Mabigat na parusa sa kasong mail-order bride services
Iminingkahing patawan na ng mas mabigat na kaparusahan sa Kamara ang sinumang mapapatunayang may partisipasyon sa serbisyong mail-order bride na umano ay isang uri ng internet prostitution.
Sinabi nina CIBAC Party-list Reps Cinchona Cruz-Gonzales at Joel Villanueva na mayroong lamang parusang anim na taong pagkakakulong ang mga lumalabag sa Republic Act 6955 o batas na tinaguriang Anti-Mail Order Bride Law.
Batay sa HB06961 na inihain ng nabanggit na mga mambabatas, dapat lamang maparusahan ng hanggang 20 taong pagkakabilanggo ang mapapatunayang ginagawang negosyo ang pagpapadala ng Filipina sa ibang bansa upang maging mail-order bride.
May kaakibat na ring multa ang kaparusahan dito na nagkakahalaga ng hindi lalagpas sa P100,000 at kung isang dayuhan ang salarin, agad itong ipapatapon pabalik sa kanyang bansa at habang buhay nang ipagbabawal na muling makatuntong sa Pilipinas, matapos niyang pagdusahan ang parusa at makapagbayad ng multa.
Sinabi ni Gonzales na dahil sa RA 6955, ang mga kumpanyang nagbibigay serbisyong mail-order bride ay lumipat na sa cyberspace kung saan sa paraang ito na nila nagagawan ng paraan kung papaanong maipakikilala ang Filipina sa mga dayuhang nais magkaroon ng asawa.
Ayon sa kanya, sa sistemang ito, nagmumukhang isang paninda ang mga Filipina dahil para silang mga panindang nakadisplay sa internet at mga websites ang kanilang larawan at nabubukas sila sa mas malalang sitwasyon dahil na rin sa sindikato ang madalas na namamahala sa mga ganitong negosyo.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal na ang matchmaking website business, na nagbibigay ng libreng membership sa mga Filipina para mailagay ang kanilang impormasyon sa internet upang makakuha ng mapapangasawang dayuhan, maging ito man ay sa paraang personal na pagpapakilala o sa pamamagitan ng mail-order basis.
<< Home