Thursday, October 29, 2020

-Magna carta of Filipino seafarers bill, aprubado na sa Kamara

Pasado na sa Committee on Overseas Affairs ng Kamara de Representantes ang substitute bill ng mga panukalang magtatatag ng Magna Carta of Filipino Seafarers.


Sa pagdinig ng komite kahapon, sinabi ni TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza, chairman ng nasabing komite na layunin ng panukala na tiyaking ang mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong naglalayag ay  maprotektahan sa pamamagitan ng nararapat na kondisyon sa trabaho, makatuwirang kontrata at sapat na oportunidad sa kanilang propesyon.


Tinalakay din sa pagdinig ng Komite ang mga huling kaganapan hinggil sa paglubog ng Gulf Livestock 1, isang United Arab Emirates cargo vessel, sa karagatan ng Japan lulan ang 39 na Pilipinong marino kung saan, dalawa ang nakaligtas at isa ang nasawi at patuloy pa ring isinasagawa ang search and rescue operations sa natitira pang 36 na mga marino.


Napag-alaman din sa hearing na naglaan na ang pamahalaan ng pondo para sa ayuda na ibabahagi sa pamilya ng mga biktima tulad ng death and burial benefits, livelihood benefits, ayudang pinansyal at scholarship para sa isang dependent hanggang sa siya makapagtapos sa kanyang pag-aaral.


Samantala, inaprubahan din ng Komite ang mosyon ni MARINO Party-list Rep. Macnell Lusotan upang buuin ang isang task force para mag monitor sa isinasagawang search and rescue operations sa hinahanap na mga marino.    


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Pahayag ni Speaker Velasco hinggil sa sinabi ni Panulong Duterte na kanyang sertipikahan ang Department of OFWs bilang urget bill

Nagbigay ng pahayag si House Speaker Lord Allan Velasco sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang sesertipikahan na madaliin ang panukalang magtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers na ito ay napapanahon na upang matugunan ang mga problemang nararanasan ng ating mga manggagawa sa ibayong dagat sa panahong ito ng kagipitan, at sa kabilang dako ay inihahanda naman ang mga OFWs sa posibleng pagbabago kapag nagbukas na ang pandaigdigang ekonomiya at pagbabalik sa panahon bago nagkaroon ng pandemya.


Sa parte naman ng Kamara de Representantes ng Kongreso ng Pilipinas, ipinahayag ni Speaker Velasco na inaprubahan na nila sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 5832 o ang Department of Filipino Overseas (DFO) Act noong nakaraang buwan ng Marso.


Sinabi ng Speaker na kapag naipasa na ng Senado ang kanilang bersyon ng panukala ay titiyakin ng Kapulungan na kagyat itong aaksyunan para malagdaan na ito ng Pangulo upang maging ganap na batas.


AYon sa kanya, ang pangakong kampanyang ito ng ating Pangulo ay matutupad na at ang mga bagong bayani ng bayan ay hindi na dapat na naghihirap pa. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Wednesday, October 28, 2020

-Panukalang programa sa karapatan ng mga informal settler, aprubado na sa Kamara

Aprubado na ng Housing and Urban Development Committee ng Kamara ang substitute bill para sa mga panukalang magtatatag ng on-site, in-city, near-city o off-city na mga istratehiyang pagpapatira sa mga informal settler families (ISFs) sa programang resettlement ng mga lokal na pamahalaan.


SInabi ni Cavite Rep. Strike Revilla, chairman ng nabanggit na komite, na sa ilalim ng naturang panghalip na panukala, bibigyan ng karapatan ang mga ISFs ng aktibong pakikilahok sa programa upang matiyak nila na ang kanilang mga pangangailangan ay matutugunan habang pinoproseso ang kanilang resettlement.


Tinalakay din ng komite ang panukala ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na naglalayong amyendahan ang isang seksiyon ng Republic Act 7279 o ang Urban Development and Housing Act of 1992.


Layunin ng panukala ni Marcoleta na lalo pang palakasin ang karapatan ng mga mahihirap at mga walang bahay na mamamayan sa panahon ng pagpapalayas sa kanila o demolisyon ng kanilang mga pansamantalang tirahan.


Nilinaw ng mambabatas na kailangan maging final and executory muna ang court order para bigyan muna ang occupant o yung defendant ng pagkakataon hanggang umabot siya sa pinakamataas na uri ng korte.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Sapat na pondo para sa implementasyon ng batas ng pagkontrol sa sakit na kanser, tiniyak ni Speaker Velasco

Tiniyak ni Speaker Lord Allan Velasco sa mga Pilipinong may sakit na kanser na mayroong sapat na pondo para sa pagpapatupad ng Republic Act 11215 o ang National Integrated Cancer Control (NICC) Act of 2019.


Sinabi ni Speaker Velasco na isusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkakaroon ng sapat na pondo para sa batas hinggil sa NICC sa idaraos na bicameral conference sa panukalang P4.506-trilyong pambansang badyet para sa 2021.


Kailangan natin aniya na tiyakin na ito ay may sapat na pondo upang epektibo itong makatugon sa pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang sakit na kanser at mabigyan ng pag-asa ang ating mga pasyente na mapag-tagumpayan ang sakit.


Nauna rito hiniling ni Accounts Committee Chairman at Davao City Rep. Paolo Pulong Duterte kay Speaker Velasco at kay House Committee on Appropriations Chairman Rep. Eric Go Yap na tiyakin na mayroong sapat na pondo ang batas upang matulungan ang mga pasyenteng may kanser.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Findings at mga rekomendasyon ng mga komiteng nagsiyasat sa Philhealth, aprubado na sa Kamara

Inaprubahan ng joint Committees on Public Accounts at ng Good Government and Public Accountability ng Kamara ang ulat sa mga resolusyon na naglalayong imbestigahan ang umano’y mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sinabi ni Committee on Public Accounts Chairman at AnaKalusugan Party-list Rep. Michael Defensor na nagsagawa ang magkasanib na Komite ng siyam na pagdinig katumbas ng 55 oras upang masusi at malawakang siyasatin, in aid of legislation, ang mga usapin hinggil sa PhilHealth tulad ng polisiya sa All Case Rates, Interim Reimbursement Mechanism (IRM), information technology bidding, accreditation fees at ang mga anomalyang nadiskubre ng Commission on Audit (COA).

Tiniyak ni Defensor sa mga miyembro ng Board ng PhilHealth na siyang bumubuo ng policy-making body at ng PhilHealth Executive Committee, na siyang nagpapatupad ng mga polisiya at programa ng ahensya, na hindi kakasuhan ang buong board, subalit kakasuhan ang bawat miyembro batay sa kanilang pagkakasangkot sa anomalya.

Matapos mag omnibus motion si Blue Ribbon committee Chairman at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na patawarin ang mga miyembro ng board sa lahat ng mga kaso na ihahain laban sa PhilHealth at pinag-debatihan, sinabi ni Defensor na kalaunan ay tinutulan ang mosyon ni Sy-Alvarado ng dalawang Komite.

Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, kahit pa walang kinalaman ang mga miyembro ng board sa implementasyon ng mga nabanggit na programa ay, imposibleng hindi nakita ng mga miyembro ng board ang mga anomalya sa Philhealth.


Bilang tagagawa ng mga polisiya, kung may makikitang problema sa pagpapatupad ng mga ito ang bawat miyembro ng board ay gagawa sila ng hakbang para maaksyunan ito.


Binanggit ni Defensor na tatlong panukala ang pagsasamahin sa committee report: ang pagtatanggal ng pagtataas at sapilitang pagbabayad ng premium na kontribusyon ng mga Overseas Filipino Workers; ang PhilHealth Crisis Bill; at ang espesyal na probisyon sa 2021 General Appropriations Bill.       


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

-Tumaas na presyo ng Mindanao rail project, tinalakay sa Kamara

Batay sa layuning makatipid at mapagbuti ang serbisyo ng transportasyon sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19, tinalakay ng Committee on Mindanao Affairs sa Kamara na pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, ang Mindanao Railway Project (MRP) sa pamamagitan ng teleconference


Ang pagdinig ay isinagawa base sa House Resolution 727 na inihain ni Dimaporo mismo na nag-uutos sa National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Transportation (DOTr) na magsumite ng posibleng pag-aaral sa MRP.


Sa idinaos na pagdinig, iniulat ni MRP Phase 1 Project Manager Atty. Clipton Solamo na inaprubahan na ng NEDA Board ang pagpapalit ng halaga ng MRP Phase 1 mula P35.9-bilyon na maging P81.7-bilyon noong ika-29 ng Nobyembre 2019.


Idinagdag ni Solamo na ang halagang P70.2-bilyon ay popondohan ng China Official Development Assistance na mangangailangan ng isang kontrata para sa proyekto bago magpirmahan ang dalawang gobyerno ng kasunduan sa pautang.


Ipinaliwanag ni DOTr Undersecretary TJ Batan na ang pagtaas sa halaga ng proyekto ay dahil sa detalyadong disenyo ng enhinyero na isinagawa matapos ang orihinal na pagkaka-apruba ng NEDA noong 2017.


Diin pa ni Batan na sa inilabas na disenyo nito ay kailangang gumawa sa ibang lugar halimbawa ng elevated structures at sa ibang lugar naman ay kailangang gumawa ng deep cuts at embankments at karaniwan sa pagtaas sa halaga ng proyekto ay may kaugnayan sa civil-works.


Nakatakdang ipagpatuloy ng Komite ang  deliberasyon sa proyekto sa susunod na pagdinig.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Tuesday, October 27, 2020

-Direkriba ng Pangulong Duterte na imbestigahan ang katiwalian sa gobyerno, sinuportahan ng Kamara

Sinuportahan ng Kamara de Representantes ang kautosan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa isang malawakang imbestigasyon sa mga bintang na katiwalian sa buong gobyerno.


Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na nauunawaan nila sa kapulungan na ginawa ng Pangulo ang kautusan dahil sa kanyang pagkadismaya sa walang humpay na katiwalian sa gobyerno, at ang liderato ng Kamara ay nakikiisa sa Pangulo sa kanyang layunin na linisin ang burokrasya sa mga tiwaling opisyal at kawani ng pamahalaan hanggang sa katapusan ng kanyang termino.


Ayon kay Velasco, napakahalaga ring banggitin na iniutos ng Pangulo ang imbestigasyon matapos ang walang tigil na pagbatikos sa Kamara dahil sa pakikipagsabwatan diumano ng ilang mambabatas sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways.


Nakalulungkot, dagdag pa ng Speaker, na ilang mga mamababatas ang nasasangkot sa diumano’y katiwalian at nadamay na ang buong institusyon dahil sa kontrobersiya.


Dahil dito, dapat pahintulutan umano nila ang anumang ahensya na magsisiyasat hinggil sa usapin dahil ang anumang pag-iimbestiga na isasagawa ng Kamara ay hindi magiging makatarungan at maaaring pagmulan lamang ng pagdududa.

-Kopya ng aprubadong 2021 GAB, ipinadala na sa Senado - Speaker Velasc

Ipinadala na kahapon ng Kamara de Representantes ang kopya ng inaprubahang 4.506 trillion peso 2021 General Appropriations Bill sa Senado, na mas maaga ng isang araw kesa sa itinakda.

Sinabi ni House Speaker Lord Allav Velasco na ang badyet ng nasyunal na panahalaan na may pinakamataas na tala ay naglalayong patatagin ang pagtugon ng gobyerno at pasiglahin ang pag-ahon sa ekonomiya ng bansa sa gitna ng pandemyang idinulot ng coronavirus.


Ayon pa sa lider ng Kapulungan, hindi lamang sa ipinasa ng mga kongresista ang pambansang badyet para sa susunod na taon sa tamang oras, legal na paraan at naaayon sa Saligang Batas, tinitiyak din umano nila na ang paggasta ng pamahalaan sa susunod na taon ay alinsunod sa mga pangangailangan ng ating mga mamamayan sa harap ng pinakamatinding krisis pangkalusugan na naranasan ng ating henerasyon.


Sa bersyon ng badyet mula sa Kamara, dinagdagan nila ang pondo para sa Department of Labor and Employment DOLE upang tulungan ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho sanhi ng COVID-19, at ang para sa Department of Social Welfare and Development DSWD upang maipagpatuloy ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng pandemya.


Giit pa ng lider ng Kongreso na ang pagpasa ng pambansang badyet ay hindi magiging matagumpay kung hindi sa mga masisipag at dedikadong mambabatas ng Kamara, kasama na ang mga kawani sa Secretariat, na inaabot ng madaling araw sa pagtatrabaho upang matiyak lamang na maipapasa ang badyet na makatarungan, matuwid, nasa tamang oras, at tumutugon sa mga pangangailangan ng ating bansa habang tayo ay nakikipaglaban sa isang malubhang pampublikong kalusugan at krisis pang-ekonomiya. 


Nagpahayag si Velasco ng kanyang kagalakan at pasasalamat sa lahat ng kanyang mga kasamahan sa kanilang kasipagan at dedikasyon, at pagiging bahagi ng bulwagan ng Kamara bilang kinatawan ng sambayanang Pilipino.  


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipino

Monday, October 26, 2020

-Unahin ang pagsasabatas ng disaster resilience bill - panawagan ni Speaker Velasco sa Senado

Nanawagan kahapon si House Speaker Lord Allan Velasco sa Senado na unahin nilang ipasa ang panukalang magtatatag ng Department of Disaster Resilience o DDR na naipasa na sa pangatlo at pinal na pagbasa ng Kamara noong ika-21 ng Setyembre at ito ay naghihgintay na lamang ng deliberasyon mula sa kanila.

Ito ay dahil na rin sa pananalanta at mga pagkawasak ng mga ari-arian na dulot ng Bagyong Quinta kahapon sa ibat ibang panig ng bansa.


Umaasa ang House Leader na ipasa na ng mga senador ang kanilang bersyon ng panukala upang ganap na itong mapag-isa para malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging ganap na na batas.


Nasa Marinduque ang Pinuno ng Kamara kasama ang kanyang pamilya nang tumama ang bagyong Quinta sa rehiyon bandang alas 2 ng madaling araw kahapon, ika-25 ng Oktubre.


Binigyang-diin ni Velasco na malaki ang maitutulong sa pagtatatag ng DDR sa pagtugon sa mga mapaminsalang sakuna tulad ng bagyo at lindol, lalo na sa kasalukuyang panahon na ang buong mundo ay nakikipaglaban sa pandemya.


Aniya, ang DDR ay magbibigay ng kahandaan, kasanayan at mga kagamitan na ating magagamit sa pagdating ng mga sakuna at magiging panatag ang iba pang mga kagawaran na gampanan ang kanilang mga mandato na makatulong sa sambayanan sa pag-ahon mula sa COVID-19.


Ang consolidated DDR bill ay iniakda ng 35 mambabatas at kasama si Velasco sa mga nagsulong nito.


Layunin ng batas na itatag ang DDR bilang pangunahing ahensya ng pamahalaan na mamumuno, mag-oorganisa at mamamahala ng pambansang pagsisikap na mabawasan at matugunan ang mga panganib na dulot ng mga sakuna, at manguna sa pag-ahon at rehabilitasyon ng bansa.

-ERC at NEA, dapat umaksiyon sa palpak na suplay ng kuryente - solon

Iminungkahi ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin sa Energy Regulatory Commission o ERC at National Electrification Administration o NEA na aksiyunan ng mga ito ang mga electricity company dahil sa reklamo ng mga konsyumer dahil sa palpak na suplay ng kuryente at biglang pamumutol.


Sinabi ni Garbin na dapat gamitin ng dalawang nabanngit na ahensya ng gobyerno ang kanilang “motu propio” powers at aksyunan ang mga reklamo ng mga consumer.


Dapat aniyang gawan ng paraan ng mga kompanya ng kuryente o distributors na huwag magka-brownout hanggang sa January 31, 2021.


Sa halip aniyang mamutol ng kuryente ay bigyan ng pagkakataon ang mga consumers na magsagawa ng utay-utay na pagbabayad hanggang sa January 31, 2021 o lagpas pa.


Kinastigo rin ni Garbin ang mga electric company sa mga probinsya dahil sa halos araw-araw na pagkawala ng daloy ng kuryente.

-Pagbakuna para sa COVID-19 sa mga kabataan sa susunod na taon, pinangangambahang mabalam

Nagpahayag ng pangamba si Anakalusugan Partylist Rep. Michael Defensor na baka mahuli sa bakuna ang mga Filipinong kabataan para labanan ang COVID-19 sa sudunod na taon.


Sinabi ni Defensor, Vice chairman ng House health committee, na posibleng mapag-iwanan ang mga batang may edad 18 pababa sa pagbabakuna kapag meron na nito ang Pilipinas dahil ang trial tests ng COVID-19 vaccines ay isasagawa sa 18ng taon pataas lamang.


Ito ay sa gitna ng mga patuloy na pagtuklas sa bakuna na ayon sa kongresista ay maaaring aprubahan na pang–emergency use ng adult population sa kalagitnaan ng 2021 ng mga drug regulators sa buong mundo.


Giit pa ng mambabatas, tiwala siyang magkakaroon ng maayos na trials dahil ang coverage naman aniya ay malawakan at para sa lahat na kakaiba aniya sa Dengvaxia vaccine.


Tinitiyak din ng kongresista na ang World Health Organization at ang mga kumpanya ng gamut kabilang ang FDA ay mahigpit na imo-monitor ang resulta at implementasyon nito.

Friday, October 23, 2020

-Ibigay ang P13.7B bilang 13th month pay at bonus, mungkahi ng isang solon sa pamahalaan

Nananawagan ang isang mambabatas sa Kamara de Representantes sa pamahalaan na ibigay bilang tulong sa mga nawalan ng trabaho ang P13.7 bilyon bilang 13th month pay o bonus.


Sa ilalim ng House Resolution 1310 ni Cagayan De Oro City Rep. Rufus Rodriguez, ibibigay ang tulong na ito sa mga micro, small, and medium-scale enterprises (MSMEs) na higit na nangangailan.


Aniya, nasa 1.5 milyon hanggang 5.1 milyong manggagawa ng MSME ang apektado ng pandemya.


Ayon sa mambabatas, ang taong 2020 ay naging isang masamang taon para sa karamihang mga Filipinos dahil sa COVID-19 at sa mga epekto nito sa kalusugan emploment at income.


Idinagdag pa ng solon na ang mga manggagawa sa micro, small at medium enterprises ay matinding nagdusa mula pa noong March 15 dahil sa layoffs o reduced working days hanggang sa kasalukuyan at dapat huwag natin silang pagkaitan ng Pasko sa pamamagitan ng hindi pagbigay sa kanila ng kanilang 13th month pay!.


Saad pa nito na ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, tinatayang P5 bilyon hanggang P13.7 bilyon ang kailangan upang mabigyan ng 13th month pay ang bawat manggagawa.

Thursday, October 22, 2020

-Karagdagang P1 bilyon para sa mental health services, hiniling ng isang kongresista

Batay sa Mental Health Law, kailangan ng pamahalaan ang agresibong hakbang para matustusan ang mental health services upang pasiglahing humingi ng tulong ang sinumang may sakit sa pag-iisip.


Hinikayat ni Rizal Rep. Fidel Nograles ang gobyerno na gawing accessible ang mental health services dahil maraming Filipino ang pinahihirapan ng mental issues sa gitna ng pandemiya.


Ayon kay Nograles, sa 2021 national budget mayroong P615 million lamang na alokasyon ang Department of Health para sa National Mental Health Program.


Subalit umaasa ang mambabatas na makatatanggap ang programa ng karagdagang P1 bilyon piso na iminungkahi ng mga miyembro ng Kongreso sa bicameral conference committee.


Ayon sa isang Special Initiative ng World Health Organization o WHO, sa unang bahagi ng 2020, may 3.6 million mga Filipino ang dumaranas ng isang uri ng mental, neurological, at substance use disorder.


Umaasa si Nograles na madagdagan ang pondo para sa mental health services.

-Mga kawani ng Kamara, nagdiwang ng kanilang kaarawan sa webinar sa gitna ng pandenya

Upang maiangat ang diwa ng mga kawani sa gitna ng pandemya ay sinamahan ng Kamara de Representantes ng Kongreso, na pinamumunuan ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ang mga nagdiwang at nagdiriwang ng kanilang kaarawan sa buwan ng Setyembre at Oktubre sa webinar bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng HREP.

Ang kaganapan ay pinamagatang “Live Well, Work Well: Celebration of Life.”


Hinikayat ni Fr. Jerry Orbos, SVD, resource speaker sa pagdiriwang, ang mga dumalo sa webinar na labanan ang COVID-19 ng disiplina at taimtim na pananampalataya upang mapagtagumpayan ang mga hamong dala ng pandemya.


Sa kabila ng kakaibang pagdiriwang ng kanilang mga kaarawan ngayong taon, pinayuhan ni Fr. Orbos ang mga kawani na maging masaya sa kaibuturan ng kanilang mga puso at harapin ang buhay na may pasasalamat dahil mas makapangyarihan ang Panginoong Hesus kesa sa COVID-19 virus.


Ilan sa mga nagdiriwang ng kanilang kaarawan ay sina Deputy Secretary General Dr. Ramon Ricardo Roque ng Administrative Department at Information and Communications Technology Service Director Angeline Garcia, na nagbahagi ng kani-kanilang inspirasyon at pampasigla sa kanilang pangungusap para sa mga kawani.


Mahigit sa 200 kawani ng Kamara na nagdiriwang ng kanilang kaarawan ang lumahok sa kaganapan na pinangunahan ng Human Resource Management Service.    


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV

#LAVanPilipinas

Tuesday, October 20, 2020

-“Lord, patawad...”

Matapos ang nangyaring kaguluhan sa Kamara, inihayag ni House Speaker Lord Allan Velasco na humingi na nang paumanhin si Taguig Representative Alan Peter Cayetano matapos itong matanggal sa puwesto bilang Speaker noong isang linggo.

Ayon kay Velasco, “cordial, friendly and apologetic” si Cayetano matapos ang naging pagpupulong nila kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang sa ikatlong pagkakataon.


Ito ay naganap noong Oktubre 13 – kung saan niratipikahan ng mayorya ng Kamara ang eleksyon ni Velasco bilang House Speaker sa session hall na kinandado sa utos umano ni Cayetano.


Sa kasunduan, mamumuno si Cayetano ng 15 buwan sa Kamara at pagkatapos noon ay si Velasco naman ang papalit ng 21 buwan, kasunduang inayos mismo ng Pangulong Duterte.


Ang kasunduang ito ay hindi tinupad ni Cayetano kung kaya nagkaroon ng kaguluhan sa Kamara.


Noong isang linggo, sa pamumuno ni Velasco, inaprubahan na rin ng Kamara sa third and final reading ang panukalang P4.5 trillion national budget para sa susunod na taon.

Saturday, October 17, 2020

-Maagang pagkapasa ng 2021 pambansang badyet ng Kamara, pinapurihan ni Speaker Velasco

Pinapurihan at pinasalamatan ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang kanyang mga kasamahang mambabatas sa pagka-apruba sa pangatlo at pinal na pagbasa, at ipinasa sa tamang oras, ang 2021 General Appropriations Bill o 2021 GAA.


Sinabi ni Velasco na bagamat nagkaroon ng magkakaibang pananaw ay pinatunayan ng mga mambabatas na maaari silang magkasundo at sama-samang magtrabaho para matagumpay na magampanan ang isang mahalagang tungkulin.


Ang House Bill 7727 o ang 2021 GAB na magpopondo ng P4.5-trilyon sa pamahalaan sa susunod na taon ay ganap nang inaprubahan noong nakaraang Biyernes ng 257 na boto ng mga mambabatas na pumapabor, anim na botong hindi pabor, at walang abstensyon.


Ang pag-apruba sa panukala ay bunga ng apat na araw na walang humpay na deliberasyon sa special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa pagpasa ng pambansang badyet.

Friday, October 16, 2020

-Deliberasyon na P860.50 milyon budget ng CHR para sa taong 2021, tinapos na kagabi

Maghahatinggabi na ng matapos ang debate kagabi sa plenaryo ng Kamara de Representantes ang panukalang P860.50-million budget ng Commission on Human Rights (CHR) na isinulong ni Rizal Rep. Michael John Duavit sa plenaryo.


Bagamat mas malaki ang panukalang badyet ng ahensya sa susunod na taon kumpara sa kasalukuyan nilang pondo na P819.86-million ay isinusulong pa rin ng mga mamababatas na madagdagan pa ang kanilang pondo upang: 1) mapabuti ang kanilang mandato sa paghahatid ng serbisyo para sa karapatang pantao; 2) pag-ibayuhin ang mga hakbang sa pangangalaga ng kanilang mga talaan; 3) lumikha ng mga bagong plantilla positions sa ahensya; at 4) maayos na pagpapatupad ng Mental Health Act at Anti-Terrorism Law.


Nababahala naman si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo sa alokasyon ng CHR sa rehiyon ng halagang P1-milyon kada taon kumpara sa orihinal na panukala na P5-milyon.


Ayon kay Dimaporo, umaasa siya na ang ika-18 Kongreso, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, maibabalik ang pondong P5-milyon para sa tatlong rehiyon ng Mindanao na may mataas na insidente at pagkilos ng terorismo --- ang Rehiyon 9, 10, at 12.

Wednesday, October 14, 2020

-Mayor Sara Duterte, nasa likod ng pagpapatalsik kay Cayetano

Kinompirma ni Deputy Speaker Michael “Mikee” Romero na si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ang nasa likod ng pagpapatalsik kay dating House Speaker Alan Cayetano matapos naman niyang iendorso si House Speaker Lord Allan Jay Velasco.

Dalawang beses na niya itong ginawa at sila ay natutuwa, sabi pa ni Romero sa panayam sa mga mamamahayag.


Matatandaan noong 2018, si Duterte rin ang nagpa-alis kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez.


Kasabay nito, sinabi ni Romero na umabot na sa 240 kongresista ang bumoto kay Velasco matapos na naunang makakuha ng 186 suporta mula sa mga mambabatas.


Sa isinagawang special session kamakalawa, muling inihalal si Romero sa kanyang dating posisyon, kung saan pinalitan niya si Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte, na kilalang tagasuporta ni Cayetano.

-240 kongresista, suportado na si Velasco

Umabot na sa 240 na mga mambabatas ang sumuporta sa liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco mula sa 186 na boto noong Lunes.


Ito ang ibinunyag ni re-elected Deputy Speaker Michael “Mikee” Romero kahapon matapos ang panayam sa mga mamamahayag sa isinagawang special session sa Kamara.


Sinabi ni Romero na ang buong Kongreso ay nagka-isa na at ang boto para kay Speaker Lord ay lumubo na sa 240.


Idinagdag pa ni Romero na ang mga congressman mula LAKAS, Liberal Party, National Unity Party at Nacionalista Party ay sumama na sa kanila.


Matatandaang umabot sa 186 mambabatas ang bumoto kay Velasco sa isinagawang pagpupulong sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City noong 12 Oktubre.


Pinagtibay ang kanyang eleksyon sa isinagawang special session kamakalawa sa Kamara, dahilan para tuluyang matanggal bilang speaker si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.


Nagsumite si Cayetano ng irrevocable resignation matapos na pormal na iluklok si Velasco.

-Malaking parte ng 2021 DSWD budget ay ilalaan para sa 4Ps

Tinapos na ng Kamara de Representantes ang debate sa plenaryo ng panukalang 2021 badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga ahensyang nasa ilalim ng kagawaran.

Iniulat ni Committee on Appropriations Vice Chairperson at Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong na P113.856-bilyon mula sa kabuuang P171.22-bilyon na badyet ng kagawaran ang inilaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).


Idinagdag pa ni Limkaichong na ang pagkakautang ng 4Ps sa kasalukuyan ay aabot na sa $512-milyon.


Samantala, pinaigting ng DSWD ang kanilang inisyatiba sa pamamahagi ng ayuda sa gitna ng pandemya.


Sa 14.3 milyong pamilya na benepisaryo ng pangalawang yugto ng Social Amelioration Program (SAP) ay 13.9 milyon na ang nakatanggap ng kanilang alokasyon.


Iniulat din ng mambabatas na malaking bahagi ng natipid ng kagawaran mula sa halagang P10-bilyon sa taong 2020 ay naipamahagi sa mga Pilipinong labis na ngangailangan.


Ayon kay Limkaichong, ang naiwan na P6.5-bilyon ay ni-realign para sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) upang matulungan ang mga vulnerable sector.

Tuesday, October 13, 2020

-Pagkakaisa para sa pagpasa ng panukalang badyet para sa taong 2021

Nagpamalas ng pagkakaisa ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng pamumuno ng bagong halal na Speaker Lord Allan Jay Velasco sa pagpasa ng 2021 General Appropriations Bill sa espesyal na sesyon na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.


Nakatuon ngayon ang mga mambabatas sa pagpasa ng House Bill 7727 o ang 2021 GAB na tutugon sa mga mahahalagang usapin na dala ng pandemya sanhi ng COVID-19.


Binawi rin ng Kamara ang pagpasa ng GAB sa ikalawang pagbasa upang bigyang-daan ang mga interpelasyon at pagbusisi sa mga panukalang pondo ng ibat ibang kagawaran at ahensya ng pamahalaan na hindi natalakay bago sinuspindi ang deliberasyon ng badyet noong nakaraang linggo.


Samantala, hiniling ni Speaker Velasco sa mga kapwa mambabatas ang pagtutulungan at pagkakaisa matapos niyang iabot ang kanyang kamay kay dating Speaker Alan Peter Cayetano, tanda ng kanyang pakikipag-ayos, gayundin sa iba pang mga mambabatas na aniya ay nagkaroon lamang ng hindi pagkakaunawaan.


Nakipagkita rin si Velasco kay Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at nangakong tatrabahuhin ng Kongreso ang badyet upang maipasa na ito ngayong linggo.

-Eleksiyon kay Velasco bilang Speaker, pormal na isinagawa sa plenaryo ng Kamara

Pormal na isinagawa ang eleksiyon kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang Speaker kaninang umaga sa plenary session hall ng Kamara de Representantes.

Si Velasco ay ibinoto ng 186 na mga mambabatas, ang inisyal na bilang sa kabuuang 299 members.


Sinabi ni Pampanga Rep. Rimpy Bondoc, marami pang mga miyembro ng kapulungan ang nais na bomoto kay Velasco online ngunit bigo ang mga ito dahil sa technical problems.


Sa live Facebook feed naman ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano, hinikayat niya ang kanyang mga supporter na tumulong sa pagpasa ng 2021 national budget.

Monday, October 12, 2020

-Rump session sa Celebrity Sports Plaza, walang bisa ayon sa isang mambabatas

Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi mapananatili ang bisa ng rump assembly na idinaos sa Celebrity Sports Plaza kahapon, October 12, 2020, kung saan inihalal na Speaker ng Kamara decRepresentantes si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.


Ayon kay Lagman, ang isang Speaker ay dapat inihahalal kapag nasa sesyon ang kapulungan sa open and public plenary proceedings.


Idinagdag pa ng mambabatas na ang legislative sessions ng Senate o ng House of Representatives ay hindi maaring isagawa sa ibang lugar at kung wala itong pahintulot ang bawat isa, base sa Section 16(5) Article VI ng Constitution.


Sa anupamang hangarin, ayon pa sa solon, ang assembly sa Celebrity Sports Plaza ay maiku-konsiderang isang show of force o numerical superiority lamang ng Velasco camp.


Aniya, dapat maging legitimized ang election ni Velasco sa pagdaraos ng isang nominal voting para sa bagong Speaker anumang araw ng special session.

-2021 budget, siniguro ng mga lider ng Kamara na agad maipapasa

Nagkaisa ang mga lider ng magkakaibang partido sa Kamara na trabahuhin muna ang agarang pagpasa sa 2021 General Appropriations Bill (GAB) bukas sa Special Session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Special Session ay para sa pag-apruba ng National Budget, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque at na ang panawagan ng Pangulo sa mga Kongresista ay isantabi muna ang pulitika.


Nilinaw ni Roque na hindi makikialam ang Pangulo sa anumang isyung pampulitika sa Kamara, kasama na ang umano’y mga pagkilos para patalsikin ang kasalukuyang Speaker, Alan Peter Cayetano, at ilagay sa pwesto si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.


Sa virtual press conference kahapon na dinaluhan nina Deputy Speaker (DS) LRay Villafeurte, House Minority Leader Benny Abante, AnaKalusugan Party-list Rep. Michael Defensor, DS Prospero Pichay, Caloocan City Rep. Edgar Erice ng Liberal Party at Cavite Rep. Pidi Barzaga ng National Unity Party, binatikos nila ang pagpupumilit umano ng kampo ni Velasco na isingit ang isyu ng Speakership.


Ang gulong dulot ng agawan sa pwesto ang mismo umanong iniiwasan ng liderato ng Kamara kaya nito sinuspinde ang Session noong nakaraang linggo.


Nagpasalamat din ang mga pinuno ng Kamara sa malinaw na direktiba ng Pangulo na ang budget lamang ang pag-usapan sa Special Session.

Sunday, October 11, 2020

-Budget bill muna bago speakership issue sa special session, ayon kay ML Romualdez

Nananawagan ngayon si House Majority Leader Martin Romualdez sa kanyang mga kasamahang mambabatas na sa kanilang pagdaos ng special session sa a-13 hanggang a-16 ng Oktubre, ang pangunahing tatalakayin nila ay ang pagpasa sa pangatlo at pinal na pagbasa ng 2021 General Appropriations Bill o GAB.


Nauna rito, tinanggap ng Kongreso ang Proclamation No. 1027 mula kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes na nanawagan para sa isang special session upang talakayin ang Budget Bill at sertipikahan ito bilang isang urgent measure.


Sinabi ni Romualdez na sa kanyang pakikipag-usap kay Executive Secretary Salvador Medialdea kahapon, inulit ng huli na ang panawagan ng Pangulo ay upang buksan muli ang deliberasyon ng proposed national budget.  


Ayon kay Romualdez, ang pulitika kagaya ng speakership issue ay maaari na nilang talakayin kung tapos nang maipasa ang national budget para maseguro ang isang smooth transition sa kapulungan.

Friday, October 09, 2020

-Paumanhin ni Cayetano kay Sotto, kaagad namang tinanggap ng SP

Humingi ng paumanhin si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Senate President Vicente Sotto III na kaagad namang tinanggap nito matapos sabihin ng LIder ng Kamara na ang Senado ang maging may kasalanan kapag na-delay ang pagpasa ng panukalang P4.5 trillion na 2021 national budget.


Nauna rito,  sinabi ni Cayetano na isang araw lang daw maantala ang pagpasa ng budget sa Kamara at maging kasalanan umano ng Senado kapag humantong ang sitwasyon sa re-enacted budget.


Ipinaliwanag ni Sotto na hindi isang araw kundi isang buwan na maaantala ang budget sa Kamara, kaya hindi ito dapat isisi sa Senado dahil October 16 pa balak ng mababang kapulungan na ipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala.


Sa huli, nangako naman si Sotto na gagawin ng Senado ang lahat ng kanilang makakaya para maipasa sa tamang panahon ang budget.

Wednesday, October 07, 2020

-2021 proposed budget, pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara

Pasado na sa second reading o pangalawang pagbasa sa Kamara de Representantes kahapon ang House Bill 7727 na naglalaman ng 2021 General Appropriations Bill o ang panukalang badyet ng pamahalaang nasyunal para taong 2021.

Ginawa ang pag-apruba matapos mag-mosyon si House Speaker Alan Peter Cayetano na i-terminate na ang period of interpellation and debate sa panukala para bigyang-daan ang pag-pasa nito sa pangalawang pagbasa.


Gumawa naman ang kapulungan ng small committee na siyang tatanggap ng individual amendments na ipapasok ng mga kongresista sa loob ng budget bill.


Matapos nito, isinuspinde ng House ang plenary sessions simula kahapong araw hanggang sa ika-16 ng Nobyembre para ihanda ang tuluyang pag-pasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng nabanggit na panukala.

Tuesday, October 06, 2020

-Beep card, dapat magamit na rin sa lahat ng transaksiyon ayon sa isang mambabatas

Sinang-ayunan ni ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing libre ang Beep card para sa lahat ng Pilipino, ngunit idinagdag niya sa mungkahi na gawin na ring all-around card ito, at hindi lang para sa pampublikong transportasyon.

Idinagdag pa ni Taduran na maaaring ikabit na rin dito ang pagbayad sa mga grocery, gamot at sa mga fast food. 


Ayon sa kanya, ang mungkahi ng Pangulo ay napapanahon  lalo pa at kailangan ng walang physical contact o hawakan sa ano mang transaksyon, at hindi kakayanin ng mga mamamayan ang dagdag na gastusin sa pagbabagong ito. 


Gawin aniyang parang debit card ang Beep card sa kanyang proposal, na lahat ng transaksiyon ng mga tao ay ipadaan na sa card na ito lalo na kung gagawing libre ito ng pamahalaan.


Itulad aniya ito sa Octopus card ng Hong Kong na mula sa public buses, ferries, train at taxi, at nagagamit din ang card para sa pagbili sa convenience stores, fast food at parking.


Naging kontrobersiyal ang Beep card makaraang biglang itaas ang presyo nito ng mga pribadong kumpanyang nagbebenta nito nang sabihin ng Department of Transportation na hindi makakasakay sa EDSA Busway system ang mga walang Beep card.

Thursday, October 01, 2020

-2021 budget, maipapasa batay sa nakatakdang iskedyul nito

Tiniyak ni AnaKalusugan partylist Rep. Mike Defensor na ang COVID-19 2021 General Appropriations Bill na kasalukuyang tinatalakay sa plenaryo ng Kamara de Representantes ay kanilang maipapasa batay sa nakatakdang iskedyul nito.


Sinabi ni Defensor na nagkaroon ng isa at kalahating araw lamang na break ang kanilang pagtalakay ng panukalang taunang pondo ng pamahalaang nasyunal para sa susunod na taon upang bigyang puwang ang mungkahing resignation ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ni-reject naman ng kapulungan.


Ngunit, ayon sa kanya, ipagpapatuloy naman umano nila ang deliberasyon ng naturang panukala, batay na rin sa nakatakdang iskedyul na isinagawa ng Committee on Appropriations.


Siseguraduhin daw nilang matapos aniya ang deliberasyon at aprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang badyet bago magbi-break ang Kongreso sa ika-16 ng October.

Free Counters
Free Counters