Thursday, June 30, 2022

…SA KABILA NG PAGIGING ABALA NG MGA KAWANI NG KAPULUNGAN AY IDINAOS PA RIN ANG KANILANG “THURSDAY ZUMBA”

Kahit na naging abala ang mga kawani ng Kapulungan ng mga Kinatawan ngayong linggo ay naidaos pa rin at nabigyan ng oras ng Secretariat ang kanilang “Thursday Zumba” na naglalayong isulong ang kalusugang pangkaisipan at pisikal na kasiglahan ng mga opisyal at kawani ng Kapulungan. 

Ang "Thursday Zumba" na ginagawa kada ikalawang linggo ay inisiyatiba nina House Speaker Lord Allan Velasco at Secretary General Mark Llandro Mendoza. 

Bahagi tio ng programang “Wellness in the Workplace” na magkaakibat na pinangangasiwaan ng Human Resource Management Service (HRMS), Administrative Department, kasama ang Office of the Secretary General, upang isulong ang ganap na kalusugan ng mga manggagawa ng Kapulungan. Pinangunahan ni Zumba instructor Michael Ensomo ang aktibidad ng mga kalahok ngayong Huwebes, na idinaos sa rear entrance lobby. 


#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV

DALAWANG ARAW NA SEMINAR-WORKSHOP PARA SA BASIC RECORDS AT ARCHIVES MANAGEMENT, TINAPOS NA NG KAPULUNGAN

Bilang isang institusyon na nangangalaga ng mga mahahalagang dokumento at talaan, tinapos na ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco ngayong Huwebes ang dalawang araw na workshop nito sa basic records at archives management para sa mga kalahok na kawani. 

Ito ay inorganisa ng Administrative Department na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Ramon Ricardo Roque, CESO I, Diplomate, kaakibat ang National Archives of the Philippines (NAP), na naglalayong magbigay ng pangunahing pangkalahatang-ideya upang makasunod sa mga makabagong pamamaraan, mga konsepto, mga panuntunan at regulasyon, gayundin ang mga pamamaraan upang matagumpay na pamahalaan ang mga talaan sa tanggapan sa isang makabagong kapaligiran. 

Tinalakay ni NAP Senior Records Management Analyst Larry Pardilla sa sesyon noong umaga, ang pag-aayos ng mga talaan. Aniya, ang tamang pag-aayos ng mga talaan ay makatutulong sa Kapulungan na makatipid sa oras, espasyo, salapi, kagamitan, at mga talaan. 

Pagkatapos ay ibinahagi naman ni NAP Records Management Analyst II Abraham Arucan ang pangangailangang magtatag ng records center, na kailangan sa ilalim ng “National Archives of the Philippines Act of 2007.” Samantala, tinalakay naman ni NAP Archivist II Amiel Pangilinan ang tungkol sa archives administration, partikular ang: 1) pag-unawa sa archives; 2) mga prinsipyo at gawi nito; at 3) seguridad ng mga rekord o mga hakbangin sa proteksyon upang pangalagaan ang mga pampublikong dokumento. 

Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Pangilinan ang kahalagahan ng pag-iingat ng mga archive, upang ito ay mapakinabangan din ng mga susunod na henerasyon. 

Sa kanyang pangwakas na mensahe, sinabi ni Records Management Service (RMS) Director Billy Uy na ang nasabing seminar ay simula pa lamang ng pagsisikap ng Kapulungan na bumuo ng gabay sa pag-uuri ng dokumento, at protektahan ang mga pampublikong talaan na nasa pangangalaga nito. 

Hinimok din ni Uy ang mga kalahok na gawin ang kanilang makakaya at pagbutihin pa ng buong kakayahan ang paghahatid ng serbisyo sa publiko. “Personal appeal ko po, alagaan natin ang records natin. 

Pag ni-record natin nang maganda, madali rin nating mahahanap. Let us continue to become the instruments of change towards achieving our collective goal of a systematic Records and Archives Management Program,” aniya.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

AKLAT NG MGA TALUMPATI NI SPEAKER BELMONTE, INILUNSAD NG KAPULUNGAN

Inilunsad ng Secretariat ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamamagitan ng Inter-Parliamentary and Public Affairs Department, na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Atty. Gracelda Andres ngayong Miyerkules ang aklat na may titulong "The Speaker Speaks," mga koleksyon na mga talumpati ni dating Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr. mula sa tatlong nagdaang Kongreso. Ang mga talumpati ay tinipon simula nang siya ay manungkulan sa ika-15 at ika-16 na Kongreso, na naglalaman ng kanyang mga saloobin, pananaw, pagpapahalagang moral at prayoridad bilang isang mambabatas at pinuno ng Kapulungan. Sinabi ni Secretary-General Mark Llandro Mendoza, sa kanyang pambungad na pananalita, na ipinagmamalaki at ikinararangal niya na nagsilbi siya bilang mambabatas sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Belmonte. “Speaker Belmonte was proud of the work of his colleagues. We read his pride in the speeches he delivered, not only before his colleagues at the House of Representatives and the Senate, but also outside the halls of Congress,” aniya. Hinikayat ni Mendoza ang lahat na basahin ang libro “to see what a united House can achieve to protect and promote the interests of the Filipino people.” Samantala, isang mensahe mula kay Speaker Lord Allan Velasco ang kasama sa aklat, kung saan ay binanggit niya na naglalaman ito ng mga kwento kung paano sinunod na isinagawa ng Kapulungan ang mga mahalagang gawain ng batas, na nagtulak sa pagnanais na paninilbihan sa mga Pilipino. “The accomplishments of the 15th and 16th Congresses stand as enduring memorials of Speaker SB’s ‘Serbisyong Bayan’ mantra,” aniya. Sa kanyang tugon, pinasalamatan ni Speaker Belmonte ang House Secretariat. “Whenever I think about the House, it’s not just the congressmen I’m thinking of. I’m thinking of the people behind them. Thank you very much for this great opportunity,” ani Belmonte. Sa kanyang bahagi, sinabi ni DSG Andres na nalulugod siya na sa wakas ay nakumpleto na ang aklat sa kabila ng limitadong oras at mga mapagkukunan, binanggit na naging posible ito sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Secretariat at ng mga tauhan ni Speaker Belmonte. Inihayag niya na ang "The Speaker Speaks" ay paunang proyekto lamang, at ang Secretariat ay nagplaplano na rin na ilathala ang mga tinipon na mga talumpati ng iba pang naging Speaker ng Kapulungan.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Wednesday, June 29, 2022

MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, TINAPOS NA ANG KUMPLETONG EXECUTIVE COURSE SA LEHISLASYON

Kinumpleto na ng 24 na bagong halal na mga mambabatas sa ika-19 na Kongreso ngayong Miyerkules ang tatlong araw na Executive Course sa Lehislasyon, na nagbigay sa kanila ng kaalaman hinggil sa kanilang magiging tungkulin. 


Ang kurso ay inorganisa ng Kapulungan ng mga Kinatawan, kaakibat ang University of the Philippines-National College of Administration and Governance (UP-NCPAG) Center for Policy and Executive Development (CPED). 


Sa kanyang mensahe sa mga mambabatas na nagmula sa Batch 1, sinabi ni House Secretary-General Mark Llandro Mendoza na hindi lamang mapapahusay ng kurso ang kanilang mga gawain, kungdi mapapalawak pa nito ang mga pamamaraan upang kanilang matulungan ang sambayanan. 


“Lalo pong lalawak ang pagtulong ninyo lalo na po sa pag-create ng mga batas na kailangan po ng bansa natin,” aniya. 




Umaasa si Legislative Information Resources Management Department Deputy Secretary-General Dr. Edgardo Pangilinan na sa mga darating pang pagdaraos ng executive course sa hinaharap, ay ilan sa mga mambabatas ang maaanyayahan upang maging resource speakers. 


Para kay Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma, na nagbahagi ng kanyang pananaw hinggil sa kurso sa ngalan ng Batch 1, pinasalamatan niya ang liderato ng Kapulungan at ang Secretariat, gayundin ang UP-NCPAG sa oportunidad na sila ay makapag-aral sa mga gawain ng lehislatura. 


Iginawad nina UP-NCPAG Dean Dan Saguil at Secretary-General Mendoza ang sertipiko ng pagtatapos sa mga mambabatas. 


Nauna nang tinalakay nina Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla, ang magsisilbing Kalihim ng Department of Justice, at Dr. Edna Estifania Co, dating Dean ng UP-NCPAG, ang “Citizen Engagement, Constituencies, and Advocacy.” Sinabi ni Remulla, senior deputy majority leader ng ika-18 Kongreso, na ang Kapulungan ang pinakamagandang institusyon upang matuto at ang pagiging mambabatas ang pinakamagandang tungkulin para sa mga kalahok. 


Samantala, tinalakay ni Information and Communications Technology Service Director Julius Gorospe ang Basic Cybersecurity at tinalakay naman ni UP College of Mass Communication Associate Dean Dr. Rachel Khan ang paksang “Engaging with Traditional and Social Media.” 


Ang pinakahuling aktibidad bago ang pagtatapos ay nagdaos ang mga mambabatas ng isang kunwaring sesyon ng plenaryo sa Belmonte Hall. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Tuesday, June 28, 2022

MGA BAGONG HALAL AT NAGBABALIK NA MAMBABATAS, NAG-ARAL HINGGIL SA PROSESO NG BADYET

Bilang bahagi ng kanilang executive course sa lehislasyon, natuto ang mga bagito at mga nagbabalik na miyembro ng ika-19 na Kongreso ngayong Martes, mula kay dating House Committee on Appropriations Chairperson at ngayon ay Deputy Speaker Isidro Ungab. 


Malalim niyang tinalakay ang proseso ng badyet, lalo na sa sangay ng lehislatura. Sa kanyang presentasyon, sinabi ni Ungab na ang Kongreso ay may tungkulin sa konstitusyon na ipasa bawat taon ang General Appropriations Bill, na magbabalangkas sa direksyon ng pambansang patakaran, at mga plano sa pagkilos ng bansa. 


Binalangkas niya ang proseso ng badyet na binubuo ng: 1) paghahanda ng badyet, 2) pagsasabatas/awtorisasyon sa badyet, 3) pagpapatupad ng badyet, at 4) pananagutan at pagsusuri sa badyet. 


Upang mas maunawaan ang mahalagang papel ng Kongreso, tinalakay din ni Ungab ang mga probisyon sa konstitusyon at mga kaugnay na batas na namamahala sa proseso ng badyet. 


Bago magtapos, nag-alok siya ng payo kung paano mahusay na makilahok ang mga bagong mambabatas sa proseso ng badyet, partikular sa panahon ng mga deliberasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan. 




Kabilang dito ang pagsusumite ng mga panukala sa Executive Department, bago ibigay sa Kongreso ang National Expenditure Program, pagpepreserba ng kanilang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno, gayundin ang pagiging bukas sa kompromiso kapag nagmumungkahi ng mga pagbabago, upang makatulong na hindi mapawalang bisa ang GAB, at iba pa. 


Kalaunan, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas sa isang open forum na tanungin si Ungab hinggil sa iba pa nilang nais na matutunan sa proseso ng badyet. 


Personal na ginawaran ni Secretary-General Mark Llandro Mendoza ng plaque of appreciation si Ungab.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Monday, June 27, 2022

EXECUTIVE COURSE ON LEGISLATION PARA SA MGA BAGONG KONGRESISTA, IDINAOS KAHAPON SA KAMARA

Tatlumpo sa 124 na mga bagong miyembro ng 19th Congress ay sumailalim sa 3-day Executive course on Legislation sa Kamara de Representantes kahapon  ng umaga.


Pinangunahan ni Associate Professor Dr. Enrico Basilio ng UP- National College of Public Administration and Governance bilang lecturer.


Ilan sa mga na-interview ng House accredited media si JC Abalos, kinatawan ng 4Ps partylist na ayon sa kanya, malaking bagay na sumalang sila sa seminar lalo na para sa kanilang mga first timers. 


Isusulong ni Abalos ang kapakanan sa edukaayon, agrikultura at kalusugan para sa mga informal sectors.


Para naman kay Manila 1st diatrict Rep. Ernesto Dinisio, very informative at marami silang matututuhan upang lalo nilang maunawaan paano mas makatutulong maibangon ang ekonoomiya ng bansa. Sa kanyang pet bill, tututukan ni Dionisio ang sektor ng pabahay.


Ayon kay House Secretary General Mark Leandro Mendoza, tatagal ng tatlong Linggo para sa tatlong araw kada grupo ng mga bagong kongresista ang sasailalim sa orientation, ilan dito ang mock committee hearing at mock plenary session para sa tatlong batches ng mga bagong kasapi ng 19th Congress.

MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, SUMAILALIM SA ISANG EXECUTIVE COURSE SA LEHISLASYON

Sumailalim ngayong Lunes ang unang batch ng ika-19 na Kongreso sa pagsisimula ng ng isang Executive Course para sa Lehislasyon. 


Ang tatlong araw na programa ng pagsasanay ay idinaos bago magbukas ang Kapulungan, upang magbahagi ng suporta sa mga bagong halal at mga nagbabalik na mambabatas, para sa kaalaman sa mga gawaing pangloob at panglabas ng Kapulungan ng mga Kinatawan. 


Ang kurso sa pagsasanay ay inorganisa ng Office of the Secretary General, kaakibat ang University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) Center for Policy and Executive Development (CPED). 


Sa kanyang pambungad na pananalita, tiniyak ni Secretary General Mark Llandro Mendoza ang mga bagong halal na mambabatas na ang Secretariat, kabilang ang UP-NCPAG, ay nakahandang tumulong sa kanilang mga pangangailangan para sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. 


Hinimok rin niya ang mga mambabatas na malayang magtanong ng kanilang mga nais malaman at matutunan, at binigyang-diin na layon ng kurso na paunlarin ang kalaaman ng mga mambabatas. 




Para kay UP-NCPAG Associate Professor and Dean Dan Saguil, binigyang kahalagahan niya ang sangay ng lehislatura at ang pakikipag-ugnayan nito sa iba pang sangay ng pamahalaan, gayundin sa pribadong sektor, na makamit ang pambansang kaunlaran. 


Umaasa siya na ang pagsasanay ay magbibigay kaalaman sa mga mambabatas upang sila ay makagawa ng mga panukala na magpapaangat sa kalagayan ng sambayanang Pilipino. 


Tinalakay naman ni CPED Director Prof. Simeon Ilago ang detalye ng kurso na kinabibilangan ng 13 bahagi, kabilang ang mock committee hearings at mock plenary session. 


Sa pagsisimula, unang naging tagasanay si UP-NCPAG Associate Professor Dr. Enrico Basilio at kanyang tinalakay ang paksang “Understanding Development Concepts, Indicators, and Approaches; Current Issues and Challenges in Philippine Development". 


24 sa 28 mambabatas mula sa Batch 1 ang dumating sa unang araw ng pagsasanay. Matapos ang unang paksa ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas na makapagtanong sa open forum. Dumalo sa idinaos na opening ceremony ang mga Deputy Secretaries General mula sa ibat ibang departmento ng Kapulungan.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

MGA KONSEPTO PARA SA KAUNLARAN AT MGA USAPIN, TINALAKAY PARA SA KAALAMAN NG MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS

Upang mabahagian ang mga bagong halal na mambabatas sa ika-19 na Kongreso ng kasanayan at pang-unawa sa lehislasyon, tinalakay sa paunang sesyon ng Executive Course on Legislation ngayong Lunes ang paksang “Understanding Development Concepts, Indicators, and Approaches; Current Issues and Challenges in Philippine Development.” 


Ang unang paksa ay tinalakay ng unang tagasanay na si Dr. Enrico Basilio, isang Associate Professor ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), na dalubhasa sa economic development, policy analysis at reform, gayundin ang economics of public enterprises, at iba pa. 


Sinimulan niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa kahulugan ng kaunlaran bilang “the process by which a nation improves the economic, political and social well-being of its people.” 





Kaugnay nito, tinalakay niya ang Sustainable Development Goals dahil ito ang nakatutok sa mga tao bilang pinakamahalaga at pinaka sentro ng kaunlaran dahil sa kanila ito nagsisimula, nagpapatupad at nagiging benepisaryo. 


Inilarawan ni Basilio ang balangkas kung saan ay kailangang ikonsidera ng bawat isa ang polisiya, kalikasan, regulasyon, pagtatayo ng institusyon at kaunlaran sa imprastraktura. Ginawa niyang halimbawa ang Philippine Ports Authority (PPA) sa kanilang pagtatayo ng institusyon, at mga inisyatiba upang matanggal ang mga magkakasalungat na mandato at tungkulin. 


Sa kabilang dako, kanyang sinabi na may mga mahahalagang mungkahi para sa pagpapaunlad ng mga imprastraktura upang maisulong ang mga aktibidad pang-ekonomiya ng bansa. At sa panghuli, sa bahagi ng pamamahala, sinabi ni Basilio dapat tiyakin ng Kongreso na ang mga naglalaro sa merkado ay matino. 


“Glad that Congress passed the Philippine Competition Act that physically establishes the Philippine Competition Commission that is tasked to ensure no market player misbehaves or exhibits anti-competitive behaviors” aniya. 


Ang tatlong araw na kurso sa lehislasyon ay inorganisa ng Office of the Secretary-General, kaakibat ang UP-NCPAG Center for Policy and Executive Development (CPED).


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Friday, June 24, 2022

MGA KAWANI NG KAPULUNGAN PATULOY ANG PAGHAKBANG TUNGO SA MALUSOG NA LANDAS SA PAMAMAGITAN NG PAGLALAKAD NGAYONG HUWEBES

Muling napuno ng sigasig at pagkasabik ang mga opisyal at kawani ng secretariat, kabilang ang mga congressional staff ng Kapulungan ng mga Kinatawan , nang kanilang simulan ang isa pang araw ng malusog na pamumuhay sa idinaos na Thursday Walk. 


Ang aktibidad sa paglalakad ngayong linggo ay may temang "Happiness walks on busy feet," na nagpapahiwatig na ang kaligayahan ay maaari ding makamit sa pamamagitan ng isang malusog na isip at katawan. 

Ang mga kalahok ay nagpapanatili ng kanilang mga paa sa paggalaw at nakumpleto sa pag-ikot sa paligid ng Batasan Complex area sa kabila ng maulap na kalangitan. 

Ang House Printing and Reproduction Service sa pamumuno ni Director Edwin Avenido ang nanguna sa aktibidad ngayong Huwebes. Ang Thursday Walk ay inisyatiba ni Speaker Lord Allan Velasco, sa suporta ni Secretary-General Mark Llandro Mendoza, upang palakasin at panatilihin ang kalusugan ng mga kawani ng Kapulungan, na titiyak sa walang patid na paglilingkod sa pamahalaan.

Wednesday, June 22, 2022

MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, NAG COURTESY CALL KAY HOUSE SECGEN

Mainit na tinanggap ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang ilang bagong halal na mambabatas kamakailan, sa ika-19 na Kongreso, na nakatakdang magsimula ng sesyon sa ika-25 ng Hulyo 2022. 


Sila ay sina Caloocan Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy, Palawan Rep. Jose Alvarez, Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan, at AnaKalusugan Rep. Ray Florence Reyes. 


Personal na iniabot ni Mendoza ang mga briefing kits at lapel pins sa kanila, gayundin ang pagbabahagi sa kanila ng mga dapat nilang malaman hinggil sa loob at labas ng Kongreso. 


“The Secretariat will always be there to support them and assist them. Nandyan naman yung bill drafting service natin,” pagtitiyak niya. 


Samantala, nag-organisa ang Secretariat ng One-Stop Shop, kung saan ang mga bagong halal na mambabatas at ang kanilang mga staff ay makakaharap nila ang iba’t ibang kinatawan ng mga departamento sa Kapulungan, para sa kanilang mga katanungan at mga pangangailangan. 




Upang mas mabigyan ng kaalaman ang mga mambabatas, sinabi ni Mendoza na tatlong araw na oryentasyon ang kanilang isasagawa sa tulong at pakikipag-ugnayan sa University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG). 


Kasama ng Ilan sa mga magiging tagapagsalita mula sa UP-NCPAG, maaasahan din ng mga bagong halal na mambabatas ang tulong at gabay sa mga dating kinatawan, na inanyayahan upang malalimang talakayin ang iba’t ibang paksa sa lehislatura at mga administratibong usapin.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

KAMARA DE REPRESENTANTES, GAGAMIT NA NG SOLAR ENERGY

Nagpasya ang Kamara de Representantes, sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco na gumamit na ng enerhiya mula sa araw, upang mabawasan ang pagbubuga ng usok sa kalawakan, at upang makatipid sa paggamit at halaga ng kuryente na nakokonsumo nito.


Sa isang panayam nitong Martes kay Engineering and Physical Facilities Department (EPFD) Deputy Secretary General Engr. Floro Banaybanay, sinabi niya nagsimula na silang maglagay ng mga solar panels sa gusali ng South Wing Annex (SWA) na nasa loob ng Batasang Pambansa Complex. 


Binanggit niya na ang kapasidad ng 200-kilowatt solar panels sa bubong ng gusali na ikinabit, ay upang mailawan ang buong gusali. 


Sinabi niya na layunin nila na maglagay pa ng mga karagdagang solar panels sa iba pang mga gusali na nasa loob ng complex.





"Kahit iyong ating steel parking, that's the best na lagyan (ng solar) iyong third floor," aniya. 


Ipinaliwanag ni Banaybanay na ang mga bagong kabit na solar panels ay makakatulong sa Kamara na makatipid mula 30 hanggang 35 porsyento ng kinokonsumong kuryente. 


Idinagdag niya na plano ring bumili ang Kamara ng mga electronic jeeps at maglalagay din sila ng charging stations sa Phase 2 ng proyekto sa pagkakabit ng solar panel. 


"Ang intention natin for this (Batasan) complex is to be compliant to the government mandates. Kailangan natin magtipid sa kuryente at krudo," aniya. 


Ang pagkakabit ng mga solar panels sa gusali ng SWA ay isa sa mga pangunahing proyekto ni Speaker Velasco, na nakatuon sa pagmomodernisa ng mga pisikal na pasilidad sa Batasan Complex. 


Kasama sa idinaos na panayam si EPFD Executive Director Engr. Renato Dela Torre.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters