga palatandaan at simbolo ng turismo.

PAGHAHAIN NG PANUKALANG BATAS NA MAGTATATAG NG MGA EVACUATION CENTER SA BAWAT LUNGSOD, BAYAN, PINANGUNAHAN NI SPEAKER ROMUALDEZ

Dahil sa madalas na tinatamaan ng mga kalamidad ang Pilipinas, naghain ng panukala ang mga Kinatawan ng Kapulungan, sa pagsisimula ng Ika-19 Kongreso, na tumitiyak na palaging may nakahandang mga pansamantalang kanlungan para sa mga Pilipinong biktima ng kalamidad.  


Inihain nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at nina Committee on Accounts Chairperson at Tingog Rep. Yedda Maria Romualdez at Rep. Jude Acidre ang House Bill 16, na magtatatag ng mga evacuation center sa bawat lungsod at bayan, na magsisilbing tirahan ng mga mamamayang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa mga kalamidad na likas o gawa mismo ng mga tao. 


Samantala, nakasaad sa tala ng paliwanag ng HB 16 na “ang paghahanap ng pansamantalang solusyon sa paglilikas ng mga pamilya sa pamamagitan ng paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center ay dapat ng mahinto. 


Wala dapat tradeoff sa pagitan ng pangangalaga ng buhay at edukasyon ng mga mag-aaral. Ang paglalaan ng sapat na mga evacuation center ay napakahalaga sa panahon ng mga sakuna.” 


Upang makatipid sa mga gastusin ng pamahalaan, nakasaad sa panukala na ang mga kasalukuyan na istraktura ay maaaring paunlarin upang mabisang magsilbi bilang mga evacuation center na itatalaga bilang ganoon alinsunod sa lokal na pamahalaan.  


Ang mga LGU ay magiging responsable para sa pagpapatakbo, pangangasiwa, at pamamahala ng mga evacuation center na ito.  


Dagdag pa rito, tutukuyin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways at Department of Science and Technology, ang mga detalye ng disenyo, pagtatantya ng gastos, at mga detalye ng pagtatayo ng mga evacuation center. 


Naisumite na ang HB 16 sa Committee on Disaster Resilience upang talakayin ng mga mambabatas.

PAGTATATAG NG LIVER CENTER OF THE PHILIPPINES, ISINULONG

Isinusulong ngayon ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie De Leon Ferrer ang pagtatatag ng Liver Center of the Philippines, na magsisilbing pasilidad na pangangasiwaan ng pamahalaan, at magbibigay ng komprehensibong pangangalaga sa mga pasyenteng may sakit sa atay. 


Ang panukala ni Ferrer na nakapaloob sa House Bill 123 ay naglalayong magtatag ng isang ospital para sa rehabilitasyon ng atay, paglapat ng lunas o transplant nito para sa kapakanan ng publiko; magbibigay ng komprehensibong pangangalaga para sa mga pasyente na may mga sakit sa atay; at, magsasagawa ng pagsasanay at pagsasaliksik sa pagsawata at paggamot ng mga sakit kaugnay ng dugo sa atay, at mga nauugnay na serbisyo sa pagbuhay at transplant ng atay, bukod sa iba pa.  


Sa pagbanggit sa mga naisapublikong datos mula sa World Health Organization (WHO) noong 2018, sinabi ni Ferrer na umabot sa 7,491 o 1.23 porsyento ng kabuuang bilang ng mga namatay sa sakit sa atay Pilipinas. 


Ang edad ng mga namamatay ay nasa 9.88 bawat 100,000 ng populasyon, na naglagay sa bansa sa katayuang Ika-128 sa mundo.  


“This representation would like to address such statistics and further prevent the rising concern on liver diseases by establishing a hospital specializing in all kinds of liver disease concerns,” ani Ferrer, tagapangulo ng Komite ng Justice sa Kapulungan ng mga Kinatawan.  


Nakasaad din sa ilalim ng panukalang batas, na ang Liver Center ay matatagpuan sa Metro Manila. 


Ito ay pamumunuan ng isang Executive Director na magsasagawa, mangangasiwa at magpapatupad ng mga polisiya at hakbang na aprubado ng Liver Center Board of Trustees. 


Ang ospital ay isasailalim sa pangangasiwa ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH). Maglalaan ng halagang P200 milyon para sa paunang pagpapatakbo at pagpapanatili nito, na isasama sa taunang General Appropriations Act.

HAZARD AT NIGHT SHIFT DIFFERENTIAL PAY SA MGA FREELANCE WORKERS, ISINUSULONG NG ISANG SA KAMARA

Isang muling nahalal na miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang nagsusulong ng kaligtasan at kapakanan ng mga freelance na manggagawa, sa pamamagitan ng paggagawad ng sapilitang hazard pay, at night shift differential pay para sa kanila. Iminungkahi ni Pangsinan Rep. Christopher V.P. de Venecia, sa pamamagitan ng House Bill 615, na bigyan ng kapangyarihan ang mga freelance na manggagawa, na humingi ng bayad para sa mga serbisyong ipinaglingkod nila sa pamamagitan ng ilang legal na paraan, magpataw ng mga parusang sibil sa mga walang prinsipyong partido sa pag-arkila, gayundin ang gawin krimen ang hindi pagbabayad ng sahod sa mga freelance na manggagawa. 


Sinabi ni De Venecia na isa sa pinakamalaking kawalan ng isang freelance na Pilipinong manggagawa ay ang hindi pagbabayad sa kanilang serbisyo. 


“More often than not, the freelance worker does not pursue any course of action to demand payment for lack of remedial channels, fear of retribution, or lack of resources to pursue legal action,” aniya. 


Ang iminungkahing “Freelance Workers’ Protection Act” ay nagtatadhana na ang sinumang partido na umaarkila na kumukuha o nagpapanatili ng mga serbisyo ng isang freelancer na manggagawa ay dapat na lumagda ng kontrata sa kanya, bago paglungkuran ng mga nasabing serbisyo. 


Ang mga freelance na manggagawa ay babayaran din ng isang night shift differential na hindi bababa sa 10 porsiyento ng kanilang regular na sahod, para sa bawat oras ng trabaho na ipinaglingkod sa pagitan ng alas 10 ng gabi at ala-6 ng umaga. 


Ang mga freelance na manggagawa na nakatalaga sa mga mapanganib na lugar ay babayaran rin ng hazard pay, na katumbas ng hindi bababa sa 25 porsiyento ng kabuuang bayad para sa panahon ng naturang destino gaya ng napagkasunduan sa kontrata. 


Ang mga lalabag ay papatawan ng parusang sibil. Samantala, lahat ng freelance na manggagawa ay magpaparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR). 


Sila ay may karapatan sa tax relief sa loob ng takdang panahon na naaayon sa RA 10963, o ang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act” at RA 9178, o ang “Barangay Micro Business Enterprises Act of 2002.

Thursday, July 28, 2022

19-POINT AGENDA NI PANGULONG MAR COS SA SO NA, SINSERONG INILAHAD NIYA — PUMAREN

Ipinahayag kahapon ni Neophyte Quezon City Rep. Franz Pumaren na sinsero si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 19-point agenda na inilahad nito sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA.


Sa obserbasyon ni Pumaren, isang veteran local legislator at former majority leader ng Quezon City council mailalarawan ang legislative wish list ng Pangulo na may determinasyon upang patnubayan ang bansa sa matinding epekto ng pandemiya.


Aniya, inaasahang tutugon ang Kamara de Representantes upang maisakatuparan ang lahat ng priority bills ng Palasyo sa ilalim ng pamuuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.


Sa bahagi naman ni ACT CIS Party list Rep. Jocelyn Tulfo, sinabi nito na nailatag ng klaro ang mga priority bills.


Tutugon ang Kongreso sa mga kinakailangan panukalang batas upang makamit ang plano at programa ng pamahalaan.

Wednesday, July 20, 2022

KAMARA, NAGSAGAWA NG PASADA O WALK THROUGH SA KARI-RENOVATE PA LAMANG NA PLENARY HALL PARA SA SONA 2022

Nagsagawa ng isang pasada o walk through sa Plenary Hall o sa bulwagan ng Kamara ang mga opisyal ng Office of the President (OP), Presidential Security Group (PSG), Philippine Senate, Philippine National Police (PNP) at ng House of Representatives kahapon.


Kasama rin sa walk thru ang mga miyembro ng iba’t ibang media outfits na magka-cover ng State of the Nation Address (SONA) 2022.


Ang naturang pasada ay ginawa para makapa-bigay ng pakakataon para sa nanila na makita at masaksihan ang katatapos pa lamang na renovation at aesthetically designed na Plenary Hall bilang paghahanda para sa kauna-unahang SONA Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Lunes.


Ang walk through ay isinagawa matapos nagkaroon ng SONA Inter-Agency Coordination Meeting na nagsasa-pinal ng mga nalalabi pang mga paghahanda para sa nabanggit na event.

Tuesday, July 19, 2022

DISKUSYON HINGGIL SA PAG-AMIYENDA SA SALIGANG BATAS, HANDA ANG KAMARA — ROMUALDEZ

Ipinahayag ni presumptive Speaker at Leyte Rep Ferdinand Martin Romualdez na bukas ang Kamara upang talakayin ang pag-aamiyenda sa Konstitusyon.


Sinabi ni Romualdez na bagaman ay hindi bahagi sa priority program ni Pangulong Ferdinanand Bongbong Romualdez Marcos Jr. noong panahon ng pangangampanya noong nakaraang eleksiyon, sila umano ay laging handa sa talakayan sa nabanggit na usapin anumang oras.


Aniya, palaging namang pinag-uusapan at ganap na tinatalakay sa isang demokrasya ang diskusyon hinggil dito at sila ay bukas para rito.


Sinabi din ni Romualdez na ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa ika-25 ng Hulyo ay ang kanilang maging gabay sa kung anong mga pagsasabatas ang kanilang i-prioritize.


Naniniwala si Romualdez na maglalatag ang Pangulo ng kanyang legislative agenda na tutuon sa mga importanteng lehislasyon.


Ngunit , ayon sa kanya, ayaw naman muna niyang i-preempt si Marcos sa kanyang maging pahayag sa kanyang SONA.

Monday, July 18, 2022

MAHALAGANG SERBISYO NI SECGEN MENDOZA, KINILALA NG KAMARA

Isang flag-raising ceremony ang isinagawa ng Kamara ngayong Lunes, at kinilala ang mahalagang serbisyo ni Secretary General Mark Llandro Mendoza para sa kanyang pagsusumikap at dedikasyon, sa pamamahala sa House Secretariat tungo sa pagkamit ng adyenda ng lehislasyon ni Speaker Lord Allan Velasco. 


Ang flag-raising ceremony ay inorganisa ng Office of the Secretary General (OSG).  


Sinabi niya sa kanyang talumpati na ipinagdiriwang niya ngayong araw ang kanyang ika-20 buwan bilang House Secretary General. 


"Nagpapasalamat lang po ako sa inyo, mga kasama, mga kapamilya ko dito sa House of Representatives. 


Dahil sa 20 months po na magkakasama tayo, naging napakaayos at napakaganda po ng nangyari sa House despite the challenges na hinarap natin sa COVID," aniya.  


Dagdag pa niya na isa sa mga pangunahing prayoridad ni Speaker Velasco ay ang kapakanan at kondisyon sa pagtatrabaho ng mga kawani ng Kapulungan, at ginawa ni Speaker Velasco ang lahat upang mapaganda ang mga pasilidad nito. 


Hinimok din ni SecGen Mendoza ang mga opisyal at kawani ng Secretariat na suportahan ang papasok na pamunuan ng Kamara, katulad ng dedikasyon at serbisyo na ibinahagi nila kay Speaker Velasco at sa kanya. 


Bilang kapalit, binasa ni Alona Lapasaran ng OSG ang isang talaan kung paano nila inilarawan si SecGen Mendoza bilang isang lider, amo, kaopisina at kaibigan. 


"House Secretary General Mark Llandro Mendoza being at the helm of the House of Representatives Secretariat did his work, his part as Secretary General with flying colors," ani Lapasaran. 


Binigyan din si SecGen Mendoza ng isang plake ng pasasalamat para sa kanyang mahusay na pamumuno at pambihirang kakayahan sa pamamahala bilang Secretary General, na nagbigay-daan sa House Secretariat na makamit ang walang kapantay na pag-unlad bilang isang propesyonal, tumutugon, nakatuon sa teknolohiya at organisasyong sumusuporta sa lehislatura na nakasentro sa publiko. 


Nakatanggap din ng sertipiko ng pagpapahalaga ang mga opisyal ng House Secretariat mula kay SecGen Mendoza.

IKATLO AT HULING BATCH NG MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, TINAPOS NA ANG EXECUTIVE COURSE SA LEHISLASYON

Tinanggap ng 57 bagong halal na mga mambabatas ang kanilang sertipiko, matapos nilang makumpleto ang kanilang kurso ngayong Lunes. 


Ang mga mambabatas ay dumalo sa tatlong araw na Executive Course sa Lehislasyon para sa mga miyembro ng ika-19 na Kongreso. 


Ang kurso ay inorgansa ng Kapulungan ng mga Kinatawan, kaakibat ang University of the Philippines National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) Center for Policy and Executive Development (CPED). 


Sa idinaos na programa ng pagtatapos, pinasalamatan at binati ni presumptive Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga kalahok, sa pagbibigay nila ng panahon na makadalo sa kurso, at sinabing magiging isang produktibong lehislatura ang ika-19 na Kongreso, na matagumpay na magsusulong ng mga pangunahing adyenda sa lehislasyon ng panguluhang Marcos. 


Pinayuhan ni Secretary General Mark Llandro Mendoza ang mga nagtapos na gamitin ang mga impormasyong kanilang natutunan sa kurso. 


Kanyang sinabi na bagama’t ang kurso ay “short three days but rest assured magagamit at malaking tulong sa mga priority measures ng ating Pangulong Bongbong Marcos”.  


Naniniwala si Professor Dan Saguil, Associate Professor at Dean of UP-NCPAG, na dahil sa executive course sa lehislasyon, ay nagkaroon ng kaalaman ang mga mambabatas sa malawak na usapin ng kaunlaran, at mga hamon na kanilang kakaharapin, “understanding not only the technical and economic aspects, but also the legal and social parameters which are key to effective legislation and public governance.” 


Bilang tradisyon, dalawang mambabatas ang nagbigay na kanilang mga pananaw hinggil sa kurso. 


Ipinahayag ni Rep. Jose Alvarez (2nd District, Palawan) ang kanyang pasasalamat sa mga nag-organisa ng kurso, at sinabing malaki ang maitutulong ng kanilang mga natutunan sa pagpasa ng mga panukalang batas para sa pambansang ekonomiya. 


Pinasalamatan naman ni Rep. Sandro Marcos (1st District, Ilocos Norte) ang mga staff ng UP, sa pagbibigay nila ng panahon na maturuan ang mga mambabatas sa wastong proseso ng lehislasyon, at kung papaano magiging mga mabubuting lingkod-bayan. 


Pinasalamatan niya rin ang House Secretariat sa kanilang kasipagan para sa tagumpay ng kurso. “I think us lawmakers have a lot to learn from them not just the legislative process. 


These classes are a conscious effort by the Secretariat to provide an impetus towards us lawmakers to hopefully come to grips as quickly as possible with the large amount of information that we will be processing in the next few weeks,” aniya.

HEALTH PROTOCOL SA ARAW NG SONA, MAHIGPIT NA IPATUTUPAD NG MEDICAL AND DENTAL SERVICE NG KAMARA

Mas hihigpitan ng Medical and Dental Service (MDS) ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang pagpapatupad ng health protocols sa ika-25 ng Hulyo, para matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. 


Ang mga indibidwal na papasok sa Batasan Complex ay kailangang mag-negatibo sa pagsusuri sa Antigen, habang ang mga papasok sa Plenary Hall ay kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test, na ginawa nang hindi hihigit sa 48 oras, bago ang taunang malaking kaganapan. 


Kumpiyansa si MDS Director Dr. Jose Luis Bautista na magiging ligtas ang SONA sa COVID-19 virus basta ang lahat ay magtutulungan, at matiyak na nasusunod ang mga minimum na protocol sa kalusugan, gayundin ang mga kinakailangan sa kaligtasan.

KAMARA, HANDA NA PARA SA UNANG SONA NI PANGULONG BONGBONG MARCOS

Handang-handa na ang Kamara  isang linggo bago isasagawa ang kauna-unahang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos, Jr. sa ika-25 ng Hulyo 2022.


All systems go na ang Batasang Pambansa Complex kung saan isasagawa ang SONA ng pangulo ng bansa kasabay sa pagbubukas ng first regular session ng 19th congress.


Sinabi ni House of Representatives Secretary General Mark Llandro Mendoza na mahigpit na ipatutupad ang health protocols sa loob ng Batasan Complex partikular na sa Plenaryo ng Kamara.


Ayon kay Mendoza lahat ng dadalo sa SONA kasama ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng kongreso, cabinet officials, miyembro ng diplomatic corps, media at mga invited VIP guest ay sasailalim sa antigen at RT PCR  swab test.


Inihayag ni Mendoza sa kabila ng paglobo ng kaso ng COVID 19 ay papayagan ang 100 percent  capacity face to face sa plenaryo na may seating capacity na 1,200.


Ang plenaryo ng Kamara ay sumailalim sa renovation at nilagyan ng mga health safety mechanism upang masigurong ligtas sa COVID 19 virus.

Saturday, July 16, 2022

HAZARD AT NIGHT SHIFT DIFFERENTIAL PAY SA MGA FREELANCE WORKERS, ISINUSULONG NG ISANG SA KAMARA

Isang muling nahalal na miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang nagsusulong ng kaligtasan at kapakanan ng mga freelance na manggagawa, sa pamamagitan ng paggagawad ng sapilitang hazard pay, at night shift differential pay para sa kanila. Iminungkahi ni Pangsinan Rep. Christopher V.P. de Venecia, sa pamamagitan ng House Bill 615, na bigyan ng kapangyarihan ang mga freelance na manggagawa, na humingi ng bayad para sa mga serbisyong ipinaglingkod nila sa pamamagitan ng ilang legal na paraan, magpataw ng mga parusang sibil sa mga walang prinsipyong partido sa pag-arkila, gayundin ang gawin krimen ang hindi pagbabayad ng sahod sa mga freelance na manggagawa. 


Sinabi ni De Venecia na isa sa pinakamalaking kawalan ng isang freelance na Pilipinong manggagawa ay ang hindi pagbabayad sa kanilang serbisyo. 


“More often than not, the freelance worker does not pursue any course of action to demand payment for lack of remedial channels, fear of retribution, or lack of resources to pursue legal action,” aniya. 


Ang iminungkahing “Freelance Workers’ Protection Act” ay nagtatadhana na ang sinumang partido na umaarkila na kumukuha o nagpapanatili ng mga serbisyo ng isang freelancer na manggagawa ay dapat na lumagda ng kontrata sa kanya, bago paglungkuran ng mga nasabing serbisyo. 


Ang mga freelance na manggagawa ay babayaran din ng isang night shift differential na hindi bababa sa 10 porsiyento ng kanilang regular na sahod, para sa bawat oras ng trabaho na ipinaglingkod sa pagitan ng alas 10 ng gabi at ala-6 ng umaga. 


Ang mga freelance na manggagawa na nakatalaga sa mga mapanganib na lugar ay babayaran rin ng hazard pay, na katumbas ng hindi bababa sa 25 porsiyento ng kabuuang bayad para sa panahon ng naturang destino gaya ng napagkasunduan sa kontrata. 


Ang mga lalabag ay papatawan ng parusang sibil. Samantala, lahat ng freelance na manggagawa ay magpaparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR). 


Sila ay may karapatan sa tax relief sa loob ng takdang panahon na naaayon sa RA 10963, o ang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act” at RA 9178, o ang “Barangay Micro Business Enterprises Act of 2002.

Friday, July 15, 2022

LALUNG HIHINA ANG PESO KONTRA DOLYAR KUNG WALANG GAGAWIN ANG BANSA SA SANDALING TUMAAS ANG US FEDERAL RESERVE — SALCEDA

Suportado ni House Ways and Means Chair at Albay, 2nd District Representative Joey Salceda ang sorpresang rate hike ng Bangko Sentral ng Pilipinas bilang depensa laban sa mas mataas kaysa sa inaasahang inflation rate ng US.  


Dinipensa ni Salceda ang naging hakbang ng BSP na taasan ang interest rates by 75 basis points. 

Si Salceda ang nangangasiwa sa monetary policy ng Kongreso.


Ayon sa mambabatas, ang nasabing hakbang ng BSP ay isang “preemptive defensive action" laban sa hindi maiiwasang pagtaas ng rate ng US Federal Reserve, na sa sandaling maisagawa, ay magpahina sa pera ng Pilipinas at magkaroon ng implikasyon sa mga presyo ng mga pag-import, our currency reserves, at foreign debt.


Paliwanag ni Salceda, sa sandaling tumaas ang US Federal Reserve at walang ginawang hakbang ang Pilipinas mas lalong hihina ang peso kontra dolyar.


Giit pa ni Salceda ang ginawa ng BSP ay ang pinakamagandang opsyon para sa pagtatanggol ng piso sa mga open market operations.


Ayon sa mambabatas, hindi dapat ipagtanggol ang piso sa pamamagitan ng pagbili ng higit pa nito gamit ang mga foreign currency reserves. 


Aniya, wala din tayong magagawa tungkol sa mga epekto ng inflationary ng inaasahang pagtaas ng Fed rate bilang resulta ng mas mataas kaysa sa inaasahang inflation ng US, kaya, ang pagtaas ng rate ay isa sa ilang mga mapagpipilian.


Gayunpaman, sinabi ni Salceda na ang mga epekto ng pagtaas ng rate sa paglago sa tunay na ekonomiya ay maaaring pagaanin sa pagtutok ni Pangulong Marcos sa agrikultura at maliliit na negosyo.


Dagdag pa ni Salceda, ang maaapektuhan sa surprise rate hike ay ang mga  residential property sector, at ang automobile market dahil dependent ang mga ito sa easy credit terms. 


"Sa kabuuan, sa tingin ko ay tama ang ginawa ng BSP sa pamamagitan ng paggawa ng desisyong ito nang maaga at sapat na malaki. Ito ay nagpapakita ng kredibilidad ng ating mga awtoridad sa pananalapi, at na ang ating mga kamay sa bola," pahayag ni Salceda.

PROTEKSYON NG MGA MATATANDA LABAN SA PAG-ABUSO, ISINUSULONG NG BAGITONG MAMBABATAS

Isang bagitong mambabatas ang naghain ng panukala na magbibigay proteksyon sa mga matatanda laban sa pag-abuso. Inihain ni Rep. Ernesto Dionisio Jr. (1st District, Manila) ang House Bill 109 na magbibigay proteksyon sa mga matatanda na biktima ng mga karahasan, pangalagaan at gabayan ng mga kinakailangang tulong upang matiyak ang kanilang personal na kaligtasan at seguridad. 


“This is also to prevent the recurrence of violent acts committed against them,” aniya. Sinabi ni Dionisio na ang kakulangan ng partikular o dedikadong batas upang maiwasan at maproteksyunan ang mga matatanda laban sa pag-abuso. 


“Enshrined in our Constitution is the duty of the State to design programs of social security for its elderly members,” aniya. 


Binanggit ni Dionisio ang isang pag-aaral noong 2004 na isinagawa ni Dr. Edna E.A. Co, isang propesor at dating Dean ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), kung saan ay 40porsyento ng mga sumagot na matatanda ay may personal na karanasan ng karahasan laban sa kanila. 


Ang pag-aaral ay may titulong “The Case of the Philippine Older Persons: Finding a Place in the Human Rights Domain” na nagpapakita na ang pinaka karaniwang umaabuso sa mga matatanda ay ang kanilang mga anak, at iba pang miyembro ng pamilya, na dapat sana ay sila ang nangangalaga sa mga matatanda batay sa kultura ng mga Pilipino. 


Ipinakita rin sa pag-aaral na ang pinaka pangkaraniwang uri ng pag-abuso na naranasan ay abusong pananalita. 


Tinukoy sa panukala na ang mga gawaing karahasan laban sa mga matatanda ay isinailalim sa limang kategorya tulad ng: 1) abusong pisikal; 2) abusong sekswal; 3) abuso sa damdamin o sikolohikal; 4) abusong materyal o pinansyal; at 5) pagpapabaya. Isinasaad sa panulaka na papatawan ng parusa ang krimen na karahasan laban sa mga matatanda alinsunod sa mga probisyon ng Revised Penal Code. 


Sa ilalim ng panukalang batas, ang karahasan laban sa mga matatanda ay ituturing na isang pambulikong paglabag. 


Kaya’t ang sinumang mamamayan na may personal na kaalaman na kinasasangkutan ng naturang paglabag ay maaaring maghain ng reklamo laban sa abusado.

Thursday, July 14, 2022

POLISIYA HINGGIL SA RIGHTSIZING NG PAMAHALAAN, SUPORTADO NG ISANG MAMBABABATAS SA KAMARA

Suportado ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang administration policy on government rightsizing at sang-ayon din ito sa pahayag ni DBM Secretary Pangandaman ang pagsasaayos sa mga ahensiya ng gobyerno ng sa gayon maka ipon ng pondo ang gobyerno.


Sinabi ni Quimbo na kilala ding ekonomista, ang pagtitiyak na ang burukrasya ay sapat at mahusay na pinamamahalaan, na may rationalized na mga tungkulin, ay makatipid ng bilyun-bilyong halaga ng pera ng mga tao na maaaring magamit upang suportahan ang mga programa sa pagbawi ng ekonomiya at ang pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyong panlipunan. 


Ayon sa mambabatas sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, ang personnel services ay nagkakahalaga ng P1.4 trilyon o 28 percent ng kabuuang budget. Kahit na ang dagdag na pagbawas sa kabuuang halaga ng payroll ay maaaring magbigay ng malaking pondo para sa mga kinakailangang hakbangin, kabilang ang mga subsidy sa gasolina at ayuda para sa ating mga magsasaka at MSME.


Paliwanag ni Rep Quimbo ang rightsizing ay nangangahulugan na ang bilang ng mga posisyon ng kawani sa gobyerno ay sapat upang matiyak na ang lahat ng mga mandato ay natutupad sa pinakamababang posibleng gastos. 


Naniniwala si Quimbo na ang 

pangunahing hakbang para sa pag-rightsize ay dapat sa pamamagitan ng e-governance. 

Panahon na rin aniya na maging digital ang gobyerno. Maraming mga inefficiencies sa pamamahala ang maaaring matugunan ng isang digital pivot.


Aniya, ang pagiging digital ay nagbibigay-daan para sa isang mas mahusay na paghahatid ng mga pangunahing serbisyo. Habang nagiging digital ang mga transaksyon ng gobyerno, aalisin ang ilang posisyon ng kawani, ngunit kasabay nito, kailangang tumaas ang mga posisyon ng kawani sa dibisyon ng ICT.


Paliwanag pa ni Rep. Quimbo ang rightsizing ay hindi tungkol sa pagputol ng mga trabaho, ngunit tungkol din sa paglikha ng mga bagong trabaho, na mas kapaki-pakinabang sa isang digital na ekonomiya. 


Ang mga hakbangin sa rightsizing ay magpapadali din sa pagpapatupad ng mahahalagang batas.


Ang pag-rightsize ng gobyerno sa gitna ng digitalization ay hahantong sa isang mas mahusay na pamahalaan, kinakailangang magbigay ang gobyerno ng mga kinakailangang safety net, tulad ng sapat na early retirement packages at retooling program para sa mga gustong manatili sa serbisyo publiko. 


Giit ni Quimbo ang layunin ng DBM na bigyang karapatan ang pamahalaan na tumutugon sa modernong panahon ay dapat na kaakibat ng paggawa ng bago at mas malalaking hakbang tungo sa digital na pamamahala.


Kaya panawagan ni Quimbo sa gobyerno na unahin ang patakarang ito sa unang 100 days nito.

PAGPAPALIBAN NG HALALAN PARA SA BARANGAY AT SANGGUNIANG KABATAAN, INIHAIN SA KAMARA

Isinusulong ngayon sa Kamara ang pagpaapaliban ng halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan upang bigyan pa ng mas mahabang oras ang mga Pilipino at bansa, na makaahon sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19, at ng katatapos na pambansa at lokal na halalan. 


Sa panukala ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, ang House Bill 1367, layun nito na ipagpaliban ang nakatakdang halalan ng Barangay at SK sa buwan ng Disyembre 2022 at gawin na ito sa ika-9 ng Oktubre 2023. 


Ayon sa explanatory note nito, ipaliwanag ni Almario na ang nakatakdang dalawang halalan ay mangangailangan ng halagang humigit-kumulang P10-bilyon sa pamahalaan, na mas kailangang gamitin sa mga inisyatiba para sa kaligtasan ng sambayanan at pagbawi sa lugmok na ekonomiya.


Isinasaad sa panukala na ang lahat ng mga kasalukuyang opisyal ay mananatili sa kanilang posisyon, maliban na lamang kung sila ay tinanggal o sinuspinde.

Tuesday, July 12, 2022

TULONG AT SUPORTA SA MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS MULA SA HOUSE SECRETARIAT AT MGA CONGRESSIONAL STAFF, TINIYAK

Tiniyak ngayong Martes ni House Secretary-General Mark Llandro Mendoza sa mga bagong halal na mambabatas na ang 1,467 kawani ng Kapulungan mula sa Secretariat at 2,208 congressional staff ay handang handa silang tulungan at suportahan sa pagganap nila sa kanilang mandato. 


“Nandito po kami lahat to serve you, your Honors,” ani Mendoza sa ikalwang araw ng Executive Course sa Lehislasyon para sa ikatlong Batch ng mga bagong halal na mambabatas sa ika-19 na Kongreso. 


Tinalakay ni Mendoza ang paksa sa “Legislative Support Services” sa naturang oryentasyon. Kanyang ipinaliwanag na ang House Secretariat ay pangunahing legislative support organization na walang kinikilingang pulitika, kungdi nagbabahagi ito ng mga serbisyong administratibo at teknikal na kinakailangan sa operasyon ng Kapulungan, kabilang ang mga pangangailangan ng mga mambabatas sa pagganap ng kanilang tungkulin. 


Sinabi niya na ang mga opisyal ng Secretariat at mga staff, kasama ang congressional staff ay nakahanda na tumulong sa mga mambabatas sa lahat ng kanilang mga pangangailangan sa Kapulungan at kani-kanilang mga distrito. 


Binanggit ni Mendoza na ang Legislative Support Services (LSS) ay nagbabahagi ng dalawang uri ng serbisyo, ang Lawmaking Support Services at Institutional Maintenance Services. 


Isang video presentation ang itinanghal na nagpapakita ng iba’t ibang tanggapan sa Kapulungan at ang kanilang ibinabahaging serbisyo. “As legislators, you are assured that in performing your representation mandate for your constituents, you have the whole House Secretariat behind you while you have to carry much of the burden of lawmaking,” ayon sa video presentation na itinanghal. 


Tinitiyak sa video na aasahan ng mga mambabatas na ang House Secretariat ay kinabibilangan ng mga propesyunal, may malawak na karanasan at dedikadong lingkod-bayan, na palaging nakahanda na sila ay tulungan at suportahan.

MGA GAWAIN AT PROSESO NG KOMITE, IBINAHAGI SA MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS; KUNWARING PAGDINIG NG KOMITE, NILAHUKAN DIN IMm

binahagi ngayong Martes sa mga bagong halal na mambabatas ng Kapulungan ng mga Kinatawan na bumubuo sa ikatlo at huling batch ng Executive Course sa Lehislasyon, ang pangkalahatang-ideya hinggil sa mga gawain at proseso sa lehislasyon ng iba't ibang Komite sa kanilang pagdalo sa sesyon ngayong araw. 


Sinamahan ni Batangas Rep. Mario Vittorio Mariño, na muling nahalal bilang kinatawan, ang mga kalahok sa tatlong araw na oryentasyon para sa mga kinatawan ng ika-19 na Kongreso. 


Si Mariño ang dating taga-pangulo ng Komite ng Government Reorganization, at pangalawang taga-pangulo ng Komite ng Housing and Urban Development noong ika-18 na Kongreso. 


Sinabi niya sa mga dumalo na bilang mga mambabatas, na ilan sa mga tungkulin nila ang maghanda ng mga batas, panukala at polisiya. 


Aniya, karamihan sa mga gawain ay nagaganap sa antas ng Komite. “Lahat ng batas diyan ginagawa, and most of the debates happen during the committee hearings,” ani Mariño. 


Ibinahagi niya sa kanila ang ilan sa kanyang mga naging karanasan bilang taga-pangulo at pangalawang taga-pangulo ng Komite.  


“An example of what we did during the 18th Congress is that we created the Department of Migrant Workers. It took us a little over two years,” aniya. 


Sinabi din niya na hindi kaagad makakakuha ng chairmanship ang mga bagong halal na mambabatas maliban na lang kung sila ay nahalal ng tatlong termino bilang gobernador o nagbabalik na mambabatas. 


Pinayuhan niya ang mga ito na isiping mabuti kung aling Komite ang ninanais nilang maging kasapi nito, subalit hindi dapat masyadong maraming sasalihan kung bilang vice chair na ng isang Komite. 


Ayon kay Mariño, ang isang vice chair ay karaniwang itinatalaga upang mamuno sa isang technical working group (TWG) na halos may kahalintulad na mga polisiya sa paghawak ng isang Komite. 


“You actually do the action work,” aniya. Nagpayo rin siya na makipag-ugnayan sa mga mas nakatatandang mambabatas kung may pagkakataon.


“I have learned all the things I have learned from the different congressmen that I have spoken to,” aniya. 


Tinalakay sa diskurso ang mga gawain ng iba’t-ibang mga Komite, ang kanilang komposisyon, mga tungkulin, mga pananagutan, gayundin ang mga kontribusyon sa mandatong pambatas ng Kapulungan. 


Sinundan naman ito ng isang kunwaring pagdinig. Ang executive course ay inorganisa ng Kapulungan, kaakibat ang University of the Philippines National College of Public Administration and Governance (UP NCPAG) Center for Policy and Executive Development (CPED).

Free Counters
Free Counters