MAHALAGANG SERBISYO NI SECGEN MENDOZA, KINILALA NG KAMARA
Isang flag-raising ceremony ang isinagawa ng Kamara ngayong Lunes, at kinilala ang mahalagang serbisyo ni Secretary General Mark Llandro Mendoza para sa kanyang pagsusumikap at dedikasyon, sa pamamahala sa House Secretariat tungo sa pagkamit ng adyenda ng lehislasyon ni Speaker Lord Allan Velasco.
Ang flag-raising ceremony ay inorganisa ng Office of the Secretary General (OSG).
Sinabi niya sa kanyang talumpati na ipinagdiriwang niya ngayong araw ang kanyang ika-20 buwan bilang House Secretary General.
"Nagpapasalamat lang po ako sa inyo, mga kasama, mga kapamilya ko dito sa House of Representatives.
Dahil sa 20 months po na magkakasama tayo, naging napakaayos at napakaganda po ng nangyari sa House despite the challenges na hinarap natin sa COVID," aniya.
Dagdag pa niya na isa sa mga pangunahing prayoridad ni Speaker Velasco ay ang kapakanan at kondisyon sa pagtatrabaho ng mga kawani ng Kapulungan, at ginawa ni Speaker Velasco ang lahat upang mapaganda ang mga pasilidad nito.
Hinimok din ni SecGen Mendoza ang mga opisyal at kawani ng Secretariat na suportahan ang papasok na pamunuan ng Kamara, katulad ng dedikasyon at serbisyo na ibinahagi nila kay Speaker Velasco at sa kanya.
Bilang kapalit, binasa ni Alona Lapasaran ng OSG ang isang talaan kung paano nila inilarawan si SecGen Mendoza bilang isang lider, amo, kaopisina at kaibigan.
"House Secretary General Mark Llandro Mendoza being at the helm of the House of Representatives Secretariat did his work, his part as Secretary General with flying colors," ani Lapasaran.
Binigyan din si SecGen Mendoza ng isang plake ng pasasalamat para sa kanyang mahusay na pamumuno at pambihirang kakayahan sa pamamahala bilang Secretary General, na nagbigay-daan sa House Secretariat na makamit ang walang kapantay na pag-unlad bilang isang propesyonal, tumutugon, nakatuon sa teknolohiya at organisasyong sumusuporta sa lehislatura na nakasentro sa publiko.
Nakatanggap din ng sertipiko ng pagpapahalaga ang mga opisyal ng House Secretariat mula kay SecGen Mendoza.
<< Home