Thursday, September 03, 2009

Buwis sa pag-aangkat ng libro, tinutulan ng mambabatas

Pinaiimbestigahan ni party-list Rep Ana Theresia Risa Hontiveros sa Kamara ang legalidad ng DOF Order 17-09 at Bureau of Customs (BOC) Memorandum Circular No. 79-09, hinggil sa patakarang
ipinaiiral sa pagpapataw ng buwis sa inaangkat na mga libro, na aniya ay taliwas sa RA08047, o Book Publishing Industry Development Act at ng Florence Agreement, o pandaigdigang kasunduan kung saan ay kasama ang Pilipinas sa mga lumagda rito at niratipikahan noong ika-30 ng Agosto 1950.

Inihain ni Hontiveros ang HR01147 na nanawagan ng isang imbestigasyon upang linawin at pagpaliwanagin ang mga naturang tanggapan ng aniya ay paglabag sa Florence Agreement, na gumagarantiya sa mga lumagdang bansa, na hindi ito sakop ng buwis sa pag-aangkat ng mga libro, pahayagan, babasahin at iba pang dokumento.

Ayon sa mambabatas, malinaw na nakasaad sa kasunduan na ang mga lumagdang bansa ay ginagarantiya ng patuloy na pagsusulong ng malaya at libreng sirkulasyon ng mga educational, scientific o cultural materials at hindi maaaring isailalim sa mga customs tax at duties.

Sinabi ni Hontiveros na malinaw na nilalabag ng Department of Finance (DOF) at ng BOC ang pagpapataw nila ng buwis sa mga libro upang palaguin ang kanilang kita at mapunuan ang kanilang kapalpakan sa tinatarget nilang koleksyon sa buwis.

Dapat silang imbestigahan at papanagutin sa idinulot nilang problema, hindi lamang sa mga nag-aangkat at namamahagi ng mga libro, na nahinto dahil sa kautusan ng mga naturang tanggapan, kungdi maging sa sambayanan na nawalan ng mga karapatan sa mahahalagang impormasyon na makkikita sa mga libro at pahayagang ito.
Free Counters
Free Counters