Ipinadedeklara ni Marikina Rep Marcelino Teodoro ang kaarawan ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino na holiday, bilang bilang pagpupugay sa kanyang mga ibinahagi sa sambayanang Pilipino at sa pamahalaan.
Sa kanyang HB06647, nais ng mambabatas na ideklara ang petsang 25 ng Enero bawat taon bilang pambansang pagdiriwang o President Corazon C. Aquino’s Natal Day.
Layunin ng panukala na kilalanin ang mga ibinahagi ni dating Pangulong Cory sa sambayanan, sa pagbabalik niya ng demokrasya sa bansa at pagiging isang inspirasyon sa lahat ng mga pinuno ng bansa sa buong daigdig.
Ayon sa mambabatas, si Cory ay isinilang noong ika-25 ng Enero 1933 at at siya ang kauna-unahang babae na naging pangulo ng isang bansa sa Timog-Silangang Asya.
Kinilala din umano si Cory ng buong mundo bilang isa sa pinaka-makasaysayang tauhan sa pagbabalik ng demokrasya sa isang bansa at ang kanyang buhay ay isang halimbawa ng isang dapat na maging tunay na pinuno.
Nauna ng inihain sa Kamara ang dalawang resolusyon na naghahangad na ideklarang pambansang bayani ang dating pangulo.
Ayon naman kay Agusan del Sur Rep Rodolfo Plaza, may akda ng HJR0041, kahit pa natapos na ang termino ni Pangulong Aquino ay nanatili siyang isang moog, na pinagkaisa ang sambayanan upang labanan ang mga abusado sa pamahalaan.
Ang pagpo-proklama daw kay Gng Aquino bilang isang pambansang bayani ay isang paraan upang maipagpatuloy ang kanyang mga simulain sa pangangalaga ng demokrasya at maipalaganap ang
pagka-makabayan sa mga Pilipino.
Inihain naman ni Camarines Norte Rep Liwayway Vinzons-Chato ang HJR0042 na inihahalintulad si dating Pangulong Aquino bilsng Joan of Arc ng Asya at makabagong Gabriela Silang na mapayapang nakipaglaban para sa kalayaan at demokrasya ng bansa, sa gitna ng mga panganib sa kanyang buhay at pamilya.
Kanyang ipinakita sa buong buhay niya, hanggang kamatayan, ang larawan ng makabago at isang tunay na bayani.