Wednesday, November 25, 2020

-Nanumpa si Speaker Velasco bilang Lt Col sa Army Reserve Corps kahapon

Isa nang ganap na Lieutenant Colonel sa Reserve Force ng Philippine Army (PA) ngayon si House Speaker Lord Allan Velasco.

Nanumpa si Velasco ng kanyang oath at tinanggap niya ang kanyang rangko kay PA chief Lieutenant General Cirilito Sobejana sa isang seremonya na ginanap sa Army headquarters sa Fort Bonifacio kahapon, Miyerkules.


Sinabi ni Velasco na ang seremonya ay isang malinaw na pagkilala sa kanyang mga personal achievement at commitment sa kanyang mga atas o duty at ito ay isang karangalan para sa kanya kaya’t mas lalo umano siyang humbled sa pagbibigay ng kasalukuyan niyang mga sirkumstansiya.


Ipinahayag niya ito sa kanyang talumpati matapos ang oath-taking at donning of rank sa kanya ni Sobejana.


Dito rin ipinahayag ng House leader ang kanyang mga papuri sa PA sa malaking parte at ambag nito sa lipunan lalo na nitong kasalukuyan nating panahon na katatapos lamang nating maranasan ang kadaraan lamang na mga kalamidad at malalakas na bagyo habang tayo ay kumakaharap ng pandemya at sa gitna nitong COVID-19 crisis.

-Napoles style pork barrel, hindi na uobra ngayon lalu na sa 2021 national budget, paniniyak ni Rep. Atienza

Ipinahayag ng bagong talagang Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na 100% siyang nakatitiyak na hindi na maaaring umiral ang Napoles style na pork barrel sa panukalang national budget para sa 2021.

Sa lingguhang Ugnayan sa Batasan press briefing, sinabi ni Atienza na siya mismo ang kauna-unahang magpapatawag ng imbestigasyon sakaling mayroon mang pork barrel sa 2021 budget.


Normal din aniya na busisiin panukalang budget ng Senado alinsunod na rin sa kanilang tungkulin at mandato.


Nakatuon aniya ang mga mambabatas sa pagbalangkas ng mga makabuluhang batas at alam din nila ang pangangailangan ng kanilang mga constituent.


Ayon naman kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House committee on ways and means, ang pambansang budget ay isa rin sa pandemic ecocomic recovery instrument.


At dahil nga nagkaroon ng madaliang pag-apruba sa second reading ang 2021 national budget sa nakaraang liderato ng Kamara, ikinagalak ni Salceda ang muling pagbalik sa plenaryo ng panukalang budget upang suriin itong muli bago tuluyang ipasa sa third and final reading ng bagong liderato.


Idinagdag din ng mambabatas ang kahalagahan ng pag-apruba sa panukalang Bayanihan 3 upang ilaan ito para pambili ng bakuna laban sa corona virus disease.

Tuesday, November 24, 2020

-Pagpakawala ng tubig sa Magat Dam, hindi ang dahilan ng malawakang pagbaha sa Cagayan Valley — NIA

Itinanggi ng National Irrigation Administration o NIA na hindi umano ang pagpakawala ng tubig sa Magat Dam ang dahilan ng pagbaha sa Cagayan Valley sa kasagsagan ng pananalasa ng Typhoon Ulysses.


Sinabi ni NIA Administrator Ricardo Visaya kahapon sa joint hearing ng House Committees on Agriculture and Food at North Luzon Growth Quadrangle na 15% lamang ang nai-contribute ng pinakawalang tubig sa dam doon sa pagbaha ng Cagayan River Basin.


Nilinaw ni Visaya na noong Typhoon Emong noong 2009, nagpakawala ang Magat Dam ng 8,068 cubic meters per second (cms) at ang water level ng Buntun Bridge sa Tuguegarao noon ay 9.82 meters lamang.


Ganun din daw, ayon sa kanya, noong November 2010, ang Magat ay nag-release ng 1,351 cms na mababa kaysa sa Emong ngunit ang water level nito ay umabot sa 12.70 meters.


Nitong Ulysses, nag-release ang Magat ng 6,706 cms at ang water level ng Buntun ay 13.2 meters kaya makikita dito na hindi ito ang dahilan ng malawakang pagbaha sa nabanggit na lugar.


Ang naturang hearing ay idinaos bunsod na rin sa resolusyon na inihain nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Joseph Stephen Paduano at Deputy Majority Leader Bernadette Herrera-Dy.

-Panukala sa tamang pagkabit ng mga kable ng kuryente at telekomunikasyon, pasado na sa third reading sa Kamara

Inaprubahan na sa isang joint online meeting ng Committee on Energy na pinamumunuan ni Pampanga Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo at Committee on Information and Communications Technology sa Kamara na pinamumunuan din ni Tarlac Rep. Victor Yap ang substitute bill na naglalayong atasan ang mga kompanya ng kuryente at telekomunikasyon sa wastong pagkakabit at pagmamantine ng mga kawad ng kuryente, at mga kable ng telekomunikasyon para sa kaligtasan ng publiko at kaayusan.


Sinabi ni Baguio Citry Rep. Mark Go, pangunahing may akda ng panukala, na ang mga nakalawit, nakalundo at mabababang kawad ng kuryente, kasama na ang mga nakatagilid na poste ay nagkalat sa mga lansangan sa buong bansa at nakakasira ng tanawin sa mga komunidad at kalunsuran.


Ayon ka Go, marami nang ulat ng mga aksidente na naging sanhi ng kamatayan dahil sa mga nakalawit na kawad at kable.


Idinagdag pa ni ni Go na dapat lamang na mapanagot ang mga kompanya ng mga public utilities sa kanilang kapabayaan, hindi lamang sa mga lugar ng kanilang operasyon, kundi pati na rin ang kalidad ng kanilang serbisyo at kung papaano nila ito isinasagawa.


Ang substitute bill ay mula sa mga  panukala na iniakda rin nina Bataan Rep. Geraldine Roman at Parañaque City Rep. Joy Myra Tambunting.

    


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Panukalang pagsusulong sa kapakanan ng caregivers at proteksiyon ng mga kababaihan laban sa diskriminasyon, pasado na sa Kamara

Pasado na sa pangatlo at pinal na pagbasa sa Kamara de Representantes, sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco, ang House Bill 135 o ang "Caregivers Welfare Act" na naglalayong gawing polisiya ng pamahalaan ang proteksiyon sa mga caregiver sa kanilang pagganap ng kanilang mga tungkulin.


Batay sa panukala, inaatasan ang Kalihim ng Labor and Employment na tiyakin ang proteksiyon ng mga caregivers na inarkila sa pamamagitan ng mga pribadong labor agencies.


Ang mga ahensyang ito ang mananagot sa mga employer ng lahat ng sahod at iba pang mga benepisyo na karapat-dapat lamang sa caregiver.


Kaugnay nito, ipinasa rin sa pinal na pagbasa ang HB 7722 na naglalayong palawigin ang Presidential Decree 442 o ang “Labor Code of the Philippines” na nagbabawal sa pagtanggi sa sinumang babaeng obrero ng mga benepisyo sa trabaho at iba pang mga benepisyo sa ilalim ng mga batas ng bansa dahil lamang sa kanyang kasarian.

  


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Monday, November 23, 2020

-Matagalang solusyon sa mga pagbaha ang nais ni Speaker Velasco sa gagawing pagsisiyasat ng Kamara

Sisimulan na bukas ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon sa matinding pagbaha na idinulot ng bagyong ‘Ulysses’ at nais ni House Speaker Lord Allan Velasco na pagtuunan ng pagsisiyasat ang pagkakaroon ng matagalang solusyon upang maiwasan ang pagkasawi ng mga tao at pagkalugmok ng ekonomiya ng bansa sa mga darating pang bagyo.


Sinabi ni Velasco na ang layunin ng pagsisiyasat ng Kamara ay upang malaman ang mga tunay na pangyayari para makahanap ng mga wastong hakbang upang matugunan ang kalamidad at hindi upang maghanap ng sisisihin.


Ang bansa ay sinalanta ng tatlong magkakasunod na bagyo – ang Quinta, Rolly at Ulysses, mula sa huling linggo ng Oktubre hanggang sa unang linggo ng Nobyembre ngayong taon.


Ang bagyong Ulysses ay nagdulot ng matinding pag-ulan na naging dahilan ng pagpapakawala ng tubig mula sa dam, na siya namang nagpabaha sa maraming lugar malapit sa dam.


Ang pinaka-nakamamatay dito ay ang matinding pagbaha sa lalawigan ng Cagayan na lumubog matapos na magpakawala ang mga opisyales ng Magat Dam ng tubig dahil sa pag-apaw at umabot sa delikadong antas ng tubig ang imbakan nito.

Thursday, November 19, 2020

-Pagdeklarang protected areas sa ilang lugar sa bansa, aprubado sa Kamara

Sa isang online hearing ng Committee on Natural Resources sa Kamara na pinangunahan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., inaprubahan noong nakaraan Biyernes ang House Bill 965 na iniakda ni Zamboanga Sibugay Rep. Ann Hofer, na naglalayong gawing protected area ang “Naga-Kabasalan Protected Landscape” na nasa Zamboanga Sibugay, sa ilalim ng kategorya ng protected landscape, alinsunod sa Republic Act 7568 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.”


Sinabi ni Hofer na ang panukala ay magdudulot ng wastong pangangasiwa, pangangalaga, proteksyon at paggamit ng likas yaman sa loob ng mga protektadong lugar.


Tiniyak ni DENR Region IX Regional Executive Director Krisma Rodriguez sa Komite na kapag naitatag ang Naga-Kabasalan bilang protected area, bububuin ng kagawaran ang Protected Area Mamangement Board (PAMB) upang isailalim sa regulasyon at kontrol, na inaasahang magpapatigil sa mga mapaminsalang aktibidad tulad ng pangangaso, pag-uuling at kaingin dito.


Inaprubahan din ng Komite ang HB 7419 o ang “Banao Protected Landscape Act of 2020”, na inihain ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang.


Layunin din ng panukala na ideklara ang Banao Protected Landscape sa lalawigan ng Kalinga bilang protektadong lugar sa ilalim ng kategorya ng protected landscape.


Ang naturang landscape ay hindi naisama sa talaan ng mga protektadong lugar sa ilalim ng RA 11038 o ang Extended NIPAS Act of 2018.


Layunin din ng panukala na protektahan ang mga bulubundukin sa mga epekto ng pagbabago sa klima, paglapastangan ng mga tao sa kalikasan, at ang inaasahan na pangangalaga sa biodiversity at landscape ng bulubundukin ng Cordillera na pinamamahayan ng mga katutubong flora at fauna.         


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Kalagayan ng implementasyon sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP-MILF, tinalakay sa Kamara

Sa pagdaos ng isang online hearing ng Special Committee on  Peace, Reconciliation and Unity sa Kamara na pinamumunuan ni Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu, tinalakay nito  ang kalagayan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) – Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa implementasyon ng usapang pangkapayapaan.


Nagbigay ng paliwanag sa Komite ang Bangsamoro Transition Authority-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BTA-BARMM) sa kalagayan ng National Government-Bangsamoro Government Intergovernmental Relations Body (IGRB).


Sa paliwanag ni Education Minister Mohagher Iqbal sa Komite, sinabi niya na pinagsisikapang ipatupad ng GRP at ng MILF ang pangkalahatang usapin sa pangkapayapaan lalo na ang proseso ng normalisasyon. 


Ayon sa kanya, natagalan ang pagpapatupad ng lahat ng bahagi ng proseso ng normalisasyon dahil ang implementasyon ay nakabatay sa itinakdang patakaran ng dalawang panig.

Wednesday, November 18, 2020

-Illegal logging at quarrying activitis sa Marikina watershed, sanhi ng pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan

Iimbestigahan ng Kamara de Representantes ang umano'y illegal logging at quarrying activities sa Marikina watershed, na naging sanhi ng malaking pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.


Sinabi ni Bagong Henerasyon partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy nais din niyang paimbestigahan ang “untimely and irresponsible” na pagbubukas ng floodgates ng mga dam at watersheds sa Luzon habang rumaragasa ang typhoon Ulysses.  


Ayon kay Herrera-Dy dapat imbestigahan ito upang malaman ang pananagutan ng dam operators na ikinasawi ng buhay at kabuhayan ng maraming Filipino.


Mahigit sa P1.5 billion pesos ang nasira sa agrikultura at imprastraktura.


Bukod sa napakalakas ng buhos ng ulan, sinabi ni Herrera-Dy na ang pagbaha ay pinalala pa nang buksan ang anim na dams, Angat, Ipo, La Mesa, Ambuclao, Binga, San Roque at Magat dams.


Lalo pa aniyang pinatindi nang pagbubukas ng dams ang flashfloods sa Metro Manila at lalawigan ng Pangasinan, Benguet, Isabela at Cagayan.  

Tuesday, November 17, 2020

-Panawagan para sa karagdagang tulong at pagtugon sa climate change, batay sa siyensiya, mga paksa sa privilege speech ni Rep Inno Dy

Dahil sa mapaminsalang bagyo na Rolly at Ulysses na nanalasa sa halos lahat na bahagi ng Luzon ay hiniling ni Isabela Rep. Faustino Dy V sa kanyang privilege speech kahapon (16 Nov) sa liderato ng Kamara sa plenaryo, na ituring ang karagdagang alokasyon ng pondo para sa mga lalawigang labis na naapektuhan ng mga bagyo, sa pinal na probisyon ng 2021 General Appropriations Bill na ngayon ay isinasapinal na.


Sinabi ni Dy na umaasa umano sila na mababahagian ng karagdagang alokasyon ng pondo upang matulungan ang mga mamamayan sa Hilagang Luzon para muling makabangon, makaahon at makabawi mula sa pinsalang natamo mula sa bagyo.


Nanawagan din si Dy sa mga kapwa niyang mambabatas na tulungan siyang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa pagtugon sa mga suliraning pangkalikasan at pabago-bagong panahon batay sa siyensya.


Idinagda pa ni Dy na dapat umanong pakinggan ang mga tinutukoy ng mga dalubhasa sa agham at kalikasan na paulit-ulit nilang sinasabi noong mga nakaraang dekada dahil malinaw na sila ay tama at nagbabala na sila na ang climate change ay magdudulot ng mga malalakas na bagyo na hindi natin maubos-maisip na ating mararanasan ngayon.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Monday, November 16, 2020

-Kamara muling iimbestigahan ang P1.16 billion pesos shabu shipment na ideneklara bilang Tapioca Starch

Muling bubuksan ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon kaugnay sa P1.16 billion pesos na shabu shipment na ideneklara bilang Tapioca Starch na natagpuan ng mga otoridad sa Goldwin Warehouse sa Malabon City. 


Sinuportahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs ang House Resolution 1330 na inihain ng tatlong Mindanao lawmakers sa layong malaman ang katotohanan sa likod ng tila hindi makatotohanang salaysay ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa nasabing shipment ng shabu noong 2019 pa.


Batay sa pahayag ng BoC pinalabas nilang Tapoica starch ang kargamento upang hindi maakit ang mga posibleng miyembro ng drug ring na intresado sa bidding at idinagdag pa ng BOC na wala raw shabu at Tapioca lang ang lumabas sa kanilang bakuran.


Ayon kay Barbers, kagyat na muling suriin at imbestigahan ang umano'y  “poorly-written script” na dinesenyo ng BOC at ng PDEA upang linlangin ang publiko sa kontrobersyal na insidente.


Ang resolusyon na inihain nina House committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, MARINO party-list Rep. Sandro Gonzalez at Dumper-PTDA party-list Rep. Claudine Diana Bautista ay nananawagan sa komite ni Barbers upang magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing insidente.

Friday, November 13, 2020

-Pagbabalik ng death penalty sa krimeng sangkot sa iligal na droga at rape, isinulong ni Velasco

Nangako si House Speaker Lord Allan Velasco na isusulong niya ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa mga krimen na ang sangkot ay iligal na droga at rape.


Ayon sa lider ng Kamara de Representantes, kung ang tao ay hindi naman gagawa ng ganitong mga krimen, wala namang kaparusahan siyang matamo at aniya, ang kanyang punto na mahinto na o mahadlangan ang mga kreming ito.


Diin pa ni Speaker Velasco, nararapat  lamang umanong ma-reinforce ang mas mabigat na kaparusahan para sa mga pagkakasalang ganito.


Idinagdag pa ni Velasco na walang dapat ikatakot sa parusang kamatayan kung hindi naman magiging sangkot sa mga krimen.


Ngunit aminado naman si Velasco na hindi na matatalakay ang panukala ngayong 18th Congress dahil ang prayoridad ay maipasa ang mga panukalang batas na may kaugnayan sa ekonomiya para matulungan ang mga Pinoy sa harap naman ng epekto dulot ng pandemya.

-Velasco, nanguna sa RT-PCR testing para sa mga secretariat at congressional staff ng Kamara

Pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco nitong Martes ang pagsasailalim sa RT-PCR testing para sa mga kawani ng Kamara na papasok sa kani-kanilang tanggapan, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sa loob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas, sa paglaban sa COVID-19. 

Sumailalim sa RT-PCR test si Velasco sa isa sa mga swab booth na itinayo bilang pasilidad sa pagsusuri na nasa Badminton Court ng HRep Sports and Fitness Center bilang panimula.


Maging ang mga mambabatas na dadalo sa sesyon ng Kongreso ay kinakailangan sumailalim sa naturang tests.


Ang mga may resulta na ng nabanggit na tests sa loob ng 48 oras ay pahihintulutan nang makapasok sa loob ng Kamara. 


Ang mga RT-PCR tests ng mga miyembro ng Cocolife HealthCare ay babayaran ng nasabing HMO, samantalang ang mga hindi miyembro ng HMO ay babayaran naman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.


Ayon kay BH Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy na tumulong sa pag-oorganisa ng proyekto, lahat ng mga bibisita sa Kamara ay kinakailangang sumailalim sa pagsusuri sa pamamagitan ng antigen testing.


Idinagdag pa ng mambabatas na hangga’t maaari ay dapat lilimitahan ang mga bisita na papasok sa loob ng Kamara at ang mga forms tulad ng standard Health Declaration Form (HDF) at Case Investigation Form (CIF) ay dapat na sagutan at isumite sa pamamagitan ng online.





Ngayong Miyerkules, sinabi ni Herrera-Dy na 200 kawani ng Kamara ang sasailalim sa pilot test.


Nakipagpulong si Herrera-Dy ng makailang ulit kina House Secretary-General Atty. Jocelia Bighani Sipin, Mr. Julius Gorospe, kasama si Executive Director Atty. Roentgen Bronce mula sa tanggapan ng Speaker, upang masimulan ang pilot test. Bukod sa implementasyon ng RT-PCT testing, naglagay din ang Kamara ng mga makina para sa disinfection sa lahat ng entrada ng ibat ibang gusali ng Kongreso tulad ng North Wing, South Wing, Mitra Building at South Wing Annex.


Bukod din dito ay ginawang pansamantalang Pasilidad ng Immigration para sa testing ang badminton court para sa lahat ng mga papasok sa loob ng Kamara. Sinabi ni Herrera-Dy na ang lahat ng mga pag-iingat na ito para sa kalusugan ay inisyatiba ni Speaker Velasco.


“Ibat ibang organisasyon ang nagtulungan sa paglalagay ng pasilidad tulad ng Department of Health na nagtalaga ng swabbers at naglagay ng swab booths at test kits; Ang Manila Health Tek ang magpo-proseso ng resulta para sa RT-PCR tests; Accudetek ang nakatalaga sa antigen tests; Radius ang magsasaayos ng koneksyon ng internet sa Kamara; Red Core IT Solutions para sa software development; at pag-iisahin ng HWL, Inc. ang buong sistema,” ani Herrera-Dy.


Lahat ng kawani ng Kamara ay bibigyan ng QR  codes para naman sa contact tracing sa loob ng Kongreso. “Ang layunin ay magkakaroon ng Immigration Center kung saan ay lahat ng kawani ng Kamara ay dadaan sa pagsusuri at health protocols upang patuloy na matiyak na ang bawat isa na nasa loob ng Kongreso ay ligtas,” paliwanag niya pa.


Ang proyekto ay pinagtulungang isakatuparan ng Office of the Speaker, Medical and Dental Service, Information and Communications Technology Service, Legislative Security Bureau at ng Engineering and Physical Facilities Department.           

   

#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Wednesday, November 11, 2020

-Suportang pinansiyal sa pensiyon at benepisyo ng mga beterano at retiradong sundalo, aprubado na sa Kamara

Ipinasa na ng Committee on Veterans Affairs and Welfare ng Kamara sa isang online hearing ang panukalang batas na naglalayong pahintulutan ang paggamit ng perang kita mula sa pagpapaupa, pagpapaunlad at paggamit ng ilang pag-aari ng gobyerno upang ipangbayad sa pensyon at iba pang mga benepisyo ng mga beterano at retiradong sundalo.


Nagkasundo sa pagdinig ang mga may akda ng panukala na sina Muntinlupa City Rep. Rozzano Rufino Biazon at MAGDALO Partylist Rep. Manuel Cabochan III sa posibleng pagbebenta ng mga nalalabing propriedad na pag-aari ng pamahalaan bilang huling desisyon matapos ang mahigpit na proseso na gagarantiya sa pinakamagandang interes at kapakanan ng mga beterano.


Nilinaw Committee Chairperson sa nag-aalalang mga mambabatas na hindi ipinapanukala ng substitute bill ang pagbebenta ng mga mahahalagang pag-aari ng bansang Pilipinas na nasa bansang Hapon.


Ilan sa mga War Reparation Properties na ito ay ang Roponggi, Nampeidai, Noniwacho at ang Obanoyama properties na ibinigay ng gobyerno ng Hapon sa Pilipinas sa ilalim ng Reparation Agreement na nilagdaan ng dalawang bansa.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Tuesday, November 10, 2020

-Kaarawan ni Speaker Velasco kahapon, sinabayan ng oath-taking nito sa Malacañang

Doble ang selebrasyon kagabi ni House Speaker Lord Allan Velasco dahil nanumpa ito sa Malacañang kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan nito.


Present sa oath-taking si Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Bong Go, ang pamilya at mga pinagkakatiwalaang kongresista ni Velasco.


Nagpasalamat si Velasco kay Pangulong Duterte na makapagsilbi ito bilang lider ng Kamara at sa tulong ng punong ehekutibo na matuloy ang term-sharing agreement sa pagitan nila ni Former Speaker Alan Peter Cayetano.


Nangako naman ang kongresista na susuklian nito ang tiwala ng administrasyon sa panamagutan ng pagpasa sa legislative agenda  ng Pangulo sa kongreso.


Si Velasco ang pinakabata sa edad na 43 at ang ika-27 Speaker of the House.

-Proyektong imprastraktura ng DPWH sa hilagang Luzon, makatutulong sa pagpapasigla sa rehiyon, ayon sa isang solon

Idinaos ngayong araw (Nov 9) ng Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle sa Kamara na pinangunahan ni Pangasinan Rep. Ramon Guico III ang isang online consultation at pagpupulong sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa kalagayan ng mga proyekto at programa ng kagawaran para sa kasalukuyang taon, gayundin ang mga nakahanay na proyekto at programa para sa susunod na taon sa Regions 1, 2, at Cordillera Administrative Region.


Sinabi ni Guico na ang pagpapatuloy ng mga kritikal na proyektong imprastraktura sa Hilagang Luzon ay ganap na magpapasigla sa rehiyon.


Ayon sa kanya, ang mga ipinatupad na patakaran at regulasyon ng quarantine na may maganda namang intensyon, ay labis na nakapagpabagal sa lokal na ekonomiya, pagkawala ng trabaho at pagtaas ng antas ng kahirapan.


Sinabi ni Guico na sari-saring implikasyon ang nilikha ng mga proyektong ito.


Ayon sa mambabatas, nakapagdudulot umano ito ng trabaho at kabuhayan sa maraming Pilipino na nawalan dahil sa pandemya.


Kapag marami ang trabaho ay aasahan din daw ang tuloy-tuloy na paggasta ng tao na siya namang nagpapagulong ng lokal na ekonomiya.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Imbestigasyon sa tumataas na bilang ng panlilinlang at bintahan ng iligal na droga sa online, umarangkada na sa Kamara

Siniyasat ngayong araw (Nov 9) ng Committee on Trade and Industry sa Kamara na pinangunahan ni Valenzuela City Rep. Weslie Gatchalian ang tumataas na bilang ng panloloko at pandaraya, kasama na ang bentahan ng iligal na droga at gamit sa pamamagitan ng online.


Iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagsasabatas ng “Internet Transactions Act” upang gawaran ng kapangyarihan ang Department of Trade and Industry (DTI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang tagapagpatupad ng batas upang makuha ang mga datos para matugunan ang dumaraming reklamo.


Nagpahayag ng supporta at pakikipagtulungan ang dalawang kilalang online shopping platform na Lazada Group at Shopee upang matugunan ang usapin ngayong ang mga mamimili ay lumilipat na sa Bagong Normal dahil sa pandemya.


Bukod dito, ang mga sindikato ng droga at mga personalidad ay ginagamit na ang mga online at social media paltforms, kasama na ang Transport Network Vehicle Service (TNVS) sa pagbebenta at paghahatid ng iligal na droga.


Nakatakdang magdaos ng executive session ang Komite, kasama ang Lazada Group, Shopee, PDEA at iba pang tagapagpatupad ng batas upang masugpo ang paggamit ng online platforms sa pagbebenta ng iligal na droga sa publiko.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Misa para sa mga biktima ng bagyong Rolly at Quinta, dinaluhan ni Speaker Velasco

Minarapat ni House Speaker Lord Allan Velasco sa kanyang ika-43 kaarawan ngayong araw (Nov 9) na dumalo sa isang misa, kasama ang mga opisyales at kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, na inialay sa mga napinsala ng bagyong Rolly at Quinta na magkasunod na nanalanta sa bansa kamakailan.

Pinangunahan ni Rev. Fr. Ed Molina ng Archdiocese ng Novaliches ang selebrasyon ng misa sa St. Thomas Moore Chapel na nasa House Legislative Library, Archives and Museum Building ng Kamara.


Bukod sa pag-aalay ng misa para sa mga biktima ng mga bagyo ay sinimulan din ng Kamara na pinamumunuan ni Speaker Velasco ang isang fund drive noong nakaraang linggo para makaimpok ng pondo na gagamitin sa pagtulong na masagip, makaahon at rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng dalawang bagyo.


Bilang tugon, maraming mambabatas ang nag-alay ng kanilang buong sahod para sa buwan ng Nobyembre para sa mga nasalanta.


Samantala, nanawagan si Secretary-General Jocelia Bighani Sipin sa mga mambabatas at mga hepe ng departamento ng Kamara na mag-alay ng mga “hindi nasisirang pagkain, damit, tsinelas, toiletries at iba pang mga kagamitan na maaaring magamit” ng mga biktima ng kalamidad.


Ayon kay Sipin, naglagay ang Secretariat ng mga kahon ng donasyon na may tatak na “Mula sa Kongreso, Para sa Pilipino” sa mga lobby ng North Wing, South Wing, RVM Building at South Wing Annex.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Saturday, November 07, 2020

-Abot-kayang swab test ng gobyerno, suportado ni Speaker Velasco

 Sinusuportahan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagsisikap ng pamahalaan na mapababa ang halaga ng COVID-19 tests, lalo na ang gold-standard reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) swab test.

Sinabi ni Speaker Velasco na  kailangan talagang magtakda ng abot-kayang tests para sa mga mamamayan, lalo ang mga mahihirap, upang sila ay mahikayat na boluntaryong magpasuri na, may sintomas man sila o wala.


Ipinahayag ni Velasco ang kanyang suporta matapos na magpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na nag-uutos ng pagtatakda ng abot-kayang halaga ng COVID-19 test kits at serbisyo para sa pagsusuri.


Ang Department of Health DOH at ang Department of Trade and Industry DTI ang inatasan ng Pangulo para magtakda ng halaga, na iaanunsyo sa madla anumang oras mula ngayon.





Ang Philippine National Red Cross ang naiulat na may pinakamababang halaga sa P3,500, samantalang ang mga pribadong ospital naman ay naniningil hanggang P12,500 para sa isang RT-PCR test.


Sinabi ni Velasco na ang pagtatakda ng halaga ay magreresulta ng pare-parehong singil at mas nanaisin niya ang halaga na mas mababa pa sa sinisingil ng Red Cross.


Binanggit ng lider ng Kamara na mas lalawak ang maaabot ng pagsusuri kapag naibaba ang halaga ng RT-PCR para sa taumbayan.


Ang paraang ito, aniya, ang magpapabilis ng pagbubukas at pag-ahon ng ating bansa sa ekonomiya at makakabalik na ang ating mga mamamayan sa kanilang normal na pamumuhay nang mas maaga kesa dati.


Ayon kay Velasco, ang malawakang pagsusuri ay lubhang napakahalaga para makontrol ang pagkalat ng sakit sanhi ng coronavirus habang hinihintay natin ang bakuna.


Sinabi niya na ang pagpaparami ng pagsusuri sa bansa ang paraan upang masugpo ang COVID-19.


Pag mas maraming tao ang nasusuri ay mangangahulugan ito na ang pamahalaang nasyunal at ang mga LGU ay agad nilang maituturo ang mga nahawaan, maihiwalay sa nakararami at agad silang malulunasan, dagdag pa niya.


Sa paraang ito, maiiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit, giit pa niya.


Binigyang-diin ni Velasco na ang Kamara ay nakatuon sa pagtulong sa pamahalaan para masugpo ang COVID-19, na nakahawa na sa 390,000 na mga Pilipino at aabot na sa 7,500 ang nasawi hanggang sa kasalikuyan.


Nauna nang pinadagdagan ng Kamara ang alokasyon para sa pagbili ng bakuna para sa COVID-19 sa panukalang 2021 pambansang badyet mula sa inisyal na P2.5-bilyon tungo sa P8-bilyon para mas maraming Pilipino ang makinabang dito.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Mithiing magandang ugnayan ng Kamara at Senado, maisakatuparan na — Speaker Velasco

Ipinahayag [noong Huwebes, Nov 5 ] ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kanyang mithiin para sa isang “new era of cooperation” sa pagitan ng Kamara de Representantes at ng Senado matapos na simulan ng dalawang kapulungan ang pagbalangkas ng napagkasunduang legislaive agenda sa nalalabi pang 20 buwan ng ika-18 Kongreso.

Sinabi ni Speaker Velasco na umaasa siya ng isang magandang ugnayan sa pagitan ng Kamara at Senado upang matiyak na ang nalalabing mga sesyon ng 18th Congress ay magiging matagumpay at produktibo.


Sinambit ni Velasco ang kanyang pahayag matapos pangunahan nina Senate President Vicente Sotto III at ng Speaker ang isang informal caucus ng mga namumuno sa dalawang kapulungan sa EDSA Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City noong nakataang Huwebes.


Ang meeting, sa inisyatiba ni Speaker, ay dinaluhan nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Finance Committee Chairman Senator Juan Edgardo Angara, House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, House Committee on Appropriations Chairman Eric Yap, at House Minority Leader Joseph Stephen Paduano.


Dumalo naman sa pagpupulong sa pamamagitan ng Webex application videoconference sina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Franklin Drilon.




“Itinuturing natin ang ating mga Senador bilang mga mahahalagang kasosyo, kaalyado at mga kaibigan, at ating pinasasalamatan ang liderato ng Senado sa mahalagang pagpupulong na ito,” ani Velasco. 


Sa pagpupulong sa pagitan ng mga pinuno ng dalawang kapulungan bago ang pagbabalik-sesyon sa ika-16 ng Nobyembre sa Kamara ay nagkasundo ang mga mambabatas na magkakaroon sila ng nagkakaisang prayoridad sa lehislasyon sa susunod na limang buwan, alinsunod sa mga agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang inilahad sa kanyang State of the Nation Address noong nakaraang Hulyo, na mayroong mga karagdagang datos mula sa Kamara at Senado.


Kasama sa mga agenda ng Pangulo para sa legislation ay ang panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act, Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act, Rural Agricultural and Fisheries Development Financing System Act, at ang panukala na magtatatag sa Department of Overseas Filipinos.


“Umaasa ang ating Pangulo bilang ating Punong Ehekutibo, sa Kongreso, upang siya ay tulungang maisakatuparan ang kanyang mga ipinangako sa sambayanag Pilipino bago matapos ang kanyang termino,” dagdag ni Velasco.


“Taimtim naming tinatanggap ang kanyang panawagan na tapusin ang sistematikong katiwalian sa pamahalaan, at sama sama kaming magta trabaho ng mga mambabatas upang makapagsabatas ng mga sistema na makatutulong sa ating mga manggagawa, magsasaka at mangingisda,” ayon pa kay Velasco. 


Sinabi ni Velasco na hiniling ng Kamara sa Senado na bigyan ng prayoridad ang panukalang Magna Carta of Barangay Workers na makakatulong sa mga frotliners ng barangay, gayundin ang panukalang Internet Transactions Act na naglalayong protektahan ang mga konsyumer lalo na sa pagdami ng gumagamit ng mga transaksyon gamit ang online sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Ang magandang relasyon ngayon ng Kamara, sa pamumuno ni Speaker Velasco, at ng Senado ay maiuugnay sa maagang pagsusumite sa Senado ng inaprubahang 2021 General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara.


Nagpahayag ng pagtitiwala si Velasco na ang GAB ay maipapasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso at malalagdaan ni Pangulong Duterte bago matapos ang taon upang maiwasan ang reenacted budget na nanganganib na magpabagal sa paglago ng ekonomiya at makasagabal sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan. 


Nagkakasundo ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na dapat na agad na maaprubahan ang pambansang badyet,” ani Velasco.


Noong ika-27 ng Oktubre ay isinumite na ng Kamara sa Senado ang inaprubahang sipi ng panukalang P4.506-trilyong 2021 GAB, na mas maaga ng isang araw sa itinakdang iskedyul. 


Ang pinakamataas na badyet sa kasaysayan ay dinisenyo upang palakasin ang pagtugon ng pamahalaan at patatagin ang pag-ahon sa ekonomiya sa harap ng pandemyang sanhi ng coronavirus.


Umaasa si Velasco na magkatuwang na magtatrabaho, ng may pagkakasundo, ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa GAB at iba pang mga panukalang batas na tutulong sa bansa para sa mabilis na pag-ahon mula sa pandemya.


“Mayroon kaming magandang relasyon ng Senado sa maayos na pagta trabaho at kaming lahat ay nagkakasundo,” ani Velasco.


“Nananalig kami na makakapagpasa kami ng mga batas na tutugon sa pagtulong sa ating mga kababayan upang mapagtagumpayan ang pandemyang ito bago matapos ang taon.” 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Paggamit ng credit at debit card sa pagbayad ng buwis at iba pangpinansiyal na mga paksa, tinakay sa Kamara

Inumpisahan na ang pagtalakay sa Kamara de Representantes ng panukalang “Credit or Debit Card Tax Payment of 2020” sa House Bill 7580 na iniakda ni Paranaque City Rep. Eric Olivarez.

Ang Committee on Banks and Financial Intermediaries, sa pangunguna ni Quirino Rep. Junie Cua ang nag-initiate sa deliberasyon ng nabanggit na panukala.


Sa pagdinig ng komite noong (Nov 6, Biyernes), sinabi ni Cua na dapat munang tugunan ng Komite ang usapin kung kinakailangan pa bang isabatas ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng credit card.


Sinagot naman ito ni Department of Finance (DOF) Undersecretary Antonette Tiongko na pinagtibay na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng credit cards simula pa noong taong 2017.


Idinagdag din niya na pinalalawig din ng BIR ang iba pang pamamaraan ng pagbabayad sa buwis.




Tinalakay din ng Komite ang House Bill 7454 o ang “Special Exchange Rate (SER) for OFWs Remittance Law”, na inihain ni ANG PROBINSYANO Party-list Rep. Alfred Delos Santos.


Sinabi ni Bankers Association of the Philippines (BAP) Managing Director Benjamin Castillo na posibleng mahirapan na ipatupad ang panukalang batas at puwede rin itong maabuso na maaaring magresulta nang hindi maganda sa ekonomiya.


Tinalakay din ang House Resolution 1271 na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo na humihiling sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pansamantalang ipatigil ang online banking transfer fees at e-payment transaction fees hanggang matapos ang pampublikong krisis pangkalusugan dulot ng kasalukuyang COVID-19, gayundin ang HR 1212 na iniakda ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na humihiling sa BSP na utusan ang mga sanglaan na magbaba ng kanilang singil sa tubo sa gitna ng kasalukuyang krisis pangkalusugan.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Thursday, November 05, 2020

-Tatlong araw na fund drive ng Kamara para sa ‘Rolly’ at ‘Quinta,’ nakalikom ng P7 milyon

Nakalikom ang Kamara de Representantes ng halos P7 milyon sa loob lamang ng tatlong araw para sa mga lugar na tinamaan ng mga bagyong Rolly at Quinta.


Ipinanahayag ito ni House Secretary General Jocelia Bighani Sipin sa pagsabi na pinangunahan ang fund drive ni House Speaker Lord Allan Velasco, panawagan para sa donasyon mula sa mga kongresista.


Nanawagan si Velasco ng mga pagkain, toiletries, damit, footwear at iba pang mga pangangailangan na maaaring ipadala ang mga ito sa Office of the Secretary General o sa  “Mula sa Kongreso Para sa Pilipino” donation boxes sa loob ng Batasang Pambansa Complex mula 4 hanggang 13 Nobyembre.


Ipamamahagi ang mga ito sa mga lugar sa Bicol Region na siyang pinakamatinding tinamaan ng kalamidad.


Sinabi ni Velasco na batay sa ulat mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), umabot na sa P6 bilyon ang pinsala ng bagyong Rolly sa imprastraktura, samantalang sa report ng Department of Agriculture (DA), umabot naman sa P2 bilyon ang pinsala sa agrikultura.


Sinabi pa ng DA na nagdulot naman ng P2.56 bilyong pinsala sa agrikultura ang bagyong Quinta.


Inilunsad ang fund drive noong Lunes para matulungan ang mga pamilyang biktima ng dalawang bagyo.

Wednesday, November 04, 2020

-Panukalng magbabawal ng karera sa mga pampublikong lansangan, aprubado na sa Kamara

Inaprubahan na ng Committee on Transportation sa Kamara ang House Bill 3391 o ang panukalang “Drag Racing Ban Act” na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo.


Layunin ng panukala na ipagbawal ang karera ng mga sasakyan sa mga pampublikong lansangan at patawan ng mabigat na parusa ang mga lalabag dito.


Sinabi ni Hipolito-Castelo na hindi nakakatulong ang karera sa lipunan bagkus ito ay nakaka-perwisyo pa at nakaka-paminsala sa mga kagamitan, tao at mga komunidad habang ito ay nagdudulot din ng polusyon sa ingay.


Ngunit iminungkahi ni Committee Vice-Chair at RAM Party-list Rep. Aloysa Lim, bilang amiyenda sa bill, na palawigin ang batas sa pamamagitan ng pagsasailalim ng regulasyon imbes na ipagbawal ang drag racing.


Sa pamamagitan nito, ani Lim, ay masasakop ang parehong legal at illegal drag racing.


Samantala, sinuportahan naman ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante ang panukala at kanyang iminungkahi na gawaran din ng kapangyarihan ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at ang mga lokal na pamahalaan sa implementasyon kapag naisabatas na ang panukala.


Ang pagdinig ay pinamunuan ni Committee Chair Rep. Edgar Mary Sarmiento. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Pagtalakay sa SOGIE anti-discrimination bills, ipinanag-patuloy ng Komite sa Kamara sa gitna ng pandemya

Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng Committee on Women and Gender Equality hinggil sa mga nakabinbing panukala sa Kamara patungkol sa Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) anti-discrimination, inaprubahan nito bilang working draft ang third reading version ng House Bill 4982 o ang SOGIE Equality Act ng 17th Congress para sa kasalukuyang SOGIE anti-discrimination bills.

Ang hearing na pinamumunuan ni Bukidnon Rep. Maria Lourdes Acosta-Alba ay nilahukan ng mga tagapagsalita mula sa ibat ibang sektor na lumikha ng mas komprehensibong anti-discrimination bill.


Nilinaw ni Bataan Rep. Geraldine Roman na ang inihaing SOGIE anti-discrimination bills ay hindi lamang tungkol sa same sex marriage at gender recognition.


Napagkasunduan sa Komite na mag-iimbita sila ng mga tagapagsalita mula sa sektor ng negosyo at edukasyon para sa mas malawak pang diskusyon sa SOGIE anti-discrimination bill.


Ang pinakamahalagang usapin, ayon pa kay Roman, ay ang pagwawasto ng hindi pantay na batas para mapangalagaan ang mga LGBTQI+ na mamamayan ng bansa.


Ayon naman kay Acosta-Alba, para protektahan sila mula sa diskriminasyon, pananakit at pananakot, ginagawa umano nila ang pangunahing legal infrastructure na titiyak sa pantay-pantay na pagtingin sa lahat na mga mamamayan, anuman ang kanilang kasarian.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Tuesday, November 03, 2020

-Magkasanib na inilunsad ng Kamara at DOTr ang “Road to 100% RFID Caravan sa Kongreso

Inilunsad kahapon (3 Oct) ng Kamara de Representantes ng Kongreso ang “ROAD TO 100 PERCENT RFID CARAVAN” sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation sa loob ng Kamara.

Ang pagkakabit ng RFID o radio –frequency identification sa mga sasakyan ay alinsunod sa DOTr Order 2020-012 na ipinalabas ng tanggapan ni Transportation Secretary Arthur Tugade noong buwan ng Agosto 2020, na nag-uutos nang ganap na implementasyon ng cashless toll collection sa mga expressways at pangunahing lansangan na may toll, upang palakasin ang kampanya ng pamahalaan sa paglaban sa pagkalat ng COVID-19, gayundin, upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga toll plaza.


Bago ang kaganapan sa pagkakabit ng mga sticker ng HREP-DOTr ay sumulat si Committee on Transportation at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento kay House Secretary-General Atty. Jocelia Bighani Sipin at tiniyak na ang mga nag-organisa ng proyekto sa paglalagay ng mga sticker sa sasakyan ay susunod sa mga safety protocols na ipinaiiral ng Kamara.


Ito ay ang mga sumusunod: 1) pre-registration ng mga lalahok hanggang ika-01 ng Nobyembre 2020; 2) pagbibigay ng iskedyul sa mga lalahok hanggang ika-02 ng Nobyembre; 3) maayos na paglalagay ng sticker sa mga sasakyan sa House North Multi-Level Parking Building kung saan ay isusumite ng mga lalahok ang kanilang RFID registration form at minimum na kabayaran na P200; at 4) isa-isang ikakabit ng NLEX Team ang sticker sa mga sasakyan ng mga lalahok.


Upang lalong maintindihan ang proseso ng proyekto ay nagpalabas sina Speaker Velasco at Sarmiento ng infographic para sa kabatiran ng mga kalahok.


Ang pagkakabit ng RFID Easytrip ay idaraos mula ika-03 hanggang ika-06 ng Nobyembre 2020, samatalang ang pagkakabit naman ng RFID Autosweep ay gaganapin sa susunod na linggo.


Ang Easytrip RFID ay magagamit lamang sa NLEX, SCTEX, CAVITEX at CALAX, samantalang ang Autosweep RFID ay magagamit naman sa Skyway, SLEX, NAIAX, STAR Tollway, kasama na ang MCX at pagdaan sa TPLEX lamang.


Ang mga teams mula sa Easytrip (NLEX) at Autosweep (SLEX) ang nagsasagawa ng pagkakabit ng mga stickers sa mga sasakyan ng mga kalahok sa proyekto.


Nauna nang pinalawig ni Tugade ang huling araw ng pagpapatupad ng cashless collection sa lahat ng tollways mula ika-02 ng Nobyembre hanggang ika-01 ng Disyembre 2020 sa kahilingan ng maraming motorista na hindi pa nakakabitan ng RFID stickers sa kanilang mga sasakyan. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Free Counters
Free Counters