Tuesday, February 28, 2017

Proteksiyon sa mga bata, pinaigting


Lubhang apektado ang mga bata na naiipit sa labanan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo sa mga kanayunan kaya’t masusing tinatalakay ngayon sa House committee on the Welfare of Children ang mga panukalang batas na magbibigay proteksyon sa mga bata.
Top of Form
Bottom of Form

Sumentro ang talakayan ng komite sa mga sumusunod na panukala, ang HB00013 na iniakda ni Quezon City Rep at dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr.; HB01280 ni Quezon City Rep Jose Christopher Belmonte; HB02345 ni Zamboang City Rep Manuel Jose Dalipe; HB03050 ni Paranaque Rep Gus Tambunting; at HB04676 na iniakda nina nina Manila Reps John Marvin “Yul Servo” Nieto at Edward Vera Perez-Maceda.

Sumang-ayon naman si Zamboanga del Sur Rep Divina Grace Yu, ang chairman ng komite na gamitin ang HB00013 bilang working draft para sa mga susunod na pagdinig.

Ayon dating Speaker Belmonte, layon ng kanyang panukala, na mabigyan ng proteksyon ang mga bata mula sa lahat ng uri ng pang-abuso, karahasan, kapabayaan, at diskriminasyon na nakakasagabal sa kanilang paglaki.

Sinabi ng dating house leader na matagal nang nabibiktima ang mga bata ng paglabag sa karapatang pantao, mawalan ng tirahan, at dinudukot aniya ng mga rebeldeng grupo para gawing mensahero at espiya at sinasanay upang gawing sundalo ng mga rebelde.

Sinabi ni Belmonte na isa ang Pilipinas sa mga lumagda sa Convention on the Rights of the Child, at obligado ang bansa na tiyakin ang katuparan ng karapatan, respeto at proteksyon ng mga bata.

Layunin ng panukala ng nakababatang Belmonte na pagyamanin ang kanilang kalusugan, kaisipan, pagkatao at hubugin sila bilang mga responsable, makabayan at mabuting mamamayan.

Ayon kay Dalipe, ang mga bata ang lubhang apektado sa digmaan, walang pagkain at tubig, edukasyon at pangunahing serbisyo.

Marami din sa kanila ang nagiging biktima ng panggagahasa, pagpatay at iba pang uri ng karahasan.

Sinabi naman ni Tambunting na karapatan ng mga bata na mabigyan ng dignidad at respeto bilang tao na nangangailangan ng proteksyon mula sa panghahamak, panghihiya, pagmamaltrato, pagsasamantala at pagsalakay.

Binigyang-diin naman nina Nieto at Maceda ang kahalagahang makagawa ng isang batas na sesentro sa karapatan at dignidad ng mga bata.

Kadalasan anilang hindi napaparusahan ang mga may kasalanan na lumapastangan sa inosenteng bata.

Iminungkahi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Hope Hervilla na kilalanin ang inter-agency committee on children in armed conflict (IAC-CIAC) na nilikha sa bisa ng Executive Order 138 o ang Comprehensive Program Framework for Children in Armed Conflict ang working bill.

Sa pagpapatupad ng batas, sinabi ni Janelle Rabe ng Child’s Right Network (CRN) of the Council for the Welfare of Children na iminumungkahi ang ugnayan ng Department of Education (DepEd) habang iminungkahi naman ni Julien Hayois, pinuno ng Policy and Planning Division ng Council for the Welfare of Children, ang pakikipag-ugnayan sa mga non-government organizations (NGOs).

Thursday, February 23, 2017

Reklamo sa 'di makataong parking fee, reresolbahin ng kamara

Aaksiyunan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang matagal nang inerereklamong sobra sobrang paniningil ng mga shopping malls, ospital, eskwelahan, mga hotels at mga katulad na establisimyento sa parking fees sa kanilang mga kostumer kahit pa kumikita na sila ng husto sa kanilang mga itinitindang produkto at serbisyo.

Ang paniningil ng hindi makataong halaga ng parking fees ng mga establisimyento ay umaabot sa P180. piso sa maigsing oras na pagparada ng mga pribadong sasakyan na karaniwan ay hindi na abot-kaya ng mga mamamayan. Ito rin ang nakikitang isa sa pinakamatinding dahilan kung bakit hindi maresolba ang grabeng problema sa trapiko sa kalakhang Maynila at iba pang malalaking lungsod sa bansa dahil mas pinipili pa ng mga motorista na pumarada sa mga kalye o lansangan sapagka’t mas mura ang singil sa kanila dito.

Ito ang nagbunsod kay Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers na ihain ang HB05041 na naglalayong isailalim na sa regulasyon ng pamahalaan ang halaga na ipinapataw sa parking fees ng lahat ng establisimyento na ayon sa kanya ay hindi makatao at hindi makatarungan.

Sa kasalukuyan, ang karaniwang singil sa parking spaces ay P50. sa bawa’t sasakyan para sa 3 oras lamang na pagparada sa parking space at may karagdagang P10. hanggang P20. kada oras kapag lumampas sa 3 oras. Pinakamatagal na rin ang 10 minutong grace period sa isang motorista ang ibinibigay kapag nagbaba lamang ng pasahero gamit ang entrada ng parking space patungo sa establisimyento, at ang overnight parking naman ay sinisingil ng hindi bababa sa P200.

Sa ilalim ng panukala ni Barbers, lilimitahan ang halaga ng parking fee sa P100. sa bawa’t sasakyan para sa 8 oras na pagparada at karagdagang P10. kada oras kapag lumampas sa 8 oras, na maaari pang ibaba kapag binalangkas na ang panukala sa Technical Working Group (TWG) na bubuuin ng Committee on Trade and Industry na pinamumunuan ni Rep. Rico B. Geron (Agap Partylist).

Bukod dito, bibigyan ng 30 minutong grace period ang isang motorista o walang halagang babayaran ang sinumang papasok sa isang pay parking area sa loob ng kalahating oras at magbabayad lamang ang motorista kapag lumampas ito ng 30 minuto. Ang mga mamimili naman sa isang shopping center ay malilibre sa pagbabayad ng parking fee kung makakapagpakita sila ng katibayan na sila ay may binili, nagbayad ng serbisyo, o kumain sa isang establisimyento sa pamamagitan ng isang opisyal na resibo na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P500 sa loob ng 3 oras. Magbabayad lamang sila ng umiiral na halaga ng parking fee kapag lumampas sila sa 3 oras. Sa overnight parking naman ay sisingilin lamang ng hindi lalampas sa P200. bawa’t sasakyan. Ang mga pasyente at bisita naman sa isang ospital ay malilibre naman sa parking fee kapag may katibayan na sila ay may lehitimong transaksyon sa ospital.     

Kaugnay din nito, kaakibat ng pay parking business ang seguridad ng mga pumaparada sa naturang establisimyento at hindi maaaring alisan ng responsibilidad o waiver of liability ang mga may-ari ng pay parking spaces sakaling may masira o mawala sa pag-aari ng mga motoristang nagbabayad at pumaparada sa parking space. Mabigat na parusa ang nag-aantay para sa sinumang lalabag sa nasabing batas. (jam parkingfee 022217)

Wednesday, February 22, 2017

Bagong sistema ng sahod ng BIR, isinusulong ni Alvarez


Upang maihanay ang mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga incorruptible o hindi maaaring masuhulan sa pamahalaan ay nais ni Speaker Pantaleon Alvarez na taasan ang sahod at mabigyan ng mabuting insentibo para sa mga naglilingkod sa naturang ahensya.

Inihain ng Speaker ang House Bill No. 4973 na naglalayong alisin ang BIR mula sa sakop ng Republic Act No. 6758 o ang “Salary Standardization Law” dahil sa mga ulat na maraming empleyado ng BIR ang umaalis sa ahensiya dahil sa mababang sahod bukod pa sa isyu ng korapsyon na palagiang bumabalot sa tanggapan at maraming kaso na ang naisampa laban sa mga mapagsamantalang opisyal ng ahensiya.

Kailangang umanong magawan ng paraan ang pinag-ugatan ng korapsyon kaya’t kailangang tumaas ang kanilang sahod at dagdagan ang mga insentibong tinatanggap nila, ayon pa kay Speaker Alvarez.

Sinabi ni Quirino Rep Dakila Carlo Cua, isa sa may-akda ng panukala, na hindi lamang para itaas ang sahod at benepisyo ng mga empleyado kundi higit sa lahat, ay alisin ang katiwalian at gawing mas propesyunal ang rangko ng mga opisyal at empleyado ng ahensiya.

Binigyang-diin nina Alvarez at Cua na isang malaking hamon para sa mga opisyal ng BIR ang pagkuha at panatiliin ang mataas na kalidad ng mga kawani nito habang may pagkakapareho ang sahod para sa entry-level lawyers at accountants sa private sector, kulang naman ito para sa career growth.

Sa ilalim ng panukala, otorisado ang BIR na bumalangkas ng sariling antas ng pasahod at sistemang pag-uuri sa posisyon, na titiyak sa makatuwirang bayad at matuwid na sahod para sa BIR personnel sa ilalim ng prinsipyo ng patas na pasweldo sa patas na trabaho.

Gayundin, kailangang maihalintulad ang kompensasyon nito sa pribadong sektor alinsunod sa minimum wage laws.

Malalaman ang bagong sistema sa pamamagitan ng komprehensibong pagtutuos ng kuwenta sa aktuwal na tungkulin at responsibilidad ng opisyal at empleyado ng BIR.

At bilang karagdagan sa bagong pay system, pinapayagan ng panukala ang ahensiya na magbigay ng iba pang insentibo sa kanilang tauhan na hindi nakapaloob sa ilalim ng kasalukuyang Civil Service Laws, batay sa pagsang-ayon ng Pangulo.

Kapag sinang-ayunan na ng Pangulo ang bagong kompensasyon at position classification system ay ipapatupad ito para sa lahat ng posisyon sa BIR.

Naniniwala si Speaker Alvarez na ito na marahil ang paraan upang maitaas ang antas ng paglilingkod ng mga kawani ng BIR at maihanay sila sa pandaigdigang panuntunan sa larangan ng serbisyo publiko.

Paglulusaw ng ERC, iminungkahi ni Speaker Alvarez

Dahil sa kaliwa’t kanang katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na naiulat ay isa pang tanggapan ang nais ipabuwag ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ito ay ang Energy Regulatory Commission (ERC) na aniya ay masyado nang kuwestiyonable ang integridad dahil sa mga alegasyon ng korupsyon sa loob ng ahensiya.

Iminungkahi ni Alvarez ang pagbuwag sa ERC sa ilalim ng panukalang HB05020 na kanyang iniakda at naglalayong ipalit ang Board of Energy, isang ahensiya sa ilalim ng Department of Energy (DOE) na pangangasiwaan ng Punong Ehekutibo.

Bubuuin ito ng isang chairperson at dalawang miyembro na itatalaga ng Pangulo sa rekomendasyon ng Energy Secretary.

Para matiyak na walang conflict of interests, mahigpit na ipinagbabawal sa panukala na ang chairperson at mga miyembro nito ang may kamag-anak hanggang 4th civil degree, sa anumang kumpanya na may kaugnayan sa industriya ng enerhiya.

Ayon kay Alvarez, ang ERC ang pangunahing ahensiya na pinagkakatiwalaan para pangasiwaan ang industriya ng kuryente sa bansa subali’t ito ay nabahiran ng kontrobersiya dahil sa katiwalian na ibinunyag ng dating ERC Director Francisco Jose Villa, Jr. matapos na mag-iwan ito ng liham sa kanyang pagkamatay, hinggil sa iregular at mga kwestyunableng transaksyon ng ERC.

Ito ang nagbunsod sa lider ng Kamara para maghain ng HR00776 na naglalayong imbestigahan ang nabunyag na korupsyon sa ERC batay sa mga isiniwalat ni Villa sa kanyang liham. Nagsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation ang House Committee on Energy sa utos ni Alvarez.

Lumabas sa imbestigasyon ang mga kahina-hinalang kutsabahan at korupsyon sa ahensiya dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng kuryente at sa kanyang suicide note, pinilit umano si Villa ng kanyang mga superiors na aprubahan ang kontrata kahit hindi ito naaayon sa wastong regulatory procedures, ayon kay Alvarez.

Thursday, February 16, 2017

Transgender solon papasok sa AFP

Gustong pumasok ang kauna-unahang transgender na kongresista sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Bataan Rep Geraldine Roman na natutuwa siya sa pahayag ng AFP na papayagan na nitong maging miyembro ang mga nasa hanay ng Lesbian Gay Bisexual Transgender (LGBT) community.

Talaga umanong ang pagbabago ay tunay na nangyayari na sa ating bansa segun sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong siya ay kumakandidato pa sa pagka-presidente at idinagdag pa niya na siya ay natutuwa dito sa positibo at historic development ng ating bansa.

Suportado rin ni Roman ang panukalang pagbabalik ng Reserved Officer Training Corps (ROTC) upang maihanda ang mag kabataan sa pagtatanggol sa bansa at sa pagtulong sa iba sa panahon ng sakuna kagaya ng lindol at bagyo.

Ayon pa sa mambabatas, siya ay mag-aaplay upang maging isang military officer sa AFP Reserve Force para maging kauna-unahang transgender military officer sa Republika ng Pilipinas.

Naniniwala si Roman na makatutulong ito upang mas matanggap ng publiko ang LGBT community na makakatuwang nito sa paglilingkod sa bayan.

Nginit humirit naman ito at umasa na dapat umanong pambabaeng unipormeng kanyang isusuot, pati na rin ang ayos kanyang buhok.

FOI bill nakatakdang aprubahan ngayong taon

Maaaring aprubahan ng Kamara de Representantes ngayong taon ang Freedom of Information bill o kilala sa katawang FOI bill.

Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, uunahin muna daw nila ang death penalty bill pero hindi nangangahulugan na papabayaan ang FOI bill.

Para sa kanya, dire-diretso na iyan ang kanilang mga deliberasyon sa plenary at nasa Rules Committee kung kailan nila i-schedule FOI bill, pero kailangan maging transparent umano sila.

Titignan daw niya dahil yung death penalty yung nakasalang at yun yung pinag-uusapan sa plenary at hopefully kung kakayanin, bakit hindi daw naman nila ituloy ang pagbalangkas ar sa tingin daw niya, maaaring pupuweda naman.

Inaprubahan na ng House committee on public information ang consolidated version ng FOI bill noong Miyerkules.

Ayon sa chairman ng komite na si ACT partylist Rep Antonio Tinio na wala siyang nakikitang problema sa pagpasa ng panukala dahil isa ito sa mga prayoridad ng Duterte government.

Sinabi ni Tinio na kulang ang kasalukuyang batas upang makuha ng publiko ang mga datos mula sa gobyerno.

Sinabi ni Tinio na ang palisiya hinggil sa full public disclosure ay hindi nabibigyan ng halaga sa kasalukuyang pinaiiral na mga batas at ang FOI bill na marahil ang tutugon sa puwang na ito.

Kasama sa isinusulong na full public disclosure ang mga transaksyon ng gobyerno, statements of assets, liabilities, and net worth ng mga opisyal.

Ang mga public interest documents ay dapat ding nakalagay sa website ng ahensya kasama na dito ang mga kontrata at kung saan ginagastos ang pondo nito.
Free Counters
Free Counters