Tuesday, September 08, 2009

Pandaigdigang martsa para sa Kapayapaan, isinusulong sa Kamara

Nagpahayag ng suporta si Quezon Rep Proceso Alcala sa nakatakdang pandaigdigang martsa para sa kapayapaan na isinusulong ng pro-peace organization na World Without Wars International (WWW) na magsisimula sa buwan ng Oktubre sa bansang New Zealand.

Sa HR0339 na inihain ni Alcala, hinikayat niya ang Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang isang komunidad na suportahan ang panawagan para sa pandaigdigang kapayapaan.

Sinabi ni Alcala na wala umanong ng nagwawagi sa digmaan at ang pagwasak nito sa sangkatauhan ay walang pinipiling idelohiya, lahi, relihiyon o kasarian kaya't tungkulin umano ng mga mambabatas na magpasa ng mga panukalang naaayon sa Saligang Batas, para sa pagpapairal ng kapayapaan at kaayusan, kaligtasan ng buhay, kalayaan at ari-arian, at pagsusulong ng pangkalahatang kabutihan bilang bahagi ng ating tungkulin para sa mga susunod na henerasyon.”

Ayon sa kanya, ang kaganapan ay magsisimula sa bansang New Zealand sa ika-2 ng Oktubre, kasabay sa pagdiriwang ng kaarawan ni Mahatma Gandhi at maglalakabay sa anim na kontinente ang grupo ng pandaigdigang martsa at hihimpil ng tatlong araw sa bansang Pilipinas mula ika-5 hanggang ika-7 ng Oktubre at bibisita sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang ideklara ang kanilang mensahe ng kapayapaan.

Ang WWW ay isang pro-peace organization, na nagsusulong ng nagkakaisang panawagan sa mapayapang resolusyon sa mga nag-iiringang mga bansa sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga sandatang nuklear, pagbabawas ng mga kumbensyunal na sandata, pagtatakwil sa terorismo, at paglagda sa kasunduan sa pagitan ng mga nag-iiringang mga bansa na hindi sila gagamit ng dahas upang ayusin ang kanilang di-pagkakaunawaan.

Tataguriang World March for Peace and Non-Violence ito at suportado rin ito ng mga pandaigdigang samahan, mga kilalang tao, at mga taong boluntaryong naghahangad ng pandaigdigang kapayapaan, at ito ay magsasagawa ng iba’t ibang kaganapan dito at sa mahigit sandaang bansa sa buong daigdig.
Free Counters
Free Counters