MGA BAGONG HALAL NA MAMBABATAS, NAG COURTESY CALL KAY HOUSE SECGEN
Mainit na tinanggap ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang ilang bagong halal na mambabatas kamakailan, sa ika-19 na Kongreso, na nakatakdang magsimula ng sesyon sa ika-25 ng Hulyo 2022.
Sila ay sina Caloocan Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy, Palawan Rep. Jose Alvarez, Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan, at AnaKalusugan Rep. Ray Florence Reyes.
Personal na iniabot ni Mendoza ang mga briefing kits at lapel pins sa kanila, gayundin ang pagbabahagi sa kanila ng mga dapat nilang malaman hinggil sa loob at labas ng Kongreso.
“The Secretariat will always be there to support them and assist them. Nandyan naman yung bill drafting service natin,” pagtitiyak niya.
Samantala, nag-organisa ang Secretariat ng One-Stop Shop, kung saan ang mga bagong halal na mambabatas at ang kanilang mga staff ay makakaharap nila ang iba’t ibang kinatawan ng mga departamento sa Kapulungan, para sa kanilang mga katanungan at mga pangangailangan.
Upang mas mabigyan ng kaalaman ang mga mambabatas, sinabi ni Mendoza na tatlong araw na oryentasyon ang kanilang isasagawa sa tulong at pakikipag-ugnayan sa University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG).
Kasama ng Ilan sa mga magiging tagapagsalita mula sa UP-NCPAG, maaasahan din ng mga bagong halal na mambabatas ang tulong at gabay sa mga dating kinatawan, na inanyayahan upang malalimang talakayin ang iba’t ibang paksa sa lehislatura at mga administratibong usapin.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
<< Home