Tuesday, September 08, 2009

De-botelyang tubig, kinuwestyon ng mambabatas

Nanawagan ngayon si Valenzuela Rep Magtanggol Gunigundo sa mga Komite ng Trade and Industry, Ecology, at Health sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pinagkukunan, kaligtasan, pagsusuri at kinahahantungan sa kalikasan ng mga de-botelyang tubig o inumin.

Kinuwestyon ng mambabatas ang mga pamantayang ipinaiiral kung ligtas ba ang mga ipinagbibiling tubig sa botelya dahil hindi aniya malinaw kung mas malinis ito sa tubig na ipinamamahagi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at mga lokal na distrito ng tubig.

Ayon kay Gunigundo, maliit umano ang kakayahan at kapasidad ng Bureau of Food and Drugs at ng National Water Resources Board na bantayan at suriin ang mga ipinagbibiling tubig upang matiyak ang kaligtasan nito sa mga umiinom na mamamayan. Bukod pa rito ay nagiging problema ang pagdami ng mga plastik na botelyang itinatapon sa mga basurahan, na labis na nakakaapekto sa kalikasan.

Inihain ni Gunigundo ang HR01274 na humihiling sa mga komite sa Kamara na “magsumite ng mga rekomendasyon upang tiyakin ang ligtas na kapaligiran sa ilalim ng mandato ng estado, tulad ng mga ipinatutupad ng mga konseho ng mga pangunahing lungsod sa Estados Unidos, na nagpatupad ng pagbabawal sa pagbili ng de-botelyang tubig para sa kanilang mga kawani.

Samantala, ang mga guro mula sa Vancouver, Canada ay nanawagan na ipagbawal ang mga de-botelyang tubig sa mga paaralan.

Lumaganap sa bansa ang pagbebenta ng mga de-botelyang tubig noong dekada 80 dahil sa pinaghihinalaang maruming tubig sa maraming lugar.
Free Counters
Free Counters