Thursday, June 30, 2022

DALAWANG ARAW NA SEMINAR-WORKSHOP PARA SA BASIC RECORDS AT ARCHIVES MANAGEMENT, TINAPOS NA NG KAPULUNGAN

Bilang isang institusyon na nangangalaga ng mga mahahalagang dokumento at talaan, tinapos na ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco ngayong Huwebes ang dalawang araw na workshop nito sa basic records at archives management para sa mga kalahok na kawani. 

Ito ay inorganisa ng Administrative Department na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Ramon Ricardo Roque, CESO I, Diplomate, kaakibat ang National Archives of the Philippines (NAP), na naglalayong magbigay ng pangunahing pangkalahatang-ideya upang makasunod sa mga makabagong pamamaraan, mga konsepto, mga panuntunan at regulasyon, gayundin ang mga pamamaraan upang matagumpay na pamahalaan ang mga talaan sa tanggapan sa isang makabagong kapaligiran. 

Tinalakay ni NAP Senior Records Management Analyst Larry Pardilla sa sesyon noong umaga, ang pag-aayos ng mga talaan. Aniya, ang tamang pag-aayos ng mga talaan ay makatutulong sa Kapulungan na makatipid sa oras, espasyo, salapi, kagamitan, at mga talaan. 

Pagkatapos ay ibinahagi naman ni NAP Records Management Analyst II Abraham Arucan ang pangangailangang magtatag ng records center, na kailangan sa ilalim ng “National Archives of the Philippines Act of 2007.” Samantala, tinalakay naman ni NAP Archivist II Amiel Pangilinan ang tungkol sa archives administration, partikular ang: 1) pag-unawa sa archives; 2) mga prinsipyo at gawi nito; at 3) seguridad ng mga rekord o mga hakbangin sa proteksyon upang pangalagaan ang mga pampublikong dokumento. 

Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Pangilinan ang kahalagahan ng pag-iingat ng mga archive, upang ito ay mapakinabangan din ng mga susunod na henerasyon. 

Sa kanyang pangwakas na mensahe, sinabi ni Records Management Service (RMS) Director Billy Uy na ang nasabing seminar ay simula pa lamang ng pagsisikap ng Kapulungan na bumuo ng gabay sa pag-uuri ng dokumento, at protektahan ang mga pampublikong talaan na nasa pangangalaga nito. 

Hinimok din ni Uy ang mga kalahok na gawin ang kanilang makakaya at pagbutihin pa ng buong kakayahan ang paghahatid ng serbisyo sa publiko. “Personal appeal ko po, alagaan natin ang records natin. 

Pag ni-record natin nang maganda, madali rin nating mahahanap. Let us continue to become the instruments of change towards achieving our collective goal of a systematic Records and Archives Management Program,” aniya.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

Free Counters
Free Counters