Saturday, July 30, 2022

LIBRENG DIALYSIS SA MGA MAHIHIRAP NA PASYENTE, ISINUSULONG NG MAMBABATAS

Upang matugunan ang pangangailangan sa mabilisang pasilidad sa pagbibigay lunas sa mga may sakit na Pilipino, partikular na sa mga nagdurusa sa problema sa bato, inihain ni House Deputy Speaker Vincent Franco Frasco ang House Bill 100, o ang panukalang “Dialysis Center Act.” 


Layon ng panukala na paunlarin ang paghahatid lunas sa pamamagitan ng pagtatayo ng pasilidad ng ospital na madaling ma-akses at sa abot-kayang halaga ng mga mahihirap na pasyente. Sa paliwanag na kasama ng panukala, sinabi ni Frasco na ang sakit sa bato ang nananatili sa listahan ng 10 dahilan ng mga morbidity sa bansa, na nangangailangan ng agaran at karagdagang suporta mula sa pamahalaan. 


Bukod rito, ang halagang P2,500 kada sesyon ng dialysis treatment ay labis na napakamahal para sa mga Pilipinong mabababa ang kita. 


Layunin ng “Dialysis Center Act” na gawing rekisitos ang pagtatayo ng mga dialysis clinic sa lahat ng pambansa, regional at mga ospital sa lalawigan, kasama na ang libreng dialysis treatment sa mga mahihirap na pasyente. 


Kapag naisabatas, ang pagtatatag, operasyon, at pamamantine ng mga dialysis ward sa mga nabanggit na healthcare facilities ay imamandato sa loob ng dalawang taon matapos na maging epektibo ang batas. 


Bukod pa rito, iminumungkahi rin sa panukala ang libreng dialysis treatment sa mga mahihirap na pasyente na kumikita lamang ang pamilya nang hindi lalagpas sa P30,000. Kada buwan.

Free Counters
Free Counters