Wednesday, December 30, 2020

-PAHAYAG NI SPEAKER LORD ALLAN VELASCO HINGGIL SA ‘CORRUPTION LIST’ NG PACC

Ipinahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na ang mga mambabatas na pinangalanan ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC na sangkot sa katiwalian ay hindi kailanman naimbitahan upang magbigay ng paliwanag sa kanilang pagkakasangkot sa anumang katiwalain at umalabas na ang PACC ay wala pang ginagawang pagsisiyasat sa pagdadawit sa kanilang mga pangalan, dahil sila ay nabibilang sa ibang sangay ng gobyerno, na wala sa mandato ng kanilang komisyon.


Matandaang isiniwalat kamakailan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng ilang opisyales ng gobyerno na umano’y sangkot sa mga katiwalain dahil sa siya ay naniniwala na dapat na malaman ng sambayanang Pilipino kung ano ang nilalaman ng ulat na isinumite sa kanya ng PACC.


Ngunit, ayon sa Speaker, nilinaw umano ng Pangulo na ang bawat inaakusahan ay ipinapalagay na walang sala at ang pag-aanunsyo ay hindi nangangahulugan ng pagsasakdal at tiniyak daw ng Pangulo na ang pagsisiwalat ng mga pangalan ng mga opisyales ay hindi nangangahulugan na sila ay may sala at ang publiko ay hindi dapat na humusga na ang kanilang pagkakasangkot ay totoo.


Napakahalaga aniya, na mabigyan ng pagkakataon ang mga pinangalanang opisyales na makatugon sa mga alegasyon ng katiwalian at dapat sumailalim sa angkop na pamamaraan ng batas, ng isang masusing pagsisiyasat, upang malaman kung may sapat na katibayan upang masuportahan ang mga alegasyon laban sa kanila.


Idinagdag pa ng lider ng Kamara na ayon sa panuntunan ng ating mga batas, naniniwala daw sila na dapat na dalhin ang kaso sa tanggapan ng Ombudsman, dahil limitado ang hurisdiksyon ng PACC sa mga opisyales ng ehekutibo lamang, at hindi sa lehislatura.

Tuesday, December 29, 2020

-MENSAHE NI SPEAKER LORD ALLAN VELASCO PARA SA PAGGUNITA NATIN NG RIZAL DAY NGAYONG ARAW NA ITO

Sa paggunita nating mga Pilipino ngayong araw na ito ng kamatayan ng ating mahal na pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na ito ay isa sa pinaka-makahulugang araw sa ating kalendaryong nasyunal.


Ang pagbitay sa kanya noong taong 1896, ayon pa kay Velasco, ay ang naghudyat ng pagsisimula ng rebolusyong pakikidigma, na siyang nagwakas sa mahigit na tatlong daang taon na pananakop sa ating bansa ng mga Kastila.


Sinabi ng Speaker na kinilala si Rizal bilang isang napakatalinong Pilipino, na tunay na nagmahal sa ating bansa, kinakatawan niya ang pambansang halimbawa ng pagmamalaki, kahusayan at pagkamakabayan.


Idinagdag pa ni Velasco na kahit pa lumipas na ang 124 na taon ay nananatili pa ring makabuluhan para sa sambayanan ang mga prinsipyo at impluwensya ni Rizal sa kasalukuyan. 


Giit pa ni Speaker Velasco na habang ating ginugunita ang mahalagang araw na ito sa ating kasaysayan, nawa’y magsilbi umanong inspirasyon sa ating lahat ang mga sakripsyo at kabayanihan ni Dr. Rizal, sa gitna ng pinakamalubhang krisis pangkalusugan ng ating panahon.


Dagdag pa niya na nawa’y ang kabayanihan ni Rizal ay maging gabay natin upang makaahon sa pandemyang ito, at maipagpatuloy natin ang ating pagsisikap para sa mas magandang buhay, para sa ating kasalukuyan at hinaharap na henerasyon ng mga Pilipino.

Monday, December 28, 2020

-PINAPURIHAN NI SPEAKER VELASCO ANG PAGKAKALAGDA NI PRRD SA 2021 NATIONAL BUDGET

Pinapurihan ni House Speaker Lord Allan Velasco si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakalagda nito bilang ganap na batas kahapon sa makasaysayang P4.506-trillion national budget para sa taong 2021.


Inilarawan ni Speaker Velasco ang 2021 General Appropriations Act (GAA) bilang isang “all-important measure” na tutugon sa kasalukuyang COVID-19 pandemic na kinakaharap ng bansa na matinding puminsala sa ating ekonomiya at mga buhay ng milyun-milyong mga Filipino sa buong kapuluan ng bansa.


Sinabi ng Speaker sa isang pahayag na ang P4.506-trillion national budget na inaprubahan ng Kongreso ay ang pinaka-malaking paglalaan sa kasaysayan ngunit ito naman ang maglalagay sa magandang posisyon ng bansa upang labanan ang public health crisis at upang makabangon ang bansa sa matingding epekto nito sa mga mamamayan.


Idinagdag pa ng Lider ng Kamara na ito rin ay isang repleksiyon ng seryosong commitment at malakas na resolusyon ng pamahalaan na talunin ang virus at ibalik ang ekonomiya ng bansa sa dati nitong estado.

-DAGDAG SA BUDGET NI VP LENI NA P229 MILYON, WALANG ADDITIONAL NA PONDO PARA SA PAG-ANGKAT NG BAKUNA

Sa nakatakdang paglagda ni Panginong Rodrigo Duterte sa P4.5 trillion Nationa Budget for 2021, may probisyong dagdag sa budget ni Vice President Leny Robredo na P229 million na ieksaktong P900 million increase sa budget nito sa susunod na taon.


Ito ang ipinahayag ni Anakalusugan Rep Mike Defensor kahapon ng kanyang sinabi na base sa final version ng panukalang budget, dinagdagan ng Kongreso ang kanilang pondo ng tig-iisang bilyong piso bawat isa na umabot kabuoang P28.5 bilyon at ang outlay para sa tanggapan ng pangulo ay P8.2 bilyon.


Ayon kay Defensor, ang P229 milyon na augmentation para kay Robredo ay posibleng mapunta sa financial assistance/subsidy allocation na katumbas ng pork barrel ng mga mambabatas at upang ipambili ni VP anim na mga bagong sasakyan.


Iginiit ni Defensor na ang karagdagang pondo para kay Robredo ay parte ng P183 billion realignment ng dalawang Kapulungan manggagaling sa programmed o tax-funded na bahagi ng budget.


Idinagdag pa ni defensor na wala sa dagdag na pondo ang para sa procurement ng Covid-19 vaccines na kakailanganin para sa pagsalba ng mga buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.

Monday, December 21, 2020

-SPEAKER LORD ALLAN VELASCO, NAKIDALAMHATI SA MGA NAGING BIKTIMA NG PAMAMARIL NG ISANG PULIS SA TARLAC

Nagpahayag ng pakikidalamhati si House Speaker Lord Allan Velasco sa pagkakapaslang sa isang mag-ina ng isang opisyal ng pulis sa Paniqui, Tarlac kahapon (21 dec).


Sinabi ng Speaker na nauunawaan niya ang nararamdamang galit ng mga mamamayan sa naturang pangyayari.


Ayon sa kanya, nakikiramay siya sa pamilya ni Gng. Sonya Gregorio at ang kanyang anak na si Frank Anthony, lalo na ang mga kabataan at mga inosenteng kaanak na, sa kasawiangpalad ay naging saksi sa karumal-dumal na pagpatay.


Umaasa siya na ang mga pangyayari sa pagpaslang ay masusing sisiyasatin ng mga autoridad at kanilang makamit ang katarungan sa madaling panahon.


Ang suspek na si Police Officer Jonel Nuezca ay dapat umanong managot at matiyak dito ang epektibong prosekusyon sa kaso.


Ang pangyayari ay naging daan upang gisingin, dagdag pa ng Lider ng Kamara, ang liderato ng Philippine National Police na paalalahanan ang mga opisyales, sa wasto at responsableng paggamit ng sandata at dapat na maging mahinahon sa pagpapatupad ng tungkulin sa lahat ng oras.

   


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-DESISYONG WALANG PUTULAN NG KURYENTE NG MERALCO HANGGANG KATAPUSAN NG ENERO 2021, MALUGOD NA TINANGGAP NI VELASCO

Malugod na tinanggap ni House Speaker Lord Allan Velasco ang desisyon ng Manila Electric Cooperative (MERALCO), na palawigin ang kanilang polisiya na - walang mapuputulan ng kuryente hanggang sa ika-31 ng Enero 2021, dahil sa hindi nabayarang konsumo.


Ang desisyon ay dahil na rin sa kanyang pakiusap sa kompanya, upang mabigyan pa ng panahon ang mga konsyumer, at para na rin sa diwa ng bayanihan sa gitna pandemyang dulot ng COVID-19.


Sinabi ng House Speaker na ang ekstensyong ibinigay sa ating mga kapwa Pilipino ngayong panahon ng kapaskuhan, ay magbibigay kaginhawahan sa mga labis na naapektuhan ng pandemya at mga natural na kalamidad.


“Ang mabuting hakbang na ito ng Meralco ay malayo ang mararating upang matulungan ang ating mga kababayan na maramdaman ang seguridad,” dagdag pa niya.


Nauna rito, lumiham si Speaker Velasco kay Meralco President Ray Espinosa, na nakikiusap sa kompanya na palawigin ang kanilang polisiya, na walang putulan ng kuryente sa panahon ng kapaskuhan hanggang sa katapusan ng Enero 2021.





Ayon kay Velasco, ang ekstensyon ng panahon na walang putulan ng kuryente ay makakatulong sa mga kostumer ng Meralco na maharap ang mga pagsubok dulot ng pandemya.


“Pinasasalamatan natin ang Meralco sa pagbibigay ng ekstensyon, tulad ng nauna na ninyong ibinahagi noong kasagsagan ng pambansang lockdown, at ating inaasahan na paiiralin ninyong muli ang konsiderasyon ngayong kapaskuhan,” ani Velasco sa kanyang liham sa Meralco noong ika-30 ng Nobyembre 2020.


Sa kanyang tugon sa liham, ipinaabot ni Espinosa kay Velasco na matapos ang “maingat na pagsusuri at konsiderasyon” sa kanyang kahilingan, ay pumayag ang Meralco na palawigin ang polisiya ng walang putulan ng kuryente mula ika-31 ng Diyembre 2020 hanggang ika-31 ng Enero 2021.


Sinabi ni Espinosa na ang pagpapalawig ay pakikinabangan ng tatlong milyong kostumer na kumunsumo ng mas mababa sa 200 kilowatt kada oras sa buwan ng Disyembre 2020.   

 

Ang bilang ay kumakatawan sa 47 porsyento ng kabuuang kostumer ng Meralco, ayon pa kay Espinosa.


Pinasalamatan ni Velasco si Espinosa sa “pagpapamalas ng diwa ng bayanihan at pagdamay sa kalagayan ng ating mga mahihirap na kababayan.”


“Ito ang tanging paraan upang mapaglabanan natin ang nararanasang hirap sanhi ng pandemya, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng ating mga pinuno mula sa pribado at pampublikong sektor, upang guminhawa ang buhay,” ani Velasco.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Friday, December 18, 2020

-SPEAKER VELASCO, PINASALAMATAN ANG MGA EMPLEYADO NG KAMARA SA TULONG, PAGKAKAISA, KASIPAGAN, AT KOOPERASYON SA TAONG 2020

Habang idinaraos ang unang online Christmas Program ngayong araw ng mga opisyales at kawani ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, ay sinamantala ni House Speaker Lord Allan Velasco ang pagkakataon, upang siya ay makapagpahayag ng kanyang pasasalamat sa koopersayon, kasipagan at tiyaga na ipinamalas ng mga manggagawa ng Kongreso, na nagbigay daan para sa isang masaganang ika-18 Kongreso sa panahong ito ng kahirapan.


Sinabi ni Speaker Velasco na ang 2020 ay isang matinding pagsubok para sa mga katulad nilang lingkod-bayan, at naniniwala ako na tayo ay nakapagdulot ng maayos na paglilingkod.


Ang ika-18 Kongreso ay naging ganap na produktibo sa kabila ng mga sinuong nating hamon. At tinatanaw natin ito na malaking utang na loob sa inyong lahat, aniya.


Kinilala ni Speaker Velasco ang mga matatapang na kawani, na walang takot na sinuong ang banta ng pandemya, upang paglingkuran ang Kamara sa mga inisyatiba para makapaghatid ng tulong sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo.


Sa kabila ng dilim na naranasan ng bansa ay nakapaghandog tayo ng liwanag sa ating mga kababayan. Ipinamalas natin ang pinakamahusay na kaugalian ng mga Pilipino.

Wednesday, December 16, 2020

-DEPUTY SPEAKER REVILLA, NANUMPA SA TUNGKULIN

Nanumpa ngayong araw ( 15 Dec) bilang Deputy Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Cavite Rep. Strike Revilla kay Speaker Lord Allan Velasco.


Ang panunumpa ni Revilla ay sinaksihan ng kanyang may-bahay na si Chaye, at iba pang miyembro ng kanyang pamilya.


Si Revilla ang Chairman ng Komite ng Housing and Urban Development sa Kamara bago siya nahirang na Deputy Speaker kahapon.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-PROTEKSYON SA REMITTANCE NG OFWs, PASADO SA HULING PAGBASA

Sa nalalapit na pagsapit ng Pasko, ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco, ay patuloy na tinutupad ang kanilang mandato na makapagpasa ng mga batas na tutugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino.

Ipinasa kahapon (14 Dec)  ng Kamara, sa huling pagbasa ang panukalang “Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act.” Sa nagkakaisang boto na 224 ng Kamara ay ipinasa ang House Bill 7951, na naglalayong protektahan ang mga pinaghirapang kita ng mga OFWs, na kanilang ipinadadala sa kanilang mga pamiyla, laban sa mga matataas na interes at labis labis na kabayaran na sinisingil ng mga pinansyal institusyon.


Sa ilalim ng panukala ay ipagbabawal ang lahat ng bangko at mga pinansyal institusyon na nag-aalok ng mga serbisyo sa mga OFWs sa pagpapadala ng pera, na magtataas ng kabayaran sa kanilang serbisyo nang walang paunang konsultasyon sa Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Overseas Employment Administration.


Limampung porsyento na diskwento sa kabayaran ng remittance ng OFWs ang minamandato ng panukalang batas, sa pagpapadala ng pera sa kanilang mga pamilya.





Inaprubahan din ng Komite sa huling pagbasa ang HB 8005 o ang “National Convergence Strategy for Sustainable Rural Development (NCS-SRD) Act; HB 7886 o ang “Stealing or Vandalizing of Government Road and Traffic Signs and Devices Act”; at HB 8065, na nagpapataw ng buwis sa mga aktibidad ng offsite betting sa mga lokal na lisensyadong sabong.       


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Tuesday, December 15, 2020

-EKSTENSIYON NG EFFECTIVITY NG BAYANIHAN 2, APRUBADO NA KAMARA

Matapos masertipikahan bilang urgent bill kahapon ay agad ding inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang pagpapalawig ng effectivity ng Bayanihan 2. 


Sa botong 179 na pabor at anim na pagtutol, palalawigin na hanggang June 30, 2021 ang appropriations provision ng RA 11494 o Bayanihan to Recover as One Act mula sa orihinal nitong effectivity na hanggang December 19, 2020 lamang. 


Partikular na ineextend dito ang paggamit sa natitira o available pang pondo ng Bayanihan 2.


Naglaan ang pamahalaan ng P140 billion na regular appropropriation sa ilalim ng Bayanihan 2 at dagdag na P25 billion standby fund.


Sa statement ni House Speaker Lord Allan Velasco, tiniyak nito na suportado nila ang hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang Bayanihan 2 upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng pandemiya lalo na sa socio-economic na aspeto nito.

Sunday, December 13, 2020

-GAGAWIN NANG ABOT-KAYA NG MGA PASYENTE NG KANSER SA CANCER CONTROL PROGRAM NG PAMAHALAAN — VELASCO

Pinuri ni House Speaker Lord Allan Velasco ang desisyon ng pamahalaan na isama sa final version ng P4.506-trillion 2021 national budget ang probisyon na gawing abot-kaya ng mga pasyente ang programa sa serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan para sa pagkontrol ng sakit na kanser. 


Sinabi ni Velasco na P620-milyon ang inilaan ng Kongreso para sa implementasyon ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control (NICC) Act of 2019, na sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa paghadlang, paglunas at mga gamot sa ilalim ng programa na pangangasiwaan ng Department of Health (DOH).


Sa pamamagitan ng pondong ito, magagawaran na ng gobyerno ang mga pasyenteng may kanser ng mas maayos na serbisyo, at mas tumutugon na abot-kayang programa sa pangkalusugan.


Pinasalamatan ni Speaker Velasco ang mga mambabatas na kasapi sa bicameral conference committee, na pinamunuan ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, upang matiyak na ang NICC ay mapopondohon sa ilalim ng 2021 na pambansang badyet.


Kasama sina Yap at Davao City Rep. Paolo Duterte, nauna nang nangako si Velasco na titiyakin niya, na may nakalaang sapat na pondo sa 2021 badyet upang tulungan ang mga pasyenteng may kanser.

   

Binanggit ni Duterte, na ang butihing ina niya ay isang kanser survivor at ngayon ay isa sa mga nagsusulong ng adbokasya ng breast cancer, na kinakailangang iprayoridad ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga walang sapat na kita o walang kakayahan upang labanan ang kanilang mga karamdaman.

Thursday, December 10, 2020

-2021 NA TUMUTUGON SA PANDEMYA, HANDA NA PARA LAGDAAN NI PANGULONG DUTERTE AYON KAY VELASCO

Niratpikahan na ng Kamara de Representantes sa sesyon nito kahapon, sa pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco, ang bicameral conference committee report hinggil sa panukalang P4.506-trillion national budget para sa taong 2021.


Sinabi ni Speaker Velasco na ang bansang Pilpinas ay nasa mas maayos na kalagayan upang sugpuin ang COVID-19, at makabawi mula sa mapaminsalang epekto nito sa susunod na taon.


Ayon kay Velasco, ang nakatalang panukala ay isusumite na sa Malacañang sa susunod na linggo para lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang ito ay maging ganap na na batas.


Idinagdag pa ng lider ng Kapulungan na ang pambansang badyet na ito ay sumasalamin sa seryosong pangako ng administrasyon ni Duterte para sugpuin ang COVID-19 at ibalik ang ekonomiya ng bansa sa tamang landas.

Monday, December 07, 2020

-PANUKALANG ILILIBRE SA BUWIS ANG MGA MEDICAL FRONTLINERS, APRUBADO

Inaprubahan ngayong araw (dec 7) ng Komite ng Ways and Means, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ang substitute bill na wala pang numero, sa House Bills 984, 2901, 3751, 7351, 7523, at 7978, na naglalayong ilibre sa buwis ngayong 2020 ang mga nagtatrabaho bilang mga medical frontliners.


Layon ng panukalang “Handog sa mga Bayaning Lumaban Kontra COVID-19 Act” na hindi sila pagbabayarin ng 25 porsyentong income tax ng kanilang sahod ang mga medical frontliners.


Ayon sa panukala, ang mga medical frontliners ay ang mga taong nagtatrabaho sa mga serbisyong may kaugnayan sa kalusugan tulad ng mga ospital, klinika at iba pang medikal na institusyon, pribado man o pampubliko, na gumagamot sa mga pasyenteng may COVID-19.


Binigyang halaga ni Salceda ang paggagawad ng libreng buwis sa mga medical frontliners, na tinatayang 46,000 sa kanila ang nahawaan ng sakit.




Samantala, sinabi ni Dr. Noemi Sarabia, Governor ng Philippine Medical Association (PMA) Central Tagalog Region, na napakalaking tulong ng panukala sa mga medical frontliners sa gitna ng krisis pangkalusugan, lalo na at ang kanilang mga pasyente ay kabilang sa mga labis na mahihirap.


Inaprubahan din ng Komite ang substitute bill na wala pang numero, sa HBs 4175, 6214, 6285, 7249, 7256, 7280, 7294, 7313, at 7360, na naglalayong itatag ang Boracay Island Development Authority.


Isinasaad sa panukala na ang mga rehistradong establisimiyento ng Boracay Islands Special Economic and Tourism Zone ay may karapatan sa insentibong fiscal at non-fiscal na iginawad sa ilalim ng Executive Order 226 o ang “Omnibus Investments Code of 1987.”        


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-KAUNA-UNAHANG VIRTUAL FLAG RAISING CEREMONY SA KAMARA, IDINAOS KASABAY NG PAGDIRIWANG NG LINGGO NG KARAPATANG PANTAO

Idinaos ngayong araw (dec 7) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kauna-unahang virtual flag raising ceremony, simula nang ipatupad ang lockdown noong buwan ng Marso dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Pinangunahan ng Committee on Human Rights sa Kamara na pinamumunuan ni Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay ang seremonya at pagsisimula ng isang linggong pagdiriwang ng “Human Rights Consciousness Week.”


Bilang paggunita sa pagdiriwang na may temang “Recover Better, Stand Up for Human Rights: We Heal as One,” tinuran ni House Speaker Lord Allan Velasco, ang kahalagahan ng paniniguro sa karapatang pantao ng lahat ng mamamayan.


Sinabi ni Speaker Velasco na sa araw na iyon, sila ay nagsama-sama bagama’t sila ay magkakalayo.


Nagkakaisa umano sila upang itaguyod ang isang mas magandang daigdig.


Noong taong 1948 daw, mula sa abo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Universal Declaration on Human Rights, at ito ang nagbigay-diin sa kahalagahan ng paggagawad ng karapatang pantao sa lahat ng mga mamamayan.


Ito rin daw ang naging simula ng pagdiriwang ng Human Rights Day tuwing ika-10 ng Disyembre,” ani Speaker.


Ang paggunita sa Human Rights Consciousness Week ay alinsunod sa Republic Act 9201, upang pukawin ang kamalayan ng mga mamamayan sa pangunahing karapatang pantao, gayundin upang isulong ang kultura ng karapatang pantao para sa pagpapanatili ng kaunlaran ng bansa.




Samantala, sinabi ni Suntay na noong ika-10 ng Disyembre 1948 sa Paris, France, ang Universal Declaration of Human Rights na nagpapabilang sa pagsusulong ng pandaigdigang respeto at paggunita sa karapatang pantao at pangunahing kalayaan, na isinasaad sa 30 Artikulo, ay pinagkaisa ang 40 Miyembro ng UN General Assembly.


Sinabi ni Suntay na ang mga panahong iyon, na winasak ng kalupitan at pagpapahirap ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang kaisa-isang manipesto na nagbigay ng pag-asa, kapayapaan at pagkakasundo sa pagitan ng mga bansa.


Gayundin, sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na ang bawat tao ay may karapatan sa pangunahing dignidad, pantayna karapatan na mamuhay at pakikipagkapwa, pantay na pakikitungo hinggil sa antas ng pamumuhay sa lipunan at kultura, karapatan sa pamamahayag, karapatan na mapakinggan, mapangalagaan, at karapatan bilang isang tao na may pamilya, lipunan at mundo.


Sa panahon ng kahirapang dinaranas, hindi lamang sinusuong ng mga tao ang usapin sa kalusugan dahil sa pandemya, sinabi niya na ang buong bansa, kabilang na ang mga lokal na pamahalaan, mga pribadong kompanya, at mga institusyon ay nagsusulong ng pisikal, mental at emosyonal na kahusayan ng mga Pilipino.


Aabot sa 1,000 opisyales at kawani ng Kamara ang dumalo sa idinaos na flag raising ceremony sa pamamagitan ng Zoom, habang ang iba naman ay nanood sa FB livestream.                


#SpeakerLordAllanVelasbco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-PETSA NG HULING ARAW NG PAGKAKABIT NG RFID, IPINANAWAGAN NI SPEAKER VELASCO NA PALAWIGIN HANGGANG SA KATAPUSAN NG MARSO 2021

Nakiusap kahapon (dec 7) si House Speaker Lord Allan Velasco sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ang huling araw ng pagkakabit ng radio-frequency identification (RFID) stickers sa mga sasakyan na ginagamit sa mga tollways hanggang sa huling bahagi ng unang kwarter ng 2021.


Sinabi ni Speaker Velasco na sa mga huling kaganapan ay ipinapalagay niya na hindi lahat ng 6.1-milyong rehistradong sasakyan sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON ay makakabitan ng RFID stickers hanggang ika-11 ng Enero 2021.


Dapat ding tingnan ng DOTr ang pandenya na dahilan kung bakit marami sa mga may-ari ng sasakyan ang hindi lumalabas ng bahay upang magpakabit ng RFID stickers. 


Mas magiging makatuwiran aniya kung ang petsa ng huling araw ay palalawigin hanggang ika-31 ng Marso 2021 upang mabigyan pa ng sapat na panahon ang mga motorista na makapagpakabit ng RFID para sa sistema ng cashless payments sa mga tollways dahil na rin sa magpahanggang ngayon ay nasa ilalim pa tayo ng pandemya at ang bawat pagkilos ay napakalimitado.


Ang pakiusap ni Velasco ay kanyang ipinaabot sa kagawaran dahil sa mga nararanasang pagsisikip ng trapiko sa implementasyon ng cashless payment sa iba’t ibang expressways simula pa noong ika-1 ng Disyembre.




Ibinahagi ng Speaker ang mga obserbasyon na ginawa ng Komite ng Transportasyon sa Kamara, na nagdaos ng motu-proprio na pagdinig noong ika-25 ng Nobyembre, bilang pangunguna sa mga suliraning inaasahan sa implementasyon ng cashless payments sa mga tollways.


Binanggit ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, Chairman ng Komite ng Transportasyon, sa Kamara, na ang mga bansang Thailand at Indonesia ay inabutan ng isang taon at kalahati bago naging ganap na cashless.


“Bilang paghahalintulad, limang buwan pa lamang simula ng iutos ng DOTr ang Department Order 2020-012 para sa implementasyon ng cashless payment,” punto ni Sarmiento.


Habang dinidinig ng Komite ni Sarmiento ang usapin sa Kamara ay nabatid din na ang mga RFID Reader Equipment Machines ng North Luzon Expressway (NLEX) ay hindi pa naa-upgrade.


“Dapat munang tiyakin ng mga kaugnay na ahensya ang kahusayan ng paglipat sa cashless, na seseguro sa oras na ibinigay sa mga may-ari ng sasakyan,” ani Velasco.


Idinagdag niya na: “Sa halip ay naging dry-run ang implementasyon noong ika-1 ng Disyembre. Hindi nito natugunan ang layunin para maging episyente ang tollways na gawing cashless.”


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Saturday, December 05, 2020

-Magaan na pamumuhunan sa bansa upang makaakit ng mga dayuhang negosyante at dagdag na trabaho - Speaker Velasco

Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na kailangangang pagaanin ang mga patakaran sa pamumuhunan sa bansa upang tayo ay makaakit ng mas marami pang dayuhang negosyante, lalo na sa sektor ng agrikultura at sa manufacturing industry.

Sa talumpati ni Speaker Velasco sa harap ng mga pinuno at miyembro ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines (JFC) at mga lokal na mga grupo ng negosyante sa isang isang virtual conference noong Huwebes, sinabi nito na mas maraming dayuhang pamuhunan sa agrikultura at industriya ay mangangahulugan ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.


Labis na kailangan natin ang malawakan at sapat na pamumuhunan sa mga sektor na ito upang makalikha at makapagpanatili tayo ng mas maraming trabaho, ani Velasco sa kanyang talumpati sa ika-9 na ARANGKADA Philippines Forum na pinamagatang “Foreign Investment in the Post-Pandemic Philippines.”


Sinabi ni Velasco na ang agrikutura at industriya ng pagmamanupaktura ay dapat na mapagkukunan ng trabaho, lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na marami sa kanila ay napilitang umuwi mula sa ibayong dagat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.


Ayon sa kanya, nakalulungkot na ang mga Pilipinong manggagawa ang unang tinanggal sa trabaho sa ibang bansa dahil mas kailangan muna nilang pagmalasakitan ang kanilang mga kababayan.

Thursday, December 03, 2020

-Panukalang regulasyon ng operasyon ng mga tricycle, tatalakayin ng isang Komite sa Kamara

Binuo kahapon (dec 2) ng Committee on Transportation sa Kamara na pinamumunuan ni Committee Chair at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, ang technical working group (TWG) upang pag-isahin ang mga panukala na isasailalim sa regulasyon ang operasyon ng mga tricycle.


Sinabi ni Sarmiento na siya ay makikiusap sa 18th Congress na sana ay matapos na itong tricycle Magna Carta at lahat ng mga usapin sa tricycles at dapat umano din nating aminin na napakahalaga ng tricycle sa buhay ng ating mga mamamayan..


Dapat din, aniya, unawain natin na may mga lugar na walang madadaanan kundi nag-iisa lang ang daan patungo sa isang lugar galing sa isang lokal na pamahalaan o barangay man.


Ang TWG na babalangkas sa mga panukala ay pamumunuan ni Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr.


Gayundin, binuo rin ng Komite ang TWG na pamumunuan ni Parañaque City Rep. Eric Olivarez na babalangkas sa mga panukala hinggil sa katibayan ng parking para sa nagmamay-ari o magpapa-rehistro ng kanilang mga sasakyan.


Inaprubahan din ng Komnite ang mga panukalang naglalayong magtatag ng Land Transportation Office (LTO) district offices sa ilang lugar sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Negros Occidental.        


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Panukalang magbibigay-proteksiyon sa mga dayuhang turista, aprubado na sa Kamara

Inaprubahan na kahapon (dec 2) ng Committee on Tourim sa Kamara, sa pamumuno ni Laguna Rep. Sol Aragones, ang substitute bill sa apat na panukala na naglalayong bigyan ng proteksyon at pinag-ibayong serbisyo ang mga turista.


Ang tinalakay na mga panukala ay iniakda nina Reps. Juan Miguel Macapagal Arroyo, Jake Vincent Villa, Alfred Vargas at Francisco Jose Matugas II.


Pinangunahan ni Bohol Rep. Edgar Chatto ang technical working group o TWG na bumalangkas sa panukala, na nagsabing ginamit nila bilang working template ang HB 4839 ni Matugas sa kanilang pagpupulong.


Sa paliwanag ni Matugas sa kanyang bill, sinabi niya na layunin ng panukala na tugunan ang mga pag-aalinlangan ng mga turista na nagnanais bumisita sa bansa, sa mga usapin hinggil sa kakulangan ng mga mapagkakatiwalaang pasilidad ng telekomunikasyon, ang pananaw na ang bansa ay hindi ligtas na lugar para sa mga turista, at mga balitang pinagkakakitaan umano ng husto ng mga lokal ang mga turista.


Ayon kay Aragones, ang substitute bill ay mag-aamiyenda sa Republic Act 9593 o ang “Tourism Act of 2009.”


Sinabi ni Chatto na layon ng substitute bill na magtatag ng Tourist Protection and Enhanced Services Inter-Agency Task force na pamumunuan ng Kalihim ng Kagawaran ng Turismo.


Kasama sa itatatag na task force ay ang DILG, DPWH, DOJ, DOH, DOTr, DICT at PNP.


Ilan sa mahahalagang tampok sa substitute bill ay ang mga uniform standards on signage, directional signage in tourism facilities, mga materyales sa travel at information, toll free telephone assistance system na pangangasiwaan ng mga multi-lingual operators, internet services, mga hakbang na magpoprotekta sa mga turista para maiwasan ang krimen at pananakit, sistema sa paghahain ng reklamo, mga hakbang upang maiwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot sa mga establisimyentong pang turismo, pagtatatag at operasyon ng mga pasilidad sa pangkalusugan sa mga destinasyon ng mga turista, at ang pagpapaunlad ng mga impormasyon at pasilidad ng komunikasyon sa mga destinasyon ng mga turista.            


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Wednesday, December 02, 2020

-Former Speaker Cayetano: Maaaring i-veto ni PRRD ang mga probisyon sa 2021 budget ng mga proyektong may pork barrel

Nagbabala si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na maaring i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga proyektong nakapaloob sa P4.5 trillion 2021 national budget kung ilalagay ito sa hindi tamang prayoridad o unahin ang pork barrel.

Subalit nagpahayag naman ng kompiyansa si Cayetano na ang mga miyembro ng bicameral conference committee na nagsimula na sa kanilang deliberasyon sa final version ng 2021 National Budget ay magkakaroon ng long-term solutions na tutugon sa mga sakuna o wastong prayoridad kaysa unahin ang "pork" projects.


Sinabi ng dating Speaker na kailangang isabatas ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) na tutugon sa disaster prevention, response and rehabilitation effort ng gobyerno.


Kailangan aniya ng isang departamento na 24/7 o 365 days sa buong taon na ang tanging tututukan lamang ay ang katatagang makapagbigay ng tulong at rehabilitasyon sa mga biktima.


Layon ng panukalang DDR na makapagtatayag ng malinaw na chain of command sa panahon ng major disasters.


Ipinasa na ng Kamara ang nasabing panukala sa third and final reading noong September 22, 2020 at kasalukuyang nakabinbin ito sa Senado.

Tuesday, December 01, 2020

-Walang iregularidad sa 2021 Budget, lalo na sa infrastructure project allocations para sa mga legislative districts

Nilinaw ni House Appropriations Committee Chairman at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap na walang iregularidad sa 2021 General Appropriations Bill, lalo na aniya sa infrastructure project allocations para sa mga legislative districts sa buong bansa.


Sinabi ni Yap, chairman ng House contingent sa bicameral conference committee sa pagsisimula ng deliberasyon sa panukalang P4.506-trillion 2021 national budget.


Nagkasundo ang mga miyembro mula sa House of Representatives at sa Senado na pag-isahin ang final version ng spending plan bago mag-adjoun ang Kongreso sa Dec. 19.


Binigyang laya ng kapwa niya mambabatas si Yap na makipag-usap sa isang one-on-one meeting sa kanyang Senate counterpart na si Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara upang ayusin pa ang magkaibang bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso. 


Ayon kay Yap nagkasundo rin ang House and Senate contingents kailangang matapos ang bicameral deliberations ngayon linggo upang maiwasang magkaroon ng reenacted budget sa January.


Pangunahin aniyang paglalaanan nila ng pondo ang para sa COVID-19 vaccines at para sa mga rehiyon na matinding naapektuhan ng mga kalamidad.


Ayon pa kay Yap, inaasahan nilang ito ang magsisilbing Pamaskong handog nila sa Pangulo at maging sa sambayanang Filipino.

-Belgica, dapat maglabas ng ebidensya laban sa korap na mga kongresista — Defensor

Hinamon ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor si Presidential Anti-Corruption Commission o PACC Commissioner Greco Belgica na patunayan na may kaugnayan sa korapsyon ang ilang kongresista o manahimik nalamang.


Matatandaan na nasa labindalawang kongresista ang umanoy kasama sa corrupt list na ibinigay ni Belgica kamakailan kay Pangulong Duterte.


Ayon kay Defensor, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagpasaring si Belgica sa mga kongresista subalit hindi naman pinapangalanan dahil walang sapat na ebidensya.


Diin ni Defensor, kung walang pruweba ang PACC laban sa kanila sa kamara ay mabuting manahimik nalamang ito o magsampa nalamang ng kaukulang kaso sa korte.


Punto pa ni Defensor, hindi trabaho ni Belgica ang pag-atake gamit ang trial by publicity kundi ang pagkalap ng ebidensya at paghahain ng kaso laban sa mga korap na opisyal ng gobyerno.


Sa ginagawa aniya ni Belgica, lahat silang kongresista ay nasisiraan sa publiko na ang dating ay silang lahat sa kamara ay korap.

Free Counters
Free Counters