-PAHAYAG NI SPEAKER LORD ALLAN VELASCO HINGGIL SA ‘CORRUPTION LIST’ NG PACC
Ipinahayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na ang mga mambabatas na pinangalanan ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC na sangkot sa katiwalian ay hindi kailanman naimbitahan upang magbigay ng paliwanag sa kanilang pagkakasangkot sa anumang katiwalain at umalabas na ang PACC ay wala pang ginagawang pagsisiyasat sa pagdadawit sa kanilang mga pangalan, dahil sila ay nabibilang sa ibang sangay ng gobyerno, na wala sa mandato ng kanilang komisyon.
Matandaang isiniwalat kamakailan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng ilang opisyales ng gobyerno na umano’y sangkot sa mga katiwalain dahil sa siya ay naniniwala na dapat na malaman ng sambayanang Pilipino kung ano ang nilalaman ng ulat na isinumite sa kanya ng PACC.
Ngunit, ayon sa Speaker, nilinaw umano ng Pangulo na ang bawat inaakusahan ay ipinapalagay na walang sala at ang pag-aanunsyo ay hindi nangangahulugan ng pagsasakdal at tiniyak daw ng Pangulo na ang pagsisiwalat ng mga pangalan ng mga opisyales ay hindi nangangahulugan na sila ay may sala at ang publiko ay hindi dapat na humusga na ang kanilang pagkakasangkot ay totoo.
Napakahalaga aniya, na mabigyan ng pagkakataon ang mga pinangalanang opisyales na makatugon sa mga alegasyon ng katiwalian at dapat sumailalim sa angkop na pamamaraan ng batas, ng isang masusing pagsisiyasat, upang malaman kung may sapat na katibayan upang masuportahan ang mga alegasyon laban sa kanila.
Idinagdag pa ng lider ng Kamara na ayon sa panuntunan ng ating mga batas, naniniwala daw sila na dapat na dalhin ang kaso sa tanggapan ng Ombudsman, dahil limitado ang hurisdiksyon ng PACC sa mga opisyales ng ehekutibo lamang, at hindi sa lehislatura.
<< Home