Inaprubahang ‘Cha-Cha’ bill, hindi ‘self-serving’ - Rodriguez
Pinabulaanan ni House Committee on Constitutional Amendments chairperson Rep Rufus Rodriguez ang mga akusasyon na “self-serving” ang inaprubahan nilang Charter Change o Cha-Cha resolution na naglalayong palawigin ang termino nilang mga kongresista.
Sinabi ni Rodriguez na hindi magbebenepisyo ang kasalukuyang mga mambabatas sa amiyendang ito sa Saligang Batas dahil sa oras na maaprubahan ay ipapatupad ito pagkatapos ng halalan.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng komite ni Rodriguez ang Resolution of Both Houses na naglalaman ng ilang kontrobersiyal na probisyon tulad ng pagpapalawig sa termino nilang mga kongresista.
Mayroong tatlong taon na termino ang mga kongresista at maaring manilbihan sa bayan ng tatlong magkakasunod na termino.
Iginiit naman ng mga Senador na hindi pursigido ang Senado na talakayin ang naturang resolusyon.
Ngunit ayon kay Rodriguez, maiksi kung tutuusin ang tatlong taong termino nilang mga kongresista kaya umaapela siya sa mga senador na panatilihing bukas ang kaisipan patungkol dito.
<< Home