Magbibigay ang Kamara ng karagdagang incentives para sa mga Filipino gold medalist sa 30th SEA games
Ipinahayag ngayon ni House Speaker Alan Peter Cayetano na mangolekta ang Kamara de Representantes sa lahat nang mga miyembro nito upang makakalap ng hindi bababa sa P10 milyon magmula sa kanilang mga suweldo para sa January 2020 upang ibigay bilang additional benefits sa mga Filipino gold medalists sa 30th Southeast Asian Games o SEAG.
Batay sa HR 568 na inaprubahan nila kahapon, layon ng naturang kapasyahan na i-congratulate at ipagbunyi ang mga Filipinong manlalaro na nanalo at mananalo pa sa naturang sporting event bilang paghahanda sa massive medal haul ng bansa.
Ang pledge ng mga kongresista na hindi bababa sa P10 milyon bilang additional benefits sa mga gold medalist ay pinangunahan nina Speaker Cayetano na siyang chairman ng Philippine SEA Games Organizing Committee o PHISGOC, Majority Leader Martin Romualdez, Deputy Speakers Paolo Duterte at Prospero Pichay, House Committe on Accounts chairman Rep Abraham Tolentino na siya ring tagpangulo ng Philippine Olympic Committe o POC at House Committte on Youth and Sports Development chairman Rep Eric Martines.
Ayon pa sa resolusyon, ang kanilang hakbangin ay bilang pagpapakita ng pangkalahatang honor at pride sa bansa at silang mga lider at miyembro ng Kamara ay marapat lamang na magbigay ng kani-kanilang individual pledges galing sa kanilang mga suweldo para sa January 2020 bilang additional incentives sa mga Filipinong gold medal winners sa nabanggit na palaro.
<< Home