-Findings at mga rekomendasyon ng mga komiteng nagsiyasat sa Philhealth, aprubado na sa Kamara
Inaprubahan ng joint Committees on Public Accounts at ng Good Government and Public Accountability ng Kamara ang ulat sa mga resolusyon na naglalayong imbestigahan ang umano’y mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinabi ni Committee on Public Accounts Chairman at AnaKalusugan Party-list Rep. Michael Defensor na nagsagawa ang magkasanib na Komite ng siyam na pagdinig katumbas ng 55 oras upang masusi at malawakang siyasatin, in aid of legislation, ang mga usapin hinggil sa PhilHealth tulad ng polisiya sa All Case Rates, Interim Reimbursement Mechanism (IRM), information technology bidding, accreditation fees at ang mga anomalyang nadiskubre ng Commission on Audit (COA).
Tiniyak ni Defensor sa mga miyembro ng Board ng PhilHealth na siyang bumubuo ng policy-making body at ng PhilHealth Executive Committee, na siyang nagpapatupad ng mga polisiya at programa ng ahensya, na hindi kakasuhan ang buong board, subalit kakasuhan ang bawat miyembro batay sa kanilang pagkakasangkot sa anomalya.
Matapos mag omnibus motion si Blue Ribbon committee Chairman at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na patawarin ang mga miyembro ng board sa lahat ng mga kaso na ihahain laban sa PhilHealth at pinag-debatihan, sinabi ni Defensor na kalaunan ay tinutulan ang mosyon ni Sy-Alvarado ng dalawang Komite.
Ayon kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, kahit pa walang kinalaman ang mga miyembro ng board sa implementasyon ng mga nabanggit na programa ay, imposibleng hindi nakita ng mga miyembro ng board ang mga anomalya sa Philhealth.
Bilang tagagawa ng mga polisiya, kung may makikitang problema sa pagpapatupad ng mga ito ang bawat miyembro ng board ay gagawa sila ng hakbang para maaksyunan ito.
Binanggit ni Defensor na tatlong panukala ang pagsasamahin sa committee report: ang pagtatanggal ng pagtataas at sapilitang pagbabayad ng premium na kontribusyon ng mga Overseas Filipino Workers; ang PhilHealth Crisis Bill; at ang espesyal na probisyon sa 2021 General Appropriations Bill.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV
#LAVanPilipinas
<< Home