Dagdag sahod para sa mga government nurses, popondohan
Hinimok ang Kamara at Senado na magpasa ng isang joint resolusyon para mapondohan ang dagdag sahod para sa mga government nurses sa bansa
Inerekomenda ni House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na magpasa ng isang joint resolution ang Senado at Kamara para maibigay ang nararapat na sahod para sa mga nurse na nagtatrabaho sa mga government hospitals at iba pang government health facilities sa bansa.
Ayon kay Defensor, ang pagpapasa ng isang joint resolution lamang ang tanging paraan para magkaroon na ng pondo at maibigay ang P30,531.00 na buwanang sahod para sa mga government nurses.
Sa ngayon kasi , umaabot lamang sa P20,000 o SG 11 ang sahod ng isang government nurse sa bansa na hindi umano sapat sa kanilang pangangailangan.
Matatandaan na pinaboran ng Korte Suprema ang kaso ng mga government Nurse na kailangang sumahod ang mga ito ng salary grade (SG) 15 na nakasaad sa Republic Act (RA) 9173 Philippine Nursing Act of 2002.
Dahil dito ay iginiit ng mambabatas na kailangang sumunod ang gobyerno sa batas na ibigay ang nararapat na sahod sa mga government nurse na isa sa mga may maliit na sahod sa burukrasya.
<< Home