Tuesday, February 28, 2017

Proteksiyon sa mga bata, pinaigting


Lubhang apektado ang mga bata na naiipit sa labanan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo sa mga kanayunan kaya’t masusing tinatalakay ngayon sa House committee on the Welfare of Children ang mga panukalang batas na magbibigay proteksyon sa mga bata.
Top of Form
Bottom of Form

Sumentro ang talakayan ng komite sa mga sumusunod na panukala, ang HB00013 na iniakda ni Quezon City Rep at dating House Speaker Feliciano Belmonte Jr.; HB01280 ni Quezon City Rep Jose Christopher Belmonte; HB02345 ni Zamboang City Rep Manuel Jose Dalipe; HB03050 ni Paranaque Rep Gus Tambunting; at HB04676 na iniakda nina nina Manila Reps John Marvin “Yul Servo” Nieto at Edward Vera Perez-Maceda.

Sumang-ayon naman si Zamboanga del Sur Rep Divina Grace Yu, ang chairman ng komite na gamitin ang HB00013 bilang working draft para sa mga susunod na pagdinig.

Ayon dating Speaker Belmonte, layon ng kanyang panukala, na mabigyan ng proteksyon ang mga bata mula sa lahat ng uri ng pang-abuso, karahasan, kapabayaan, at diskriminasyon na nakakasagabal sa kanilang paglaki.

Sinabi ng dating house leader na matagal nang nabibiktima ang mga bata ng paglabag sa karapatang pantao, mawalan ng tirahan, at dinudukot aniya ng mga rebeldeng grupo para gawing mensahero at espiya at sinasanay upang gawing sundalo ng mga rebelde.

Sinabi ni Belmonte na isa ang Pilipinas sa mga lumagda sa Convention on the Rights of the Child, at obligado ang bansa na tiyakin ang katuparan ng karapatan, respeto at proteksyon ng mga bata.

Layunin ng panukala ng nakababatang Belmonte na pagyamanin ang kanilang kalusugan, kaisipan, pagkatao at hubugin sila bilang mga responsable, makabayan at mabuting mamamayan.

Ayon kay Dalipe, ang mga bata ang lubhang apektado sa digmaan, walang pagkain at tubig, edukasyon at pangunahing serbisyo.

Marami din sa kanila ang nagiging biktima ng panggagahasa, pagpatay at iba pang uri ng karahasan.

Sinabi naman ni Tambunting na karapatan ng mga bata na mabigyan ng dignidad at respeto bilang tao na nangangailangan ng proteksyon mula sa panghahamak, panghihiya, pagmamaltrato, pagsasamantala at pagsalakay.

Binigyang-diin naman nina Nieto at Maceda ang kahalagahang makagawa ng isang batas na sesentro sa karapatan at dignidad ng mga bata.

Kadalasan anilang hindi napaparusahan ang mga may kasalanan na lumapastangan sa inosenteng bata.

Iminungkahi naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Hope Hervilla na kilalanin ang inter-agency committee on children in armed conflict (IAC-CIAC) na nilikha sa bisa ng Executive Order 138 o ang Comprehensive Program Framework for Children in Armed Conflict ang working bill.

Sa pagpapatupad ng batas, sinabi ni Janelle Rabe ng Child’s Right Network (CRN) of the Council for the Welfare of Children na iminumungkahi ang ugnayan ng Department of Education (DepEd) habang iminungkahi naman ni Julien Hayois, pinuno ng Policy and Planning Division ng Council for the Welfare of Children, ang pakikipag-ugnayan sa mga non-government organizations (NGOs).
Free Counters
Free Counters