Thursday, April 26, 2012

Tataasan na ang minimun salary grade ng mga gurong pampubliko

Itataas na ang minimum salary grade level ng mga guro sa pampublikong paaralan na nagtuturo sa elementary at secondary mula sa Salary Grade 11 hanggang sa Salary Grade 15 dahil marami pa rin sa kanila ang nasa hanay ng kahirapan.

Sa iniakdang HB06000 ni Manila Rep Maria Theresa Bonoan-David hindi binanggit ang katumbas na sahod sa Salary Grade 11 at 15 ngunit batay sa naunang ulat, ang Salary Grade 11 ay may sahod na P15,649 samantalang ang Salary Grade 15 ay P24,887.

Sinabi ni Bonoan-David na habang patuloy na nakakatanggap ang Department of Education ng mas malaking bahagi sa national budget at habang nagsasakripisyo ang mga guro sa kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa na bihirang kilalanin, mababa pa rin ang sahod ng mga guro kompara sa sahod ng ibang propesyon.

Ayon sa kanya, malinaw na umano kontra ito sa nilalaman ng Article II, Section 10 ng Constitution na nagsasaad na itataguyod ng estado ang social justice sa lahat ng bahagi ng national development.


Senior citizens, mauunang bomoto sa eleksiyon

Naghain ngayon si Cebu Rep Luis Quisumbing sa Kamara ng HB05963 na kikilalaning “Early Voting for Senior Citizens Act.”

Layunin ng kanyang panukala na bigyan ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong senior citizens na bumoto ng mas maaga sa takdang araw ng national at local elections sa Office of the Municipal o City Election Registrar kung saan sila naka-rehistro.

Sinabi ni Quisumbing na hindi kamang-mangan, hindi kayamanan at katibayan ang ipinapataw sa kalayaan ng pagboto dahil ito ang buhay na dugo ng demokrasya.


Binanggit ni Quisumbing ang halalan noong 2010 national elections kung saan, sa news programs na ipinakita, umaalis na lamang ang mga senior citizens sa polling centers dahil hindi nila matagalan ang mahabang pilahan at ang matagal na prosesong kanilang dinaanan bago sila pabotohin.

Sa panukala, 30 araw bago ang araw ng eleksyon, ang Commission on Elections ang magtatago ng record ng mga botanteng senior citizens at makikipag-ugnayan ito sa Department of Interior and Local Government, Department of Health, at local government units (LGU) para sa sistema at tulong na ibibigay sa senior citizens.

Dapat nang itigil ni CJ Corona ang kanyang "paawa effect," solon

Tinuligsa ni Deputy Speaker Lorenzo “Erin” R. Tañada III si Chief Justice Renato Corona dahil sa pasimpleng pag-impluwensiya ng sentimyento ng mga tao, ang kanyang "paawa effect" sa paggamit sa isyu ng Hacienda Luisita para pagtakpan ang kanyang kasalanan at paparating na hatol sa impeachment proceeding sa Senado laban sa kanya.

Ayon sa kanya, "Ginagamit ni Corona ang desisyon ng Korte Suprema para guluhin ang isipan ng publiko na maging manhid sa paniniwala nilang may nakaw na yaman siya."

"Walang kaugnayan ang Hacienda Luisita sa impeachment dahil ang prosesong ito ay tungkol sa pagiging karapat-dapat ni Corona na maging Chief Justice ng Korte Suprema at ang Hacienda Luisita ay tungkol sa karapatan ng mga manggagawa nito sa lupang sinasaka nila at tungkol sa panlipunang katarungan," paliwanag ni Tañada.

"Sinusubukan lang niyang sisihin si PNoy para sa kanyang paghatol, samantalang siya lang at siya ang tunay na may kasalanan sa hindi pagdeklara nang tapat ng kanyang SALN. Itigil na niya dapat ang "paawa effect" at tumestigo na lang sa Senado bilang impeachment court. Sa palagay ko hindi gagana 'yang "paawa effect" sa mga Senador-Hukom."

Wednesday, April 25, 2012

Hihigpitan na ang parusa sa manggugulo sa pampublikong lugar


Marapat nang amiyendahan ang Article 153 ng Revised Penal Code (RPC) upang baguhin ang lumang multa at parusa sa ilalim nito kung ang pag-usapan ay ang panggugulo sa pampublikong lugar.

Ito ang nais mangyari ni Marinduque Rep Lord Allan Jay Velasco, may akda ng HB05815 nang kanyang sinabi na ang presyo ng multa na base pa sa probisyong ng nabanggit na karta na nilagdaan noong 1930 pa ay hindi angkop sa kasalukuyang sitwasyon.

Sinabi ni Velasco na ang malawakang inflation at devaluation ng ating pera ay lipas na para sa multang magpaparusa ng RPC at ito ay bale-wala na.

Sa lumang parusa na nakasaad sa Article 153, arresto mayor at multang P1,000 para sa sinumang manggugulo sa pampublikong lugar, opisina o establisimiyento o gumambala o bulabugin ang pampublikong pagtatanghal at pagtitipon sa ilalim ng Revised Penal Code.

Gayundin, ang parusang arresto mayor ay ipapataw sa sinumang indibiduwal na tangkang manigaw o magsulsol ng rebelyon at sedisyon o maglalabas ng placards o emblems na magbubunsod ng kaguluhan sa publiko.

Sa panukalang batas ni Velasco, ang parusang arresto mayor sa medium period ay prision correctional sa minimum period at multang hindi tataas ng P80,000 ang ipapataw sa sinumang gagawa ng kaguluhan sa pampublikong lugar, opisina at establisimento at gagambala at mambubulabog sa pagtatanghal at pagtitipon.

Ngunit mas mabigat na parusa ang ipapataw sa manggugulo at pinapalagay na napakagulo na likha ng higit sa tatlong katao na armado o may tangkang ng karahasan.

---

Pagpapalakas ng dangerous drugs law, ipinanukala


Nais ng isang kongresista na amiyendahan ang Dangerous Drugs Act of 2002 sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na dahil hindi na mapigil ang lumalalang pag-abuso sa droga at pagbebenta nito kahit na sa mga liblib na barangay sa buong bansa marapat lamang na maamiyendahan na ang naturang batas.

Ayon kay Rodriguez, humina ang paglaban sa iligal na droga dahil sa naging maling pakahulugan na ang problema ay hindi na sakop ng PNP o Philippine National Police, NBI o Nationa Bureau of Investigation kundi ng PDEA na lamang.

Ito na umano ang tamang panahon para suportahan ang mga mekanismo ng PNP, NBI, Bureau of Customs  at PDEA sa pagsugpo ng iligal na droga.

Sa HB05973 na iniakda ni Rodriguez, ang PDEA ang siyang magiging pangunahing ahensiya na tututok sa kampanya laban sa droga at mananatili sa kani-kanilang permanente at regular na anti-illegal drug unit ang bawat ahensiya para palakasin ang kanilang suportang mekanismo sa PDEA.

Makikipag-ugnayan at ipapa-alam ng NBI, PNP at BOC sa lead agency ang kanilang anti-drug operations sa loob ng 24-oras matapos ang terminasyon at imbestigasyon at aktuwal na pagkakadakip sa suspek at
pagsamsam sa mga ipinagbabawal na droga at mga kemikal nito.

---

Tuesday, April 24, 2012

Proteksiyon sa kapaligiran, dapat matutunan ng mga kabataan

Ipinanukala ngayon sa Kamara bilang paghahanda sa mga kabataan na maging lider sa hinaharap na atasan ang mga Sangguniang Kabataan o SK na maghanda para sa implementasyon ng proteksyon sa kapaligiran at paghahanda at pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Sinabi ni Kabataan partylist Rep Raymond Palatino na sa kanyang iniakdang HB05836, kailangang matutunan ng mga kabataan ang labanan upang sila ay makagawa ng makabuluhang bagay para sa lipunan at mabigyang importansya ang proteksyon ng kapaligiran at paghahanda sa kalamidad.

Madalas pintasan umano ang mga SK dahil na rin sa kakulangan ng kalinawan pagdating sa mga makabago at kailangan proyekto para sa komunidad.

Ayon sa kanya, madalas daw ang bansa pasukin ng mga kalamidad at nandiyan daw ang lindol, bagyo, land-slides at iba pang mga disaster, kapwa natural and man-made na nagriresulta ng pagkamatay ng buhay at pagkawala at pagkasirang mga kagamitan at ari-arian.

Naiiwasan sana umano ito o na-minimize sana kung malinaw ang environment at disaster management program na ipinatutupad.

Idinagdag pa ng mambabatas na ngayon na ang tamang panahon para sa mga kabataan na kumilos at manguna sa relief at rescue missions.

---

Thursday, April 19, 2012

Sinabon ng mga kongresista ang isang DENR exec hinggil sa isyu ng illegal logging


Napikon ang mga kongresista nang pabulaanan ni Assistant Secretary Daniel Nicer ng DENR o Department of Environment and Natural Resources na hindi ang illegal logging ang dahilan ng pagbaha sa Cagayan de Oro at Iligan City sa kasagsagan ng bagyong Sendong.

Sa pagdinig ng House Committee on Natural Resources , sinabi ni Nicer sa mga kongresista na hindi ang illegal logging ang naging sanhi ng pagbaha at pagkawasak ng mga bahay sa lugar.

Nagpakita si Nicer ng isang larawan ng bahay na nakatayo pa matapos ang bagyo at sinabing ang mga putol na troso ay hindi naka-apekto sa pagkasira ng mga bahay kundi tinangay lang ito ng agos.

Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na hindi maikakaila ng DENR na ang illegal logging ang siyang pangunahing dahilan ng pagbaha na kumitil ng 957-katao na batay pa sa ulat ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring tao ang nawawala.

Ayon  naman kay Iligan City Rep Vicente Belmonte, Jr, matapos umano ang inspeksyon sa mga apektadong lugar sa kanyang distrito, nakita niya mismo ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga naapektuhan at ang mga trosong humampas sa mga kabahayan ay tinangay ng agos ng tubig mula sa mataas na lugar.

Sa panig naman ni Misamis Oriental Rep Yevgeny Vincente Emano, nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay nasa proseso pa rin ang DENR sa kanilang imbestigasyon para malaman ang sanhi ng pagbaha.

Ayon sa kanya, alam daw ng lahat na ang sanhi ng pagbaha ay ang patuloy na pagkalbo sa mga kagubatan sa mataas na lugar at walang ibang dapat gawin ang DENR kundi mahigpit na ipagbawal ang pagputol ng mga puno sa bahagi ng Mindanao para hindi na muling maulit ang ganitong sitwasyon.

---

Monday, April 16, 2012

Mahigpit na ipapatupad ang Consumer Act lalu na ang hnggil sa piña barong

Hihigpitan na ang pagpapatupad sa mga probisyon ng RA07394 o ang Consumer Act of the Philippines lalu na ang patungkol sa pagtitinda ng piña cloth ng mga walang konsiyensiyang negosyante ng nabanggit na produkto.

Sa HR02192 inihain ni AGHAM partylist Rep Angelo Palmones, sinabi ng kongresista na magsilbi umano itong babala sa mga mapagsamantalang nagtitinda ng barong tagalog na mataas.

Ipinanukala ni Palmones na may katapat itong multa na hindi bababa sa P500 subalit hindi lalampas sa P10,000 o pagkakakulong ng hindi bababa sa limang buwan pero hindi lalampas ng isang taon, depende sa ipag-uutos ng hukuman.

Sinabi ni Palmones na ang Barong Pilipino at ang terno ay kilala bilang pambansang kasuotan sa Pilipinas.

Ang pinakamataas na kalidad ng Barong Pilipino ay gawa mula sa pineapple (piña) leaf fibers na hango mula sa native ‘red spanich’ variety, na ginawa sa kamay.

Tinatayang nasa 10,000 ang trabahador sa industriya ng barong-making at ito ay kumikita sa export na tinatayang aabot sa P315 milyon kada taon at ang Estados Unidos ang malakas mag-import na aabot sa US$0.5M taun-taon.

Ayon sa kanya, ang presyo ng pure piña fabric Barong Pilipino ay aabot sa P8,000 kumpara sa non-piña fabric barong na mababa sa P3,000.

Idinagdag pa ni Palmones na naging talamak ang bentahan ng non-pure piña barong na tinitinda bilang pure piña barong.

---

Mga krimeng kinasasangkutan ng riding-in-tandem, iimbestigahan

Pina-iimbestigahan ngayon sa Kongreso ang aktibidad ng mga kriminal na sangkot ang riding-in-tandem na nasa likod ng serye ng mga robbery, snatching at pati na rin ang pagpatay ng mga indibidwal sa Metro Manila at iba pang karatig lugar.

Naghain si Las Pinas Rep Mark Villar ng HR02189, resolusyong humihiling sa Kongreso na amiyendahan ang RA03815 o ang Revised Penal Code para iangat ang parusa laban sa riding-in-tandem na sangkot sa nabanggit na mga kriminalidad.

Hiniling din ni Villar na imbitahan ng Kongreso ang mga opisyales ng PNP o Philippine National Police at mga lokal na pamahalaan para magbigay linaw sa hinggil isyu.

Ayon kay Villar, patuloy na tumataas ang bilang ng kriminalidad sa bansa subalit, nahihirapan ang mga otoridad na sugpuin ang mga kaso ng pagnanakaw, kidnapping at pag- patay ng mga kriminal na lulan ng motorsiklo.

Sa tala ng PNP, may 1,700 crime incidents ang kinasasangkutan ng riding-in-tandem laban sa mahigit 2,069 na katao noong 2011.

Madalas umano ang kirmen sa Central Luzon na nagtala ng 791 insidente, 452 sa Visayas at 374 na kaso sa National Capital Region.

---
Free Counters
Free Counters