Friday, January 31, 2020

Mahigpit na pagtutol ng Kamara sa monopolyo sa operasyon ng motorcycle taxi sa bansa, ipinahayag

Mahigpit na ipinahayag ni Manila Rep Manuel Lopez, chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang pagtutol ng Kamara de Representantes sa monopolyo sa operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.

Sinabi ni Lopez sa pagdinig ng komite na dapat bigyan ng pagkakataon ang ibang operators upang maging patas ang kompitisyon sa negosyo ng transportasyon.

Binigyang halaga rin ng mambabatas ang kaligtasan ng general riding public at kung ano ang aasahan ng taumbayan sa panigabong extention na tatlong buwan na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa pilot study ng Angkas, Move It at Joyride Philippines.

Pinagsusumite ni Lopez ang technical working group ng Department of Transportation ng weekly reports para sa pagtatapos ng anim na buwang pilot testing operations ng motorcycle taxis.

Iminungkahi naman ni Senior Citizens Partylist Rep Francisco Datol na ibalik at higpitan ang pagpapatupad sa motor cycle lane.

Aniya, dapat gawin itong color coding, halimbawa asul sa motorcycle, pula sa pribadong mga sasakyan, puti para naman sa senior citizen at person with disability o PWD at dilaw naman para sa mga pampublikong sasakyan.

Thursday, January 30, 2020

Umentong sahod ng mga public school teacher, naisama na sa RA11464, ayon kay Defensor

Hindi lamang ang mga government nurses ang hindi pa nakatatanggap ng dagdag na sahod sa ilalim ng Salary Standardization Law 5 o SSL 5, hindi pa rin hanggang sa kasalukuyan nakatatanggap ng umento ang mga public school teachers. 

Ito ang sinabi ni Anakkalusugan party list Rep Mike Defensor nang umabot sa kanyang kaalaman na maraming public school teachers sa Quezon City ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang salary adjustment na nakapaloob sa SSL-5, o ang Republic Act No. 11464.

Ayon sa kay Defensor, walang dapat alalahanin ang 900,000 guro sa kanilang additional compensation dahil aniya, resulta lamang ito ng nakakapagod na proseso ng pagre-release ng pondo subalit kalauna'y matatanggap din nila ang umento.

Dagdag pa ni Defensor, kasama ang pondo sa 2020 national budget para sa umentong sahod ng mahigit 1.4 million state workers.

Nakapaloob din aniya sa RA11464 ang panibagong four-year salary upgrading ng mga kawani ng gobyerno na magsisimula ngayon taon. 

Pagba-ban sa entry ng mga Chinese tourist, opsyon pero hindi pa ikinokonsidera

Ipnahayag ni Health Secretary Francisco Duque kahapon na posibleng magkaroon ng “political and diplomatic repercussions” kung ipapatupad ang ban sa mga turista mula sa mainland China.

Ipinunto pa ni Duque nang tanungin siya ni Rep Loren Legarda na hindi lamang limitado sa China ang mga kaso ng diumano’y 2019 coronavirus at kung gagawin natin ito aniya, maaring kuwestiyunin tayo ng concerned countries at sa kasong ito, ng China, kung bakit hindi naman nila ginagawa ito sa ating bansa.

Isinalang si Duque sa question hour upang masagot ang mga tanong ng mga kongresista tungkol sa coronavirus.

Sinabi ni Duque na ang bansa ay “capable” na i-handle ang bagong virus na nakamatay ng mahigit 100 sa ibang bansa dahil marami namang ekspertong Filipinong mangagamot.

Sa huli, sinabi  ni Duque na dudulog ito sa Kamara de Representantes kung sakaling kakailanganin nito ng dagdag na pondo para sa kagawaran.

Wednesday, January 29, 2020

I-simplify at i-laymanize ang mga medical information hinggil sa coronavirus, ayon pa kay Garin

Nanawagan kahapon si dating Health Secretary at kasalukuyang Iloilo Rep Janette Garin sa Department of Health (DOH) na maglabas ito ng regular na mga advisory hinggil sa novel coronavirus.

Ito ay upang matulungan, aniya, na mahinto na ang paglaganap pa ng mga misinformation at mga fake news sa gitna ng outbreak nitong respiratory illness na ito sa buong mundo.

Sinabi ni Garin na tumatagal at masyadong busy si DOH Secretary Francisco Duque na wala man lang ni isa sa kagawaran na nangangahas na magsalita hinggil sa isyu.

Ayon pa sa kanya, ito ang dahilan kung bakit kailangang ang departamento ay dapat mag-umpisa nang magpaliwanag sa publiko dahil ang hindi nila pagpapalabas ng pahayag ay isipin ng tao na mayroon silang tinatagong mga impormasyon.

Ngunit maliban pa sa pagpapalabas ng kagyat na mga update, ang mga ito ay dapat simplified at iwasan nila ang paggamit ng mga technical medical terms para maintindihan ng mga mamamayan.

Maliban pa sa kampanya laban sa false information, umapila rin si Garin sa mga otoridad na huminto na sa pagpapalabas pa ng mga pangalan ng ospital kung saan ang mga suspected patients ay inoobserbahan. (terence)

Pagsuspendi sa pag-iisyu ng permit sa POGO, iminungkahi ni Rep Abante

Iminungkahi ni House Minority Leader at Manila 6th District Rep Bienvenido Abante na pag-aralan ng Kongreso ang pagsuspendi sa pag-iisyu ng permit sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.

Sa pulong balitaan ng minority group ng Kamara de Representantes, sinabi ni Abante na maaring ikonsidera sa national level ang ipinataw na moratorium ng Makati City sa pag iisyu ng business permits sa POGO operators dahil na rin sa pagtaas ng kriminalidad, prostitusyon at iba pang uri ng illegal activities.

Sinabi ni Abante na dapat ipatupad ang moratorium sa national level sa mga bagong papasok sa POGO service providers.

Dapat aniyang gawin ito hindi lamang para maiwasan ang corona virus outbreak kundi magkaroon ng pag-aaral sa epekto ng POGO industry sa bansa.

Lalo na aniya ang lawak ng illegal activities resulta ng POGO firms na may negosyo sa Pilipinas.

Nais ng Pangulo na ilabas na ang P30 bilyong supplementary budet para sa mga biktimang Taal eruption, Speaker Cayetano

Ipinahayag ni Speaker Alan Peter Cayetano na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilabas na ang P30 bilyong supplementary budget dahil nakita niya ang nangyari sa Yolanda, Pinatubo at ang Marawi siege na ayaw niyang manyari sa mga biktima ng Taal.

Sinabi ni Cayetano na habang hinihintay ang paglabas ng P30 bilyon, maaring gamitin ang natira pang pondo ng 2019 dahil extended ito hanggang 2020.

Ayon pa sa Lider ng Kamara de Representantes na maaring gamitin ang supplementary budget kung may sertipikasyon na may nakalaang pondo dahil ngayon palang Enero papasok ang mga nakolektang buwis.

Bagamat minimal lang ang ginalaw na pondo ng Kamara na ipinadala sa Senado at may mga items na kulang o nabawasan, binigyang linaw ngmambabatas na binigyang prayoridad nila ang edukasyon, kalusugan, pabahay at ang built, built, built projects.

Tuesday, January 28, 2020

Haharap sa Kamara si Sec Duque para sa question hour hinggil sa coronavirus

Napagkasunduan ng mga mamababatas sa Kamara de Representantes kahapon na hilingin kay Secretary Francisco Duque na humarap sa kapulungan para sagutin ang mga katanungan tungkol sa coronavirus

Inaprubahan ng mga mambabatas ang mosyon ni Majority Leader at Leyte Rep Martin Romualdez para kay Duque na dumalo sa plenary mamayang hapon para sa qestion hour, upang malaman nila kung ano na ang aksiyon ng Health Department tungkol sa isyu.

Ngunit nilinaw naman ng Kamara na ang kanilang hakbang ay hindi para sa layuning pagsasabatas o imbestigasyon man at ito ay ang kanilang pag-exercise lamang ng kanilang oversight function para maibsan ang mga pangamba ng publiko na sanhi ng Wuhan virus na nakarating na diumano sa ating bansa.

Ayon pa sa mga mambabatas, marapat lamang na malinaw kung anong mga report hinggil sa virus ang totoo o fake at ito na rin umano ang pagbibigay kay Sec Duque ng isang malawak na platform na tugunan ang mga concern ng mga constituents.

Matatandaang ipinatawag na rin ng Kamara si Secretary Benjamin Diokno ng Department of Budget Management para sa isang kahalintulad na question hour noong taong 2018 na hinggil naman sa kontrobersiya tungkol sa budget insertions. (terence)

Pakikiramay sa pamilya ni Kobe Bryant at sa anak nito, pinahayag ni Martinez

Bilang chairman ng House committee on youth and sports sa Kamara de Representantes, nagpahayag ng pakikiramay si Valenzuela City Rep. Eric Martinez sa biglaang pagkamatay ng sikat na NBA basketball player na si Kobe Bryant.

Sa Ugnayan press briefing, sinabi ni Martinez pinangalanan nila ang Karuhatan Convention Conter, ang ika anim sports facility na itinayo sa Valenzuela ay ipinangalan kay Bryant, ang "House of Kobe".

Si Bryant ay anim na beses napunta sa Pilipinas upang itaguyod ang larong basketball at kinagiliwan ng mga kabataan dahil sa kanyang kagalingang maglaro ng nasabing sports

Ayon kay Martinez ginawa nila ang pasilidad tulad sa NBA standard o kagaya sa Staples Center ng Los Angeles Lakers bilang pag-alaala sa tinaguriang black mamba na nakakuha ng limang Most Valuable Player award at itinanghal din na isa sa pinakamagaling na basketball player sa NBA.

Samantala, idinagdag din ni Martinez na malaki ang tsansa ng Pilipinas na makakuha ng medalya sa ground gymnastics at pole vault sa darating 2020 Tokyo Olympics.

Hinimok ni Minority Leader Abante ang kanyang mga kasamahang mambabatas para magbasa ng Bibliya

Hinikayat ni House Minority Leader at Manila Rep Bienvenido Abante ang kapwa niyang mga mambabatas na buksan ang mga pahina ng Bibliya dahil dito nakasalalay ang pag-asa ng bansa at ng sangkatauhan.

Sa kanyang previlege speech, sinabi ni Abante na ang bawat Filipino ay ginagarantiyahan ang kalayaan sa relihiyon at paniniwala dito subalit iisa ang kinikilalang Dios bilang makapangyarihan sa lahat na siyang gumagabay at namamahala sa bayan at sangkatauhan.

Kaugnay nito ay binanggit pa kongresista ng Bible verse na 2 nd letter of Paul to the Corinthians Chapter 7 verse 14 If my people, which are called by my name, shall humble themselves and pray, and seek my face, and turn from their wicked ways; then will I hear from heaven, and forgive their sins, and heal their lands."

Si Abante ang nagpanukala ng House Bill 2069 na layong gawin mandatory ang pagbabasa ng Bibliya sa public elementary at secondary schools.

China hindi dapat sisihin at kamuhian sa gitna ng kumakalat na 2020 corona virus

Iginiit ni House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na hindi dapat sisihin o kamuhian ang bansang china sa gitna ng kumakalat ngayon na 2020 Novel Corona virus o NCov.

Sa pulong balitaan sa Kamara kanina sinabi ni Defensor na dapat itigil na ang hate campaign laban sa mga chinese nationals dahil unfair aniya ito lalo pa at ang ilan sa kanila ay biktima din lamang ng naturang virus.

Aniya ,sa halip na kamuhian ang China ay ipagdasal na lamang ang bansa at mga mamamayan nito na malagpasan ang malaking pagsubok na kanilang kinakaharap sa ngayon.

Sa huli ay umapela si Defensor sa publiko na iwasan din ang pagpapakalat ng fake news sa social media hinggil sa NCov dahil nagdudulot lamang aniya ito ng takot sa mga pilipino.

Una nang sinabi ng Department of Health o DOH na sa ngayon ay walang pang kumpirmadong kaso ng NCov sa bansa .

Monday, January 27, 2020

Payo ni Rep Taduran sa publiko: mag-ingat sa lumalaganap na corona virus subalit iwasan din ang magpanic

Pinayuhan ni ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Nina Taduran ang publiko na iwasang mag panic sa lumalaganap na sakit na corona virus at binalaan ang mga nagbebenta ng face mask na huwag samantalahing itaas ang presyo ng produkto sa gitna ng pangangailangan dito

Gaya ng ibang virus, sinabi ni Taduran na kayang labanan ang sakit na novel corona virus sa pamamagitan ng pagpapalakas ng immune system, malinis na kapaligiran at malusog na pamumuhay.

Sinabi pa ng mambabatas na nagawang mapigilan ng Pilipinas ang pagkalat noon ng SARS at MERS-COV dahil sa inilatag ng pamahalaan na mga pre cautionary measures.

Pinayuhan din ng kongresista ang mga taong makakaramdam ng sintomas katulad ng trangkaso lalo na iyong mga galing sa abroad na agad magpatingin sa doktor.

Kasabay nito, binalaan ni Taduran na pananagutin ang mga manufaturer at nagbebenta ng face masks na magsasamantala sa presyo sa gitna ng pangangailangan dito.

Iminungkahi ni Speaker cayetano na pagsamahin ang pag-unlad sa Baguio at kalapit na munisipyo sa Benguet

Binigyang-diin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kahalagahang mapa-unalad ang torismo sa mga potensyal na munisipyo sa Benguet at isama ito sa development plan ng Baguio City. 

Sinuportahan ni Speaker Cayetano ang mungkahi ni Baguio City Rep. Mark Go sa layong itatag ang Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba-Tublay Development Authority (BLISTTDA) na siyang sentro at tututok sa development efforts at initiative ng Baguio City at kalapit na munisipyo sa La Trinidad. 

Ayon sa lider ng Kanara, kung mainam ang pagkokonekta magiging mainam din ang oportunidad ng inclusive and equitable development. Maiibsan din aniya ang daloy ng trapiko sa City of Pines kung magkakaroon ng railway system sa lugar.

Upang lalong mapa-unlad ang torismo sa lugar, iminungkahi ni Cayetano ang maayos na kalsada upang lalong makaakit ito sa torismo gaya ng pagpapagawa ng riles ng tren na magkokonekta sa Baguio City hanggang La Trinidad, pati na ang pagpapalawak ng Loakan Airport.

Nanawagn din ang lider ng Kamara sa Department of Transportation na tutukan ang rehabilitasyon ng Loakan Airport sa Baguio City dahil paraan ito upang maibsan ang daloy ng trapiko at mabilis na pagbibyahe ng mga produkto at pasahero.

Masusing pag-aaruga sa mga bata at kababaihan, apila ni Romualdez

Umapila si TINGOG party-list Rep. Yedda Marie Romualdez sa mga opisyal ng national government at local government units na tiyaking magkaroon ng masusing pag aaruga at atensyon ang mga bata at kababaihan na na-apektuhan sa pagsabog ng bulkang Taal. 

Ayon kay Romualdez, chairperson ng House Committee on the Welfare of Children, kailangang sumunod ang mga opisyal ng gobyerno sa probisyon ng Republic Act 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act sa pag-kalinga sa mga bata at kababaihang biktima ng pagsabog.

Sa ilalim ng batas, ang Comprehensive Emergency Program for Children ang gagamiting basehan para sa pangangasiwa ng disaster at iba pang emergency situations upang maprotektahan ang mga bata, buntis, nagpapasusong ina at suportahan ang kanilang dagliang pangangailangan.

Bukod sa probisyon ng RA 10821, idinagdag ni Romualdez kailangan tiyakin din ng mga opisyal ng gobyerno ang proteksyon ng mga batang nasa disaster area laban sa anumang uri ng pang-aabuso at exploitation.

Saturday, January 25, 2020

Hiniling ni Rep Michael Romero ang P3bilyong pondo para sa Philvolcs Modernization Act

Hiniling ni Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Rep Michael Romero ang P3 bilyong alokasyon para ponduhan ang Phivolcs Modernizaiton Act of 2019 upang magkaroon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng latest state-of-the-art instruments and equipment.

Sa inihain ni Romero na HB 5763, nananawagan ito para sa dalawang taong implementasyon ng modernization program upang magkaroon ng malawak at mapabuti ang kapabilidad ng PHIVOLCS para sa warning, assessing and monitoring of volcanic eruptions, earthquake and tsunami activities.

Sa panukala, sinabi ni Romero walang kabuluhan ang halagang P3 bilyon kung daang-libong buhay at bilyong-pisong ari-arian naman ang maaring mailigtas kung magiging accurate ang instrumento ng Philvocs upang malalaman agad ang panganib gaya ng pagsabog ng bulkan at seismic activities.

Sa ilalim ng PHIVOLCS Modernization Act of 2019, responsibilidad ng estado ang wasto at kalidad na impormasyon at serbisyo para sa babala, paghahanda sa mangyayaring sakuna sanhi ng lindol at pagsabog ng bulkan. 

Umapila si Romero sa liderato ng Kamara na isama ang HB 5763 sa listahan ng mga priority measures na may kinalaman sa Taal volcanic activity.

Thursday, January 23, 2020

Customs brokerage course graduate, dapat requirement sa pag-hire ng empleyado sa BOC, Biazon

Naniniwala si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na dapat ay bigyang prayoridad ng Bureau of Customs na i-hire o kuning empleyado ang mga nagtapos ng customs brokerage course sa bansa.

Ito ay sa gitna na rin ng planong pagtatatag ng isang Customs Academy na bahagi ng ipinapanukalang pag-amiyenda sa Customs Modernization and Tariffication Act.

Sinabi ni Biazon na bagamat suportado naman niya ang pagkakaroon ng isang institusyon na tututok sa customs training, mayroon naman nang mga kasalukuyang paaralan na nag-o-offer o nagbibigay ng ganitong kurso.

Imbes na magtayo aniya ng bagong paaralan o akademiya, maaaring ilagay na lamang bilang probisyon sa batas na ang mga empleyado na kukunin ng BOC ay yung mga graduate ng customs brokerage o kahalintulad na kurso.

Positibo naman si Biazon na bago magtapos ang 18th Congress ay kanilang maipapasa ang panukalang pag-amyenda sa CMTA na tiyak na makatutulong sa pagpapabuti ng trade facilitation at revenue collection ng bansa.

Kasalukuyang tinatalakay pa rin sa Technical Working Group ng House Committee on Ways and Means ang nasa anim na panukala kaugnay nito.

ABS-CBN franchise, tatalakayin na sa komite ng Kamara, Speaker Cayetano

Tatalakayin na committee level sa Kamara de Representantes ang mga nakabinbing franchise bills kabilang na ang sa ABS-CBN corporation higit dalawang buwan bago ito magpaso sa Marso a-30 ngayong taon.

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano, tatalakayin na ng House Committee on Legislative Franchises ang nasa 40- 50 franchise bills kabilang na ang sa dos.

Aniya, unang tatalakayin ang mga franchise bills na may kumpletong requirement base narin sa rekomendasyon ng committee chairman.

Samantala, nirerespeto naman ni Cayetano ang desisyon ng Office of the Solicitor General na patawan ng qou warranto petition para makansela ang franchise ng ABS-CBN.

Dahil dito, tiniyak ng Speaker na patas ang gagawing pagdinig ng Kamara sa franchise bill ng ABS-CBN at tiniyak na pakikinggan nito ang lahat ng pro at anti sa renewal ng prangkisa.

Wednesday, January 22, 2020

Handa na ang Batangas City Convention Center para sa sesyon ngayong hapon

Maagang nag inspeksyon ang mga tauhan ng Secretariat at Legislative Security Bureau ng Mababang Kapulungan ng Kongreso dito sa Batangas City Convention Centre na pagdarausan ng sesyon ng Kamara mamayang ala 1:30 ng hapon.
Bukod sa mga kongresista ay inaasahn din ang pagdalo ng mga local officials ng lalawigan ng Batangas mula sa, provincial, municipal at city officials at maging ang concerned agencies na nakatutok sa mga kaganapan kaugnay sa pagputok ng bulkang taal.
Priyoridad na talakayin sa sesyon ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience na posible namang maaprubahan sa ikawalang pagbasa.
Bukod dito, nais din ipabatid ng mga mambabatas sa lahat na mga biktima ng Taal volcano eruption na ang Kamara o ang House of the People ay handang makinig, tumugon, sumuporta at direktang malaman ang kanilang mga pangangailangan.
Kahapon sa press briefing ng House minority group sa pangunguna ni Minority Leader Bienvenido Abante, sinabi niyang hindi katulad ng pangkaraniwang ginagawang sesyon sa plenaryo, dahil didirekta agad sila sa agenda at order of business.

Pag-iibayuhin pa ng Kamara ang pagta-trabaho para matiyak ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad

Hinihimok ngayon ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kasapi ng mababang kapulungan ng kongreso na bilisan at pag-ibayuhin pa ang pagtatrabaho para matiyak ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad sa bansa.
Ayon kay Cayetano, nililindol, daanan ng bagyo at sakop ng pacific ring of fire ang Pilipinas kaya prone sa kalamidad ang bansa bagay na dapat pinaghahandaan ng pamahalaan.
Aniya, kailangan na mag-improve ang rehabilitation program ng gobyerno  lalo na ang disaster response at gawing aral ang mga nagdaang malalaking kalamidad sa bansa gaya ng supertyphoon Yolanda.
Magagawa lamang aniya ito kung magkakaisa ang mga nasa pamahalaan sa paglikha ng mga programa at panukala sa disaster preparedness.
Sa ngayon ay minamadali na ng kamara ang pagpasa ng Department of Disaster Reselience Bill na siyang hahawak sa paghahanda ng pamahalaan sa tuwing may kalamidad habang nakatakdang magpasa ang kongreso ng supplimental budget para sa mga biktima ng Taal volcano eruption.

Huwag mag-panic sa bagong kaso ng Corona Virus - Rep Garin

Hinihimok ngayon ni Senior Deputy Minority Leader at Iloilo City Rep. Janette Garin ang publiko na huwag mag-panic sa bagong kaso ng Corona Virus na naitala sa Cebu.
Sinabi ni Garin na tinutugunan na ngayon ng Department of Health ang isyu kasabay ng paghimok sa pamahalaan na paigtingin ang monitoring para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon pa sa dating kalihim ng DOH na wala ring dapat ikatakot ang mga dayuhang pumapasok sa bansa dahil may sapat na pasilidad ang pamahalaan para mapigilan at ma-isolate ang isang pasyente.
Aniya, mula pa noong makapasok sa Pilipinas ang SARS at MERS-COV ay pinaigting na ang mga facilities at laboratories ng gobyerno gaya ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Payo ng kongresista, dapat paigtingin ang basic hygiene at palagiang maghugas ng kamay, iwasan ang pagdudura kahit saan at agad magpakonsulta sa doktor kapag nakaka-ramdam na ng sintomas, sipon at ubo.

DDR bill, ipapasa dito sa out-of-town session ng Kamara

Suportado ng House Committee on Appropriations ang house bill na lilikha ng Department of Disaster Resilience (DDR) na siyang hahawak sa disaster risk preparedness, mitigation, management and response ng gobyerno sa tuwing may kalamidad ang bansa.
Sinabi ni Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab na ang pagsabog ng bulkang Taal ay nangangahulugan na dapat nang aksyunan ng Kongreso ang DDR bill.
Si House Speaker Alan Peter Cayetano ang principal author ng panukala na dumaan naman sa komite ni Ungab para ma-aprubahan ang appropriation provisions nito o ang pondo ng itatayong departamento.
Sa ilalim ng panukala, isasalin sa DDR ang mandato ng Office of the Civil Defense at iba pang mga relevant agencies kasama na ang pondo at mga personnel nito.
Sa out-of-town session ng Kamara dito sa Batangas ngayong araw, nakatakdang ipasa sa second reading ang DDR Bill.

Mga mahahalagang panukala, tatalakayin ng Kamara sa Batangas City

Isasagawa ang sesyon ng Kamara de Representantes mamaya ganap na ala 1:30 ng hapon, sa Batangas Convention Center para talakayin ang mga mahahalagang panukalang batas na may kinalaman sa kalamidad, partikular dito ang pagsasabatas ng Department of Disaster Resilience.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na malaking hamon para sa institusyong Kongreso, partikular na ang House of the People na hindi lamang ang matulungan ang mga kababayang biktima ng Taal volcano eruption kundi bumalangkas din ng long-lasting, reliable solutions, programs at mechanisms upang matugunan ang sakuna at kalamidad. 
Aniya, magkaagapay ang Duterte administration at Kongreso na bigyan ng isang komportable at ligtas na pamumuhay ang sambayanang Pilipino.

Welcome development ang desisyon ng LTFRB na ipagpapatuloy ang pilot study sa motorcycle taxi services

Ipinahayag ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo na isang welcome development ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB na ipagpatuloy ang pilot study sa safety motorcycle taxi services.
Sinabi ni Quimbo na nag-o-operate ang Angkas, JoyRide, at Move It dahil sila ang subjects ng pilot study.
Ayon sa sa kanya, mawalan ng kabuluhan ang tinatawag na "barrier to entry" dahil mas mananaig sa kompetisyon ang Grab.
Ang Angkas at iba pang motorcycle operators ay kakompetensiya ng Grab.
Idinagdag pa sa mambabatas ang tanging layunin ng mungkahing pilot study ay upang malaman ang nararapat na regulatory intervention para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Sinabi pa ni Quimbo na hindi dapat mawalan ng trabaho, mapalawak ang kalayaang mamili ang pasahero at magkaroon ng epektibong kompetisyon sa pagpipiliang transportasyon maliban sa Grab.
Kung ang tunay na kakampi aniya ng LTFRB ay ang riding public, tatapusin nila ang pag-aaral na may layunin na maghanap ng agarang solusyon sa problema ng kakulangan at nagmamahal na pamasahe ng public transportation.

Imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Jeanelyn Villavende, gumugulong na

Gumugulong na ang imbestigasyon ng Kamara in aid of legislation hinggil sa sablay na bilateral agreement sa pagitan ng Kuwaiti at Philippine governments na may kaugnayan sa kaso ng brutal na pagkakapatay sa OFW na si Jeanelyn Villavende.
Kabilang din sa iimbestigahan ng Kamara ang umanoy pekeng autopsy report ng Kuwaiti authorities na naging mitsa naman ng pagpapatupad ng Pilipinas ng total deployment ban sa Gulf State.
Ayon kay House Committee On Overseas Workers Affairs Raymond Democrito Mendoza, aalamin ng komite kung bakit hanggang ngayon ay hindi binding o hindi gumagana ang 2018 bilateral agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Matatandaang nabuo ang bilateral agreement matapos madiskubre ang bangkay ng pinay na si Joana Demafelis noong February 2018 na itinago at isinilid sa freezer bago pinatay ng mga amo nito sa Kuwait.
Sisilipin din ng komite ang posibleng whitewash ng Kuwaiti authorities para itago ang brutal na pagkakapaslang kay Villavende.
Bukod diyan, pag uusapan din ang assessment sa kalagayan ng mga Pinoy sa middle east kasunod ng tensyon sa pagitan ng Iran at US.

Bilateral agreement ng Kuwaiti at Philippine governments, rebisahin

Nagpatuloy parin kahapon ang imbestigasyon ng Kamara in aid of legislation hinggil sa sablay na bilateral agreement sa pagitan ng Kuwaiti at Philippine governments na may kaugnayan sa kaso ng brutal na pagkakapatay sa OFW na si Jeanelyn Villavende.
Unang isinalang sa diskusyon ang assessment ng pamahalaan sa repatriation program ng pamahalaan at ang kalagayan ng mga Pinoy sa Middle East kasunod ng tensyong Iran at US.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, titiyakin ng pamahalaan na magkakaroon ng alternatibong trabaho ang mga OFWs na pasasakop sa repatriation program ng gobyerno.
Tinitignan din ng DOLE ang pagsasagawa ng redeployment ng mga Pinoy sa ibang bansa para lamang makumbinse sila na umalis ng Middle East.
Ang mga bansang Canada, Russisa, Germany at Russia ang tinitingnan ng labor department na alternative market para sa mga OFWs sa Middle East.
Kaya naman, panawagan ngayon ni Bello sa mga Pinoy sa Middle East, umuwi muna ng Pilipinas para mapasama sa profiling upang masakop ng alternative employment program.
Ayon naman kay DFA Usec for Migrant Workers Affairs Sarah Arriola, may panibagong batch ng reptriated OFWs ang darating sa bansa ngayong Huwebes, January 23, lima mula sa Baghdad at apat mula naman sa Erbil.
Sa kasalukuyan, ang kaso naman ng Pinay OFW na si Jeanelyn Villavende at ang posibilidad ng whitewash ng Kuwaiti Authorities sa autopsy report ng pinatay na pinay ang tinalakay ng komite.

Concession agreement ng LRTA sa LRMC, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap sa Kamara ang concession agreement ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Light Rail Management Corporation (LRMC).
Ito ay kasunod na rin ng pagkadismaya ni Pangulong Duterte na may concession agreement ang gobyerno sa LRMC na pinapatakbo ng Ayala-Pangilinan consortium katulad din sa kaso ng Manila Water at Maynilad.
Kaugnay dito ay inihain ni Yap ang House Resolution 647 na inaatasan ang House Committee on Public Accounts at House Committee on Good Government na silipin ang kwestyunableng kasunduan sa LRT.
Giit ni Yap, sa loob ng apat na taon mula 2015 hanggang 2019 ay kumita na ang LRMC ng P13 Billion.
Samantala, P9 Billion lamang ang halaga ng 32 year-contract na ibinayad sa pamahalaan kaya tiyak na talo dito ang gobyerno at ang LRMC ang higit na makikinabang.
Ayon kay Yap, hindi pa dito matatapos ang imbestigasyon dahil posibleng may iba pang maanomalyang concession agreement ang matutuklasan na posibleng pinasok din ang Ayala at Pangilinan group.

Mataas na supplemental budget para sa calamity rehab ng Taal, ipapasa ng Kamara

Handa ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na magpasa ng mas mataas na supplemental budget. 
Sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na kung kakailanganin na mag-apruba ng P50 Billion na supplemental budget na ayuda para sa muling pagbangon ng mga kababayan sa Taal ay nakahanda itong gawin ng Kamara.
Tiniyak ni Romualdez na nakasuporta ang Kamara para mabigyan ng long-term at permanent solution ang mga biktima ng pagsabog ng Bulkan. 
Siniguro din ng house leader na ipaprayoridad nila ang hiling ni Pangulong Duterte na madaliin na ang pagapruba sa P30 Billion supplemental budget para sa mga lugar na apektado ng pagaalburuto ng Taal. 
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na ang Kamara sa Malakanyang para sa mga detalye at paghuhugutan ng ipapasang supplemental budget.

Pagkompune ng mga kabuhayan ng mga apektado sa pagsabog ng Taal Volcano, dapat i-prioritize ng financial institution

Hiniling ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo sa lahat ng government financial institution na tulungang kompunihin ang mga kabahayan sa lugar ng Batangas at Cavite na apektado ng pagsabog ng Taal volcano.
Umapilasi Salo sa PAGIBIG Fund, Government Service Insurance System o GSIS, at Social Security System o SSS na madaliin ang calamity and home repair loans na maging available sa kanilang miyembro sa mababang interest rate.
Ayon kay Salo ang aktuwal na pagkumpuni sa mga kabahayang nawasak o natabunan ng ashfalls ay madaling maisaayos subakit matagal ang proseso ng mga application loans.
Nanawagan ang mambabatas sa Securities and Exchange Commission o SEC na lansagin ang loan sharks. Dapat aniyang tiyakin ng SEC na hindi mapagsasamantahan ng mga tiwaling lenders ang mga kababayang Filipino.
Sa huli, nanawagan din si Salo sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na maagang ipamahagi ang cash assistance sa dati at baguhang benepisaryo ng 4Ps na biktima ng kalamidad sa pagsabog ng Taal volcano.

Mga parmasya a dug stores, pinaalalahanang hhuwag samantalahin ang nangyaring trahedya sa pagsabog ng Taal volcano.

Hiniling ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa association of pharmacies and drug stores na paalalahanan ang kanilang mga miyembro na huwag samantalahin ang nangyaring trahedya sa pagsabog ng Taal volcano.
Ayon kay Garin ang pagtatas ng presyo ng gamot dahil may matinding demand dito dahil sa natural disaster ay hindi ekonomiya kundi isang pandaraya at pagkagahaman.
Mas mainam aniya, kung ikokonsidera palawigin ng mga botika ang paggagawad ng 20 porsiyentong diskwento sa mga senior citizens na biktima ng taal volcano eruption.
Bilang isang doktor at ina, naniniwala si Garin na ang mga pagkakataong tulad nito ay oportunidad din para maipakita ang pagmamahal sa kapwa. 
Wala aniya ibang hihilingin kundi ang kaligtasan at agarang pagbangon ng mga kababayang Batangueño at iba pang apektado lugar sa lalawigan.
Ayon pa sa mambabat!s hindi kailanman naging mali na isipin ang mabuting kapakanan ng iba, lalo na sa panahon ng sakuna.

Sustainability and Resiliency Studies bill, inihain ni Rep Fortun

Naghain si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ng panukalang batas na layong bigyan ang Department of Education ng mandato upang isama ang Sustainability and Resiliency Studies o SRS sa K to 12 Curriculum. 
Ayon kay Fortun ang SRS ay kauri ng sustainability, disaster resilience, at climate change education.
Ang kursong ito aniya ay ipapasok sa modules na isasama sa Science, Social Studies, Values Education, and Health subjects.
Sa House Bill 5946, magkakaroon ng accumulated total student contact time allotment ng hanggang isang oras kada linggo, maliban sa Kindergarten kung saan ang SRS ay isasama sa daily learning activities.
Nakasaad din sa panukala na ang SRS ay kabilang sa student leaders at student councils.

BH party-list Rep. Herrera pushes for the regulation of parking fees

Upang mabigyan ng proteksyon ang mga vehicle owners at maging pantay-pantay ang singil sa mga car parking space, isinulong ni Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera para i-regulate ang pagbabayad ng parking fees.
Sa paghahain ng House Bill 3215, sinabi ni Herrera na mariming reklamo ang mga motorista sa sobra-sobrang singil ng ilang operators ng paid parking spaces at kakulangan ng pananagutan kapag may nangyaring hindi inaasahan.
Gaya na lamang ang nangyari kamakailan kay ACT-CIS party list Rep. Rowena Taduran, na binasag ang salamin ng kanyang kotse at pinagnakawan ng mga mahahalagang kagamitan habang nakaparada sa mall paid parking area sa Quezon City.
Ayon kay Herrera ang mga establisimento at carpark operators ang dapat na may responsibulidad sa mga nakaparadang behikulo at mga kagamitan sa loob nito.
Hindi nila aniya dapat balewalain ang responsobilidad kapag nasingil na nila ang bayad sa carpark. Pananagutan ng establisimento ang anumang pagkasira at nawalang kagamitan sa sasakyan at dapat may security guard sa lugar.
Pagmumultahin ng P250,000 hanggang P500,000 at suspension o cancellation ng kanilang business permits at licenses ang establisimento na lalabag sa probisyon ng nasabing panukalang batas.

Unang gintong medalya asam ng Pinas sa 2020 Tokyo Olympic

Sa ipinakitang kagalingan ng mga atletang Filipino sa nakaraang 30th Southeast Asian Games, kompiyansa si 2nd Dist. Valenzuela City Rep. Eric Martinez na makakakuha ng gintong medalya ang bansa sa darating na 32nd Olympiad na gaganapin sa Tokyo, Japan sa Agosto ngayon taon.
Sa pag-ani ng pinakamaraming nasungkit na medalya ng Pilipinas, sinabi ni Martinez, chairman ng House Committee on Youth and Sports Development, magkakaroon ng mataas na kompiyansa ang Philippines delegation sa Tokyo 2020 Olympics para ibuhos ang kanilang galing at walang dudang makasusungkit ito ng gintong medalya.
Idagdag pa aniya ang kanilang number one fan at "great supporter" na si Pangulong Rodrigo Duterte, ang solid backing ni Speaker Alan Peter Cayetano, Senator Christopher "Bong" Go, Cavite Congressman at Philippine Olympic Committee (POC) President Bambol Tolentino, Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Butch Ramirez, kasama ang buong bansa na sama-samang magbubunyi para sa Filipino athletes na makikipagtunggali sa 2020 Olympics para sa gintong medalya. 
Sa nakaraang 30th SEA Games, may kabuuang 387 medalya, 149 golds, 117 silvers, at 121 bronze, ang pinakamalaking gintong medalya na nasungkit sa kasaysayan ng Philippine sports.

Supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Batangas kasunod sa pagsabog ng Bulkang Taal, iminungkahi

Pinakikilos ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang Kamara para magpasa ng supplemental budget para sa pagbangon ng Batangas kasunod ng pagputok ng Bulkang Taal. 
Ayon kay Salceda, napagtanto nila na kulang ang P16 Billion na inilaan para sa disaster fund sa 2020 budget. 
Paliwanag ni Salceda, dapat ay nasa P20 Billion ang orihinal na disaster relief fund pero binawasan nila ngayong taon dahil hindi naman nagagamit o mabagal ang utilization. 
Giit ni Salceda, kailangan na magpasa ng supplemental budget lalo na kung pangkabuuan ang gagawing rehabilitasyon sa mga bayan na apektado ng bulkang taal. 
Inirekomenda ni Salceda na bumuo na ng Taal Eruption Recovery, Rehabilitation and Adaptation Plan (TERRA) na mangangailangan naman ng P60 hanggang P100 Billion kung better forward ang plano na kung saan kasama na pati ang rehabilitasyon at pagbabalik ng economic growth ng lalawigan. 
Sinabi pa ni Salceda na kung recovery at reconstruction lang ay aabot sa minimum na P12 Billion ang kakailanganing pondo.

I-certify ng Pangulo bilang urgent bill ang Department of Disaster Resiliency, panghihimok ni Hipolito-castelo sa Malacañang

Hinimok ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo ang Malacañang na i-certify as urgent ang panukalang batas na magtatatag ng Department of Disaster Resiliency.
Ayon kay Castelo, vice chairman ng House Committee on Metro Manila Development, pinatutunayan lamang na ang karanasan sa mabagal at uncoordinated response sa Taal Volcano eruption ay kailangan ng gobyerno na isabatas ang panukala sa lalong madaling panahon. 
Sinabi pa ng mambabatas na kailangan ng bansa ang isang ‘super body’ upang i- zero in ang mga requirement para sa disaster preparedness, response at rehabilitation.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Castelo na umaasa ang bansa sa Department of National Defense (DND) at sa Official Development Assistance (ODA) sa panahon ng mga kalamidad.
Mas lalo aniyang importante ang pagkakaroon ng isang super body at hindi rin maitatanggi na ang Pilipinas ay nakahimlay sa Pacific Ring of Fire na kadalasang tinatamaan ng mga kalamidad.

Evacuation Centers bill, pinamamadaling ipasa

Pinamamadali na ni Bayan Muna Representative at House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang pagapruba sa panukalang Evacuation Centers Bill. 
Ayon kay Zarate, upang higit na mapagtibay ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtatayo ng mas maraming evacuation centers ay dapat na itong maisabatas sa lalong madaling panahon. 
Giit ng kongresista, panahon pa ng pananalasa ng bagyong Yolanda ay isinusulong na nila ang pagtatayo ng mga evacuation centers na may sapat na mga pasilidad at disaster resilient. 
Patuloy aniya silang nakakatanggap ng report na kulang ang evacuation centers mula ng mag-alburuto ang Bulkang Taal kung saan pati mga simbahan at cockfighting arena ay ginawa ng evacuation center. 
Sa ilalim ng House Bill 5259, itatayo ang mga evacuation centers sa pagitan ng mga barangay upang madaling puntahan ng mga tayo. 
Bukod sa disaster resilient, itatayo rin ito sa ligtas na lugar na may sapat na suplay ng tubig at kuryente, kagamitan, maayos na comfort rooms at may imbak na relief goods.

Rehabilitation plan para sa lalawigan ng Batangas at mga lugar na apekatdo ng Taal Eruption, ilalatag na sa Kamara

Inatasan na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang House Committee on Disaster Management sa pangunguna ng Chairman na si Cong. Lucy Torres-Gomez na maglatag na ng comprehensive rehabilitation plan para sa mga lugar na apektado ng patuloy na pagaalbututo ng Bulkang Taal.
Ayon kay Cayetano, binigyang direktiba na niya si Gomez para makipag-ugnayan sa House Committees on Agriculture, Tourism and Trade and Industry para sa paglikha ng rehabilitation plan sa mga syudad at munispalidad sa Batangas, Cavite at Laguna.
Batid ni Cayetano na nakatuon na ngayon sa rescue at relief operations ang mga Local Government Units at iba pang ahensya ng pamahalaan kaya mas tutukan ngayon ng kongreso ang pagpaplano para sa rehabilitation efforts para maibalik ang turismo at kabuhayan sa mga apektadong probinsya sa lalong madaling panahon.
Matatandaan na sa ilalim 2020 General appropriations Act ay nasa kabuuang P16 billion ang inilaang budget para sa National Disaster Risk Reduction and Management kung saan P3.3 billion dito ay para sa relief and rehabilitation services ng mga calamity devastated communities at P4.2 billion naman para sa repair and reconstruction ng mga permanent structures at capital expenditures.
Sa huli ay nanawagan din ang iider kamara ng pagkaisa para sa mga apektado nating mga kababayan at hinimok ang lahat na panatilihin ang Bayanihan sa gitna ng kalamidad.

Mga kumpanyang pribado , dapat magpakita ng compassion sa mga empleyadong biktima ng pag-alburuto ng Bulkang Taal

Umapela si TUCP Partylist Rep. Raymond Democrito Mendoza sa mga pribadong kumpanya na magpakita ng compassion sa kanilang mga empleyado na biktima ng pagaalburuto ng Bulkang Taal.
Giit ni Mendoza na bigyan pa rin kahit ng emergency pay o sweldo ang mga empleyado na apektado ng kalamidad kahit hindi nakakapasok ang mga ito sa trabaho. 
Ayon kay Mendoza, sa gobyerno ay hindi problema ito dahil pinayagan ang mga kawani na apektado ng ashfall ng bulkan na mag "work from home". 
Pero sa kaso ng ibang kumpanya tulad ng Business Process Outsourcing o BPO ay "no work, no pay" kahit ano pa ang pinagdaraanang sakuna lalo na sa ganitong pagkakataon na malawak ang pinsala ng bulkan. 
Malinaw aniya na nakapaloob sa occupational safety at health hazard na maaaring tumanggi ang isang empleyado na pumasok sa trabaho kung kaligtasan ng buhay ang nakasalalay dito. 
Hiling ni Mendoza na bigyan pa rin ng sahod ang mga empleyado na hindi makakapasok dahil maraming kalsada ang mahirap daanan dahil natabunan ng makapal na abo gayundin ay nagtaasan na rin ang mga bilihin.

Posisyong ni Pamgulong Duterte na i-regulate an mga POGO, sinuportahan ni Rep. Eric Go Yap

Sinuportahan ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-regulate ang Philippine Offshore Gaming Operation o POGO sa kabila ng mga nakakabahalang balita sa hindi pagbabayad ng buwis ng mga kumpanya ng POGO na nag-o-operate sa bansa maliban pa dito ang mga krimen at paglabag ng POGO sa ipinaiiral na batas.
Ayon kay Yap sa pahayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR sa House Committee on Games and Amusements, mayroong self-imposed moratorium sa mga bagong lisensya ng POGO na maglilimita sa 62 POGO companies. 
Nanawagan si Yap sa PAGCOR na manindigan sa naturang moratorium hanggang sa panahon na sabihin ng Kongreso ang fixed number ng POGOs na papayagang mag-operate sa bansa. 
Sinabi ng kongresista na huwag magpadala sa kinang ng mga kikitain mula sa POGO operations na kapalit naman ay ang hayagang pagbabalewala ng mga ito sa ating mga batas.
Dagdag pa ni Yap ilan ba ang POGO companies ang nagbabayad ng tamang buwis? Ilan sa kanila ang naka-rehistro ang mga empleyado sa BIR? Ilan na ba ang nababalitang krimen na kinasangkutan ng mga Chinese nationals na empleyado ng POGO?

Monday, January 20, 2020

“Ano ang pangpalit sa habal-habal na hindi regulated?” - Rep Nograles

Ito agad ang tanong ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles sa hakbang ng Technical Working Group ng Department of Transportation na ihinto ang dry run ng mga motorcycle taxi sa bansa at ideklara itong iligal simula sa susunod na linggo.
Ayon kay Nograles, inaprubahan sa Kamara noong nagdaang Kongreso ang motorcycle for hire sa ilalim ng amendments ng Republic Act 4136 subalit hindi ito na-aprubahan noon sa Senado dahil sa kapos sa panahon.
Punto ni Nograles, nais nito na pahabain pa ang trial and debate sa mga motorcycle taxis at hindi ang agarang termination ng operasyon nito.
Umaasa naman si Nograles na mas mapag-aaralan pa ang hakbang ng DOTR-TWG sa gagawing hearing sa susunod na araw para maliwanag para sa epekto ng decision ng pamahalaan.
Sa ngayon, tatlong motorcycle taxi players ang may partial operations sa Pilipinas at ang matunog dito ay ang Angkas.

Pagkompune ng mga kabuhayan ng mga apektado sa pagsabog ng Taal Volcano, dapat i-prioritize ng financial institution

Hiniling ni Kabayan partylist Rep. Ron Salo sa lahat ng government financial institution na tulungang kompunihin ang mga kabahayan sa lugar ng Batangas at Cavite na apektado ng pagsabog ng Taal volcano.
Umapilasi Salo sa PAGIBIG Fund, Government Service Insurance System o GSIS, at Social Security System o SSS na madaliin ang calamity and home repair loans na maging available sa kanilang miyembro sa mababang interest rate.
Ayon kay Salo ang aktuwal na pagkumpuni sa mga kabahayang nawasak o natabunan ng ashfalls ay madaling maisaayos subakit matagal ang proseso ng mga application loans.
Nanawagan ang mambabatas sa Securities and Exchange Commission o SEC na lansagin ang loan sharks. Dapat aniyang tiyakin ng SEC na hindi mapagsasamantahan ng mga tiwaling lenders ang mga kababayang Filipino.
Sa huli, nanawagan din si Salo sa Department of Social Welfare and Development o DSWD na maagang ipamahagi ang cash assistance sa dati at baguhang benepisaryo ng 4Ps na biktima ng kalamidad sa pagsabog ng Taal volcano.
Free Counters
Free Counters