-Magkasanib na inilunsad ng Kamara at DOTr ang “Road to 100% RFID Caravan sa Kongreso
Inilunsad kahapon (3 Oct) ng Kamara de Representantes ng Kongreso ang “ROAD TO 100 PERCENT RFID CARAVAN” sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation sa loob ng Kamara.
Ang pagkakabit ng RFID o radio –frequency identification sa mga sasakyan ay alinsunod sa DOTr Order 2020-012 na ipinalabas ng tanggapan ni Transportation Secretary Arthur Tugade noong buwan ng Agosto 2020, na nag-uutos nang ganap na implementasyon ng cashless toll collection sa mga expressways at pangunahing lansangan na may toll, upang palakasin ang kampanya ng pamahalaan sa paglaban sa pagkalat ng COVID-19, gayundin, upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko sa mga toll plaza.
Bago ang kaganapan sa pagkakabit ng mga sticker ng HREP-DOTr ay sumulat si Committee on Transportation at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento kay House Secretary-General Atty. Jocelia Bighani Sipin at tiniyak na ang mga nag-organisa ng proyekto sa paglalagay ng mga sticker sa sasakyan ay susunod sa mga safety protocols na ipinaiiral ng Kamara.
Ito ay ang mga sumusunod: 1) pre-registration ng mga lalahok hanggang ika-01 ng Nobyembre 2020; 2) pagbibigay ng iskedyul sa mga lalahok hanggang ika-02 ng Nobyembre; 3) maayos na paglalagay ng sticker sa mga sasakyan sa House North Multi-Level Parking Building kung saan ay isusumite ng mga lalahok ang kanilang RFID registration form at minimum na kabayaran na P200; at 4) isa-isang ikakabit ng NLEX Team ang sticker sa mga sasakyan ng mga lalahok.
Upang lalong maintindihan ang proseso ng proyekto ay nagpalabas sina Speaker Velasco at Sarmiento ng infographic para sa kabatiran ng mga kalahok.
Ang pagkakabit ng RFID Easytrip ay idaraos mula ika-03 hanggang ika-06 ng Nobyembre 2020, samatalang ang pagkakabit naman ng RFID Autosweep ay gaganapin sa susunod na linggo.
Ang Easytrip RFID ay magagamit lamang sa NLEX, SCTEX, CAVITEX at CALAX, samantalang ang Autosweep RFID ay magagamit naman sa Skyway, SLEX, NAIAX, STAR Tollway, kasama na ang MCX at pagdaan sa TPLEX lamang.
Ang mga teams mula sa Easytrip (NLEX) at Autosweep (SLEX) ang nagsasagawa ng pagkakabit ng mga stickers sa mga sasakyan ng mga kalahok sa proyekto.
Nauna nang pinalawig ni Tugade ang huling araw ng pagpapatupad ng cashless collection sa lahat ng tollways mula ika-02 ng Nobyembre hanggang ika-01 ng Disyembre 2020 sa kahilingan ng maraming motorista na hindi pa nakakabitan ng RFID stickers sa kanilang mga sasakyan.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas
<< Home