-Abot-kayang swab test ng gobyerno, suportado ni Speaker Velasco
Sinusuportahan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagsisikap ng pamahalaan na mapababa ang halaga ng COVID-19 tests, lalo na ang gold-standard reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) swab test.
Sinabi ni Speaker Velasco na kailangan talagang magtakda ng abot-kayang tests para sa mga mamamayan, lalo ang mga mahihirap, upang sila ay mahikayat na boluntaryong magpasuri na, may sintomas man sila o wala.
Ipinahayag ni Velasco ang kanyang suporta matapos na magpalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na nag-uutos ng pagtatakda ng abot-kayang halaga ng COVID-19 test kits at serbisyo para sa pagsusuri.
Ang Department of Health DOH at ang Department of Trade and Industry DTI ang inatasan ng Pangulo para magtakda ng halaga, na iaanunsyo sa madla anumang oras mula ngayon.
Ang Philippine National Red Cross ang naiulat na may pinakamababang halaga sa P3,500, samantalang ang mga pribadong ospital naman ay naniningil hanggang P12,500 para sa isang RT-PCR test.
Sinabi ni Velasco na ang pagtatakda ng halaga ay magreresulta ng pare-parehong singil at mas nanaisin niya ang halaga na mas mababa pa sa sinisingil ng Red Cross.
Binanggit ng lider ng Kamara na mas lalawak ang maaabot ng pagsusuri kapag naibaba ang halaga ng RT-PCR para sa taumbayan.
Ang paraang ito, aniya, ang magpapabilis ng pagbubukas at pag-ahon ng ating bansa sa ekonomiya at makakabalik na ang ating mga mamamayan sa kanilang normal na pamumuhay nang mas maaga kesa dati.
Ayon kay Velasco, ang malawakang pagsusuri ay lubhang napakahalaga para makontrol ang pagkalat ng sakit sanhi ng coronavirus habang hinihintay natin ang bakuna.
Sinabi niya na ang pagpaparami ng pagsusuri sa bansa ang paraan upang masugpo ang COVID-19.
Pag mas maraming tao ang nasusuri ay mangangahulugan ito na ang pamahalaang nasyunal at ang mga LGU ay agad nilang maituturo ang mga nahawaan, maihiwalay sa nakararami at agad silang malulunasan, dagdag pa niya.
Sa paraang ito, maiiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit, giit pa niya.
Binigyang-diin ni Velasco na ang Kamara ay nakatuon sa pagtulong sa pamahalaan para masugpo ang COVID-19, na nakahawa na sa 390,000 na mga Pilipino at aabot na sa 7,500 ang nasawi hanggang sa kasalikuyan.
Nauna nang pinadagdagan ng Kamara ang alokasyon para sa pagbili ng bakuna para sa COVID-19 sa panukalang 2021 pambansang badyet mula sa inisyal na P2.5-bilyon tungo sa P8-bilyon para mas maraming Pilipino ang makinabang dito.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas
<< Home