Thursday, December 19, 2019

Anumang maging pasya ng korte sa Maguindanao massacre case, igagalang namin - Rep Mangudadatu

Igagalang ni Maguindanao Rep Esmael "Toto" Mangudadatu ang anumang magiging pasya ng korte sa nakatakdang promulgation ng Maguindanao Massacre Case.
Sinabi ni Mangudadatu, handa ang kanilang panig na umapela kung hindi mahahatulan ng guilty ang mga nasa likod ng malagim na insidente.
Ngunit, iginiit ni Mangudadatu na imposibleng walang makukuhang maramihang "guilty verdict" sa kaso lalo na sa major suspects pati sa mga nagplano ng massacre kaya positibo sila na mapaparusahan ang mga ito.
Nananawagan naman ang kongresista kay DILG Sec Eduardo Año na higpitan ang pagpapatupad ng seguridad sa promulgation mamayang umaga sa posibleng mga banta mula sa kampo ng mga Amptuan lalo pa at nananatiling makapangyarihan ang naturang angkan.
Ngayong alas ng nuebe ng umaga gaganapin ang promulgation ng Maguindanao Massacre Case sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Wednesday, December 18, 2019

Inaprubahang ‘Cha-Cha’ bill, hindi ‘self-serving’ - Rodriguez

Pinabulaanan ni House Committee on Constitutional Amendments chairperson Rep Rufus Rodriguez ang mga akusasyon na “self-serving” ang inaprubahan nilang Charter Change o Cha-Cha resolution na naglalayong palawigin ang termino nilang mga kongresista.
Sinabi ni Rodriguez na hindi magbebenepisyo ang kasalukuyang mga mambabatas sa amiyendang ito sa Saligang Batas dahil sa oras na maaprubahan ay ipapatupad ito pagkatapos ng halalan.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng komite ni Rodriguez ang Resolution of Both Houses na naglalaman ng ilang kontrobersiyal na probisyon tulad ng pagpapalawig sa termino nilang mga kongresista.
Mayroong tatlong taon na termino ang mga kongresista at maaring manilbihan sa bayan ng tatlong magkakasunod na termino.
Iginiit naman ng mga Senador na hindi pursigido ang Senado na talakayin ang naturang resolusyon.
Ngunit ayon kay Rodriguez, maiksi kung tutuusin ang tatlong taong termino nilang mga kongresista kaya umaapela siya sa mga senador na panatilihing bukas ang kaisipan patungkol dito.

Tuesday, December 17, 2019

Ipauubaya na ng Kamara kay Pangulong Duterte ang pag-apruba sa 2020 National Budget

Ipauubaya ni House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kahihinatnan ng P4.1 Trillion 2020 national budget matapos na maaprubahan ito sa bicameral conference committee at naratipikahan sa plenaryo. 
Ito ay kasunod na rin ng akusasyon ni Senator Panfilo Lacson na may inihabol at naitatagong pang pork barrel sa 2020 budget. 
Ayon kay Ungab, nasa kamay na ni Pangulong Duterte kung may mga ive-veto ito na bahagi ng pambansang pondo. 
Depensa naman ni Ungab sa mga amyendang ginawa sa budget, ito ay base na rin sa rekomendasyon ng mga myembro ng gabinete ni Pangulong Duterte. 
Itinanggi pa ng kongresista ang akusasyon ng iilang mga solon na walang detalye ang mga proyekto. 
Giit nito, ang mga proyekto sa 2020 budget ay enumerated at naka-line item.

Kamara, posibleng mag-convene bilang constituent assembly sa Enero

Posibleng mag-convene ang Kamara de Representantes bilang Constituent Assembly (Con-Ass) sa susunod na buwan.
Ito ay upang ikunsidera ang apat na Charter Change (Cha-Cha) proposals na inendorso ng House Committee on Constitutional Amendments.
Sinabi ni Committee Chairperson, Cagayan De Oro Representative Rufus Rodriguez, hihilingin niya sa House Rules Committee at sa Liderato ng Kamara na magtakda ng araw para sa Plenary Deliberations.
Sinabi ng mambabatas na hindi kailangang mag-convene ang Kamara at Senado sa isang joint sesssion bilang Con-Ass para ikunsidera ang ilang panukalang aamiyenda sa saligang batas.
Kapag naaprubahan ng Kamara ang Cha-Cha proposals sa Con-Ass, agad itong ipapasa sa Senado.
Kapag naaprubahan ng dalawang kapulungan ang proposals, ang Commission on Elections (COMELEC) ay magtatakda ng schedule para sa isang Plebisito para sa Ratification ng mga inirekomendang pagbabago.
Magbabalik sesyon ang Kongreso sa January 20 matapos ang Christmas Recess.

Friday, December 13, 2019

Charter Change o Cha-cha, lusot na sa committee level sa Kamara

Pumasa na sa Committee on Constitutional Amendments ng Kamara de Representantes ang itinutulak na Charter Change o pag-amiyenda sa 1987 Constitution.
Sinabi ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, posibleng sa susunod na linggo ay  maisalang na ang cha-cha sa plenaryo ng Kamara  para sa deliberasyon nito.
Batay sa inaprubahang unnumbered resolution, ihahalal na bilang tandem o nasa iisang ticket ang Presidente at Bise-Presidente sa national elections.
Maliban pa rito, isinusulong din sa resolusyon ang paghalal ng 27 senador o tigta-tatlong magmumula sa bawat siyam na rehiyon sa bansa.
Pero  sa ilalim nito ay inamiyendahan naman na gawing tatlong termino na may tigli-limang taon na lamang ang termino ng mga senador mula sa  kasalukuyang anim na taon na may tigta-tatlong termino.
Samantala, nakapaloob din sa Cha-cha ang pag-amiyenda  ng economic provisions sa saligang batas na naghihigpit sa foreign ownership sa pagsingit sa katagang “unless otherwise provided by law” na layong luwagan ang dayuhang pamumuhunan sa bansa.

Thursday, December 12, 2019

Pagpapatibay ng 2020 Budget bill, ipinagmamalaki ni Speaker Cayetano

Ipinagmamalaki ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagpapatibay sa 2020 General Appropriations Bill na walang pork, no parked funds, at no delays with full transparency.
Pinuri at pinasalamatan ni Speaker Cayetano ang Bicameral Conference Committee sa maayos na pagbusisi at napapahong pag-apruba sa 2020 General Appropriations Bill.
Ang 2020 aniya ay isang symbolic year na nagpapakita ng perfect vision na kabahagi si Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng ligtas at komportableng pamumuhay sa bawat Filipinos.
Ang maagang pag-apruba ng komite ay magbibigay sa Pangulo ng sapat na panahon upang suriin ang mga probisyon sa panukala at tiyaking ito ay naaayon sa priority programs ng administrasyon.
Ayon kay Speaker Cayetano kanilang inihahabilin ito sa mga Departments, Agencies, at Executive branch ang pagpapatupad ng mga proyekto na may full transparency at walang korapsyon.

Ni-revoke ng MWSS ang extension ng concession deals ng Maynilad at Manila Water

Ni-revoke na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang pagpapalawig ng concession agreements ang Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services Inc., ang dalawang kumpanyang nagdi-distribute ng tubig sa Kamaynilahan at mga karatig na mga lalawigan. 
Kinumpirma ito ni Atty. Howard Azardon ng Office of the Government and Corporate Counsel na noong pulong ng MWSS noong Nakaraang linggo ay ni-revoke na ng MWSS ang board resolution na siyang basehan ng extension agreement ng Maynilad at Manila Water hanggang 2037.
Sinabi naman ni MWSS Deputy Administrator for Engineering Leonor Cleofas na ang kanselasyon ay pinahayag doon sa joint hearing ng Committees on Good Government and Public Accountability at Public Accounts.
Ang naturang extension ng consession agreements na hanggang sa taong 2037 ay inaprubahan ng MWSS noong 2009 na nakapaloob sa isang board resolution.
Ngunit dahil sa revocation, ang besa consession ng dalawang water firm ay hanggang 2022 na lamang.

Wednesday, December 11, 2019

Pagdinig hinggil sa nakaambang water rate hike, sinimulan na kahapon

Sinimulan na kahapon ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagdinig sa nakaambang water rate increase ng Manila Water at Maynilas sa kanilang mga consumers.
Ang pagdinig ay bunsod na rin ng 780% na dagdag singil sa tubig na ipinataw na multa ng Korte Suprema sa Manila Water dahil sa paglabag nito sa Philippine Clean Water Act.
Pinagpaliwanag ang mga opisyal ng dalawang water concessionaires gayundin ang iba pang pass-on charges sa publiko para naman sa pagpapagawa ng water sewerage system na hindi naman natupad.
Sinilip din ang iba pang redundant collection at ang hiwalay pang dagdag singil na ibinabatay naman sa foreign exchange recovery adjustment.
Matatandaang nagbanta ang Ilang mga mambabatas na haharangin nila ang 780% water rate increase dahil ang mga water concessionaires naman diumano ang nakalabag sa batas at hindi ang mga consumers.

Friday, December 06, 2019

Salary increase para sa mga private school teachers isinusulong sa Kamara

Pinanukala ni ACT Teachers Partylist Rep France Castro na taasan ang minimum monthly salary ng mga guro na nagtatrabaho sa mga pribadong paaralan sa bansa.
Sinabi ni Castro na hindi maikakaila na ang mga private school teachers na nakatalaga sa basic education partikular ang mga nasa labas ng NCR ay nakakaranas ng mababang sweldo at benepisyo. 
Dahil dito ay inihain ng mambabatas ang House Bill 5166 na inihain ni Castro, kung saan  pinatataasan nito  sa P30,000 ang minimum salary ng mga guro na nasa private schools.
Ayon pa kay Castro, hindi rin  dapat aniya nakadepende ang laki ng sahod ng mga private school teachers sa tuition fee increases.
Naniniwala ang  kongresista na malaki ang maitutulong ng dagdag na sahod sa mga pribadong guro para maitaas ang kanilang moral at makahikayat pa ng mas maraming magtuturo. 
Matatandaang kamakailan lamang ay nakakuha ang Pilipinas ng pinakamababang score sa Reading comprehension base sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) na nilahukan ng 79 na bansa.

Concession agreement ng MWSS sa Maynilad at manila water pinasisilip sa Kamara

Pinamamadali na nina Bayan Muna Partylist Reps.Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat sa kamara ang imbestigasyon kaugnay sa kasunduan na pinasok ng MWSS sa pagitan ng dalawang water concessionaires na Maynilad at Manila Water. 
Batay sa House Resolution # 571 na inihain ng tatllong mambabatas, inaatasan nito ang  House Committee on Government Enterprises and Privatization na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation patungkol sa naturang kasunduan. 
Kaugnay nito ay ipinasisilip din  ng mga kongresista ang naging desisyon ng na inalabas ng Singapore arbitration tribunal noong Nobyembre 29 kung saan  inuutusan nito ang gobyerno ng Pilipinas na magbayad ng P7.39 Billion sa Manila Water dahil hindi umano pinayagan ng MWSS na magtaas ng singil sa tubig mula noong 2015. 
Matatandaan na noong April 2017 ay pinayagan ang dalawang water concessionaires na magtaas ng singil sa pamamagitan ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) na ginagawa kada quarter para mabawi ang ilan umanong pagkalugi.
Pero anila sa kabila nito ay  ipinasan  parin ng Maynilad at Manila Water sa mga consumers ang bayarin sa income tax payments at operating expenses sa halip na sila dapat ang nagbabayad.

CSC, bukas sa panukalang automatic eligibility sa mga Pinoy athletes at coaches na nagkamit ng gintong medalya sa mga international sporting events

Bukas ang Civil Service Commission (CSC) sa panukala ni House Committee on Civil Service and Professional Regulation chair at  Iligan lone District Rep.Frederick Siao na bigyan ng automatic eligibilty ang mga filipino athletes at coaches na nagkamit ng ginto medalya sa mga intartional sporting events tulad ng South East Asian Games o SEA games.
Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, supportado nila ang hakbang na bigyan ng otomatikong civil service eligibility ang mga pinoy gold medalists at coaches dahil nag bibigay ang mga ito ng karangalan at international recognition sa bansa.
Dagdag pa ni Lizada, mayroong special laws at issuances ang komisyon na applicable sa SEA Games medalists at sa kanilang coaches bukod pa sa ibinibgay na written examinations.
Sa huli ay naniniwala ang opisyal na malaki ang maitutulong ng mga coaches at mga winning athletes sa mga susunod na henerasyon ng mga atleta na isasabak sa mga future sports competitions.

Thursday, December 05, 2019

Magbibigay ang Kamara ng karagdagang incentives para sa mga Filipino gold medalist sa 30th SEA games

Ipinahayag ngayon ni House Speaker Alan Peter Cayetano na mangolekta ang Kamara de Representantes sa lahat nang mga miyembro nito upang makakalap ng hindi bababa sa P10 milyon magmula sa kanilang mga suweldo para sa January 2020 upang ibigay bilang additional benefits sa mga Filipino gold medalists sa 30th Southeast Asian Games o SEAG.
Batay sa HR 568 na inaprubahan nila kahapon, layon ng naturang kapasyahan na i-congratulate at ipagbunyi ang mga Filipinong manlalaro na nanalo at mananalo pa sa naturang sporting event bilang paghahanda sa massive medal haul ng bansa.
Ang pledge ng mga kongresista na hindi bababa sa P10 milyon bilang additional benefits sa mga gold medalist ay pinangunahan nina Speaker Cayetano na siyang chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee o PHISGOC, Majority Leader Martin Romualdez, Deputy Speakers Paolo Duterte at Prospero Pichay, House Committe on Accounts chairman Rep Abraham Tolentino na siya ring tagpangulo ng Philippine Olympic Committe o POC at House Committte on Youth and Sports Development chairman Rep Eric Martines.
Ayon pa sa resolusyon, ang kanilang hakbangin ay bilang pagpapakita ng pangkalahatang honor at pride sa bansa at silang mga lider at miyembro ng Kamara ay marapat lamang na magbigay ng kani-kanilang individual pledges galing sa kanilang mga suweldo para sa January 2020 bilang additional incentives sa mga Filipinong gold medal winners sa nabanggit na palaro.

Wednesday, December 04, 2019

Muling ipinanawagan ng isang kongresista ang mabilis na pag-apruba sa DDR

Nananawagan ngayon si Albay 2nd District Representative Joey Sarte Salceda sa mga kasamahan nito sa Kongreso na madaliin na ang pagruba sa panukalang pabuo ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Ang naturang panawagan ay ginawa ni Salceda kasunod ng pananalasa ng malakas na bagyong Tisoy sa Bicol Region partikular sa kanyang distrito sa Albay.
Iginiit ng mambabatas na kung maitatatag ang DDR ay magkakaroon na rin ng autonomous system ang Office of Civil Defense (OCD) kung saan magiging tuluy-tuloy ang palitan ng komunikasyon at para rin malaman kung anong tulong ang kinakailangan na ipadala sa mga lugar na binagyo.
Idnagdag pa niya na mahalaga na magkaroon agad ng DDR upang may iisang ahensya na magkukompas o magbibigay ng command kung saan magiging centralized ang operasyon para sa relief, rescue, response, recovery at rehabilitation sa mga sinalanta ng kalamidad.

Tuesday, December 03, 2019

Pondo para sa pagsasaayos ng mga linya sa poste ng elektrisidad na sinira ni Tisoy, ipinanawagang i-release na

Nananawagan ngayon ang power bloc sa kamara na i-release na ang pondo para sa pagsasaayos ng mga linya at poste ng kuryente sa mga lalawigan na sinira ng Bagyong Tisoy. 
Ayon kay PHILRECA Rep. Presley de Jesus, sana ay ilabas na ng pamahalaan ang Electric Cooperatives Emergency Resiliency Fund (ECERF) na may P750 Million na pondo.
Aniya, gagamitin ang pondo para sa agarang restoration o pagsasaayos ng napinsalang mga imprastraktura pagkatapos tumama ng kalamidad.
Samantala, umapela naman si Ako Padayon Pilipino Rep. Adriano Ebcas, na agad pagalawin ng mga electric cooperatives ang kanilang response and rescue teams para matiyak na walang mapapahamak sa mga bumagsak na poste o naputol na linya ng kuryente. 
Sa kaniyang parte ay pinasisiguro naman ni RECOBODA Rep. Godofredo Guya sa mga electric cooperatives na agarang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na binabagyo. 

Business as usual parin para sa ilang Senador at Kongresista ngayong araw kahit nakataas ang signal warning sa bansa dahil sa bagyong Tisoy

Business as usual parin para sa ilang Senador at Kongresista ngayong araw kahit nakataas ang signal warning sa bansa dahil sa bagyong Tisoy.
Katunayan, matutuloy nga ang meeting sa pagitan ng Senate at House Contingents para sa round 2 ng bicameral conference committee para ipasa ang 2020 budget bill sa lalong madaling panahon.
Ayon kay House Committee on Appropriations Chair Isidro Ungab, tuloy ang meeting nila ni Senate Committee on Finance Chair Sonny Angara para sa budget.
Layon naman ng dalawang opisyal na maplantsa agad ang mga disagreeing provisions sa loob ng 2020 budget bill para agad itong mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Wala namang ibinigay na detalye si Ungab kung saan ang venue ng meeting nila ngayong araw kahit may bagyo sa bansa.


-End

Mga atletang pinoy na wagi sa mga international sporting events pinabibigyan ng civil service eligibility ng isang mambabatas

Isinusulong ngayon ni Iligan lone District Rep.Frederick Siao sa kamara na bigyan ng automatic civil  service eligibilty at lisensya bilang full-pledged professionals ang mga atletang pinoy na nagkamit ng panalo sa mga international sports competition na kinikilala ng ibat ibang world sports governing bodies.
Ayon kay Siao na siya ring Chairman ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation, inilaan ng ng mga pinoy athletes, players, coaches, instructors, officials, at fitness trainers ang kanilang buhay sa larangan ng sports bilang trabaho kaya nararapat lamang na pormal na kilalanin ang mga ito sa pamamagitan ng batas na magtatakda sa kanila bilang sports professionals.
Bukod pa dito ay ipinunto din ng mambabatas na ang mga sports professionals at associates ay kinikilala rin ng International Labor Office International Standard of Classification of Occupations.
Kaya naniniwala ang kongresista na ang pagbibigay ng lisensya at pagkilala sa mga sports occupations sa integrated profession bay isang hakbang para masiguro na mabigyan ang mga ito ng maayos na kompensasyon, civil service eligibility, career stability, professional growth at retirement benefits.
Sa huli umaasa si Siao na kapag naisabatas ang panukala ay mapapkinabangan ito ng libolibong atleta na na nagtatrabaho sa mga gym at fitness centers sa buong bansa.

Bill na layong gawing National Cooperative Month ang buwan ng Oktubre, aprubado na sa committee level sa kamara

Lusot na sa committee level sa kamara  ang panukalang batas na layong ideklara ang buwan ng Oktubre bilang National Cooperative Month.
Sa pagdinig ng House Committee on Cooperatives Development noong nakaraang linggo  inaprubahan ng  komite ang  House Bill No. 5422,  na inhain ni COOP NATCCO Party-list Rep. Sabiniano Canama  na layuning itaas ang kamalayan ng  mga Pilipino sa mga prinsipyo at kahalagahan ng pagkakaroon ng mga kooperatiba sa bansa ganun din ang mahikayat ang lahat na makiisa sa mga cooperative movement.
Ayon kay Canama na siya ring Chairman ng komite,  malaki ang naitutulong ng mga  kooperatiba sa ekonomiya patikular sa mga savings mobilization at pagbibigay ng kapital.
Bukod sa malaking ambag sa ekonomiya ng bansa, ay ipinunti din ng mambabatas,  na mga kooperatiba ay mayroon ding mahalagang papel na ginagampanan  sa lipunan dahil sa nakakapagbigay din ang mga ito ng ayuda  sa mga mahihirap na mga Pilipino.
Sa ngayon ay mayroong 26,000 na mga kooperatiboa ang rehistrado sa Cooperatives Development Authority (CDA) at nasa labing isang milyon naman ang kabuuang miyembro nito.

Kanselado na rin ang pasok sa Kamara dahil sa bagyo

Liban sa mga eskwelahan at opisina sa Quezon City, kanselado narin ang pasok sa Kamara de Representates ngayong araw, ika-3 nd Disyembre dahil sa bagyong Tisoy.
Ito ay matapos aprubahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang suspensyon upang masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado nito base narin sa abiso ni House of Representatives Secretary General Jose Luis Montales.
Sa kabila nito ay magpapatuloy naman ang operasyon sa engineering department at security bureau ng Mababang Kapulungan.
Samantala, mamayang gabi 6:30 ay nakatakda namang isagawa sa Malakanyang ang ceremonial signing para sa postponement ng 2020 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections Act .
Sa kasalukuyan ay wala pang abiso ang palasyo kung tuloy o ikakansela ang naturang seremonya.

Monday, December 02, 2019

Patuloy na suporta sa mga atletang Pinoy, ipinananawagan ng ilang Kongresista

Nanawagan ngayon ang ilang kongresista sa publiko na patuloy na suportahan ang mga pinoy athletes na pambato ng bansa sa 30th South East Asian Games o SEA games.
Sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na mahalaga ang suporta mula sa mga kapwa Pilipino para tuluyang makuha ng bansa ang kampeyonato.
Kasabay nito ay pinuri din ni Romualdez ang world-class presentation sa opening ceremony nitong Sabado kung saan ibinida ang kultura at lahing Pilipino.
Para naman kay House Committee on Youth and Sports Development Chairman Eric Martinez, mas lalong makakadagdag sa pagiging masigasig ng mga atleta na makuha ang ginto kung patuloy ang pagpapakita ng mga pinoy ng suporta sa kanila.
Dahil dito ay hinimok ng mambabatas ang mga mamamayan na kung walang mga gagawin hanggang December 11 ay manood na lamang sa mga venue na pinagdausan ng mga palaro.

Cellphone, ipagbabawal na sa mga eskuwelahan

Isinisulong ngayon ni Bulacan Rep Florida Robes sa Kamara de Represntantes ang panukala na may layuning ipagbawal na ang paggamit ng cellphone sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 5542 na inihain ni Robes, ang lahat ng mga estudyante na may edad 15 pababa ay pagbabawalang gumamit ng smart phones at ano mang electronic devices sa oras ng klase.
Sinabi ni Robes na layon lamang ng panukala niya na matugunan ang lumalalang epekto ng paggamit ng mga gadgets sa mga kabataan tulad ng cyberbullying, teenage anxiety at depression.
Batay sa pag-aaral ng London School of Economics and Political Science, ayon pa kanya, gumanda ang education performance ng mga bata sa mga paaralan ng ipinagbawal ang paggamit ng mobile phone.
Ngunit nilinaw ng mambabatas na ang mga magaaral ay papayagan namang gumamit ng cellphone sa oras ng emergency at i-surrender lamang ang kanilang gadgets sa mga school authorities kapag papasok na sa loob ng classroom ang mga ito.
Free Counters
Free Counters