-Matagalang solusyon sa mga pagbaha ang nais ni Speaker Velasco sa gagawing pagsisiyasat ng Kamara
Sisimulan na bukas ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon sa matinding pagbaha na idinulot ng bagyong ‘Ulysses’ at nais ni House Speaker Lord Allan Velasco na pagtuunan ng pagsisiyasat ang pagkakaroon ng matagalang solusyon upang maiwasan ang pagkasawi ng mga tao at pagkalugmok ng ekonomiya ng bansa sa mga darating pang bagyo.
Sinabi ni Velasco na ang layunin ng pagsisiyasat ng Kamara ay upang malaman ang mga tunay na pangyayari para makahanap ng mga wastong hakbang upang matugunan ang kalamidad at hindi upang maghanap ng sisisihin.
Ang bansa ay sinalanta ng tatlong magkakasunod na bagyo – ang Quinta, Rolly at Ulysses, mula sa huling linggo ng Oktubre hanggang sa unang linggo ng Nobyembre ngayong taon.
Ang bagyong Ulysses ay nagdulot ng matinding pag-ulan na naging dahilan ng pagpapakawala ng tubig mula sa dam, na siya namang nagpabaha sa maraming lugar malapit sa dam.
Ang pinaka-nakamamatay dito ay ang matinding pagbaha sa lalawigan ng Cagayan na lumubog matapos na magpakawala ang mga opisyales ng Magat Dam ng tubig dahil sa pag-apaw at umabot sa delikadong antas ng tubig ang imbakan nito.
<< Home