-Magaan na pamumuhunan sa bansa upang makaakit ng mga dayuhang negosyante at dagdag na trabaho - Speaker Velasco
Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na kailangangang pagaanin ang mga patakaran sa pamumuhunan sa bansa upang tayo ay makaakit ng mas marami pang dayuhang negosyante, lalo na sa sektor ng agrikultura at sa manufacturing industry.
Sa talumpati ni Speaker Velasco sa harap ng mga pinuno at miyembro ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines (JFC) at mga lokal na mga grupo ng negosyante sa isang isang virtual conference noong Huwebes, sinabi nito na mas maraming dayuhang pamuhunan sa agrikultura at industriya ay mangangahulugan ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Labis na kailangan natin ang malawakan at sapat na pamumuhunan sa mga sektor na ito upang makalikha at makapagpanatili tayo ng mas maraming trabaho, ani Velasco sa kanyang talumpati sa ika-9 na ARANGKADA Philippines Forum na pinamagatang “Foreign Investment in the Post-Pandemic Philippines.”
Sinabi ni Velasco na ang agrikutura at industriya ng pagmamanupaktura ay dapat na mapagkukunan ng trabaho, lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na marami sa kanila ay napilitang umuwi mula sa ibayong dagat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Ayon sa kanya, nakalulungkot na ang mga Pilipinong manggagawa ang unang tinanggal sa trabaho sa ibang bansa dahil mas kailangan muna nilang pagmalasakitan ang kanilang mga kababayan.
<< Home