Tuesday, October 29, 2019

Dahilan ng pagkabalam ng ilang mga panukalang binanggit ng Pangulo sa SONA, ipinaliwanag ni Speaker Cayetano

Nagpaliwanag si House Speaker Alan Peter Cayetano kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa naipapasa sa Kamara ang mga panukalang batas na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong State of the Nation Address.
Kabilang dito ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience, Department of OFW at Department of Water.
Ayon kay Cayetano, minabuti nilang unahin ang revenue bills o mga panukala para palakasin ang pangongolekta ng buwis at magkaroon ng sapat na panggastos ang gobyerno sa mga reporma.
Mas madali aniyang lumikha ng mga tanggapan ng pamahalaan kaysa humanap ng perang pambayad kaya ginaeang prayoridad ang tax measures.
Pero tiniyak ni Cayetano na bago matapos ang taon hanggang sa March 2020 ay tatapusin na ang mga naturang panukala at sa katunayan ay magpupulong sila ni Majority Leader Martin Romualdez sa November 4.

Pagbuo ng bagong building standards dahil sa sa mga lindol na nararanasan ng bansa

Hihilingin ni House Deputy Speaker Mikee Romero sa House Committee on Public Works and Highways na iprayoridad ang mga pending bills na may layong bumuo ng bagong building standards kasunod narin ng mga lindol na tumatama ngayon sa bansa.
Ayon kay Romero, mainam na magkaroon ng bagong National Building Code dahil hindi na angkop sa panahon ngayon ang umiiral na building code na nabuo pa sa panahon ng Martial Law noong 1977.
Aniya, dapat magkaroon ng malinaw na batas na nagtatakda ng building standards na dapat masunod sa pagpapatayo ng mga bagong gusali na nakabatay modern technology.
Isinusulong naman ng mambabatas ang House Bill 4008 o ang proposed Philippine Building Act of 2019 na layong ma- repeal ang lumang building code.
Sa huli, ipinunto ni Romero na mahalaga na mai-angat ang building standards para maging handa sa anumang sakuna na tatama sa bansa.

Imingkuhing health-based approach na kampanya kontra iligal na droga ni VP Robredo, dapat maglabas ng detalye

Hinamon ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo na maglabas ng detalye sa mungkahi nito na idaan na lamang sa health-based approach ang kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Cayetano, dapat ilabas ni VP Robredo ang mga programa niya gamit ang health-based approach bago nito punahin ang pamamaraan ng administrasyon sa war on drugs.
Punto pa ng House Speaker, madaling magsabi at madaling mamuna ng programa gamit ang mga "flowery statements" gaya ng binanggit na health-based approach ng pangalawang Pangulo.
Aniya, karaniwang ginagamit sa ibang bansa ang health based-approach sa pagtugon sa mga organic type ng droga gaya ng Marijuana, Morphine at Coccaine na hindi nagdudulot ng "violence" sa mga drug users na iba naman sa kaso ng mga gumagamit ng shabu.
Sa huli, sinabi ni Cayetano na enforcement ang kailangan sa war on drugs lalo pa at karamihan sa mga drug users sa Pilipinas ay gumagamit ng shabu na nakaka-apekto sa utak ng tao.

Pagpasok ng mga magsasaka at pribadong sektor sa corporate farming, ipinanawagan

Hinihikayat ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ang pagpasok ng mga magsasaka at pribadong sektor sa corporate farming. 
Sa ilalim ng House Bill 3369 o Corporate Farming Program ni Garin, kapag nagkaroon ng partnership ang private sector sa mga local farmers ay matutulungan nito ang mga magsasaka sa kanilang pangangailangang pinansiyal at kagamitan. 
Ayon kay Garin, makakatulong ang pribadong sektor para maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga maliliit at marginalized na magsasaka at maiangat ang estado ng agrikultura sa bansa. 
Sa ilalim ng panukala, ang mga korporasyon at partnership na papasok sa kasunduan sa mga magsasaka ay magbibigay ng lahat ng production inputs na kinakailangan tulad ng kagamitan para sa masaganang ani at sila rin ang bibili ng mga produkto.
Ang mga pribadong sektor na papasok sa kontrata ng corporate farming sa mga magsasaka ay mabibigyan naman ng tax incentives na may kinalaman sa farming activities tulad ng pag-i-import ng butong pananim, pataba, at makina sa pagsasaka.

Itinutulak ng mga Muslim Solon sa Kamara ang pagkakaroon muli ng Muslim magistrate sa Korte Suprema.

Ipinahayag ni Deputy Speaker Mujiv Hataman na siya at ang kanyang mga kasamahang mambabatas ay nananawagan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na piliin si Court of Appeals (CA) Associate Justice Japar Dimaampao mula sa shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa susunod na mahistrado ng Korte Suprema kapalit ni Justice Mariano del Castillo na nagretiro na noon pang July 29. 
Paliwanag ni Hataman, 32 taon na ang nakakaraan mula ng may italagang Muslim Associate Justice na si Abdulwahid Bidin sa Supreme Court noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino. 
Ngayon aniya ay napapanahon na na may i-appoint muli na Muslim Magistrate sa SC dahil hinog na naman sa karanasan at kwalipikasyon si Dimaampao sa posisyon. 
Ang mapabilang si Dimaampao sa shortlist ng JBC ay patunay aniya na may mataas itong kwalipikasyon para maupo sa SC. 
Suportado din at ipinapanawagan ng BARMM ang pagtatalaga kay Dimaampao sa Kataas-taasang Hukuman. 

Kumikita ng malaki ang Maynilad at Manila Water kaya hindi sila dapat magdagdag ng singil sa tubig

Ibinulgar ni Buhay Partylist Rep Lito Atienza na malaki ang kinikita ng Maynilad at Manila Water kaya hindi na kakailanganin ang panibagong dagdag na singil sa tubig. 
Sinabi ni Atienza na umabot sa P138 Billion ang kita ng dalawang water concessionaires mula 2006 hanggang 2019.
Ang pganansiya na ito ng Maynilad at Manila Water ay galing din sa 20% environmental charge at 30% sewer charge na kanilang sinisingil sa mga consumers. 
Dahil dito, hindi dapat magpatupad ng water rate increase ang dalawang water concessionaires lalo na ang bantang 780% na dagdag singil sa tubig na ikinakatwiran na para sa pagtatayo ng sewerage at wastewater treatment facility. 
Iginiit ng mambabatas na matagal nang pinagkakakitaan ng dalawang kumpanya ang publiko at dapat ay may naitayo nang pasilidad para sa sewage treatment dahil ilang taon na itong sinisingil sa mga consumers. 
Patunay pa aniya ang malaking kinikita ng Maynilad at Manila Water dahil sa P49 Billion reward na ipinamahagi nito bilang cash dividends sa mga stockholders.

Panawagan sa paggunita ng undas: huwag magsunog o magsigâ ng basura sa mga sementeryo

Ilang araw bago ang pagunita ng undas ay nananawagan ang mga health at enviromental groups sa mga pinoy na huwag magsunog ng basura sa mga sementeryo lalo na at abala ang iba ngayon sa paglilinis sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Sa isang joint public statement, hinihimok nina Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians at ni Zero Waste Campaigner Jove Mendoza na iwasan ang pagsusunog ng mga basura dahil sa masamang dulot nito sa kalikasan at kalusugan.
Punto ng dalawa, ang pagsusunog ng basura ay nagdudulot ng environmental pollutants gaya ng "smoke" at "soot containing toxic fine particles" at iba pang kemikal na delikado kapag nalanghap ng tao.
Magdudulot aniya ito ng asthma, bronchitis at iba pang mga respiratory illnesses lalo na sa mga bata at matatanda na may mahinang immune system.
Bukod dito, paglabag din sa Republic Act 8749 o ang Clean Air Act at sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act ang "open burning" ng mga basura na may karamptang kaparusahan base sa itinatakda ng batas.

Ipinanawagan sa Kamara ang pag-prayoridad ng BFP Modernization Program

Nananawagan si Tingog Partylist Rep Yedda Marie Romualdez sa liderato ng Kamara de Representantes, partikular na kay House Speaker Alan Peter Cayetano na gawing prioridad ang modernization program sa Bureau of Fire Protection (BFP). 
Ang panawagang ito ginawa ng solon matapos tumagal ng 17 oras ang nangyaring sunog sa isang mall sa Tacloban City dahil sa kawalan ng modernong kagamitan ng fire bureau doon. 
Sinabi ni Romualdez na sa 143 LGUs sa Eastern Visayas, 26 dito ang walang fire trucks at wala ring fire stations at kung mayroon man ay mga luma at kakaragkarag na ang mga pamatay-sunog na gamit.
Dahil dito, nais ng kongresista na matayuan ng mga fire station at mabigyan ng makabagong firefighting equipment ang bumbero sa mga kanayunan. 
Hiniling din ng mambabatas na magkaroon ng safety equipment ang mga bumbero lalo pa at delikado ang buhay nila kapag sumusuong sa sunog.

Monday, October 28, 2019

Hinamon ni Rep Hipolito-Castelo ang DA na pangalanan ang mag processed meat product na may ASF

Nananawagan ngayon si Quezon City Rep Precious Hipolito-Castelo sa Department of Agriculture (DA) na i-identify ang mga produktong nagmulâ sa karneng baboy na positibo sa African Swine Flu (ASF) virus.
Sinabi ni Castelo na makakapag-hasik lamang ng takot at maraming katanungan sa publiko ang diumano’y ASF at ito ay magkakaroon ng malaking epekto sa suplay at presyo ng karne.ng baboy.
Ayon sa mambabatas, hindi dapat mangyari ito lalu na na milyun-milyon sa ating mga kababayan ay may pangangailangan ng naturang produkto lalu na at malapit na ang Kapaskuhan.
Marapat lamang umanong pangalanan ang mga contaminated goods ng sa gayun ay hindi naman madamay ang mga produktong walang ASF at magkaroon ng mapagpilian ang taongbayan.
Bagamat sinasabi na wala namang banta sa kalusugan ng tao ang naturang virus, ito naman ay nakaka-alarma sa iilang mga local government units (LGUs) na nakapag-impose na ng ban sa contaminated meat products upang maprotektahan ang kanilang mga industriya ng baboy.

Wednesday, October 23, 2019

Resolusyong may layuning pondohan ang rice subsidy sa ilalim ng GAA 2020, aprubado na sa Komite

Inapruhan na ng House Committee on Agriculture ang unnumbered substitute resolution na layong gamitin ang pondo sa rice subsidy sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) na pambili ng palay ng mga local farmers. 
Ipinasa ng komite na pinamumunuan ni Quezon Rep Mark Enverga ang resolusyon na layong tulungan ang mga naluluging magsasaka. 
Sa resolusyon, inatasan ang National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture na bumili ng palay sa mga magsasaka upang makabawi sa malaking pagkalugi na dulot ng pagbuhos ng murang imported na bigas na bunsod ng Rice Tariffication Law. 
Hinihiling din sa resolusyon na ipamahagi sa mga magsasaka ang aktwal na bigas sa halip na cash. 
Si Deputy Speaker at ABONO Partylist Rep Conrad Estrella III ang nagmosyon na aprubahan ang substitute resolution at iginiit nito ang agad na pagbibigay tulong sa mga kawawang local farmers. 
Naunang inihain sa Kamara ang House Joint Resolution No. 16 ni Deputy Speaker Lray Villafuerte na pinagagamit ang pondong P29 Billion na pondo sa rice subsidy at habang P33 Billion naman sa ilalim ng House Resolution No. 322 ni House Majority Leader Martin Romualdez na pambili ng palay sa mga magsasaka.

Tuesday, October 22, 2019

Bentahan ng mga pekeng PWD cards isiniwalat ng isang mambabatas

Pinasisiyasat ngayon ni ACT CIS Partylist Rep. Eric Go Yap sa Kamara ang paglaganap ng mga ibenebentang Persons With Disability (PWD) cards. 
Sa pulong balitaan sa kamara kanina inihayag ni Yap na naghain siya ng resolusyon na layong ipasilip sa kamara ang isyung PWD ID for sale.
Batay sa House Resolution no 454 na inihain ng mambabatas hiniling nito na magsagawa ng imbestigasyon ang kamara in aid of legislation kaugnay sa umiiral na PWD law ganun din ang proseso ng pamamahagi ng naturang IDs. 
Ang pagsisiwalat na ito ni Yap sa PWD for Sale issue ay nagugat matapos nitong personal na masaksihan ang paggamit ng isang pamilya ng mga PWD IDs na kanyang nakasabay sa isang restaurant sa Binondo gayong wala naman aniyang pisikal na kapansanan ang mga ito.
Dito na nagduda si Yap kung kaya sinubukan niya na pakuhain ang isa nitong kaibigan ng PWD ID na nakakuha naman ng walang kahirap-hirap.
Para magkalap pa ng mga ebidensya expose' na hinggil sa pamemeke ng PWD IDs ay nagpakuha pa ulit siya sa 15 tao at dito nga nadiskubre ni Yap na mayroon ngang bentahan ng PWD card nagkakahalaga ng P3000 ang bawat isang ID.
Dahil dito ay hinamon ng kongresista ang mga Local Government officials na silipin ang proseso ng pamamahagi ng PWD cards sa kanilang nasasakupan.

Mga kandidato bilang susunod na PNP-Chief, hinamon na magpa lifestyle check

Hinamon ni ACT- CIS Rep. Eric Go Yap ang mga kandidato bilang susunod na PNP Chief na sumalang sa lifestyle check upang masuri kung nasangkot ba ito sa anomang isyu at kontrobersya sa serbisyo.
Ang panawagan ay ginawa matapos huli na ng madiskubre ang pagkakadawit ni resigned PNP Chief Oscar Albayalde sa isyu ng ‘Ninja Cops’ matapos ang maanomalyang police operation sa Mexico Pampanga noong 2013.
Ayon kay Yap, dapat masuri na ngayon palang ang ‘track record’ ng mga aspiring PNP Chief upang maiwasan na maapektuhan ang buong institusyon gaya ng nangyari kamakailan sa kaso ni General Albayalde.
Punto pa ng mambabatas, kung walang tinatago ang isang aspirant ay wala itong dapat ipangamba sa mungkahing lifestyle check para maprotektahan ang kapakanan ng libo-libong police force sa bansa.
Ilan naman sa mga matutunog na aspirants ngayon bilang susunod na PNP Chief ay sina PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa, PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Camilo Cascolan, Chief Directorial Staff, Maj. Gen. Guillermo Eleazar at si Calabarzon Police Chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr.

Paglaganap ng fake Persons With Disability (PWD) ID, pinaiimbistigahan

Pinasisilip ni ACT CIS Partylist Rep. Eric Go Yap sa Kamara ang paglaganap ng Persons With Disability (PWD) ID for sale. 
Sa House Resolution 454 na inihain ni Yap, pinaiimbestigahan nito in aid of legislation ang implementasyon ng PWD Law gayundin ang proseso ng issuance ng PWD IDs. 
Ang hiling na pagsisiyasat sa PWD for Sale ay matapos masaksihan ng personal ni Yap ang paggamit ng isang pamilya ng mga PWD IDs na kanyang nakasabay sa isang restaurant. 
Bagamat wala siyang makita agad na kapansanan sa mga ito, nagduda si Yap na halos lahat ng myembro ng pamilya ay may PWD IDs.
Dahil dito, sinubukan ni Yap na pakuhain ang isa nitong kaibigan ng PWD ID na nakakuha naman ng walang kahirap-hirap. 
Para ma-justify na tama ang kanyang paniniwala na napepeke ang mga PWD IDs ay nagpakuha pa ulit siya sa 15 tao na agad ding nabigyan ng identification cards sa halagang P3,000 bawat isa. 
Dahil dito, hiniling ni Yap na siyasatin ito ng Kamara dahil maraming mahihirap na may kapansana ang hindi nakakakuha ng ID dahil walang perang panlakad para sa mga requirements. 
Hinamon din ng kongresista ang mga Alkalde at mga LGUs na silipin ang proseso sa pagkuha sa kanilang PWD IDs. 
Pinasusuko din ni Yap sa mga indibidwal ang kanilang kinuha na PWD IDs.

Mike Defensor: Posibleng mahaharap sa criminal liability ang mga ospital na hindi susunod sa implementasyon ng Universal Health Care Law

Ito ay kasunod ng banta ng 600 private hospitals na hindi na magrerenew ng accreditation sa Philhealth dahil sa hindi nabayarang claims na aabot sa P2.5 Billion. 
Giit ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor, isang krimen ang hindi pakikibahagi ng mga ospital sa UHCL at malaki ang magiging epekto nito sa libu-libong mahihirap na Pilipino na umaasa sa mabilis na access sa health care. 
Sinabi ni Defensor na kung isasabotahe ng mga ospital ang UHCL ay dapat na maharap ang mga ito sa multa at kaso. 
Sakali mang hindi tumupad ang mga private hospitals sa UHCL ay hindi siya magdadalawang isip na magpasa ng resolusyon para lagyan ng penal provision ang batas. 
Sangayon din ang kongresista sa plano ng PhilHealth na linisin ang mga fake claims na nakakaubos sa pondo ng ahensya. 
Dapat din aniyang higpitan na ito at gawing computerized upang sa gayon ay maging malinaw kung anong mga health claims na ginagamit at binabayaran ng PhilHealth sa mga ospital.

Pagpapalit ng leadership ang Kamara, hindi na kailangan pa ayon sa iilang mga solon

Kung sila Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at ACT CIS Partylist Rep. Eric Go Yap ang tatanungin, maganda ang nagiging takbo ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano. 
Sa kasaysayan din ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng termino ni Cayetano nakakuha ang Kamara ng mataas na rating. 
Naging maayos at mabilis din ang proseso sa Kamara sa pagapruba ng mga mahahalagang panukalang batas tulad ng 2020 budget at mga tax reform bills. 
Katwiran pa nila Defensor at Yap, may ilang mga komite na ngayon pa lang Nobyembre nabuo at nagsisimulang magtrabaho kaya kung magpapalit ng liderato ay tiyak na magpapalit din lahat ng Committee Chairmanships na makakaapekto naman sa mga nakalinyang trabaho ng Kamara. 
Bukod dito ang kasunduan naman ng term sharing ay sa pagitan nila Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na pawang verbal agreement lamang at walang napirmahang kasunduan. 
Pero sakali mang magkaroon ng pagpapalit ng leadership ay dapat na dumaan ito sa botohan para malaman din kung sino ang gusto ng mga kongresista na Speaker.

Dating kasamahan sa Senado at mga kongresista, nagpa-abot ng pakikiramay sa pamilya ni Former Senate Presidet Aquilino Pimentel, Jr.

Si former Senate President Nene Pimentel inalala ng mga dati nitong kasamahan sa Senado at ilang kongresista nagpaabot din ng pakikiramay.
Nagpaabot ng pakikiramay ang liderto at mga miyembro ng kamara sa naiwang pamilya ng pumanaw na si dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cateyano, bilang dating kasamahan niya sa senado ay saksi siya sa professionalism at dedikasyon sa trabaho na ipinakita ng dating senate President na nagsilbi aniyang inspirasyon sa kanya at sa iba pang mga public servants.
Dagdag pa ni Cayetano, bilang tinaguriang ama ng "Local Government Code" ang hindi matatawarang serbisyo at kontribusyon ni Pimentel sa bayan partikular sa pagpapalakas ng mga local Government Units (LGUs) ay habambuhay na tatawin ng mga pilipino.
Kaugnay nito ay nagpaabot din ng pakikidalamhati si Dating Senador at ngayoy House Deputy Speaker Loren Legarda dahil sa pagpanaw ni Pimentel na inilarawan pa nitong "welcoming colleague na senador".
Sinabi pa ni Legarda, noong una siyang maging senador noong 1998 ay hindi niya makakalimutan ang pagiging mapagbigay ni Pimentel ng payo hinggil sa mga legilative process at ang pantay na pagturing nito sa mga neophyte senators.
Para naman sa ibang mga kongresita, naway magsilbi si Pimentel bilang inspirasyon at modelo ng pagiging isang totoong lingkod bayan.

Dagdag sahod para sa mga government nurses, popondohan

Hinimok ang Kamara at Senado na magpasa ng isang joint resolusyon para mapondohan ang dagdag sahod para sa mga government nurses sa bansa
Inerekomenda ni House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na magpasa ng isang joint resolution ang Senado at Kamara para maibigay ang nararapat na sahod para sa mga nurse na nagtatrabaho sa mga government hospitals at iba pang government health facilities sa bansa.
Ayon kay Defensor, ang pagpapasa ng isang joint resolution lamang ang tanging paraan para magkaroon na  ng pondo at maibigay ang P30,531.00 na buwanang sahod para sa mga government nurses.
Sa ngayon kasi , umaabot lamang sa P20,000  o SG 11 ang sahod ng isang government nurse sa bansa na hindi umano sapat sa kanilang pangangailangan.
Matatandaan na pinaboran ng Korte Suprema ang kaso ng mga government Nurse na kailangang sumahod ang mga ito ng salary grade (SG) 15 na nakasaad sa Republic Act  (RA) 9173  Philippine Nursing Act of 2002.
Dahil dito ay iginiit ng mambabatas na kailangang sumunod ang gobyerno sa batas na ibigay ang nararapat na sahod sa mga government nurse na isa sa mga may maliit na sahod sa burukrasya.

Monday, October 21, 2019

Priority agenda ng Kamara sa pagbubukas ng Kongreso sa a4 ng Nobyembre, inilatag na, ayon kay Speaker Cayetano

Inilatag na ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang tatlong priority agenda ng kamara para sa pagbubukas sesyon ng kongreso sa Nobyembre a-4.
Una sa prayoridad ng kamara ang paghahanda sa bicam para sa 2020 budget dahil may mga ahensya na dapat madagdagan ang pondo at ilan pang ammendments na ipapasok nila sa budget.
Ayon kay Cayetano, nagpapatuloy ang ugnayan nila ng mga Senador sa mga pagbabagong gagawin sa bicam upang mapabilis ang pagpasa sa pambansang pondo sa susunod na taon.
Ikalawa sa prayoridad ng kamara ay ang pagpasa ng mga revenue bills o ang mga tax reform packages ng administrasyon na layong pondohan ang mga programa pamahalaan.
Pangatlo sa tututukan ng mababang kapulungan ay ang social services program gaya ng conditional cash transfer program na nais nilang gawin na unconditional cash transfer program para lahat ng mga pinaka-nangangailangang Pilipino sa buong bansa ay makinabang dito.

Tuesday, October 15, 2019

Hinimok ang mg barangay officials na tiyaking present ang mga magulang sa tuwing bibisita ang vaccination teams ng barangay

Hinimok ni House Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy ang mga opisyal ng barangay  na siguraduhin ang presensya ng mga magulang sa tuwing magsasagawa ng bakuna.
Ginawa ni Dy ang pahayag kasabay ng pagsisimula ng  ng unang araw ng NCR-WIDE ‘PATAK KONTRA-POLIO’ VACCINATION program kahapon. 
Ayon sa mambabatas, madalas na problema  sa tuwing nagsasagawa ng  Barangay level house-to-house vaccination   ay wala sa bahay ang mga magulang at walang naiiwan man lang na guardian ng mga batang babakunahan.
Giit pa ng mambabatas  isa ring Ina, bukod sa pagkakaantala ng pagbakuna sa mga bata ang kawalan ng presensya ng magulang sa tahanan ay senyales  din aniya na unsupervised ang mga bata na naglalagay sa kanila sa peligro.
Dahil dito ay nanawagan si Dy  sa mga Barangay Captains at kagawad na mas lalo pang maging masigasig sa pagpapaala sa mga magulang sa kanilang nasasakopan na mahalaga  na present ang mga ito oras  na bakunahan ang kanilang mga anak.
Samanatla ang  unang wave ng Libreng Oral Polio Vaccine sa NCR  ay mula October 14-27 habang ang 2nd wave  naman ay maguumpisa sa November 25 to December 7, 2019  para sa mga bata edad 0-59 months at hindi lalagpas sa 5 taong gulang.

Ipinagmamalaki ng Kamara na ito ay nakapagpasa ng 18 panukalang batas sa loob ng 20 session days - ML Romualdez

18 panukalang batas na naipasa sa loob ng 20 araw na House sessions, ipinagmalaki ng Liderato ng kamara 
Sa kabila ng iringan sa House speakership ay nagawa pa rin ng mga mambabatas na maiproseso ang mahigit 200 legislative measures sa ilalim ng 18th congress. 
Ayon kay House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, simula noong July 22 hanggang october 8, 2019 ay nasa 5,566 na mga mga house Bills at 70 committee reports ang naiproseso kamara.
Kabilang aniya sa 220 measures na inaprubahan ng kongreso ang 4.1 trilyon pisong 2020 National Budget ng administrasyon na naaprubahan bago magrecess ang mga kongresista.
Bukod sa pambansang budget ay naaprubahan din sa loob ng 20 araw na sesyon ang HB No. 1026 na magpapataw ng karagdagang excise tax sa alcohol, tobacco at vape products, HB No. 300 o amendment to the Foreign Investment Act of 1991, HB No. 304 o Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA), and HB No. 4157 or the Corporate Income Tax at Incentive Rationalization Act (CITIRA). 
Sa huli ay pinuri din Romualdez si house Speaker Alan Peter Cayetano sa mataas nitong Approval at Trust rating sa September 2019 survey ng Pulse Asia.

Monday, October 14, 2019

Pagbabasa ng Bibliya, isinusulong na gawing mandatory sa elementary at high school sa Kamara

Isinusulong na gawing “mandatory” ang pagbabasa ng Bibliya sa lahat ng pampublikong elementarya at sekondarya sa bansa.
Sa House Bill 2069 ni House Minority Leader Bienvenido Abante, na isa ring senior pastor ng Metropolitan Bible Baptist Ekklesia, ang polisiyang ito ay magiging “patnubay” ng tao, lalo na ng mga lider ng bansa para sa landas ng kabanalan.
Aminado si Abante na bagamat isang Kristyanong bansa sa Asya ang Pilipinas, nabibigo naman ang mga Pinoy na tunay na tanggapin ang kahalagahan at kapangyarihan ng Bibliya.
Isasama ang pagbabasa, pagtalakay at pagsusuri sa nilalaman ng Bibliya sa English at Filipino subjects.
Para naman sa mga Muslim students, ang kaparehong subjects ang magko-cover pero sang-ayon sa Quran ang batayan. 
Inaasahan din ang kalihim ng Department of Education para gumawa ng IRR o implementing rules and regulations para sa tamang pagsunod sa probisyon ng panukalang batas sa loob ng 30 araw mula sa implementasyon nito. 

Mandatory Commute para sa mga opisyal ng gobyerno balak isulong sa kamara

Balak ngayon ni House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chair at Iligan City Lone District Rep. Frederick Siao na isulong sa kamara ang panukala na layong mag obliga sa mga government officials na mag commute tuwing lunes.
Ayon kay Siao, ang bill na ito ay tatawagin na Public Servants' Commuting via Public Transport Act kasunod narin ng ginawang pag commute ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kung saan inabot ito ng halos apat na oras na  byahe mula Marikina hanggang Malakanyang noong Biyernes.
Paliwanag pa ni Siao bukod sa mababawasan ang mga sasakyan sa kalsada ay nais din ng panukala na ipabatid sa mga opisyal ng pamahalaan ang hirap na nararanasan ng  publiko sa  pag commute araw-araw.
Pagtitiyak ng kongresista Kapag naisabatas ang naturang bill ay  makakaasa aniya  ang publiko na mas mamadaliin ng mga government officials na solusyunan ang problema sa transportasyon.

DS Abu: Lalawigan ng Batangas, tiniyak na ASF free

Tiniyak ni House Deputy Speaker at Batangas 2nd District Representative Raneo Abu na African Swine Flu ( ASF) free ang buong lalawigan ng Batangas.
Upang patunayan ito ay isang boodle fight ang pinangunahan ng kongresista kasama ang mga kawani ng Media at ilang opisyal ng probinsya upang ipakita sa publiko na ligtas kainin ang mga karneng baboy na mula sa lalawigan ng Batangas. 
Ayon kay Abu simula pa lamang ng pumutok ang balita hinggil sa mga naitatalang kaso ng ASF sa Metro Manila ay naka-alerto agad ang mga lokal na otoridad sa probinsya para siguraduhin na walang mga baboy na apektado ng ASF ang makakapasok sa lugar sa pamamagitan ng mga pinaigting na check point sa mga lagusan ng Batangas.
Sa kabila nito ay pina-alalahanan parin ng mambabatas ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng karne ng baboy lalo pa sa panahon ngayon na uso ang swine diseases tulad ng ASF .
Ang Batangas ay isa mga kalapit na probinsya sa NCR na nagsusupply ng karne ng baboy at livestock products sa Metro Manila.

PET, hinimok na tapusin na ang pagdinig sa 2016 Vice-Presidential electiral protest

Presidential Electoral Tribunal ( PET), hinimok ng isang kongresista na tapusin na ang padinig sa 2016 Vice Presidential electoral protest
Nanawagan si Magdalo Party-list Rep. Manuel Cabotchan sa Presidential Electoral Tribunal o (PET)na tapusin na ang deliberasyon sa 2016 vice presidential electoral protest.
Ayon kay Cabotchan, dapat  ilabas na ng   korte Suprema ang pinal na desisyon hinggil sa protesta na inihain ni dating Senator Bongbong Marcos kay Vice President Leni Robredo. 
Giit ni pa ng mambabatas  habang tumatagal ang delay sa proseso ay  lalo lamang aniyang gumulo ang isipan ng publiko at ng dalawang panig hinggil sa kaso. 
Dagdag pa ni Cabotchan dapat din aniyang matuldokan na ang kumakalt na spekulasyon hinggil sa recount ng boto dahil nakakaapekto lamang ito sa dignidad  nagdaang halalan.
Si Cabotchan ay isa lamang sa mga taga supporta ng pangalawang pangulo sa kamara na mariing tumututol sa mga balitang nanalo na si Marcos sa electoral protest laban kay Robredo.

Matinding traffic sa Edsa, nakaambang mangyari umpisa sa huling linggo ng Nobyembre

Nagbabala si Caloocan City Rep. Edgar Erice sa nakaambang matinding problema ng traffic sa EDSA na nakaambang mangyari sa huling linggo  ng Nobyembre.
Ayon kay Erice, asahan na raw ang pinakamalalang sitwasyong ng traffic sa EDSA dahil sa Christmas Rush at sa Hosting ng Pilipinas sa SEA Games kung saan 20% ng vehicular traffic ang maidaragdag.
Pangamba pa ng kongresista, magiging virtual parking space nanaman ang EDSA at libo-libong commuters na naman ang maaapektuhan.
Dahil diyan, muling nananawagan ang kongresista na magpatupad ang mga kinauukulan ng immediate temporary solution sa ilalim ng pagpapatupad ng ban sa lahat ng mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush sa umaga at gabi.
Ani Erice, mainam na magpatupad ng ban mula 6-9AM at 6-9PM upang maging mass transport highway ang EDSA kung saan prayoridad ang mga commuters.

Tuesday, October 08, 2019

Dapat isyuhan ng ID cards ang lahat na POGO workers sa bansa ayon sa isang solon

Dapat isyuhan ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ng identification cards ang lahat na mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers sa bansa.
Ito ang iminungkahi ni House Committee on Games and Amusements Vice-Chairman at Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa nabanggit na ahensiya.
Sinabi ni Ong na nagiisyu lamang ang PAGCOR ng Gaming Employment License (GEL) sa mga gaming industry employees maliban sa mga POGO workers na karamihan ay mga Chinese Nationals. 
Maliban dito, ang lisensya na iniisyu ng PAGCOR na nagkakahalaga ng P4,000 sa kada indibidwal ay pawang sertipikasyon lamang at wala itong kasamang ID card.
Dahil dito, nanawagan si Ong sa PAGCOR na palawigin nito ang pagiisyu ng lisensya sa mga POGO Chinese workers gayundin ang pagiisyu ng ID cards sa mga ito. 
Sa proposed ID para sa mga foreign POGO workers ay nakalagay ang kanilang BID number, Tax Identification Number, larawan, kaarawan, employment name at address ng kanilang opisina at address ng temporary residence.
Makakatulong ang ID para sa mga immigration at law enforcers na matukoy kung sino ang ligal at hindi ligal na POGO worker. 
Matutulungan din ng ID ang mga dayuhang POGO workers na maproteksyunan sila laban sa mga otoridad na magtatangkang mangikil sa kanila.

Marapat na maaprubahan na ng Kamara ang pagtatatag ng Department of Water Resources

Mamadaliin ng Kamara de Representantes na maaprubahan ang pagtatatag ng Department of Water Resources. 
Sa pulong ng joint technical working group ng House Committees on Government Reorganization at Public Works and Highways ngayong araw, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na target na maaprubahan sa Enero 2020 ang pagkakaroon ng water department. 
Sa pagbabalik naman ng sesyon ng Kamara ay tatapusin naman ang report para sa pagapruba ng komite sa substitute bills ng panukala.
Sa oras na maipasa ang DOWR, agad na hihilingin ang paglalaan ng pondo sa ahensya para sa missionary water connection upang makabitan ng koneksyon ng tubig ang mga kabahayan lalo na ang mga nasa malalayong lugar at mga conflict-affected areas. 
Lumalabas sa ginawang pagpupulong na 43% lamang sa bansa ang may water connection at maraming mapagkukunan ng tubig na hindi naman nama-manage o nagagamit ng tama. 
Pinag-aaralan din ng dalawang komite kung maaaring i-advance ang P420 Billion na pondo sa waste water management sa loob ng 20 taon. 
Aabot lamang sa 24% ang waste water treatment ng Maynilad at Manila Water kaya ang mga tubig na lumalabas sa mga kabahayan papuntang kanal, ilog at dagat ay madumi o hindi treated. 
Samantala, suportado naman ng mga stakeholders na dumalo sa pulong ang pagtatag ng Department of Water Resources at Commission on Water Resources.

Monday, October 07, 2019

ML Romualdez: Mataas na approval rating ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa survey ng Pulse Asia, welcome development

Ipinahayag ni House Majority Floor Leader Martin Romualdez na welcome development para sa kanila sa Kamara de Representantes ang mataas na approval rating na nakuha ni House Speaker Alan Peter Cayetano batay sa September 2019 Ulat sa Bayan Survey ng Pulse Asia.
Sinabi ni Romualdez na welcome development para sa kanila na nakikita ng taumbayan ang pagkakaisa ng mga mambabatas sa Kamara sa pagbuo ng mga mahahalagang panukala.
Ayon sa kanya, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng rating ang Pulse Asia kay Speaker Cayetano at masaya sila sa Mababang Kapulungan sa tiwala ng publiko sa institusyon.
Dahil sa resulta ng survey, giit ni Romualdez na mas pag-iigihan pa nila sa Kamara ang pagtatrabaho lalo na ang pagpasa ng mga de-kalidad na panukala para sa ika-aangat ng buhay ng mga Pilipino.
Samantala, sa kaparehong survey, 72% ang nakuhang trust rating ni Senate President Vicente Sotto III, 50% ang approval rating ni Vice President Leni Robredo, 42% kay Chief Justice Lucas Bersamin at 78% naman kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Reaksiyon hinggil sa kontrobersiya kay PNP Director General Oscar Albayalde at ang diumano’y ninja cops

Ipinahayag ni ACT-CIS partylist Rep Eric Go Yap na nakatutok ang sambayanan sa kasalukuyang takbo ng imbestigasyon na ginagawa ng Senado kaugnay ng talamak na isyu ng drug recycling na kinasasangkutan ng Philippine National Police. 
Ayon sa kanya, nagsimula lamang ang pagdinig na ito dahil sa isyu ng GCTA ngunit maraming na-diskubreng problema habang umuusad ito kaya’t hayaan na lamang umano na gumulong ang imbestigasyon hanggang maglabas ng report ang Senate Blue Ribbon Committee ukol dito ngunit sa nadidinig natin, mukhang isang malaking cover up ang nangyayari.
Kung totoo man, ito ay nakakahiya, nakakasuka at hindi katanggap-tanggap, dagdag pa niya.
Simula pa lamang umano ang aktuwal na buy bust operation ng mga "ninja cops" kung saan napakaraming lapses na nangyari at inconsistencies hanggang sa mga naging desisyon sa paghawak ng kasong isinampa laban sa kanila.
Nakakabahala ang mga lumalabas na impormasyon sa pagdinig ng Senado, sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat may internal cleansing sa kapulisan.

Thursday, October 03, 2019

Panukalang pagpapaliban ng Barangay at SK elections, pumasa na sa Kamara de Representantes

Pumasa na sa ikalawang pagbasa ang panukalang postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections na naka-schedule sa susunod na taon.
Inaprubahan ng Kamara de Representantes ang amiyenda na magliliban ng araw ng eleksiyon na gagawin na sa ika-5 ng Disyembre 2022 sa halip na Mayo 2023 batay sa orihinal na panukala.
Itatakda rin sa naturang panukalang barangay at SK elections sa unang Lunes ng Disyembre kada tatlong taon matapos ang 2022 na botohan.
Nakatakda pang ipasa ng Kamara sa pangatlo at pinal na pagbasa ang nabanggit na panukala sa pag-resume ng Kongreso galing sa isang buwang break nito sa ika-4 ng Nobyembre.
Nauna nang ipinahayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ni-realign na ng Mababng Kapulungan ang P5.7 Billion na naka-laan para sa 2020 barangay at SK elections para madagdagan ang pondo para sa iilang mga ahensiyang pamahalaan, kasama na ang Agriculture at Education ments.
Matatandaang ipinasa na ng Senado sa pangatlo at pinal na pagbasa ang kahalintulad ding panukalang batas na magpo-postpone sa December 5,2022.
Kung maipasang maging batas na ang mga panukalang ito, ang mga incumbent barangay at SK officials ay mananatili sa kanilang mga puwesto hanggang sa susunod na eleksiyon, unless sila ay alisin o ma-suspend sa kanilang mga posisyon.

DS Pimentel: Re-alignment ng pondo para sa PNR para pambili ng karagdagang train sets, ihihirit sa Bicam ng 2020 budget

Susubukan ng mga kinatawan mula sa House Committee on Transportation na isulong sa bicam na mabigyan ng pondo ang pagbili ng bagong train sets para sa Philppine National Railways (PNR) para sa 2020. 
Sa hearing ng komite kaninang umaga, inaprubahan ang mosyon ni Deputy Speaker Johny Pimentel na mabigyan ng pondo ang PNR para bumili ng karagdagang train sets dahil luma at kulang na ang mga tumatakbong tren sa kasalukuyan.
Ayon kay Pimentel, titignan nila sa Bicam kung mayroong pwedeng item sa 2020 proposed budget na maaaring  mare-align para sa PNR subalit kung wala ay pinatitiyak nito na magkakaroon ng pondo ang programa sa 2021.
Sinabi naman ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento na 9 na bagong train sets ang nabili ng PNR sa halagang P3-Billion ngayong taon, bagay na dapat maipagpatuloy sa 2020.
Sa ngayon ay walang nailaang pondo para sa train acquisition ang PNR sa 2020, bagay na pinanghihinayangan ng mga kongresista na hindi natutukan sa mga nakaraang budget deliberations.

Problema sa trapik, lalu na ngayong holiday season, tutuganan sa tinalakay na mga plano ng mga ahensiyang pamahalaan

Tinalakay ngayon ng House Committee on Transportation ang plano ng mga ahensya ng pamahlaan upang tugunan ang problema sa traffic ngayong holiday season.
Natalakay sa hearing ang posibilidad na magkaroon ng adjustment sa mall operating hours upang maibsan ang congestion sa mga traffic choke points malapit sa mga mall.
Napag-usapan din ang traffic congestion sa mga daanan papuntang NAIA Terminal at ang passenger congestion naman sa mga paliparan tuwing pasko.
Ipinunto naman ni Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento na dapat matugunan ang epektibong bus dispatch system upang matugunan ang problema sa traffic.
Dumalo naman sa hearing ang mga taga DPWH, DOTr, MIAA at iba pang stakeholders.

Wednesday, October 02, 2019

Abante: Sampal sa soberanya ng bansa ang hakbang ng US Senate na ipagbawal ang pagpasok sa America ng mga Filipinong opisyal na nasa likod ng pagkakakulong ni Senator De Lima

Ipinahayag ni House Minority Leader Benny Abante na sampal sa mukha at sa soberanya ng bansa ang hakbang ng US Senate Appropriations Committee na ipagbawal ang pagpasok sa Amerika ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas na nasa likod ng pagkakakulong ni Senator Leila De Lima. 
Tutol si Abante sa aksyon ng Senado ng US kaya't hiniling nito na bawiin ng mga US senators ang ipinasang amendment. 
Paliwanag pa ng mambabatas, anuman ang posisyon sa pagkakadetine kay de Lima ay hindi dapat pinanghihimasukan ang legal na proseso ng bansa. 
Idinagdag pa ng mambabatas na iregular ang banta na ito ng US dahil tila dinidiktahan nila ang ating hukom sa magiging desisyon sa kaso ni De Lima na ngayon ay ongoing pa rin ang paglilitis. 
Dahil dito, nangangamba si Abante kung papaano pa magiging patas ang hukom gayong inaatake ng Estados Unidos ang judicial independence ng bansa.

Salceda: Bawat makinang pinatatakbo ng POGO, dapat kolektahan na rin ng buwis

Isinusulong ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na mangolekta na rin ng buwis sa bawat makinang pinapatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO. 
Ihahain ni Salceda sa susunod na Linggo ang pagpapataw ng $1,000 corporate income tax sa kada seat o computer na ginagamit sa POGO. 
Dahil dito inaasahang makakalikom ang bansa ng dagdag na P25 Billion na kita mula sa corporate income tax sa mga makina ng POGO. 
Naniniwala si Salceda na ito ang magiging circuit breaker at best measures na rin upang makontrol ang mabilis na paggalaw at pagdami ng POGO sa Pilipinas.
Ito rin aniya ang nakikita niyang paraan para mapababa ang systematic risk sa ekonomiya ng POGO sapagkat 1.5% ang contribution nito sa gross domestic product ng bansa.
Makakakolekta rin ang Bureau of Internal Revenue ng P76 Billion mula sa withholding tax ng POGO workers at aangat ang kita ng bansa ng nasa P101 Billion kada taon at bukod pa ito sa P300 Million franchise fee na binabayaran ng POGO sa PAGCOR at P378 Million na withholding tax.

Tuesday, October 01, 2019

Amiyenda sa Centenarian Law para babaan ang age requirement ng makatatanggap na senior ng cash gift, isinusulong sa Kamara

Isinusulong ngayon ni ACT-CIS Partylist Rep Eric Go Yap ang panukalang batas na layong amiyendahan ang Republic Act No. 10868 o kilala sa katawagangCentenarian Law para babaan ang age requirement para matanggap ng isang senior citizen ang kaniyang cash gift.
Aamiyendahan ng House Bill 4895 ni Yap ang Section 2 ng naturang batas upang ibaba sa 75 years old ang mga matatandang makatatanggap ng cash gift hanggang umabot sa isandaang taong gulang.
Nasa 20,000 pesos ang tatanggapin ng isang senior citizen pagtuntong niya ng 75 years old at muling bibigyan ng 20,000 pesos kada limang taon hanggang umabot siya sa 100 years old.
Paliwanag ng kongresista, moral obligation ng pamahalaan ang pagbibigay ng cash gift sa mga matatanda kahit pa maliit na halaga lamang ang iaabot na tulong sa kanila.
Ayon pa sa mambabatas, mayroong mga 60 years old seniors na ngayon palamang ay hirap na sa pambili ng mga kinakailangang gamot lalo na ang mga walang natatanggap na pensyon mula sa pamahalaan.

Defensor: Dapat siyasatin kung saan napunta ang P35M na nahalaga ng bounty money para sa pumatay kay Ako-Bicol partylist Rep Rodel Batocabe

Iminungkahi ni Anakalusugan Partylist Rep Mike Defensor sa House Committe on Public Accounts kung saan napunta ang P35M na halaga ng bounty money na ipinatong sa ulo ng mga pumatay kay Ako-Bicol partylist Rep Rodel Batocabe.
Ang mungkahi ay kanyang ipinahayag matapos ihain ni House Minority Leader Benny Abante ang House Resolution No. 384 na layong paimbestigahan ang disbursement ng reward money na pinagtulungang buuin ng House of Representatives, Office of the President at ng Albay Provincial Government.
Batay sa impormasyon na nakarating sa tanggapan ng Minority Leader, may mga testigo umano sa kaso na hindi pa nakakakuha ng kanilang parte sa reward money na maaaring dahilan para umatras ang mga ito sa pagtestigo laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo na siyang primary suspect sa pagpatay.
Dahil dito, umaasa si Defensor na sana ay hindi ma-"ninja" o mawala ang nabanggit na pondo para sa kaso ng yumaong kongresista para makamit ang hustisya ng pamilya Batocabe.
Matatandaang nasa P20M ang pondong galing sa Office of the President, P13M ang ambag ng mga kongresista sa nagdaang 17th Congress habang P2M naman ang galing sa provincial government ng Albay.

50% sa Motor Vehicle Users Charge or MVUC road users tax, dapat gamitin para sa road safety

Tutol ang ilang kongresista na mapunta sa Universal Healthcare Law ang ilang kikitain mula sa panukalang naglalayong taasan ang sinisingil na Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road user’s tax.
Sa inihain na House Bill 4695 ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, 50 porsiyento ng revenue ng MVUC ay ilalaan sa Universal Healthcare Law at 50 percent din para sa jeepney modernization.
Sa pagdinig ng komite nitong araw, binigyan diin ni House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte na may ibang maaring pagkuhanan ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Healthcare Law katulad ng “off budget” mula sa Pagcor at savings mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Bukod dito, malaki na rin aniya ang kinikita ng Philhealth mula sa mga premium contributions pa lamang.
Lumalabas ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo na P144 billion ang nakolekta na ng PhilHealth sa premium contributions.
Sapat na aniya ang naturang halaga para bayaran ang hospitalization at primary care ng mga pasiyente na layong tulungan ng Universal Healthcare Law.
“Bakit pa hihingi ng dagdag na pondo kung sobra-sobra na ang natatanggap po ninyong pondo sa premium pa lamang,” ani Quimbo.
Mas mainam ayon kay Quimbo na ilagay na lamang ang 50 percent allocation ng MVUC sa road safety.
Suportado ito ni Villafuerte sa pagsasabi na ito naman talaga ang nilalayon ng panukalang taasan ang road user’s tax.

Pagkaka-release ng isang Pinoy seafarer na nadetine sa Iran noong July pa, ipinagbunyi ng Marino partylist group

Ipinagabunyi ni Marino Partylis Rep Sandro Gonzalez ang pagkaka-release ng bansang Iran sa isang Filipino seafarer na nagsilbe bilang first officer ng isang British-flagged na oil tanter na nadetine magmula noong buwan ng Hulyo.
Ang nabanggit na oil tanker ay dinitine ng Iranian Revolutionary Guards ngunit ito ay naka-alis din sa Iranian waters at nakadaong na ngyon sa Dubai.
Sinabi ni Gonzalez na ang naturang aksiyon ng Iranian government ay magandang development para sa iba pang mga Filipino tugboat crewmember na naaresto rin dahil diumano sa fuel smuggling.
Nauna rito, sinulatan ni Gonzalez si Iranian Ambassador to the Philippines Mohammad Tanhei para himingi ng tulong para sa mabilis na paglitis sa mga detinadong seafarer at tinugunan naman ito ng embahador ng positibo.
Umaasa si Gonzalez na ang insidente, bagama’t ito ay nagkaroon ng happy ending, ay makapagpapakita na tunay na peligroso ang buhay ng  mga seafarer at maging hudyat na para makakalap ng suporta para sa Magna Carta for Seafarers na siya namang inaasahang makatutulong sa kanila habang sila ay sumusuong sa hirap doon sa laot.
Free Counters
Free Counters