Wednesday, February 03, 2010

Mga paaralan hiniling na tumulong maiwasan ang mga bisyo

Hinikayat ni party-list Rep Narciso Santiago ang bawat paaralan na tumulong sa pamahalaan upang makaiwas ang mga kabataan, lalo na ang mga kababaihan, sa bisyo tulad ng paninigarilyo.

Sa isinumiting panukala ni Santiago, ang HB06980, aatasan ang lahat ng paaralan at institusyong pang-edukasyon na isama sa kanilang curriculum ang kurso o mga aralin tungkol sa alak, sigarilyo at mga ipinagbabawal na gamot at ang masamang epekto nito sa katawan ng tao.

Sinabi ni Santiago na ang pag-inom ng alak habang nagbubuntis ang isang babae ay siyang tinutukoy na sanhi ng fetal alcohol syndrome sa mga sanggol.

Isa umano ito sa nagtulak sa kanya upang ihain ang panukalang magkaroon ng isang subject sa mga eskwelahan sa buong bansa, pribado man o pampubliko, kung saan tatalakayin ang epekto ng sigarilyo, alak, marijuana, shabu at iba pang pinagbabawal na gamot sa katawan ng tao.

Ayon sa kanya, ito ay upang maaga pa lamang ay alam na ng kabataan ang masamang epekto ng pagkakaroon ng bisyo at sa gayon ay sila na mismo ang umiwas dito.

May mga pag-aaral aniya na nagpapatunay na ang batang ipinanganak ng isang babaeng gumamit at gumagamit pa ng marijuana ay lumalabas na mas maliit, magaan, at may pagka punggok at mas maliit din umano ang ulo kumpara sa mga batang ipinapanganak ng isang babae na hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Kapag maliit ang isang bata, mas madali siyang kapitan ng sakit at mas maraming problemang pangkalusugan ang nakikita sa mga batang ito.

Ang nicotine daw ay napatunayan na rin, base sa mga pag-aaral, na may kinalaman sa maaga o wala sa panahong panganganak ng isang babaeng naninigarilyo kahit sa nagdadalantao.

Sa ilalim ng panukala, ang mga educators lamang na may hawak na sertipikasyon na magpapatunay na siya ay karapat-dapat magturo ng mga bagay-bagay hinggil sa alak, alcohol, sigarilyo, tabako, at mga ipinagbabawal na gamot.
Free Counters
Free Counters