Tanggapan para sa may mga kapansanan, itatatag na
Kamakailan lamang, inaprubahan ng congressional bicameral conference committee ang panukalang magtatatag ng isang mekanismo na siyang magpapatupad ng programa at serbisyo para sa mga PWDs o persons with disabilities na siyang magaamiyenda sa Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons.
Batay sa SB03560 kung saan isinama na ang mga probisyon ng HB01387, layunin nito na magtatag ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) na isasailalim sa lokal na pamahalaan ng bawat probinsiya, munisipalidad at lungsod sa buong bansa.
Sa HB01387, prinsipal na inakda ni Leyte Rep Ferdinand Romualdez, aatasan ang local chief executive na magtalaga ng PWD affairs officer na siyang mamumuno at magbabantay sa operasyon ng PDAO at bibigyan naman ng prayoridad ang mga kwalipikadong PWDs upang siyang mamuno sa itatatag na tanggapan.
Ang magiging katungkulan ng itatalagang PWD affairs officer ay gumawa at magpatupad ng mga bagong polisiya, plano at mga programang siya namang magtataguyod para sa kapakanan at ikauunlad ng mga PWDs, sa pakikipagtulungan ng ibang ahensiya ng gobyerno.
Ang PWD affairs officer na rin ang siyang makikipag-ugnayan sa lebel ng lokal na pamahalaan kung papaanong maipatutupad ang lahat ng probisyon sa BP Blg. 344 o ang Accessibility Law at iba pang kahalintulad na batas na sang-ayon sa lahat ng lokal na batas ng bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad.
Ang PDAO ang siyang magiging sentro ng lahat ng impormasyon na may kinalaman sa lahat ng PWDs. Ito ang magiging sentro kung saan lahat ng PWDs ay maaaring makahingi ng tulong upang makapag-trabaho, makapag-aral o kung anumang tulong na maaaring maipaabot sa mga PWDs.